Saturday, August 10, 2013
Kabataang Pinoy 101
ni Bebang Siy para sa kolum na KAPIKULPI (Kapiraso ng Kulturang Pinoy) sa Perlas ng Silangan Balita Cavite
Marami akong natuklasan sa sanaysay na isinulat ng aking mga estudyante. Karaniwan lang ang paksang ibinigay ko para sa sanaysay nila pero nakilala ko nang husto ang henerasyong ito.
Ang personal na sanaysay na ipinasulat ko on the spot ay katumbas ng aming mahabang pagsusulit. Hindi na ako nagulat nang makita kong tadtad ng typographical error, maling pagbaybay, maling gamit ng maliit at malaking titik, maling gramatika at iba pa ang kanilang mga akda. Marami ding sanaysay ang walang pokus sa paksa o di kaya ay likido ang estruktura, kung saan-saan napunta.
Gayumpaman ay marami pa rin akong natutuhan mula sa mga akda ng estudyante kong 1st year at second year students sa isang pribadong kolehiyo sa Maynila. Ang ibang estudyante ay mula sa Kalakhang Maynila ngunit marami din ang mula sa malalapit na lalawigan tulad ng Cavite at Bulacan. Galing sila sa private at public high schools. Marami ang galing sa may kayang pamilya ngunit marami din ang galing sa hindi masyadong mayaman na pamilya. Ang age range ng mga manunulat ng sanaysay ay 15 to 26 years old.
Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ng kabataan ngayon?
Pag may libreng oras sila sa eskuwela, ang pinagkakaabalahan nila ay ang paglalaro ng computer games particular na ang DOTA. Naglalaro din sila ng bilyar at basketball, ‘yong tunay na basketball at ‘yong nasa arcade lang. Hilig din nila ang pagtambay kasama ang mga kaibigan, nakikipag-asaran, nakikipagharutan at nakikipagdaldalan sila sa isa’t isa. Ano ang mga paksa ng kanilang umaatikabong tsikahan? Problema sa bahay, problema sa love life at problema sa eskuwela, partikular na sa mahihirap na subject tulad ng Math, Science at English. Inuubos din nila ang libre nilang oras sa pagkain sa kung saan-saan at pagkain ng mga pagkain na hindi pa nila natitikman tulad ng street food. Gusto rin nilang matulog pag may bakante silang oras. Nagpupunta sila sa library para matulog o magpahinga dahil malamig doon at kaunti ang tao. Bihira ang nagsabing nagbabasa sila sa library. Nalilibang din sila sa pag-aabang kay crush at panonood sa mga kapwa estudyanteng padaan-daan sa harap nila. Gusto rin nila ang gumagala sa loob ng eskuwelahan. Marami rin ang nagsabi na naglalakad-lakad sila sa vicinity ng eskuwelahan dahil may mga historikal na lugar dito at maraming kalapit na eskuwelahan. Madalas din silang mag-ikot-ikot sa mall kasdama ang mga kaibigan. Malamig daw kasi sa mall.
Kumusta naman ang kanilang values?
Importante sa kanila ang kani-kanilang pamilya. Ang iba ay maigting ang ugnayan sa kanilang ina.
Importante rin sa kanila ang edukasyon. Ang iba’y proud na proud dahil sikat ang kanilang eskuwelahan. (Ang iba naman ay nanghihinayang na hindi sila nakapasa sa ibang eskuwelahan at dito napadpad sa aming paaralan.) Alam din nilang ang tiket para magkaroon ng magandang trabaho ay mabuting edukasyon kaya importante sa kanila ang makakuha ng maayos na grado (ang iba ay masaya na sa pasadong grado) at lalong lalo na ang makatapos sa tamang oras para makatulong na sa magulang. Alam nila na mahirap magpaaral sa kolehiyo (lalo pa at pribadong kolehiyo ang aming eskuwelahan). Kaya ang ilan sa kanila, proud na napag-aaral ang sarili sa pamamagitan ng varsity program at iba pang uri ng scholarship.
Paulit-ulit din ang tema ng pagkakaibigan sa mga sanaysay nila. Mahalaga sa kanila ang kaibigan, barkada, tropa. Masaya sila kapag kasama ang mga ito kahit naman minsan ay parang pagtambay lang talaga ang kanilang ginagawa. Nalulungkot sila kapag kumokonti ang kanilang kaibigan o barkada. Iniinda nila kapag nilalayuan sila ng kaibigan. Ang iba sa kanila, mahal ang kanilang eskuwelahan hindi dahil sa kalidad ng edukasyong dulot nito kundi dahil dito nila nakilala ang malalapit nilang kaibigan.
Mahalaga rin sa kanila ang pakiramdam na wine-welcome sila nang husto at pinahahalagahan ang kanilang pagdating. Kapag bago
sila sa isang lugar, automatic na tahimik sila at nakikiramdam. Kadalasan, ang unang kapwa estudyante na kumakausap sa kanila ay nagiging kaibigan nila nang matagalan.
Proud sila kapag mayroon silang nire-represent. Gustong-gusto nila ang maging kinatawan ng paaralan. It gives them a sense of pride and self-worth.
Ang ilan sa mga estudyante, lalo na ang mga varsity, ay matindi ang pagpapahalaga sa hard work. Mahalaga ang suporta ng komunidad na kanilang kinabibilangan at lalong-lalo na ang kabaitan ng kanilang mentor o coach. Love nila ang mga teacher na mabait at maunawain. Ito ang naaalala nila sa kanilang sa mga guro, ‘yong ugali.
Ayaw nila nang napapahiya. Big deal sa kanila kapag napagtatawanan ng iba, at talagang hindi nila nalilimutan ang sitwasyon. Pero mahilig din naman silang makipag-asaran!
Ano pa ba ang kanilang inilahad sa mga sanaysay?
Marami sa kanila ang nanibago sa buhay-kolehiyo. Nagulat sila sa kalayaan sa oras. Puwede nang mag-cutting class anytime! Puwede nang lumabas ng paaralan anumang oras nila naisin! Nagulat din sila sa hirap ng mga subject sa kolehiyo. Di na raw puwede ang papetiks-petiks lang tulad ng ginawa nila sa high school.
Ang henerasyong ito ang magmamana ng bansa natin na kinakalinga ngayon. Akala ko pa naman ay talagang kakaibang species na sila, hindi naman pala. Nakikita ko pa ang aking sarili sa kanila. Ganyan din ako noong bata-bata pa ako. Ngunit maganda rin kilalanin natin ang differences natin sa kanila. Hindi lamang ito para sa mga guro kundi para na rin sa mga magulang, sa mga pinuno ng komunidad at lalong-lalo na sa mga lider ng bansa. Ito ang buhay at kultura ng mga future na guro, magulang, pinuno ng komunidad at lider ng bansa. Ito na ang magiging nakaraan ng ating hinaharap.
Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.
Ang copyright ng larawan ay kay Bebang Siy.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
5 comments:
Tulad mo, Ms. Bebang Siy, nakita ko rin ang sarili ko karamihan sa mga inilahad mo. Wow. Para akong nagbabasa ng diary ko!
Pagpatuloy niyo po ang pagiging magaling na guro!
Hello, Tadong Daniel. Nakakatuwa naman! Maraming salamat sa iyong pagbisita sa blog ko. Balik ka, ha?
Helo ms beb! Nkarelate din ako..
I really enjoyed reading ur blog... nakakainspire, at entertaining..
keep it up!
helo there yojeednis21! maraming salamat hehe balik ka ha!
Post a Comment