Friday, June 15, 2012

Responde: Isang Rebyu

Nagandahan ako sa librong Responde. Isinulat ito ni Norman Wilwayco, mas kilala bilang Iwa, graphic artist/writer na naka-base ngayon sa Australia. May ilan na siyang nobelang naisulat. Ito pa lang ang nababasa ko. Binubuo ito ng 12 na maikling kuwento at inilathala ng Black Pen Publishing noong 2011.

No’ng unang mga pahina, sabi ko, eto na naman, tungkol na naman sa buhay ng mga adik, kanto boy, tambay, prostitute at iba pang iniilingan ng lipunang Pinoy. Ang una kong tanong: anong bago ang masasabi nito?

At napakarami pala.

Hindi lang inilarawan ni Iwa Wilwayco ang buhay ng mga nabanggit kong tao sa napakatotoong paraan, binigyan din niya ang mga ito ng pagkakataon na mailahad ang sariling mga angas, ang mga hinaing, ang sariling mga pangarap.

Ang inaangal ko sa mga ganitong akda, kadalasang hindi naka-capture ang tunay na esensiya ng karanasan ng mga taong tampok dito. Kasi lagi na lang itong isinusulat mula sa punto de bista ng taga-labas. OUTSIDER. Kumbaga sa lente ng camera, nagpipiktyur ang mga manunulat mula sa labas ng pangyayari, sa labas ng mga eksena. Kung mag-close up naman sila ay palaging mula sa taas ang shot. Kaya mga bumbunan ang nakikita at lumalabas sa picture. O kung di man, yung zoom out na mga picture. Yung malaki at malawak ang sakop, kaya di nakikita ang mga detalye sa picture.

Ibang-iba itong gawa ni Iwa. Ang linaw ng mga detalye. Puro close up shot ang ginawa niya. Kaya capture na capture ang bawat ngiwi, ngiti at buntong-hininga ng mga tauhan. Kitang-kita rin sa lengguwahe na ginamit sa mga akda, isa si Iwa sa mga taong kanyang isinusulat. Pagka binasa mo siya, kung nalalapirot ang puso ng tauhan dahil sa mga nangyayari, madarama mong nalalapirot din ang puso niya, siya mismong manunulat.

Kabadong-kabado malamang si Iwa habang ang bida ng kuwentong Dugyot ay naghahanap ng bagong mabibilhin ng drugs pagkalabas nito ng parlor. Kinakabahan si Iwa kasi di malaman ng bida kung saan siya iiskor ng drugs. At kapag di kasi nakaiskor ng drugs ang bida, baka kung ano ang gawin sa kanya ni Ompong, ‘yong siga na nagpapabili ng drugs.

Buwelta.
Walang ibang dapat gawin kundi maghanap ng ibang mabibilhan. Balik ako sa lugar nina Olsen. Mabuti na lang, wala siya sa bungad, naispatan ako ng isang runner. Kahit labag sa loob ko dahil di ko kilala, kinindatan ko. Lumapit sa akin at iniabot ko ang lahat ng pera sa bulsa ko.
--Dos, bato, singkuwenta, chongki, sambit ko.

Malamang ay heart-shaped naman ang mga mata ni Iwa habang sinusulat niya ang kakaibang show of love ng tauhang si Jean para sa kapwa adik at boyfriend niyang si Tony sa kuwentong Drug War.

“Anong ginawa nila sa iyo, Jean?”
“Saka na natin pag-usapan. Ang importante, buhay ka pa. At ako. Magkasama pa rin tayo.”
Hinawakan ni Tony ang mga palad ni Jean at sa hindi na niya mabilang na pagkakataon, muli siyang pinahanga ng tibay ng loob ng katipan.
“Ano, subukan mo kung kaya mong tumayo. Dadalhin kita sa ospital.”
Iginala niya ang paningin sa paligid. Malinis. Ibig sabihi’y nakapaglinis na si Jean. Nakita niya sa mesita ang supot na binili niya kay Mart.
“Hindi nila dinala ‘yong stash?” tanong ni Tony.

Nagagandahan din ako sa lengguwahe, hindi dahil lengguwahe ito ng kanto boy kundi dahil napakasimple ng kanyang mga salita, simple ang mga pangungusap, maayos ang mga spelling, kumbaga, simple lang ang lahat, at palagay ko, mas tamang termino ang "suwabe." Hindi masakit sa ulo. Kahit walang pinag-aralan ang nagsasalita, angkop pa rin ang wika na ginamit ng manunulat at hindi pa rin masyadong bumabali sa mga kumbensiyon ng grammar.

Higit sa lahat, nagagawa nitong makapagparating ng mga puntong mabibigat. Nagagawa nitong maging tinig ng sari-saring tauhan.

Hindi ko natipuhan ‘yong kuwentong Ang mga Bagay na Wala Kami. Kasi ay parang Jun Cruz Reyes na Jun Cruz Reyes ang dating ng kuwento. Nabasa ko na ito sa isa sa mga koleksiyon ng akda ni Sir. At para sa akin, ang render ng kuwento ni Iwa, masyadong melodramatiko.

Kuwento ito ng isang mahirap na pamilya at isang gabi, kailangan nilang makatawid ng ilog para humanap ng doktor. Inaapoy ng lagnat ang bunso ng pamilya. Bumabagyo noon at lunod na ang ilog. Apaw na. Ang tubig-baha, tubig ng ilog, pati ang lungkot at takot ng pamilya, umaapaw na.

Pinakapaborito ko sa lahat ang kuwentong Imat. Tungkol ito kay Imat, isang babaeng naging palaboy at sinto-sinto nang ma-gang rape. Sa probinsiya. (Oo, hindi lang sa gubat ng Maynila nangyayari ang mga ganitong bagay.)

Ang punto de bista ay sa binatang papunta na sa landas ng tagumpay. Bagong graduate ang binatang ito at nagawaran ng titulong engineer. Pag-uwi niya sa probinsiya upang i-celebrate ang lahat ng biyayang natamo, naalala niya ang lahat ng eksenang may kinalaman sa kanya at kay Imat. Dito ay binanggit niya kung paano niyang niliyo minsan, noong panahon ng kanyang kabataan, itong si Imat para maisama sa kama. Inilahad din niya ang kanyang saloobin nang mga panahong nagaganap ang pakikipagtalik niya kay Imat at ang pakiramdam niya ngayon na naaalala niya ang mga detalye nito.

Ano ang pakiramdam ng bully? Paano nga ba maging gago? Ano ang pakiramdam ng isang taong nang-aabuso? Ano ang pakiramdam ng isang nang-aabuso, nanggagago at nangbu-bully ng kapwa na walang kamuwang-muwang, walang sala sa kahit na sino? At habang inaabuso, ginagago at binu-bully ay umiiyak na lamang at nakatingin sa kawalan? Ano ang pakiramdam ng isang lalaking nakikipagtalik sa ganito? Tinitigasan ba siya? Nakakaraos?

Lahat ‘yan, inilahad ng bida sa Imat.

Masaya akong may ganitong uri ng mananalaysay sa Panitikang Filipino. Patunay lang na kahit ano pang karanasan ang ikinukuwento, kahit pa iyong sa pinakakaraniwang mga tao, kung ito ay ikinuwento sa napakahusay na paraan, walang dahilan para hindi ito bansagang OBRA MAESTRA.

Para kay Iwa, more works to come, congratulations, pare. Nadale mo, putek.

2 comments:

Anonymous said...

wasak na wasak!

-nw

babe ang said...

Hello, iwa! i am so proud na kakilala kita. more works to come para sa yo pare!

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...