Ang book review na ito ay isinulat ni Noel Sales Barcelona. Matatagpuan ito sa sigliwa2.tk.
Kung paano maging excited sa pagdadalaga at iba pa: Ang munting pagninilay sa librong “It’s a Mens World” ni Bebang Siy
Anvil Publishing, 2011, 174 na pahina
Kagaya ng masalimuot na mga kalye sa Maynila, ang kumplikasyon ng paglaki, pagkilala sa sarili at iba pang mga karanasan bilang babae ang ibinahagi ni Beverly “Bebang” Wico Siy sa kanyang unang aklat ng mga sanaysay—ang “It’s a Mens World.”
Hindi nagkamali ang Anvil Publishing nang tanggapin nito ang manuskrito ni Siy, pagtiyagaang suriin ang bawat pahina para iayos ang mga pagkakamali—sa tipo man o sa balarila (grammar), itapat sa kamera ang layout at padaanin sa makina para ilimbag ang mga akda ni Siy.
Pero hindi lamang ito tungkol sa personal na mga karanasan ni Siy—kundi dugtung-dugtong na mga kasaysayan ng buhay-buhay na may kaugnayan sa may-akda: mga kamag-anak, kaibigan at estrangherong natagpuan at nakasalubong sa kung saan. Ang mga karanasang ito, sa abang palagay, ang humubog sa sensitibidad at sensibilidad ng may-akda bilang mangangatha (manunulat) at bilang isang buhay na entidad sa gumagalaw at masalimuot na lipunan na labas sa mga kahon at kalyehon ng buhay ni Siy.
Kumbaga sa siklo ng regla o menstrasyon (menstruation) ng isang babae, ang akda ni Siy ay isang kabit-kabit na serye ng mga pangyayari (phenomena) gaya ng paglabas ng itlog buhat sa obaryo (ovulation), pagdaan nito sa tubo ng itlog para makapuwesto sa pinakakuwelyo ng matris (uterus), ang paghihintay nito na makaniig ang punlay ng lalaki (fertilization) o ang pagkabasag kaya ng “pader ng dugo” sa matris at pagdaloy nito bilang buwanang dalaw (menstruation). At sa paglabas ng mens (pinaikling termino para sa menstruation), dito naman nalilinis at naihahandang muli ang buong sistemang panreproduksiyon ng babae para sa panibagong siklo ng obulasyon at pagpapalabas ng maruming dugo buhat sa sistema.
Sa kontekstong ito, sa pamamagitan ng magaan at nakatutuwang mga paglalahad, unti-unting napupurga ng may-akda ang sarili mula hindi kanais-nais na mga karanasang may kaugnayan sa kanyang kabataan.
Samantala, pagbabalik-tanaw rin naman sa unti-unting nawawalang kultura’t tradisyon ang It’s a Mens World ni Siy. Sino pa nga ba ang nakaaala ng softdrink na Fanta? Ang kutkuting Chikadeez at Zeb-Zeb? Sino ba sa atin ang nakatitikim pa ng cherry balls at sundot-kulangot? O ng tinatawag na “kulangot ng Intsik”? Ang pagkonsumo ng nabanggit na mga produkto, noong kabataan mo pa, ay bahagi ng pagsakay (bagaman hindi mo nalalaman dahil bata at uhugin ka pa nga) sa sasakyan o dyip ng kulturang popular noong mga panahong iyon.
Nakatutuwang nabanggit din ni Siy, bagaman bahagya, ang ilang larong panlansangan na ngayon ay maituturing na “extinct” na, kumbaga sa mga dinosaur at ilang uri ng halaman, hayop, isda, at iba pang nilalang na unti-unti na ring nawawala dahil sa labis na konsumo ng mga tao, sa giya ng tinatawag na modernisasyon. Sino pa ba sa atin ang nakapaglalaro ng patintero, ng “langit at lupa”, ng base-to-base? Palagay ko wala na. Maging ito ay extinct na rin dahil ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang online role playing games at ang sarisaring larong iniaalok ng social networking na Facebook.
Sa kabuuan maganda ang libro ni Siy. Higit pa ito sa mga emosyon o mga karanasan—pagbibigay buhay ito sa mga ala-alang pinagtagni-tagni ng bahaging iyon ng Ermita (ang lugar na kinalakhan ng may-akda) at ng iba pang lugar at pagkakataon sa buhay ni Bebang Siy.
Higit pa sa buhat-bangko, hindi nakahihiyang irekomenda sa mga mambabasa ang libro ni Bebang Siy. Hindi man ito maihahanay sa mga akda nina Amado V. Hernandez o ni Jose P. Rizal, masasabi naman itong isang mabisang panlipunan at pansariling komentaryo sa karanasan ng isang karaniwang Filipina-Chinese na nabuhay at nabubuhay sa iba’t ibang bahagi ng panahon at sa kasalimuotan ng takbo ng lipunang Pilipino. Wala itong halong pagkukunwari. Kumbaga sa salitang lansangan eh, wala itong ‘kiyeme’ sa pagbabahagi ng karanasan—na bagaman kaiba sa atin ay masasabi nating maaaring naganap o nagaganap sa atin sa iba mang anyo. Sa madaling-sabi, makare-“relate” tayong lahat—babae ka man o lalaki, o kung ano ka pa man.
Pero ang tanging habilin o tagubilin lamang ng manrerepasong ito: Huwag na huwag ninyong gagayahin ang mga kapalpakan ng may-akda gaya ng pagbubudbod ng asin sa pinakabola ng iyong mata. Huwag kayong masyadong patangay sa inyong emosyon at ituring na isang “testamentong dapat sundin” ang librong ito. Tandaan ninyong si Bebang Siy lamang ang inyong binabasa.
Posted with permission from Noel Sales Barcelona.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment