Tuesday, October 4, 2011

Ang pinakamaaraw na tanghali

Bihira akong sumakay ng aircon na bus. Takot ako sa holdap. At nababagalan ako sa aircon na bus. Hintay kasi nang hintay ng pasahero. At higit sa lahat, mas mahal ang aircon na bus. Well, konti lang naman ang diperensiya sa pasahe ng ordinary lalo na kung malapit lang ang destinasyon, pero mas mahal pa rin. Ilang piso rin ang matitipid ko kung sa ordinary ako sasakay.

Isang sobrang mainit na araw, tinanghali ako sa daan papuntang opisina. Nag-decide akong mag-aircon bus. Naman. For a change ba?

Pagsakay ko, sa gitna ako pumuwesto. Kalahati lang ang laman ng bus. Nasa Kamias, EDSA kami.

Isang lalaking naka-shades ang nakaupo mga dalawang row mula sa akin. Bigla siyang tumayo at nagsabi ng Farmers! Farmers!

Lumapit ang kondoktor sa kanya at sabi ay, ibababa kita doon, brad. ‘wag kang mag-alala.

Pag-usad pa ng bus at malapit na sa Cubao, nagtawag ang konduktor sa aming mga nasa loob ng bus.

Cubao! May Cubao ba diyan? anya.

Tumayo uli ang lalaki. Farmers ako. Farmers. Umakto siyang lalakad na sa gitna, sa may aisle.

Sabi ng konduktor, Mamya pa. Tatawagin kita. Saglit lang. Bumaling uli siya sa ibang pasahero. Cubao! Cubao? pangungulit niya. wala namang ibang tumayo.

umupo ang lalaki. At luminga-linga. Hindi niya tinatanggal ang shades niya.

Pag-usad pa ng bus ay nilapitan na ng konduktor ang lalaki. Farmers! O, ‘yong mga
Farmers diyan! Sabi ng konduktor. Tumayo ang lalaking naka-shades at naglakad sa aisle. Mahigpit ang hawak niya sa braso ng konduktor at sa mga headrest ng upuan. Bulag pala siya.

Pagbaba niya ng bus, parang magic wand na humaba ang hawak niya: isang de-tiklop na tungkod.

Pausad-usad ang tungkod at paa niya, pakapa-kapa sa gutter, sa kalsada. Gutter. Kalsada. Gutter. Sa wakas, nakakapit siya sa isang railing.

Naisip kong tutal naman ay late na ako sa opisina, bumaba kaya ako at itawid na lang ang lalaking ito papunta sa Farmers? Kahit late ako at minus guwapa points sa boss, kung magpapaka-good samaritan ako ngayon e plus guwapa points naman sa langit.

'Tsaka super effort na nga 'yong tumawid sa kabila ng EDSA sa pamamagitan ng MRT Station, e. Andaming makakasalubong. Andaming aakyatin. Andaming makakabangga. Andaming bababain. Andaming iiwasan. E, di lalo namang super effort 'yon kapag ganyang wala ka pang makita at all, di ba?

Naisip ko, bababa ako. Good deed for the day ko na ito. Minsan lang naman. Hindi araw-araw na may ganitong pagkakataon na tumulong sa kapwa.

Pero naalala ko, hindi pa pala ako nakakapagbayad ng pasahe. Nasa labas ang konduktor at nagtatawag ng pasahero habang ipinapaypay niya ang signboard sa sarili.
Crossing! Crossing!

Nasa bangketa na ang bulag at patuloy sa mabagal niyang pag-usad. Nakaharap siya sa mga establishment. Kung patuloy siyang maglalakad, sa establishment ang bagsak niya. Na isang tindahan ng sari-saring load at accessories ng cellphone, may seroksan pa sa bukana. Isang aleng nagbabantay ng bila-bilaong shades ang lumapit sa kanya. Inalalayan nito ang bulag, iniharap sa daanan pero daanan na papalayo sa hagdan ng MRT Station.

May sinabi ang bulag sa ale. nagpasalamat siguro tapos ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Iyon nga lang, sa maling direksiyon! Pabalik siya sa kung saan nanggaling ang bus namin.

Tiningnan ko ang mga tao sa paligid niya. Mabibilis ang lakad nila. May ilang bumabagal dahil napapatanga sa mabagal din na paglakad ng bulag. Ang ale, bumalik sa bila-bilao niya. Ang konduktor, paakyat na ng bus namin. Ako lang ang nakakaalam sa mangyayari. Ako lang ang nakakaalam na maliligaw siya, mapapalayo at lalong mahihirapan. Tirik pa naman ang araw.

Naisip kong bababa na lang ako.

Bababa ako.

Bababa.

Bumaba ba ako?

Hindi.

O kumibot man lang ba ako sa kinauupuan?

Hindi.

Tumingin ako sa loob ng bus. Tumingin ako sa mga upuan. Tumingin ako sa mga kapwa pasahero. Tumingin ako sa drayber. Tapos tumingin ako sa bag ko. Na nakapatong sa mga hita ko. Sa mga paa ko. Na parang naka-glue. Elmer's glue of katamaran.

Tapos tumingin uli ako sa labas ng bintana. Natatanaw ko pa ang ulo ng bulag sa balumbon ng iba pang mga ulo. Hayun na siya. Tapos unti-unti kong napansin ang repleksiyon ko sa salamin. Hayun ako.

Napakadilim.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...