It’s A Mens World
Bebang Siy
Unang nagka-mens ang kapatid kong si Colay kesa sa akin. Ten years old siya noon at ako, magtu-twelve. Sabi ng mga pinsan ko, nauna raw si Colay kasi mas mataba siya at mas aktibo sa paggalaw-galaw kesa sa akin.
Naging sentro ng atensiyon si Colay noong araw na reglahin siya. Lahat kami, nasa labas ng kubeta, naghihintay sa paglabas ng “bagong” dalaga. Pagbukas ng pinto, itong stepmother ko, biglang pumasok. Hinanap niya ang panty ni Colay sa loob ng kubeta. Gulat na gulat si Colay siyempre.
Bakit? Tanong niya sa stepmother namin.
Labhan mo. Tubig lang. ’Wag kang gagamit ng sabon. Kusot-kusot lang. Tapos ipunas mo sa mukha mo ’yang panty. Tapos sabihin mo, sana maging singkinis ng perlas ang mukha ko. Ulit-ulitin mo. Habang ipinupunas mo sa mukha mo ang panty.
Sumunod si Colay. Walang tanong-tanong. Mas matanda ’yon, e.
Noong malaman ng mga dalagang pinsan namin ang nangyari sa kapatid ko, kilig na kilig silang nagpayo kay Colay: “Magkilos-dalaga ka na kasi maliligawan ka na. Whisper ang gamitin mo. Huwag. Mahal ’yon. Newtex na lang. Mahal din ang may wings ng Newtex, ’no? ’Wag kang kakain ng mangga. Maasim ’yon, sasakit puson mo.”
Ang tatay ko, biglang kuwento nang kuwento. Noong apat na taon daw si Colay, meron itong paboritong shorts na mukhang bloomer. Kahit daw basa pa at nasa sampayan ay hahablutin at susuotin pa rin ito ni Colay. Si Colay daw, magaling sa Math. Si Colay daw, magaling sumayaw. Si Colay at si Colay at si Colay.
Nakakainggit naman, naisip ko. Kailangang magkaregla na rin ako.
Una, nilakasan ko ang kain ko. Dinoble ko lahat. Triple pa nga, e. Kung isang tasang kanin lang ang nauubos ko dati, ginawa kong dalawang bundok ng kanin. Kung isang galunggong lang ang sinisimot ko noon, biglang naging dalawang ga-brasong galunggong. Pampagana pa ang suka at asin. Pati Coke, dati, isang bote lang sa maghapon. ’Yong eight ounce. Biglang nagko-Coke five hundred na ako.
At pagdating sa pagkikikilos, tinigilan ko muna ang paglalaro ng Word Factory at Scrabble. Tutal wala naman akong makalaro kundi ang sarili ko at hindi naman talaga Scrabble ang ginagawa ko kundi domino effect. Itatayo ko ang tiles na letra, magkakatabi, sunod-sunod tapos gagawa ako ng hugis-hugis. Minsan, parang bulate.
Minsan, pabilog.Minsan, pa-letrang S. Tapos itutulak ko ang unang tile ng letra na itinayo ko. Sunod-sunod nang hihiga ang lahat ng tiles. Tiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktik, sabi.
Ang tiles nga lang ang napapagod, hindi ako. Kaya kailangan ko na ring baguhin ’to. Sa ngalan ng regla.
Batang kalye din naman ako noon pero mas batang kalye talaga si Colay. Kaya kailangang pantayan ko siya sa pagiging batang kalye niya. O higitan pa.
Dati, kapag nagmamataya-taya kami, sampung minuto na at wala pa akong natataya, umaayaw na ’ko.
Pero mula nang maging “dalaga” si Colay, hindi na ako humihinto sa paghabol sa mga kalaro ko maabot ko lang sila ’tsaka mataya. Bloke-bloke kung sukatin ang habulan namin. Keber na sa mga kotse at polusyon, Ermita lang naman ’yon, pero ang halaga ng buhay namin noon e masusukat kung maaabot ang kalaro at masisigawan ng TAYA!
Ke agawan-base ang laro, patintero, langit-lupa o shake-shake shampoo, game na game na ’ko. Hamon ko pa, maunang lumawit ang tonsil, talo.
Nakipagsabayan talaga ako. Noon dumalas ang pagsali sa amin ni Michael.
Siya ang nagbinyag sa sarili niya ng Michael. Mas masarap daw pakinggan kesa Manolito, ’yong tunay niyang pangalan. Fourteen years old siya at nagtitinda ng sigarilyo sa kalsada kapag hindi siya nakikipaglaro sa amin. Ang nanay niya, nag-aalaga ng mga kapatid niya. Maraming-maraming kapatid. Ang stepfather niya, nagtitinda rin ng sigarilyo pero sa isang puwesto lang, hindi palakad-lakad o patakbo-takbo katulad ni Michael. Nakapuwesto ito sa labas ng isang night club na katabi ng tindahan namin.
Ang bahay nila ay isang dipa ang laki. Pinagpatong-patong na mga kahoy, tabla, sako ng bigas o kung minsan, sako ng semento at karton ng sigarilyo. Nakasandal ito sa pader ng isang kongkretong bahay. Pito silang magkakapatid, panganay si Michael. Ka-berks din namin si Jelo, ang kapatid niyang sumunod sa kanya.
Nakakainis kalaro si Michael kasi siya ang pinakamatangkad sa amin. Siyempre mahahaba ang binti niya. Siyempre malalaki ang hakbang niya. Natural, mas mabilis ang takbo niya. At dahil sabi sa science class namin na proportionate sa haba ng binti ang haba ng braso ng tao, mahaba rin ang mga braso niya, siyempre mas madali niyang naaabot ang gusto niyang abutin, siyempre mas madali niyang natataya ang gusto niyang tayain.
Kaya kapag nandiyan siya, nag-iiba kaming bigla ng laro. Bawal ang agawan-base, bawal ang mataya-taya, bawal ang patintero. Ayaw naman niya ng shake-shake shampoo kasi, anya, nadi-diyahe na siyang kumendeng-kendeng kapag naabot ng taya at nasigawan ng shake.
Ang lagi naming nilalaro kapag nandiyan si Michael: langit-lupa. Dito kasi, kailangan lang e, bilis at presence of mind. Ginagawa naming langit ang bangketa, lupa ang lupa. Ibig kong sabihin, lansangan. Ang lupa, lansangan. Dapat bago ka umalis sa langit, nakahanap na ang mata mo ng matutuntungang isa pang langit: malapad na paso, likod ng nakaparadang pick-up truck, base ng poste ng ilaw, upuan ni Manong Guard, ke ano pa ’yan basta mas mataas sa lansangan, puwede nang ituring na langit.
Minsan, mula sa bangketa, matulin akong tumawid ng lupa para sumampa sa langit. Na isang scaffolding. Siyempre, hinabol ako ng taya. Si Michael. Pagtapak ng isa kong paa sa scaffolding, alam kong ligtas na ako sa mahaba niyang braso. Kaya mabilis na itinapak ko ang isa ko pang paa sabay sigaw ng….
Langit!
May ibinagsak ang langit.
Plongk!
Isang bakal na tubo ang bumagsak sa ulo ko. Mula sa likod ay may biglang yumakap sa akin. Si Michael! Tapos mabilis niyang tinakpan ng sariling kamay ang bumbunan ko. Siguro naisip niya, guguho ang scaffolding o may babagsak na isa pang tubo.
Pero wala nang bumagsak. Wala na kundi ang mga luha ko na lang.
Ansaket.
Dahil takot akong umuwi nang may injury sa paglalaro, iniuwi muna ako ni Michael sa bahay nila. Bumili siya ng yelo, binalot ito sa isang bimpo at ipinatong sa bukol kong isang dangkal ang taas. Feeling ko, nagkagulo ang mga kuto ko. Bundok Hibok-Hibok waaah, anila siguro. Si Michael, mga isang oras na hinaplos ang likod ko. Ako, nguyngoy pa rin nang nguyngoy sa sakit. Di naman ako makangalngal nang todo kasi nagpapahinga ang nanay niya’t mga bulilit na kapatid.
Noong wala nang masyadong kirot at baby mountain na lang ang Hibok-Hibok ko sa ulo, umuwi na ako sa ’min.
Kinabukasan, paglabas ko ng bahay, may naghahamon ng mataya-taya. Sali raw ako. Sabi ko, masakit pa ang ulo ko. Nandoon si Michael. Niyaya na lang niya kami na mamasyal sa Manila Bay, sa bahaging katabi ng U.S. Embassy. Okey naman sa lahat kaya lumarga na kami.
Napunta ako sa dulo ng pila naming magbabarkada. Mabagal lang ako dahil takot akong maalog ang dugo sa tuktok ng Hibok-Hibok kapag binilisan ko ang lakad ko. Sinabayan ako ni Michael.
Beb, ’wag ka na kasing makipaghabulan.
Napatingin ako sa kanya.
Pinatunog niya ang portabol niyang tindahan ng sigarilyo.
Takataktak… takataktak…
Dalaga ka na, Beb, hirit niyang parang nang-aalaska.
Di pa, ’no? Ikaw nga, matanda pa sa ’kin. Ba’t nakikipaghabulan ka pa sa ’min?
Me gusto kasi akong habulin, sagot niya.
Takatak.
Napatitig ako sa kanya. Sumusundot-sundot sa mga pisngi ng ilong niya ang mahaba
niyang bangs pero, noon ko lang napansin: makintab pala ang buhok niya. Makinis ang mukha ni Michael. Ang mata niya, malalaki, parang sa kuwago. Pero cute na kuwago. Iyong tipong puwedeng ilagay sa logo ng Sterling notebook.
Katamtaman ang ilong ni Michael. Di matangos pero di rin pango. At amputi-puti ng pantay niyang mga ngipin. Noon ko lang napansin, guwapito pala ang kalaro kong si Michael kahit may pagka-nognog siya.
Siguro namula ako no’ng maalala kong ito ang kalaro kong yumakap sa akin kahapon. At sa totoo lang, ang ginhawa ng pakiramdam no’ng hinahaplos niya ang likod ko. Nabawasan nang konti ang sakit na dulot ng gigantic na bukol.
Yihi!
Tukso ng mga kaibigan namin. Kami na lang pala ang naglalakad. Nakaupo na silang lahat sa semento na naghihiwalay sa dagat at bangketa sa may Manila Bay. Nakiupo na rin kami. Maghapon kaming nagkuwentuhan ni Michael tungkol sa stepmother kong atribida kung minsan, kay Colay na anlaki na ng itinaba mula noong magkaroon ng mens at sa mga school project tulad ng pagpapasindi ng isang ga-kulangot na bombilya ng flashlight gamit ang isang switch ’tsaka isang baterya. ’Tsaka tungkol sa nanay niya (ni Michael), sa mga kapatid niya at sa tatay niyang hindi na nagpakita mula pa noong unang unang panahon. Parang bagumbago kong kaibigan si Michael. Masarap kilalanin.
Paglubog ng araw, sama-sama kaming naglakad pauwi. Mag-aalas-sais y medya na noong makarating ako sa bahay. Walang kaabog-abog na sinurot ako ng tatay ko. Sa harap ng mga kapatid ko.
Sino ’yong kasama mong lalaki sa embassy?
Ha?
Umamin ka na. May nakakita sa inyo!
Dad, si Michael ’yon.
Sinong Michael?
‘Yong anak ni Manong diyan sa Lovebirds.
Halos bumaligtad ang salamin ng tatay ko sa sobrang galit.
Boyfriend mo ’yon?
Halos bumaliktad ang sikmura ko sa gulat at takot. Ako? May boypren?
Dad, hindi.
Ilang taon ka na ba?
Twelve.
’Yon lang at tumalikod na siya. Naiwan akong inaatake ng hiya at ng sakit. Sakit sa mata, naluluha na ako, sakit sa ulo dahil siguro sa bukol, ’tsaka sakit sa tiyan.
Ewan ko kung bakit pati sa tiyan. Baka sa puson, baka naiihi lang ako.
Pumasok ako sa kubeta. Sinubukan kong umihi. Doon ko nalaman na dalaga na nga pala talaga ako. Malungkot kong tinitigan ang mantsa sa panty. Ay, ang dami mo namang hinihinging kapalit. Demanding, parang ganon. Napaka-demanding naman pala ng pagdadalaga.
Nag-lock ako ng pinto. Mabilis akong naghubad. Tapos pinihit ko ang gripo. Mula sa timba, tinabo ko nang tinabo ang tubig. Naka-sanlibong buhos ako ng malamig na tubig. Parang gripo rin ang pekpek ko. Agos ang mens. Dalaga na ako.
Ano nga uli ang dapat ipagdiwang?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
"Feeling ko, nagkagulo ang mga kuto ko. Bundok Hibok-Hibok waaah, anila siguro."
--haha! ma'am ang ganda po ng sinulat niyo :D kasama po ba yan sa libro niyo?
opo! salamat! bili ka ha!
Post a Comment