Saturday, January 2, 2010

sizzling sisid

Dati, pag nagkukuwento sa akin si jowa ng proposal na ginagawa niya sa mga goverment agencies, naiinis ako. kasi mapapagastos na naman ang gobyerno at pera kong nasa anyo ng buwis ang nasusunog dito. excuse me, hindi mura ang mga scuba diving lessons, 'no? ang open water (kasi ang contained water ay ang pool. open water ang tawag sa mga dagat etc) diving lessons, na kumbaga sa hagdan ay ang unang hakbang sa ganitong larangan ay nagkakahalaga na ng P17500 isang tao.

ang proposals na ginagawa ni jowa ay malayong-malayong-malayo na sa open water diving lessons. isa kasi siyang technical diving instructor. ibig sabihin ng technical sa scuba ay deep diving at iba pang diving na komplikado na ang pamamaraan at equipments. hindi pang-novice. ang tawag kasi sa diving na pang-novice ay fun diving. iyong namamasyal ka lang sa ilalim ng dagat, pahabol-habol kay nemo at pag-ispat sa mga nagkukubling sting ray sa buhanginan.

bagama't ganito ang pakiramdam ko ay hindi ko ito sinasabi kay jowa. kaya sa isip ko lang naitatanong ang sumusunod:

aanhin ng mga taga-DOTC, DPWH, Navy, Marines at philippine coast guard ang mga lesson na iyan?

tama na iyong marunong silang mag-dive, sa isip-isip ko. actually, ni hindi nga nila kailangang matutong sumisid e. ano naman ang gagawin nila sa ilalim ng dagat? mamamasyal? maghahabol-habol kay nemo? maghahanap ng mga nagkukubling sting ray sa buhanginan?

petiks lang di ba?

pero nang mabalitaan ko sa TV ang tungkol sa isang ferry na lumubog noong bisperas ng Pasko, nagbago ang tingin ko sa mga proposal na ito.

Ayon sa balita, 210 feet daw ang lalim ng pinaglubugan ng MV Catalyn B, isang ferry na bumangga sa isang fisihing boat.46 ang nailigtas, tatlo ang namatay ngunit may 24 tao pa ang nawawala. tiyak na marami pa raw ang na-trap sa loob ng ferry dahil mabilis ang naging paglubog nito kaya't hindi na nakalabas ang ibang mga pasahero. kailangang mainspeksiyon ang ferry sa gayon kalalim na tubig. baka naroon, trapped ang katawan ng mga nawawalang pasahero.

ngunit hindi ito maisagawa. bakit? 120 feet lang daw ang kayang sisirin ng mga diver ng gobyerno. ng philippine coast guard to be exact.

punyeta. napakapunyetang dahilan.

kinailangan pang maghanap at magtawag ng dayuhan para maisagawa ito.

>>>>>>>Matthew Caldwell, an American technical diver and an auxiliary diver of the ill-equipped Philippine coast guard, said he saw the bodies throughout the wreckage of MV Catalyn B, which sank at a depth of more than 67 meters (221 feet) after the Christmas Eve collision.

"From different windows, you see different bodies," he told The Associated Press. "There could very well be more, because I understand there are small cabins inside and most likely there were people sleeping in the cabin and never had the chance to get out."

The coast guard lacks trained people and equipment to dive to such depths and has tapped Caldwell, a longtime Philippine resident, to conduct the deep-sea search, Admiral Wilfredo Tamayo, the coast guard chief, said earlier.<<<<<<<<<<

o di ba?

para bagang ganito ang eksena. nagkasunog. ngunit dahil sa sobrang laki ng sunog at hindi na ito kayang apulahin ng mga bumbero nating hindi pala sapat ang expertise at equipment sa pagpatay ng gayon kalaking sunog ay saka tayo nag-dial ng 911 para humingi ng tulong sa iba.

nakakainis.

hindi ko alam kung sino ba ang dapat sisihin sa mga ganitong pagkakataon. napakaeng-eng natin lalo na sa mga disaster sa dagat e samantalang noong unang panahon pa naman napapalibutan ng tubig ang bansang ito. dati pa namang may lumulubog na mga barko, ferry at bangka. wala man lang bang mga ginawang hakbang para dito? wala man lang bang mga training at pag-aaral na ibinigay para sa mga tao sa government agencies na may kinalaman dito?

kaya ngayon, higit kong naa-appreciate ang mga proposal ni jowa sa mga ahensiya natin ng gobyerno. kahit pa mahal ang mga ganitong training, classes etc. kasehodang daang libo pa ang gastusin ng gobyerno para sa mga technical diving lessons nila, okey na okey sa akin. at least, may mapupuntahan ang pera at hindi iyong pinalalangoy lang ang mga perang papel sa mga bulsa ng kung sino-sinong siyokoy.

at higit sa lahat, sa mga ganitong sitwasyon, hindi na kailangan pang magtawag ng dayuhang dalubhasa. tayo na mismo ang sisisid sa sarili nating tubig. tayo na mismo ang lulutas sa mga sarili nating problema. tayo na mismo.

dahil sa totoo lang, kahit noon pa man, ang Pilipinas ay hindi lamang bayan ng de-kalibreng mga alagad ng sining, magigiting na mandirigma't patas na mga mangangalakal, higit sa lahat ito ay bayan ng pinakaalistong mga maninisid.

simple lang ang dahilan: 7107 pulo itong ating tahanan.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...