Thursday, January 21, 2010

papel # ___th %^#^!#^@@

yes, lord, hindi pa ako tapos dito. pero hindi ako iiyak. dahil......isa na lang...bwahahahaha pasyon na lang. tapos me grade na ako. lord, tulong!


Ilang tala ukol sa Balagtasan Kasaysayan at Antolohiya ni Dr. Galileo S. Zafra

• Isinunod ang balagtasan o patulang pagdedebate sa pangalan ng may-akda ng Florante at Laura na si Francisco “Balagtas” Baltazar. Hindi sumulat si Balagtas ng anumang balagtasan. Ni hindi rin siya bumigkas ng isa sa mga ito. Ang mga makata ng siglo 20 ang nagbansag sa gawaing iyon bilang balagtasan bilang parangal sa dakilang makata na nabuhay noong siglo 19.

• Ang pinaghanguang anyo ng balagtasan ay ang duplo, isang larong idinaraos sa lamayan. Tagalog ang wika nito pero marami sa mga terminong teknikal ay Kastila. Hinala ni Julian Cruz Balmaseda, isa sa mga iskolar na naghalungkat ng nakaraan ng duplo, mga ladino ang lumikha ng anyong ito.

• Taliwas sa inaakala ng iba na impromptu ang balagtasan, ito pala ay scripted! Ang kauna-unahang balagtasan na itinanghal ay ang kina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes. Isinulat ng dalawang nabanggit na makata ang iskrip bago pa man dumating ang araw ng pagtatanghal, 6 Abril 1924.

• Pero kahit may iskrip, nasa tradisyong pabigkas pa rin ito dahil ang iskrip hangga’t hindi itinatanghal ay itinuturing na di-tapos na bersiyon ng balagtasan.

• Sa sobrang kasikatan ng tambalang de Jesus at Florentino, lagi silang naiimbitahang magbalagtasan sa iba’t ibang bayan, kamukha ito ng campus o mall tour ng mga artistang sikat. Ito nga lang ay parang lalawigan tour.

• Maging babae ay sumabak noon sa balagtasan. Dinadayo rin ang kanilang sagupaan. Isa sa ipinagkaiba ng balagtasang pinangungunahan ng kababaihan ay: wala raw nabibigkas na malalaswang pangungusap, mga pahayag na hindi type ng mga maselang tagapanood at tagapakinig.

• Gintong Panahon ng Balagtasan ang 1920’s hanggang unang bahagi ng 1930’s.

• Dahil sa kasikatan ng balagtasan, nagkaroon ng sari-sariling bersiyon ang mga rehiyon sa Pilipinas. Sa Pampanga, crissotan at bukanegan naman para sa mga Ilokano.

• Ngunit ang mabilis na paglaganap ng balagtasan sa iba pang lalawigan ay hindi naman maike-credit sa popularidad lamang ng balagtasan. May mayamang tradisyon ng tulang sagutan sa iba’t ibang panitikang rehiyonal. Ang Cebuano at Aklanon, may balitao, isang biglaang debate ng lalaki at babae. Ang siday sa pamalaye ng mga Ilonggo at pamalaye ng mga Cebuano ay sagutan ng mga sugo ng dalawang pamilyang nakikipagnegosasyon sa pag-iisang dibdib ng dalaga’t binata.

• Ayon sa aklat na The Filipino Mind Philippine Philosophical Studies II ni Leonardo Mercado (The Council for Research in Values and Philosophy and Divine Words Publication, Manila, 1994), sa mga Subanen naman ay ginagawa ang sagutan sa konteksto ng inuman. Ang unang bahagi ng ganitong gawain ay pagtikim (ng alak) kung saan nalalaman ang mga papel na ginagampanan ng bawat isa, ilang mga tuntunin sa nabanggit na sitwasyon at iba pa. Ang ikalawang bahagi ay inuman at pag-uusap. Ang huling bahagi ay isang patimpalak sa pag-inom at pagtula. Kadalasan, ipinagagawa ito sa dalawang indibiduwal na kinakitaan ng distansiya at pag-iiwasan noong idinaraos ang ikalawang bahagi pa lamang ng buong event. Ito ay idinisenyo upang magpabalik ng mabuting damdamin at pakikitungo sa isa’t isa.

• Nagkaroon ng balagtasan sa Ingles at Espanyol.

• Nakarating sa mga pahayagan at magasin ang balagtasan dahil karamihan sa mga bumibigkas nito ay manunulat din. Nagmukhang Pinoy Big Brother ang labanan noon sa print. Kung sa PBB ay text ang paraan para makaboto, sa balagtasan sa magasing Sampagita, kupon. Isusulat sa kupon at ipadadala ng mambabasa ang pangalan ng nais nilang ibotong makata sa tanggapan ng Sampagita.

• Noong 1937, pinasok ng balagtasan ang radyo. Parang American Idol naman ang dating dahil tumatawag pa ang mga tagapakinig sa tanggapan ng radyo upang magsabi ng kanilang opinyon sa balagtasang sumasahimpapawid.

• Ipinaliwanag ni Zafra ang konteksto ng mga paghulagpos na nagawa ng balagtasan sa anyong duplo. Panahon iyon ng Amerikano. Itinatag ng mga Amerikano ang mga pang-edukasyong institusyon kung saan ipinagamit ang Ingles sa pagtuturo. Lansakan ding itinuro ang panitikang Amerikano. Mula noon ay naging aktibo ang mga estudyante/paaralan sa pagpo-produce ng sarili nilang panitikan sa wikang Ingles. Unti-unti, lumayo sa komunidad/ publiko ang sentro ng produksiyon ng panitikan. Ito na rin ang simula ng mataas/mababa, pormal/impormal at seryo/popular na panitikan. Kaya naman pala itong mga gawa ni Bob Ong, dahil hindi pasado sa akademya kahit daang libo pa ang mga mambabasa, ay hindi pa rin itinuturing na bahagi ng “panitikan.”

• Napakahalaga ng mga samahang pampanitikan noon. Kabahagi ito ng komunidad sa paggawa ng panitikan. Ngunit pagpasok ng Amerikano, isinilang ang mga samahang pampanitikang nakabase sa paaralan. Kung hindi ka nag-aaral ay malayong makapasok ka sa mga samahang pampanitikan. Ngayon ko naaappreciate ang mga samahang pampanitikan sa labas ng akademya, halimbawa ang Cavite Young Writers Association. Ang panitikan ng kasapian nitong bagama’t mga estudyante at kabataan, ay binibigkis at ipinag-iisa hindi lamang ng edukasyon kundi, higit sa lahat, ng kanilang karanasan sa komunidad, kapaligiran, bayan: ang Cavite.

• Habang lumalalim ang Amerikanisasyon ng Pilipinas, ginamit ng mga makata ang balagtasan upang ilunsad ang mga ideya nila ukol sa lipunan, bagong paraan ng pananakop, politika at iba pang mas seryosong usapin. Unti-unti na nang lumihis ang balagtasan sa dating mga paksa tulad ng pag-ibig, moralidad at/o kagandahang-asal.

• Lantaran din ang panghihikayat ng mga makata na kumilos ang kanilang tagapakinig. Gamit nila ang mga saknong sa balagtasan noong panahon ng Amerikano.

Di ko naman winiwikang tayo’y lagi nang humikbi
At daanin sa panaghoy ang ating pagsasarili,
Yamang sila’y may pangakong buong mundo pa ang saksi,
Hintin nati’t kung yuraka’y saka tayo maghiganti!

mula sa Patuloy na Usapin ni Amado V. Hernandez

• Maging ang mga balagtasan ukol sa mga pangkaraniwang bagay tula ng ginto o bakal at baso at tabo ay naging lunsaran ng mga makabayang kaisipan. Ayon sa Ginto at Bakal ni Pedro Gatmaitan, dakila ang bakal dahil lahat ng gamit na para sa pagtatanggol sa bayan ay may halong bakal halimbawa ang tabak.

• Sa una ay iisiping pangkaraniwang pagtatalo lamang ang nagaganap kung ang paksa ng balagtasan ay pangkaraniwang bagay din. Ngunit ayon kay Zafra, namumutiktik ito sa panunuligsa, pagpapasaring at pagpuna sa pananakop ng Amerikano. Halimbawa ay ang mga balagtasang Baso at Tabo, Kalesa at Auto, Sabong at Kabaret, Kawali at Palayok, Gamot-Botika o Gamot-Damo at Bestido at Baro’t Saya. Kung mapapansin, ang isa ay mula sa modernong panahon at ang isa ay hindi. Ito raw ay kumakatawan sa dayuhan (kasama ang teknolohiya at kulturang dala nito) at sa katutubo.

• Maraming pinaghanguang balon ng kaalaman ang mga makata ng balagtasan para maiparating nila sa madla ang kanilang punto. Apat ang balon na ito ngunit ang unang tatlo lamang ang pinaghanguan, sa pangkalahatan:
1. sinauna at katutubong tradisyon
2. Kristiyanong kamulatan na lumaganap noong panahon ng Kastila
3. kamulatang Europeo at liberal
4. Amerikanisasyon

Humango ang mga makata sa mito, alamat, salawikain, kuwentong bayan at iba pa ng ating bansa.

”Ang tao raw nagigipit, sa patalim ma’y kakapit,”
kaya ikaw, sa sagutang maginoo at malinis,
nang malupig sa katwira’y nasaktan ka at nagalit
at ang ating pagtatalo’y kinaladkad mo sa putik!

Mula sa Balagtasan sa Lumang Usapin nina Hernandez at de Jesus

Mayroon ding hango sa Kastila, marami ang mula sa Bibliya.

Kawangis ng tanging talang lumitaw sa lupang Belen,
sinundan ng Tatlong Hari sa magdamag na madilim;
ang atin mang kalayaan ay tala rin ang kahambing,
na susundan nitong bayan, kahit saan makarating.

Mula sa Balagtasan sa Lumang Usapin nina Hernandez at de Jesus

Batay kay Rizal ang ilang pangangatwiran:

Sasabihin mong si Rizal ay ayaw nang himagsikan,
magsabi ang Noli’t Fili, lalo ang pamahalaan;
sa sinulat lang ni Rozal kahit ngayon mo ilagay,
sa Isla de Corregidor doon siya mabibitay.

Mula sa Balagtasan sa Lumang Usapin nina Hernandez at de Jesus

• Sa balagtasan, mas importante ang siste o wit kaysa sa lohika. Minsan, akala ng lahat ay tapos na ang balagtasan dahil nagipit na ang isang makata, bigla ay bubulalas ito ng isang katwiran na hindi kailangang lohikal ngunit makakalusot pa rin sa argumento. Ito ang nagbibigay-saya sa mga tagapakinig dahil kamangha-mangha ang paraan ng paglusot.

• Bukas na teksto ang balagtasan. Maging ang mga tagapakinig ay malayang makapag-iisip ng sariling katwiran, argumento, pahayag o di kaya ay ”palusot” ukol sa kanyang naririnig sa mga makata. Kung gayon, hinahasa ng balagtasan ang kakayahan ng madla na mangatwiran, mag-isip ng solusyon sa problema at paglusot sa mga kagipitan.

• Nakakatuwa ang pagkakasulat ni Zafra sa kasaysayang ito. Ang sagupaan sa balagtasan ay naging kasing-exciting ng boksing nina Pacquiao at Cotto. Damang dama ko ang init ng pagtanggap ng taumbayan sa mga makata at sa kani-kanilang katwiran. Naging mahalaga pa ito sa pagpapamulat sa mga Filipino ukol sa kanilang pampolitika at panlipunang lagay noon. Ganito pala ang mundo ng balagtasan, malayong-malayo sa larawang ipino-portray ng mga guro sa Filipino ngayon. Ito ay naging routine na lamang at special number sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Sana maraming guro sa Filipino (at Kasaysayan) ang makabasa ng aklat na ito.

Ilang tala ukol sa Balagtasan ng Kalayaan ni Benigno R. Ramos

• Mababakas pa sa balagtasang ito ang duplo sapagkat maladula pa sa dami ng tauhan: Mantenedor, Juan de la Cruz, Tiyo Sam, Rizal at Hukuman.
• Maaaring wala pang nae-establish na tuntunin sa anyo ng balagtasan nang ito ay maisulat. Mayroong iregularidad sa bilang ng taludtod at/o pantig sa ilang saknong. Ang unang mga saknong ni Juan de la Cruz ay may sesura, anim na taludtod at 12 pantig bawat taludtod. Sa ikalawang bugso ng kanyang mga saknong ay aapat na lamang ang taludtod sa bawat saknong, may sesura pa rin at 12 pantid bawat taludtod. Ang mantenedor naman ay minsa’y siyam ang taludtod sa isang saknong, minsan apat, minsan tatlo lang. Ang mga saknong ni Rizal ay may 16 pantig bawat taludtod, apat na taludtod sa bawat saknong at may sesura.

• Gumamit ng kuwento ng love triangle ang balagtasang ito bagama’t halatang pagmamahal naman sa bayan ang pinag-uusapan. Sa line up pa lamang ng tauhan ay agad nang mapapatunayan. Isang babaeng minamahal na ang ngalan ay Kasarinlan ang binabawi ni Juan de la Cruz. Ito raw ay inagaw sa kanya ni Tiyo Sam. Ayaw isauli ni Tiyo Sam ang babae kay Juan de la Cruz dahil lubha pa itong mahina, hindi pa nito kayang ipagtanggol ang babae. Nagtalo ang dalawa. Bumaba pa si Rizal mula sa langit upang tulungan si Juan de la Cruz na maipagtanggol ang sarili. Ang resulta, talo si Tiyo Sam.

• Maaaring ang paggamit ng love/romance angle dito ni Ramos ay bunga lamang ng pagiging unibersal na paksa ng pag-ibig. Ngunit maaari din namang dahil ito sa mayamang tradisyon ng sinauna at katutubo sa pagsasaayos ng hidwaan at pakikipagnegosasyon para sa pag-iisang dibdib. Sa aklat (muli) na The Filipino Mind, binanggit na ang mga Ilongot ay gumagamit ng sagutang patula (na kamukha nga raw ng Balagtasan ng mga Tagalog) sa pakikipag-usap ng isang pangkat sa isa pang pangkat kapag may hidwaan ang mga ito o di kaya ay sa pakikipagnegosasyon para sa pag-iisang dibdib. Ang wikang ginagamit dito ay patula, matalinghaga kumbaga at may indayog upang hindi makasakit nang tuwiran ang alinman sa pangkat. Kadalasan ay pinahahaba ang sagutan upang makapagkilanlan at makapagpalagayang-loob ang dalawang pangkat. Kasaliw ng mga sagutang ito ang inumin at pagkain. Samakatuwid, ang sagutang ito ay isang kasangkapan ng diplomasya. Sa balagtasan ni Benigno Ramos ay mababasa ang hidwaan nina Juan de la Cruz at Tiyo Sam dahil inagaw ni Tiyo Sam ang babaeng nais sanang makaisang dibdib ni Juan de la Cruz. Batay sa sagutan ng dalawa, para na rin silang nakikipagnegosasyon para sa pag-iisang dibdib. Maaaring basahin ito bilang ekstensiyon ng gawain ng ating ninuno (mula sa mga Ilongot) na inia-apply sa makabagong sitwasyon at iyon ay pananakop at pagdadamot ng Amerika sa kasarinlan ng Pilipinas. Kamangha-mangha na maging sa ganitong sitwasyon ay ipinaiiral pa rin natin ang ating pagiging diplomatiko. Mandirigma ang ating lahi ngunit may panahon, lugar at kaangkupang isinasaalang-alang.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...