Saturday, January 2, 2010

first date yiha

Nanood kami ng sine, kuwento ni G.

Gulat na gulat ako. First date, sine?

Gusto kong kotongan si G kaya lang parang clueless naman siya sa ginawa niya este nila. Nila ng textmate niya.

Ba’t sine? Tanong ko.

E…wala. E, naisip ko kung sakaling mahirap pala siyang kausapin sa personal at least sa sine hindi ko siya kailangang kausapin. Kasi nga nanonood kami.

Ha? Ay, teka, ako lang ba ‘tong madumi ang isip? Kasi ang unang pumasok sa utak ko, paano kung manyak ‘yong lalaki?

Para sa akin, sine is a no-no para sa first date. Bakit?

1. Iyon nga. Paano kung manyak ang lalaki? Aba, sobrang lapit ninyo sa isa’t isa kapag nanonood, di ba? Ang weird naman kung one seat apart ang inyong puwesto. Anyway, what if, he’s just pretending to be the most perfect gentleman sa labas tapos pagpasok sa sine at pag-upo ninyo e, bigla na lang dakmain ang dede mo? Opkors, wala na siyang magagawa after that dahil babayuhin mo na ang kanyang dibdib, sasabunutan (ang buhok sa taas) at tatalsikan ng laway habang minumura’t niyuyurakan ang kanyang dangal. Pero hello, nagawa na. Nadakma na dede mo. Iiyakan mo na lang dahil nga past is past. So in short, maganda pa rin ang ibayong pag-iingat. Sa dede and all.


2. Dapat sa first date, nag-uusap. E, paano kayo mag-uusap kung may pinanonood kayo? Kung gagawin ninyo naman iyon, baka ulanin kayo ng popcorn ng inyong fellow moviegoers. So pagkatapos pa ng sine kayo makakapag-usap. Dalawang oras agad ang naubos.


3. Pag nakita ka ng crush mo na may iba kang kasama papasok ng sinehan, ang iisipin niya, jowa mo na iyong kasama mo kahit pa mukha itong ugat ng balite. Kasi nga, sine iyon. Pang-magjowaers lang. So baka hindi ka na kausapin ni crush dahil lang sa nakita niyang iyon.

Iyong number 1 lang ang nabanggit ko kay G.

Kaya, kako, Girl, tapos na iyan pero sa susunod na magkaka-first date ka, huwag naman sana sa sine.

Napaisip tuloy ako ng magandang tip para sa mga magfi-first date. Sa totoo lang, walang general na tip. Depende talaga iyan sa magde-date. Ano ba trip ninyo? Ano ba ang gusto ninyong experience? Ano ba ang fun para sa inyo? At siyempre, dapat ding i-consider ang budget ninyong dalawa. Sino ba ang gagastos? Para sa akin, dapat hati. Para walang utang na loob ang isa sa isa. Kung guy kasi ang magbabayad, magiging mas maingat ang girl sa pagpili ng oorderin o bibilhin. Baka hindi pa niya maorder o mabili ang gusto niya dahil maiilang siya sa katabing presyo ng item.

Kung girl naman ang magbabayad, baka biglang maglaslas ng pulso ang guy dahil nasaan naman ang dignidad doon, di ba? First date, babae ang nagbayad? Naman. ‘Wag. PLEASE.

Kaya, dapat hati. Tutal, para naman kayong magkaibigan pa sa stage na ito. E, di ba ang magkakaibigan, kanya-kanyang bayad naman talaga? Naglilibre-librehan lang kapag may birthday o nakapasa sa board exam o nakakupit sa pitaka ng nanay?

Dapat ding i-consider ang oras ninyong dalawa. Baka papasok pa sa trabaho ang isa sa inyo. O di kaya may gagawin pa sa bahay. O di kaya may imi-meet pang tao. (huwag namang another first date, ano?). Kaya mas maganda kung malinaw ang oras ng pagmi-meet at oras ng pag-uwi bago pa mangyari ang first date. Puwedeng tumagal nang dalawang oras ang first date. Puwede rin namang whole day lalo na kung out of town. Biyahe pa lang, ubos nang oras ninyo.

Nakalimutan ko na ang mga first date ko. Hetong sa palpak pang lalaki ang pinakanaaalala ko:

• Pumunta siya sa opening ng exhibit namin tungkol sa kulturang Chinese sa Faculty Center sa UP. Ako ang nagsilbing usherette para sa kanya at sa bitbit niyang office mate. E, di, ayon, explain-explain ako ng mga natutuhan ko sa Chinese class namin. Halimbawa, kapag nagsusulat ng character, may sinusunod na hakbang. Hindi ka basta bumubuo ng character. Madalas, una ang pahalang na linya bago ang mga patayo, etc. etc. Pagkatapos noon ay kumain kami sa KFC. Kasama ang kanyang office mate. Eventually, naging BF ko siya at awa ng Panginoong Maykapal, niloko ako. Me ka-live in pala ang unanong tabatsoy na ‘to. 'Nyemas. Okey na nga’t pumayag kang maging boypren siya kahit mukha siyang Gasul na nag-polo shirt, niloko ka pa. Ewan.

Ayos lang naman kung palpak ang first date. Wala naman talagang perpektong first date. Ang mas importante, hindi palpak iyong taong ka-date. Ibig kong sabihin, walang sabit (tulad ni Ginoong Gasul) at higit sa lahat, masayang kasama.

Oh well, ang gusto kong first date, ganito:

Setting: Modern Manila, December
Budget: P400/head
Oras: 2 p.m. onwards

Bakit December? Hindi hassle ang ulan. Hindi rin gaanong mainit kaya hindi hassle ang kilikiling basa sa mga tulad kong mabilis magpawis. Bakit P400/head? Huwag masyadong magastos dahil kung magastos na ang first date, mag-eexpect ang taong ka-date nang mas magastos na mga susunod na date. Kumbaga, kung bongga ang first date, dapat lang na bonggang bongga ang susunod. At bonggang bonggang bongga ang mga susunod pa. Kaya maganda na iyong nagsisimula sa simpleng date muna. Bakit hapon? kasi kung umaga, malamang ang tapos niyan ay tanghali o hapon, pareho nang pabantot nang pabantot ang hitsura ninyo. At least kung nagdaan na ang tanghali, hindi na problema ang init. Bakit sa Maynila? Kasi kabisado ko ang lugar na ito. Siyempre, mas maganda talaga kung kabisado ng babae ang pupuntahan niya. Sakaling weirdo pala ang ka-date niya, alam na niya ang daan pauwi o palayo sa kasumpa-sumpang ka-date.

Ano ang mga gagawin?

Heto:

Magkikita kami sa Quiapo Church. Puwedeng sa loob, puwedeng sa labas. Kung may ongoing mass, magsisimba muna ako. Aba, kelangan din ang powers of the divine sa mga ganitong araw. Pag nagkita na kami, magdadasal saglit bilang pasasalamat sa Kanya dahil inihatid nang maayos sa isa’t isa ang isa’t isa.

Maglalakad kami papunta sa Bahay Nakpil-Bautista na 5 minutong lakaran lang mula sa Simbahan. Ito iyong bahay ng lakambini ng Katipunan na si Oryang. Museo na ito ngayon. Mahilig kasi ako sa mga museo kaya diyan ko siya kakaladkarin. Kapag na-bore siya sa katitingin sa magapok na kamang gawa sa kahoy, maalikabok na mga upuan, mesa at picture frame nina Gregoria de Jesus, hindi kami compatible. Wala nang second-second date.

Makikipagkuwentuhan kami kay Mam Tess Obusan, ang curator ng museo. Kung may pera ako, bibili ako ng libro ni Mam Tess. Kung wala, magbibigay na lang ako ng donation. P40 per head. KKB. Tatawanan ko na lang na ang donation na tinatawag ay may fixed price. Para na ring entrance fee, di ba? Nahiya pa.

Sunod, maglalakad kami papunta sa simbahan ng San Sebastian. mga 10 minutes ito. Kaya hindi ako magsusuot ng mataas na sapatos. Iyong tama lang na panglakad-lakad para komportable sa buong araw. Kung may camera, magpapa-retrato ako sa labas nito. Kailangan ma-capture sa retrato ang patusok-tusok na mga column ng simbahan na para bang handang butasin ang mga ulap. Kung walang camera, tatambay kami sa labas ng simbahan hanggang sa manawa ang aming mga mata sa kagothic-an nito. Tapos yayakagin ko siyang pumasok sa loob kahit pa may kasalang ginaganap. Ituturo ko sa kanya ang mapapansin kong mga lapida sa sahig, ang madumi’t kulay-singit na kisame, ang mga lalaking kasama sa entourage na puro nakaitim, mukha tuloy lamay at hindi kasal ang ginaganap.

Tapos sasakay kami ng dyip pa-Quiapo at pa-Malate. KKB uli. Yayakagin ko siyang magmeryenda sa Aristocrat. Sa Malate. Iyong nakaharap sa Manila Bay. Oorder ako ng chicken BBQ. Nasa P150 yata. Bahala siya kung anong gusto niyang order-in. Basta ito ang akin. Ako naman ang magbabayad, e. Nitong order ko. Saka paborito ko ito. Kasi naaalala ko ang tatay ko kapag nakakakita ako ng java rice. Noong Grade 3 ako, kapag may pera ang Daddy ko, pinapakain niya kami ni Colay sa Aristocrat sa Malate. E, lagi’t lagi, ang nauubos ko ay iyong java rice lang. Iyong ulam, kalahati pa lang, busog na ako. Nasasayang ang kalahati. Sasabihin ng Daddy ko, iyong ulam ang uubusin mo, hindi iyong kanin. Lugi tayo niyan, e. Titingnan ko lang ang Daddy ko kasi hindi ko naman naiintindihan ang sinasabi niya. Anong nalulugi? Saka ba’t iyon ang ipauubos sa akin e sa java rice ako nasasarapan?

Habang kumakain ng chicken BBQ kasama si ka-date, mapapangiti ako. Bukod sa masarap ang meryenda ko, naaalala ko pa ang Daddy ko. At gusto ko iyon. Masarap sa damdamin. Nakakabusog ng puso. At this time, sisimutin ko ang ulam. Wala nang tira. Pati atchara, titirahin ko pa.

Tapos magkukuwentuhan kami tungkol sa mga natuklasan namin sa museo. Nagtanan pala itong sina Oryang at Andres Bonifacio. Kasi ito palang si Oryang, parang kinidnap ng sariling magulang. Ayaw siyang palabasin ng bahay dahil alam na makikipag-rendezvous lang siya kay jowang Andres. Ang ginawa ni Oryang, sumulat sa mataas na opisyal ng Maynila at humingi ng tulong. Siya daw ay pinahihimpil sa kanilang bahay against her will. Walang katulad pala itong si Oryang. Bata pa, palaban nang talaga. Katipunera!

Magkukuwentuhan din kami tungkol sa isang pelikula. Siyempre kailangan pareho naming napanood. At dahil ito ay date, alangan namang magkuwentuhan kami tungkol sa 2012 na tungkol sa pagkagunaw ng mundo, o di kaya ay Ang Darling kong Aswang, na sobra namang pambatang komedi na pampamilyang pang-ewan. Dapat iyong tama lang. iyong hindi masyadong magaan, hindi rin masyadong mabigat na pelikula. Parang Twilight lang or New Moon.



Babanggitin ko sa kanya na tulad din ako ng milyon-milyong mortal na kababaihang may crush kay Edward. Kung may hawig ang mata ng ka-date ko kay Edward, sasabihin ko iyon. Ganito: alam mo, mukha ka palang bampira. Tapos magtatawanan kami. Sana lang may sense of humor siya. Patay ang leeg ko pag wala. Baka bigla niyang sagpangin.

Sasabihin ko rin na nakukulangan ako sa acting ni Bella. At hindi ko maintindihan kung bakit siya pinag-aagawan ng isang bampira’t isang werewolf na kapwa hottie kapag nasa anyong tao samantalang wala naman siyang endearing qualities, at hindi rin naman siya kagandahan at kaseksihan. Di tulad ko na maganda na, seksi pa. Medyo magka-size lang kami ni Bella sa dede pero mas maganda pa rin ako doon kasi hindi tingting ang korte ng katawan ko. korteng karayom lang. aray.

Pagkatapos naming magkuwentuhan, pagmamasdan namin ang paligid. Titingin kami sa labas. Trapik pa ba sa Roxas Boulevard? Hihintayin ko siyang sumagot. Kung wala siyang sagot, ako na ang magsasabi. Kung mabagsik pa ang sikat ng araw, magkukuwentuhan pa kami. Ikukuwento ko sa kanya kung gaano kagaling magmura ang pamangkin kong si Dilat na 2 taong gulang. Malutong kong bibigkasin ang PUNTANGKINAMO para i-demo ito sa kanya. Ikukuwento ko sa kanyang hindi ako nakakagawa ng paper dahil ayoko talagang gumawa ng paper. Mali talaga ang kurso ko sa masteral at malapit na akong mag-quit. Ga-sinulid na lang ng gagamba ang pasensiya ko sa kurso kong iyan.

Kapag huminhin ang sinag ng araw, yayakagin ko na siyang tumawid papunta sa Manila Bay. Maglalakad kami roon. Sa Baywalk, papunta sa CCP. Iiwasan namin ang mga guwapong joggers doon. At baka mawalan pa siya ng ka-date. Ayon na akong bigla, nakiki-jogging na rin. Ituturo ko din sa kanya ang mga lalaking nakaantabay sa paglubog ng araw, hawak ang camera sa isang kamay, yosi sa kabila.

Hihinto kaming saglit sa isang rebultong nagbibigay-halaga sa mga marinong Pilipino. Iyon din ang lapida ng mga marinong pumanaw sa ilalim ng dagat. Tamo nga naman, may nagawa palang mabuti itong si Lito Atienza bukod sa pagtatadtad ng ilaw sa overlit na pag gabing Roxas Boulevard.

Pagdating sa CCP, hahanap kami ng magandang spot para makita ang saktong paglapat ng pulang araw sa dagat. Papanoorin namin iyon at magtatanong sa isa’t isa, nasaan na kaya ngayon ang araw?

Saan naman ito kasalukuyang sumisikat? At mamasdan namin ang langit at ang dagat. Hindi kailangang mag-usap sa puntong ito. I-eenjoy lang ang pang-araw-araw ngunit di kailanman magiging karaniwang kariktan.

Kung may libreng konsiyerto sa CCP, yayakagin ko siyang manood at makinig. Kung rehearsals lang, sige na’t patulan na rin. Wala namang bayad, e. Kung walang ganyan, manatili na lang sa damuhan o sa kongkreto, maupo at magkuwento: mga kaibigan sa trabaho, mga estudyanteng pasaway, nanay na ubod ng kulit. Kung meron, maghanap ng kainan na malapit sa may pa-konsiyerto at doon na mag-dessert. Para naman may maupuan nang disente habang nakikinig. Kung may halohalo, iyon ang oorderin ko. Mga isandaang piso ang presyo niyan. Kapag sumobra doon, ubod na iyon ng mahal. Ba’t halohalo? Para kakaiba. Para hindi ako malimutan ng date ko. Halohalo sa Pasko! At hindi basta-bastang halohalo. Halohalo special siyempre. Iyong may ice cream. Dalawang scoop ng ube. Kasehodang nanginginig ang lahat ng balahibo, ngipin at mga bagang ko, go.

Tapos habang kumakain, makikinig kami sa mga pamaskong awit. Itatanong ko sa kanya, anong balak niya sa Pasko. Sasabihin ko naman ang mga balak ko kahit hindi niya ako tanungin. Para naman may mapag-usapan pa kami. Magco-comment din ako sa crowd na nanonood sa libreng konsiyerto. Kung madami, sasabihin ko, andami at ipapakita kong masaya ako. Kasi maganda rin naman talagang makapakinig ang marami sa mga ganitong konsiyerto. Lalo’t libre. Kung konti, sasabihin ko, ang konti, ’no? At hihikayatin ko siyang mag-isip ng mga paraan para mapadami ang tao sa ganoong event. Kung wala siyang maisip, okey lang. By this time, pagod na ako. Kung tahimik siya, tatahimik na rin ako.

Hindi ko na siguro tatapusin ang konsiyerto. Maggagabi na or gabi na sa puntong iyan.



At dahil ayoko nang gumastos pa sa hapunan, pagkatapos ng mga anim o pitong kanta, yayakagin ko na siyang umuwi at maglakad papunta sa sakayan. Habang naglalakad, titingin ako sa langit.

Sasabihin ko, ang ganda ng gabi, ano? Tapos magpapasalamat ako sa kanya. Thank you, ha? Salamat talaga. Nag-enjoy ako. Kung hindi ako nag-enjoy, hindi ko na sasabihing nag-enjoy ako.

Kung nag-enjoy ako, ako na ang magtatanong. Magkikita ba tayo uli? At ngingiti ako nang pagka-sweet-sweet, taob si KC Concepcion.

Bago matapos ang pag-uusap namin ni G tungkol sa first date niya, pinayuhan ko uli siya: maglista ka ng mga dream dates mo. At kapag nagkaroon ka uli ng pagkakataong magka-first date, isagawa mo ang mga nasa listahan mo.

Tumango naman si G.

O, kamusta? Okey naman siya? Tanong ko pa.

Okey naman. Magkaka-second date na nga kami, e, sagot naman ni G.

Talaga?

Kumutitap ang mata ni G.

Saan? Sundot ko.

Magba-bar kami.

Bar?

Nge. Bigla akong nalasing. Hik!




Copyright ng mga larawan: Ronald Verzo.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...