Wednesday, September 30, 2009

overnight kung overnight

Dahil sa karanasan ko noong Sabado at Linggo, magmumungkahi ako ng mga dapat gawin para sa mga emergency case tulad ng pagka-stranded sa eskuwela o sa opisina dahil sa bagyo o baha. Eto:

1. Huwag mag-panic.

Ang isa sa nagpaganda ng karanasan kong ito ay ang mga kasama ko. Cool na cool. Siguro ang isang dahilan ay huli na nang ma-realize naming seryoso ang sitwasyong kinalalagyan namin. Noong tanghalian, nagmiminiminimaynimo pa kami kung saan oorder ng pagkain. At habang nagmiminimaynimo kami, umaakyat na pala ang tubig-baha hanggang ngala-ngala. Mabuti na lang talaga at nag-deliver pa ang Eva’s. Pagkakain, nagkantahan pa kami ng Huling El Bimbo at Magasin. ‘Yong iba sa amin, nag-check ng papers. ‘Yong iba, nagte-text na. ‘Yong iba, binisita na ang mga estudyante. ‘Yong iba, nakibalita sa aming mga superior na nasa 4th floor. Ako naman, nagbabasa-basa pa ng The Lost Symbol na ipinahiram ni Ms. Claire. Walang nagbabanggit ng overnight-overnight. Hindi pa nagsi-sink in sa amin ang realidad.

Pero nang gumagabi na, medyo nag-alala na ang mga tao. Siyempre ang unang concern, hapunan. Pero wala pa ring panic-panic. Cool na cool pa rin. Nakatulong din ang gitarang iniwan ng isang dating faculty sa aming faculty room. Dahil sa musika, medyo relaxed ang mode ng mga tao. Si Sir Lawi nga, ginitarahan pa ang ibang mga estudyante niya.

Buti na lang ganoon. Kasi walang nagsisisihan, nag-uutusan, nagsisigawan, walang tensiyon. Natapos ang Ondoy, dumami pa ang aking kaibigan.

2. Huwag nang tangkaing umuwi.

Mas maganda nang ma-stranded sa lugar na pamilyar sa iyo at komportable ka. Sa kaso naming mga naiwan sa faculty room nang kasagsagan ni Ondoy, nagpapasalamat talaga kami dahil tuyo, maganda, mabango at malinis ang aming kinalalagyan. Ang ibang faculty na nakaalis nang maaga, na-stranded sa kalsada, sa kotse, sa LRT, ‘yong iba sa Mendiola (nakituloy na lang tuloy siya sa bahay ng dati niyang estudyante) at 'yong ibang estudyante, sa overpass.

3. Tumutok agad sa telebisyon o radyo para makakuha ng pinakahuling impormasyon.

Noong me koryente pa, eto ang nakaligtaan naming gawin. Kasi naman, nakaiskedyul kaming maglakwatsa noong gabi dahil delayed birthday celebration sana ni Ms. Claire. At nagtatalo-talo pa kung saan pupunta. Me nagyayaya sa Korean Filmfest sa Shang (ako ‘yon, ako yon). Meron ding nagyayaya sa dampa na malapit sa MOA. Lahat kasi kami, hopeful na titigil ang bagyo.

4. Umorder agad sa kung saang kainan na kaya pang mag-deliver ng pagkain. Huwag nang umasa sa ipadadala ng iba. Kung walang tubig na maiinom, magpadeliver na agad.

May nagbalitang magpapadala raw ng pagkain ang Sec. Gen. Mabuti na lamang at segurista ang mga kasama ko. Umorder pa rin kami ng pagkain sa ipinadalang assistant ni Kuya Ed, may-ari ng karinderyang Kuya Ed’s sa may Asturias St.

Gabing gabi na (mga 8pm) nang dumating ang sinasabing pagkain: spaghetti ng Jollibee. At pailan-ilang piraso ng styro kada dating. At dahil hindi sapat ang bilang ng spag, pinaghati pa ang dalawang estudyante sa iisang styro pack. Kung umasa kami rito, malamang na nagutom kaming mga guro. Wala nga rin palang drinks na ipinadala ang Sec. Gen. Mabuti na lamang at may bottled mineral water at juice ang Commerce Student Council. Iyon ang ipinamigay noong hapon pa lang.

Nagpadala ng isang galon ang seminary noong gabi pero sinabihan naming silang huwag na iyon ang unahin. Mas kailangan ng mga bata ang pagkain. Marami sa kanila ang hindi pa nanananghalian.

5. Kumilos hangga’t may koryente at ilaw. Mag-imbak ng tubig na maiinom. Mag-
charge ng cellphone. Maghanap ng mga kandila para pag dumilim ay may aasahang liwanag.

Walang kandila sa faculty room. Kaya pinuntahan namin ni Mam Lanie si Ate
Chona. Nagpasama ako sa kanya na umakyat sa Pax Romana Office. Buti na lang at maraming kandila doon para kay Mama Mary. Sorry, Mama Mary. Kami ang dahilan kung bakit wala kang kandila ngayon.

6. Tanggalin ang mga kasangkapan na maaaring makasagabal sa pagkilos-kilos ninyo kapag madilim na.

Maaga pa lang, pinalitan na namin ang galon sa water dispenser. Konti na lang
naman ang laman niyon. Pero naisip naming mas mahirap i-shoot ang galon sa dispenser kapag madilim na. Pagkapalit, itinabi din naming ang walang lamang galon para hindi makatisod ng iba.

7. Ilayo ang mga bulaklak o halaman, kung meron man, sa kinalalagyan ninyo dahil
mag-aattract lang ito ng insekto at lamok. Baka makaligtas ka nga sa baha, e ma-Dengue ka naman.

Katatapos lang ng Commerce Week kaya sangkaterbang bulaklak at bouquet ang
nakahambalang sa faculty room. Itinabi namin ni Sir Bondame ang mga bulaklak para mas maaliwalas ang aming faculty room at para lumayo-layo nang konti ang mga lamok pagdatal ng gabi.

8. Tumawag kung may landline pa o mag-text sa mga kamag-anak at alamin ang
kalagayan nila. Kung ligtas sila, magpabili ng load at i-update sila sa iyong sitwasyon kada isa o dalawang oras. Huwag na huwag magpasundo. Baka sila rin ay ma-stranded. Iyong isang estudyante namin, nagpasundo sa buong pamilya. Dumating naman ang buong pamilya: nanay, tatay, kapatid. Lumusong sila sa pagkarumi-ruming bahang hanggang dibdib lang naman. Ayun, awa ng diyos, sama-sama silang na-stranded sa UST.

Siyempre, nag-aalala rin ang mga mahal namin sa buhay at nag-aalala kami para sa kanila. Cool na cool kami pero hindi na lang siguro pinahalata ng marami sa amin. Wala naman kasi kaming magawa talaga kundi kausapin si Ondoy.
Si Sir Art nga, di mapakali kasi ang in laws niya e nasa bubong na ng bahay nila sa Marikina noong hapon. Tapos yung sarili niyang pamilya, nasa 2nd floor na. Hapon pa lang iyon. Kaya naman, pagbukangliwayway, umuwi na agad si Sir Art. Siya ang unang umuwi sa aming lahat na nag-overnight.

Ako naman, salamat na lang talaga sa pagiging malilimutin ko, naiwan ang cell sa sasakyan ni Joji. Kaya wala akong maitext. Ni hindi ko makumusta ang nanay ko. at ang worse pa, kapag mini-missed call ko si Joji gamit ang cell ni Mam Cora, Sir Bondame at Mam G, ay hindi siya makatawag-pabalik dahil ampangit-pangit ng signal. Hay, bad trip talaga!
Naunang nawala ang dial tone ng telepono sa faculty room. Buti na lang, hindi nasira ang direct line sa dean’s office. Pero kinagabihan ko na nalaman ito. Ngek.

9. Huwag na huwag bababa sa tubig hangga’t maaari lalo na kung may koryente pa.
Baka maihaw ka lang.

Walang sinabi ang Titanic sa eksena sa ground floor ng AB/Commerce Building. Noong gabi, sobrang dilim, paisa-isang flashlight ng guwardiya ang rumoronda sa itim na tubig. Lumulutang ang mga bench, ang mga plastic na upuan, ang plastic na lalagyan ng mga scratch paper para sa recycling project ng eskuwela, kalat, basura, ipis at iba pa. Kalahati ng elevator namin, lubog. At ang center for creative Writing Studies ni Mam Ophie Dimalanta, lubog din.

Kahapon, tinext ko si Eros tungkol dito. Napa-fuck at tangna siya. Marami pa raw siyang gamit sa center. Sabi ko na lang, sori, sori talaga. Sa totoo lang, ayokong pinagmumulan ng ganitong balita. Putsa, kahit ako, di ko ma-imagine na malunod sa tubig-baha ang mga libro ko at computer, ‘no? Sabi ko na lang din kay Eros, magpalipat sila ng opisina sa Sec. Gen.

Dapat lang naman talaga na ang document-intensive offices na tulad ng Center for Creative Writing (na actually ay non-existent na dahil ginawa nang Office of Writer-in-Residence) ay ilipat sa mas mataas na area sa university.


Yes, I strongly suggest na lahat ng ground floor sa uste ay gawin na lamang receiving area o parking lot para walang maapektuhang dokumento o mga aklat o equipment o kagamitan. Amen.

10. Mag-organisa ng community praying.

Natuwa ako sa AB nang makita kong nagdarasal sila. Faculty nila ang namuno. May birhen pa sa gitna ng kumpol-kumpol na estudyante. Umakyat agad ako para sabihin sa mga student leaders ng Commerce ang nakita ko. Iminungkahi kong mag-organisa din sila ng community praying. Sabi nila, pagkatapos na lamang kumain. Pero hindi ako sigurado kung nagawa nga ito.

Sa totoo lang, aligaga na ang mga estudyante. Kahit may dumarating na pagkain, hindi naman sapat. Noong hapon, may dumating na dalawang bandehado ng pansit. Naghati ang AB at Commerce. Ang problema, hindi sapat. Wala ring paper plates at tinidor. Ang mga nakita kong taga-1LAM, pasikreto kong pinahiram ng mga plato at tinidor mula sa cabinet ng faculty room.

Umakyat kami ni Mam Lanie sa Dean’s Office. May natirang isang naka-colored cellophane na mga delata na offering sana sa church. Puro sardinas. Sinabi namin sa Asst. Dean na gutom pa rin ang ilang bata dahil hindi nakakain ng pansit. Ibinigay ito ng Asst. Dean. Dinagdagan din niya ng biskuwit. Naghagilap kami ng can opener at mga lalagyan ng pagkain. At natuklasan ko ang mga paper plate, plastic spoon and fork, cups sa isa sa mga cabinet sa faculty room. Salamat sa mga cabinet ng faculty room.

Sardinas at biskuwit ang kinain ng ilan sa mga estudyante ng commerce. Me nakakatawa pa ngang eksena. Kasi si Mam Lanie, sobrang maalalahanin, siya pa ang nagbubukas ng lata ng sardinas. Sabi ko, ipabukas na lang sa mga bata. Ang problema, hindi pala marunong ang karamihan sa mga bata. Tiyak na hindi kumakain ng sardinas ang mga ito. At kung kumakain man, e mga yaya at nanay ang nagbubukas para sa kanila. Susmaryosep. Pag nagkadelubyo, unang unang magugutom ang mga batang ito.

Lalo na nung gabi, mas aligaga na sila. Sigurado akong hindi sila nakapagpahinga. Nakasalampak sila sa sahig. Diyaryo at karton lang ang sapin sa likod. Me nagbigay sa kanila ng mga t-shirt. Me nagbigay ng ilang kumot. Hindi ko na naitanong kung saan galing. Pero makalat ang paligid. Madilim. Kandila lang ang tanglaw nila. Mabuti na lamang, marami ang magkakagrupo. Umpok-umpok sila. Mas maganda talaga ‘yung may kakuwentuhan ka sa panahong ganito. Hindi ka masyadong maaawa sa sarili mo dahil nakikita mong hindi ka nag-iisa. Pare-pareho kayong stranded at walang magawa para makauwi.

Sinabi ko rin sa mga co-faculty ko na nagdasal ang AB. Pero pagod na rin siguro ang mga tao. Hindi na namin nagawa ito nang sama-sama pagkatapos ng hapunan. Pero earlier that night, mga 6:00 pm, tahimik na nagdasal sina Mam Imelda, Mam Cathy, Mam Nora at Mam Lanie. Niyaya nga ako pero tumanggi ako. Hindi naman sa ayaw kong magdasal, wala lang sa isip kong magdasal nang saktong oras na iyon.

11. Ilista ang pangalan ng mga taong kasama.

Importante ito para alam ninyo kung ilan ang nawawala sa buong maghapon at magkakaroon ng search at rescue kung kinakailangan. Sa kaso namin, hindi naman umabot sa ganoon. Naging useful ito noong umoorder na kami ng pagkain dahil alam namin kung ilan kaming lahat.

12. At higit sa lahat, ngayon pa lang, ngayong walang humahagupit na bagyo at
rumaragasang baha, maglaan ng isang cabinet para sa mga emergency na sitwasyon.

Lagyan ito ng:
1. kandila (mga limang piraso, isang dangkal ang haba)
2. posporo o lighter
3. flashlight na may baterya
4. baterya (isang bagong pack)
5. radyong de-baterya
6. maraming maraming biskuwit, iba’t ibang klase
7. maraming maraming bottled water
8. noodles, pancit canton at iba pang hindi nabubulok na pagkain (i-check ang expiration date once in a while)
9. maraming maraming delata (i-check ang expiration date once in a while)
10. dalawang can opener at kutsilyo
11. paper plate, plastic spoon at fork, plastic na baso (maraming marami)
12. tunay na plato, kubyertos at baso
13. mga tigsasampung tableta ng multivitamins, pang-diarrhea, paracetamol, mefenamic acid, antibiotic, aspirin,
14. band aid, alcohol, gasa, sabon, toothpaste at toothbrush
15. directory ng mga phone number na dapat tawagan kapag emergency
16. tsinelas na goma, bota, kapote at payong
17. kalan na may maliit na tangke ng gas
18. tag-isang call card ng smart at globe
19. sanitary napkin at tissue
20. life vest, lubid at mga karton
21. unan at maraming maraming maraming kumot (kahit super luma)
22. mga long sleeves at pantalon para iwas-lamok (panlalaki at pambabae)
23. katol
24. charger ng pinakakaraniwang cellphone
25. papel at panulat
26. pito (whistle)
27. Bibliya at rosaryo (para sa mga Katoliko)

Siguraduhing hindi mababasa ang cabinet na ito. Siguraduhin ding madali itong
maaabot at mabubuksan ng kahit na sino: bata, matanda, babae, disabled at iba pa.

Pagkatapos ng lahat, kapag normal na ang situwa-situwasyon, dapat ay pinasasalamatan pa rin ang mga nakasama at tumulong. Salamat sa mga ka-Ondoy ko:

Mam Cora
Mam Nora
Sir Bob
Sir Mario
Mam Imelda
Mam Cathy
Sir Bondame
Mam Claire
Mam G
Sir Art
Sir Paguts
Mam Vivien
Mam Lanie
Mam Ruby
Sir Lawi
Sir Cabs

Mula naman sa Dean’s Office
Sir Jim
Mam Calara
Ate Chona
At ang mga SA

At mula sa CR ng babae sa Commerce Faculty Room: ikaw na mahiwagang teenager na babae ka, salamat sa pagpaparamdam.

Saturday, September 26, 2009

ang future ni ej?

early this year, nagpatulong sa akin si dai na maghanap ng mauupahan.

sabi ko, oo, dun sa kamias, andami.

ilang hakbang mula sa amin ay may bagong tayong mga townhouse. ang isa roon ay nagkabit ng tarpaulin sa labas tungkol sa paupahan nila. puwedeng puwede para kay dai, kako.

isang gabi, bumisita na nga sa bahay namin si dai. may tinatapos ako noon kaya inutusan ko na lang si ej.

ako: pakidala mo nga si tita dai mo sa bagong bahay diyan sa malapit. dun sa may nakalagay na room for rent ladies only.

ej: ok, mama.

(tumalikod na siya at nagtsinelas. pero bago umalis ay nagpunta pa sa banyo. paglabas ng banyo...)

ej: saan ko nga uli dadalhin si dai, mama? sa may...ladies for rent ba yon?

hahaha panalo. bugaw yata ang anak ko paglaki.

Friday, September 25, 2009

panayam ukol sa pananaliksik

Enhancing Research Culture among Faculty

Faculty Development Seminar, College of Commerce

Sept. 23, 09

Tagapagsalita: Dean Leonardo R. Garcia ng Lyceum (dating full professor sa DLSU-Manila)

• Analytical research is more subjective kesa sa descriptive.

• Jollibee is more Pinoy dahil sa langhap-sarap. Nanaliksik sila at nalaman nila na Pinoys smell their food before eating. E, hindi ito nakita ng McDo. At huli na nang ma-realize nila ito. Kaya naman, ibang approach na lang ang ginawa ng McDo. Kitakits, namuhunan sa visual, ang kanilang tagline.

• Mula sa 100-300 respondents puwede nang makagawa ng projection.

• Ang mga nasa marketing industry, mas gusto ang qualitative. Ang mga nasa econ naman, quantitative.

• Hypothesis ay dapat sound at acceptable bago gawin ang pananaliksik.

• Halimbawa ng qualitative-7-day whitening, langhap-sarap, parang na-hot oil

• Halimbawa ng quantitative-1 million subscribers, 8 out of 10 doctors etc.

• Doing research is a humane experience, kasi very humbling ang karanasang ito. Pagkatapos ng iyong defense, malalaman mong wala ka palang alam.

• May IQ, EQ, SQ, spiritual quotient, RQ, Reputation Quotient,

• Pangit daw ang term na PR kasi bakit nga ba naman kailangan pang i-PR ang isang kompanya kung maganda naman ang reputasyon nito? So in the future, maaari raw na magkaroon ng reputation management department ang isang kompanya. Hahaha weird!

• May nag-i-install ng CCTV sa kanilang stores para maobserbahan ang behavior ng kanilang market/client. Ano ang kanilang habit o gawi kapag sila ay namimili?

• Dapat ang survey form, tinetesting din. 3 pages ang pinakamahaba.

• Case study- studies an individual, an institution or an object or a few of these. Magandang methodology ito. Publishable din ito.

• Ang basa sa nokia ay nokya. Hahaha hindi raw best cellphone ang nokia. User-friendly lang ito. Ang pinakamahusay daw ay ang Motorola.

• 7-research process
1. Identify the problem or issue, state the possible relationships of variables
2. Review and analysis of relevant lit and other studies
3. Specify the hypothesis or researchable questions
4. Develop and decide on data collection methods
5. Choose subjects, conduct the study, and collect the data
6. Conduct data analysis and report findings and results
7. Discuss implications or the findings, and make recommendations
KAILANGAN KO NANG GAWIN ANG MGA ITO. SUPER.

• APA American Psychological Association format, ito ang ginagamit na format sa pagsulat ng pananaliksik (sa paaralang ito)

• Kailangang malinaw ang problema mo kasi kung hindi, magkakaproblema ka pang lalo.

• Social network site lang ang multiply noon pero ngayon ito na ang leading site ng e-commerce sa pinoys.

• Huwag na huwag kukuha ng impormasyon mula sa Wikipedia kasi kahit sino puwedeng mag-publish doon. Puwede lamang kumuha ng info doon kung makikita sa entry ang pinagmulan ng impormasyon at ang mga ito ay mula sa respetadong journal o aklat o dalubhasa.

• Bigger companies don’t give information to practicumers. Kaya iniiwasan na ito ng DLSU na pagdalhan ng mga practicum students nila. Pumupunta na lang sila sa mas maliliit na kompanya. Dalawa ang makikinabang. Yung estudyante at yung kompanya.

• Ang trend ngayon ay (csr) corporate social responsibility (siguro ang mga worker, naghahanap na rin sila ng kabuluhan nila sa lipunan at gusto nila ang kompanyang paglilingkuran nila ay makakatulong sa kanila para maging makabuluhan sa lipunan)

• Analytical ay qualitative

• Descriptive ay quantitative

• Sa DLSU, may kinalaman ang research output ng mga prof sa kanilang bonus (as in pera, pera, pera) galing sa eskuwela. ANG SAYA NITO!

Thursday, September 24, 2009

papel 7

Paksa: Ilang Tala sa ilang bahagi ng Orality at Literacy ni Walter Ong

Ang Dalawang Mundo ng Salita

Ang introduksiyon at ikaanim na kabanata ng Orality at Literacy ni Walter Ong ay nagbigay-diin sa kaibhan ng Orality at Literacy. May sariling mundo ang bawat isa. Ang mundo ng orality ay may distinct na katangian at tuntunin sa pag-inog nito. Samantalang ang mundo ng literacy, bagama’t may sariling mundo rin ay hindi naman maaaring makapag-exist nang hindi muna dumaan sa mundo ng orality.

Marami akong natanto pagkabasa ng babasahing ito. Tunghayan ang ilan:

1. ang dalawang mundong nabanggit sa itaas ay nagluwal ng dalawang uri ng kultura: ang kulturang oral at kulturang pasulat.

Panganay ang kulturang oral. May mga kulturang oral na hanggang ngayon ay walang ideya kung ano ang kulturang pasulat. Ngunit ang kulturang pasulat ay dumaan muna sa kulturang oral bago naging kulturang pasulat. Ibig sabihin, lahat ng kulturang pasulat ay nagmula sa pagiging kulturang oral.

Magkaibang magkaiba ang mga kulturang ito. Kailanman ay hindi magkakapareho maging ang isang salita para sa taong mula sa kulturang oral at sa mga taong namulat na sa kulturang pasulat. Halimbawa ang salitang diwata. Sa kulturang oral, ang salitang ito ay nagpapasulpot na sa isip ng nakarinig (ng salita) ng iba’t ibang imahen ng diwata at lahat ng kaugnay nitong bagay. Samantalang ang taong mula sa kulturang pasulat ay uulit-ulitin muna ang salitang diwata at ang mga titik D-I-W-A-T-A nito sa isip saka lamang maaaring mag-generate ang kanyang isip ng imahen ng isang diwata, iyan ay kung alam niya ito, at ng mga bagay na kaugnay nito.

2. hindi angkop ang oral literature para itawag sa mga akdang ito.

Ito ay dahil ang literature ay nagmula sa salitang letter na tumutukoy sa pasulat na simbolo ng mga tunog na kung tawagin ay wika. Sa Filipino ay gayundin. Ang salitang panitikan ay nagmula sa salitang titik.

Ayon kay W. Ong, ang mas angkop na tawag sa mga akdang ito ay text na ang
root meaning ay to weave. Sumasang-ayon ako. Lahat ng nabasa kong akda para sa klaseng PP 230 ay nagpakita ng sining ng paghahabi ng mga pangyayari, kuwento, paglalarawan, kultura, panlipunang pagtatakda at iba pa. Ang mga oral performance naman daw ay mas mainam kung tatawaging voicing. Sang-ayon din ako halimbawa na lang ang manobo storytelling, ito ay hindi naman basta pagtatanghal gamit ang bibig kundi ito ay pagsasatinig, pagsasatinig ng alaala ng isang storyteller.

3. ang lahat ng wika ay mayroong komplikadong grammar at ito ay nalinang at
napalawig nang walang tulong mula sa kulturang pasulat (dahil hindi pa nga ito naimbento noon).

Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na ang pagkakabuo ng mga sistema at
tuntunin sa grammar ng mga wika ay nakabatay lamang sa kung ano ang maganda sa pandinig ng mga gumagamit nito.

4. Hindi na posible ang pinakamataas at pinakamahusay na verbal performance dahil sa pag-iral ng kultura ng pagsusulat.

Dahil nga malay na ang tao sa pagsusulat, hindi na ito makalikha ng pinakamahuhusay at pinakamagagandang “voicings.” Kapag ang isang tao ay nagtatanghal sa oral na paraan, imposibleng hindi siya maging malay sa anyo nito kapag ito ay nakasulat na. Nariyan na ang pag-aalala niya sa grammar, sa organisasyon ng ideya, sa balangkas ng kuwento o salaysay, sa punto de bista at iba pa.

5. Napakahalaga ng naratibo.

Ang naratibo ay pagsasalaysay ng mga pangyayari. Ito ay may konsepto ng paglipas ng panahon. Ayon sa akda ni W. Ong, kahit ang pinaka-abstract na ideya ay maaaring naratibo ang maging daluyan. Ang mga kuwento ay naratibo. Kahit ang mga salawikain at kasabihan ay may bahid ng naratibo dahil para mabuo ang mga ito, kailangang dumaan ang mga karanasan ng tao sa pagsasalaysay na nakabatay sa pagdaloy ng panahon. At naratibo nga ito.

Ang naratibo ay pinakamahalaga sa kulturang oral dahil gumagamit sila ng kuwento kung saan nila itinatago, inoorganisa at itinatalastas ang marami sa kanilang nalalaman.

6. Magkaibang magkaiba ang storyline at characterization ng dalawang kulturang
ito.

May bahid ng spontaneity ang kulturang oral at ito ay nababago at nagaganap habang binibigkas kaya iba-iba ang haba, iksi at ligoy ng iisang kuwento. Ang kuwento ay laging work in progress. Ang kulturang pasulat naman ay mahaba ang panahon na ginugugol sa pag-iisip ng storyline. Bago lumabas ang pinal na produkto o ang pasulat na akda ay gawa na ang storyline. Hindi na ito nababago. Kasi nga, nakasulat at nakalimbag na. kung sakaling may pagbabago sa storyline, ito ay itinuturing nang bago o ibang akda.

Sa karakterisasyon naman ay ganon din. Ang tauhan sa kulturang oral ay hindi naman talaga tauhan lang. Sa Manobo Storytelling ni H. Wrigglesworth, tinawag niya itong story-participant. Ibig sabihin, napaka-flexible ng pagiging tauhan sa mga kuwento, gayundin ang mga tagapakinig sapagkat sa anumang panahon sa loob ng naratibo ay maaaring maging isa ang tauhan at mga tagapakinig. Kaya malaki ang pagsasaalang-alang ng taong nagtatanghal o bumibigkas sa lahat ng gawi, ugali, hangarin at iba pa ng mga tao sa kanyang komunidad. Sasalaminin ng kanyang mga nililikhang tauhan o story-participant ang mga ito. Ang tinig ng buong komunidad ay maririnig sa mga tauhan o story-participant.

Samantala, malinaw ang pagkakahati ng papel ng tauhan at mambabasa sa kulturang pasulat. Ikaw na tagapagbasa ay tagapagbasa lamang ng mga iniisip at gagawin ng tauhan. Nakalatag na ang lahat, babasa ka lang. Kaya masasabing passive ang tagapagbasa. Hindi siya kasali sa kuwento. Maaaring nararamdaman niya ang nararamdaman ng tauhan ngunit hanggang doon lamang. Hindi niya katabi ang manunulat para marinig ang kanyang komento. Ang tauhan naman ay parang puppet. Ang panginoon ng tauhan sa kulturang pasulat ay ang awtor. Ito ang magdidikta sa mga iisipin at gagawin ng tauhan. Ito ay likha ng isip ng iisang tao lamang. (Bagama’t masasabi rin naman na bunga ng lipunan ng manunulat ang kanyang mga likha.)

Bilang pagtatapos, hindi dapat natin (tayong mga namulat sa kulturang pasulat at halos hindi na nakakakilala sa purong kulturang oral) binibigyang-kahulugan at tinatasa ang kulturang oral batay sa nalalaman natin sa ating kultura. Mahalagang alamin din ang kaligirang pinagmumulan ng kulturang oral upang mas makabuluhan at mas makatarungan ang gagawin nating pagtatasa at pagbibigay-kahulugan sa anumang inaalok nito sa atin.

papel 6

Paksa: Kumposo ni Montor na inawit ni Tiya Amparing ng Pavia, Iloilo at Si Montor, maikling katha ni Angel Magahum

Si Montor bilang Moro at Katoliko

Ang dalawang akda ay ukol sa tauhang si Montor na isang Moro. Siya ay naging bantog dahil sa pagiging kilabot ng bayan. Ngunit di nagtagal ang pagiging tinik niya sa lalamunan ng mga tao sapagkat siya ay nahuli at binitay ng awtoridad.

Bagama’t tumutukoy sa buhay ng iisang tauhan, maraming pagkakaiba ang dalawang akda. Narito ang ilan:

1. Ang Kumposo ni Montor na tatawagin kong AKDA 1 ay isang kumposo. Ang kumposo ay isang anyo ng kanta mula sa Visayan Region na pumapaksa ng kuwento ng digmaan o pag-iibigan. Ang AKDA 1, samakatuwid, ay may anyong patula at lirikal. Taludtod at saknong ang gamit nito sa pagsasalaysay. Ang AKDA 2 naman, ang Si Montor, ay pakuwento. Papangungusap at patalata ang pagsasalaysay. Ang AKDA 2 ay may pagka-creative non-fiction ang dating.

2. Madamdamin ang AKDA 1 dahil sa malulungkot na eksena. Dito ay isinaad na may babaeng minamahal si Montor at ito ang nais niyang makita habang nakabilanggo at bago mabitay. Ang AKDA 2 ay may pagka-dyornalistiko. Dahil sa mga detalye tulad ng mga pangalan ng tao (Heneral Angel Corteza, Heneral Fullon, Koronel Brandais) at mga lugar sa Iloilo (Parian, Ogtong, Tigbawan) mukhang balita ang buong akda.

3. Sa AKDA 1, makikita ang human side ni Montor. Pinagsalita siya rito at nagpahayag nga ng hiling na makita ang minamahal. Ang dating ay kahit ang pinakamaton o siga sa lahat, may soft side pa rin. Sa AKDA 2, mas pinalitaw ang pagiging mandirigma niya. Dito idinetalye ng tagapagsalaysay na si Ramon, isang lalaking naging kaibigan daw ni Montor, kung paanong naging sundalo si Montor, kung paanong makipaglaban si Montor at kung sino-sino na ang kanyang napatay.

Narito naman ang pagkakatulad:

1. Parehong sinabi ang Iloilo bilang pinangyarihan ng lahat. Ginamit pa nga sa AKDA 1 ang Ilong-Ilong na pinaniniwalaang hugis ng islang Iloilo at siyang pinagmulan ng pangalan ng lalawigan.

2. Parehong sinabi na si Montor, bagama’t isang Moro, ay nagkaroon ng kaugnayan sa Simbahang Katoliko. Sa AKDA 1, ang mga huling linya ay
LUMUHOD KA’T MANALANGIN,
TANDA NG PAGSASAMANG MALAMBING.
na maaaring tumutukoy sa pagsasamahan nina Montor at ng mahal na si Asuncion ngunit maaari ring tumutukoy sa relasyon niya at ng relihiyong Katoliko. Sa AKDA 2 naman ay sinabing nagmula sa Antike si Montor at nang tumuloy sa Iloilo ay sa kumbento tumuloy. Binanggit din na bininyagan siya at si Heneral Rios ang ninong. Ang heneral na ito ay isa sa mga napatay ni Montor at kanya pang ipinagmamalaki ang pagkakapatay niya rito.

3. Pareho ring sinabi na may ginawang masama si Montor sa bayan. Sa AKDA 1 ay ito ang umpisa. Bigla na lamang itong naisip ni Montor (na para bang normal na ganon mag-isip ang isang tao, pabigla-bigla kahit pa grabeng pagkawasak ang idudulot ng ideyang iyon.) At nilapastangan nga niya agad-agad ang bayan. Sa AKDA 2 ay sa dulo ito matatagpuan. Pagkatiwalag daw ni Montor sa tropang Kastila ay sumama ito sa rebolusyonaryo pero kapagdaka ay tumiwalag din daw ito sa mga rebolusyonaryo saka nagkalat ng lagim sa mga bayang nakalaya na. Nanunog siya, nagnakaw at pumatay doon nang walang tigil.

Sa palagay ko, ang dalawang akda ay pumapatungkol sa naging ugnayan ng mga Muslim at Katoliko sa bayan ng Iloilo. Sa unang basa, aakalaing ukol lamang ito sa iisang taong kathang isip lang, isang taong pasaway sa may awtoridad kaya dapat parusahan. Ngunit hindi. Hindi ito kasing-inosente ng inaakala natin.
Si Montor ay maaaring ituring na kinatawan ng mga Moro o Muslim. Ang problema ay, sa dalawang akda, kitang kita agad na dehado ang pagkaka-portray sa mga Muslim.

1. Sa AKDA 2, ang sabi rito ay dati silang Katoliko. Bininyagan. Ngunit tumiwalag nang matapos ang pagrerebolusyon laban sa Kastila. Ito rin ang pinahihiwatig ng dulo ng AKDA 1. Dati siyang Katoliko kaya siya ay nagpapadasal kay Asuncion.

2. Nanggulo sila. Sa AKDA 1, sinabing sa isang bayan lang. At ang bayang ito ay hindi ang Iloilo (sapagkat nang mahuli si Montor ay saka pa lamang siya ipinadala sa Iloilo). Sa AKDA 2, nanggulo daw sila sa mga pinalayang bayan. At karumal-dumal pang mga krimen ang ginawa roon.

3. Ipinapahiwatig na sa AKDA 1 na sila ay nagbabalik-loob sa dating relihiyon o nagre-reminisce ng dati nilang relihiyon na Katolisismo bago malagutan ng hininga.

4. ang pagiging kaliwete ni Montor at ang parang inosenteng tanong ng
tagapagsalaysay ng kuwento ng “Ang mga Moros, kaliwete gid bala kumaon?” ay isang foreshadowing ng gagawin ni Montor sa pinagsilbihan nitong amo, ang mga Kastila at ang Katolisismo. Ang kanan ay laging naiuugnay sa tama at ang kabaliktaran nito, ang kaliwa, ay siya namang naiuugnay sa mali.

5. Ang paglalarawan kay Montor o sa mga Muslim ay salit-salitang positibo at negatibo. Sa AKDA 2, mapagmahal daw sa lupang tinubuan ang mga Muslim tulad ng kapuwa niya Pilipino. POSITIBO. Mainit at masidhi siyang nakipaglaban para sa kanyang mga kapatid. POSITIBO. Ngunit parang hayop sa gubat ang kanyang tapang at bangis. Wild, parang ganon. NEGATIBO. Pagkatapos, ang ending ay nanunog siya, nagnakaw at pumatay sa mga bayang nakalaya na sana sa digmaan. NEGATIBO. Salit-salitan man ang paglalarawang ito, dama kong mas negatibo ang paglalarawan kaysa positibo. Para kasing walang utang na loob si Montor sa AKDA 2. At pinagsisihan at natanto niya ito kaya nabuwal at nahimatay siya nang bibitayin na siya. Samantalang sa AKDA 1 ay masama si Montor, nilapastangan ang bayan, inuna pa ang kumbento! Ngunit nagsisi siya at ang naiwang positibong imahen ni Montor sa tagapakinig o mambabasa ay dulot ng ligayang nadama niya pagkakita kay Asuncion, na maaaring kumakatawan sa relihiyong Katolisismo. Maaaring sabihin na nang makita niyang muli ang Katolisismo sa Iloilo habang siya ay nakabilanggo, nalimutan niya ang lungkot na dulot ng napipintong kamatayan. Bukod dito ay nag-utos din siya magpadasal kay Asuncion. Kung hindi niya ito pinagawa kay Asuncion, maaaring kasuklaman siya ng tagapakinig o mambabasa. Sa madaling salita, kung hindi siya nagbigay-pugay sa Diyos ng mga Katoliko, masamang masama talaga siya. Wala siyang katubusan.

At kung susundan ang teorya kong si Montor ay kinatawan ng Muslim, ang nais iparating ng mga akda ay: ang mga Muslim ay nagdudulot lamang ng pagkawasak at matagal na paghahari-harian. Sa puntong paghina at pagkalipol, ang lahat nang ito ay mapapatawad basta’t dumulog lamang sa Diyos ng mga Katoliko at magdasal bilang Katoliko. In short, huwag mo nang igiit ang pagiging Muslim mo dahil teritoryo ito ng Katoliko.

Sunday, September 20, 2009

Wikang Filipino at Komersiyo

Isinulat ko ang pagpapakilalang ito sa eksibit na pinangunahan ng mga guro sa Filipino ng paaralang pinaglilingkuran ko. Nakakalungkot na kakaunti ang nakita kong tumitingin-tingin sa eksibit. :(

Cambridge Berkeley Residences
Esplanade Green Cross
Watson’s Toy Kingdom

Sawang-sawa ka na ba sa mga produkto o kainan o lugar na ang pangalan ay alien sa iyong hinagap o di kaya ay wala namang kinalaman sa iyong buhay?

Kung oo ang sagot mo, para sa ‘yo ang eksibit na ‘to.

Handog ng Kolehiyo ng Komersiyo at Komite para sa Pagdiriwang ng Papel ng Pambansang Wika sa Komersiyo ang KALAKALAN, isang eksibit ng mga larawang tampok ang iba’t ibang produkto, negosyo at kompanya sa Pilipinas na ang pangalan ay Filipino.

Layon ng eksibit na ito na makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagpapakita na ang pambansang wika ay maaaring paghanguan ng pangalan para sa mundo ng kalakalan.

Mula sa mga larawang kinunan ng ilang piling mag-aaral sa unang taon sa Kolehiyo ng Komersiyo ng Unibersidad ng _______, mababakas ang kakaibang hatak ng wikang Filipino bilang pangalan ng produkto, negosyo at kompanya.

May ilang negosyanteng pinili ang literal na paggamit ng salitang Filipino para sa kanilang negosyo tulad ng: Lugawan at Tokwa’t Baboy, Kakanin (tindahan ng mga kakanin), ML Kwarta Padala (serbisyong money transfer mula sa M.Lhuillier Group of Companies), Regalong Pambahay (isang chain ng mga tindahan ng handicrafts na gawa sa Pilipinas at madalas ay ibinibigay bilang regalo para sa bahay ng iba) at Handaan (isang restawran).

Ngunit mayroon din namang may pagkamakabayan at nagpapakita ng paglingon sa kasaysayan tulad ng K.K.K. na isang restawran at Kalye Juan na isa ring kainan sa Tomas Morato. Bagama’t Espanyol ang pinagmulan ng pangalang Juan, malaon na itong naging simbolo ng karaniwang Pinoy. Kaya si Juan dela Cruz ay maaaring maging sino man sa atin sa kasalukuyan.

Mayroon ding mga negosyante na mas hayag ang pagpo-promote ng kulturang Filipino sa pamamagitan ng ngalan ng kanilang negosyo. Halimbawa ay ang Pasalubong (tindahan ng buko pie, minatamis na kendi, ube, kropek, sitsaron at iba pa). Ang pinakamalapit na salin ng pasalubong sa Ingles ay take out. Bakit walang eksaktong salin nito? Simple lang. Wala sa kulturang Amerikano ang pagpapasalubong. Pilipino lang naman ang nagpauso ng ‘take home,’ dahil sa pagtatangkang Ingles-in ang salitang pasalubong.

Dagdag din sa halimbawa ang restawran na Kamayan at Kamay-kainan. Bantog ang mga Filipino sa paggamit ng kamay sa hapag-kainan. At ang Hilot Pinoy na isang massage center. Ipinapahiwatig ng salitang hilot na ang Pilipino ay may sariling paraan ng pagmamasahe na hindi lamang nakakatanggal ng stress, nakapagpapagaling pa ng sakit.

May mga negosyante ring naglaro o nag-imbento ng mga salita. Halimbawa niyan ay ang Kapetolyo (isang coffee shop), Anak ng Tapa (isang kainan), Sarsarap (masarap na sarsang pino-promote ng komedyanteng si Jimmy Santos), Bibingkinitan (tindahan ng maliit o balingkinitang bibingka), Bibingkako (isa pang tindahan ng bibingka), Nakudnubak (tindahan ng mga gamit sa pag-akyat ng bundok) at Adobo Putoshop (isang coffee shop na nagtitinda ng puto.)

Mayroon ding sumabak sa popularisasyon ng inimbentong salita. Halimbawa nito ay ang Tapsilogan sa UST. Mayroon pang may pagka-interaktibo. Halimbawa ay ang Ibadiba? Na isang maliit na tindahan ng abubot o palamuti sa katawan na madalas ay pambabae. Pangalan pa lang ay hinihimok nang tumugon ang mamimili.

May mga gumamit din ng varayti ng wika. Halimbawa ay ang Alaeh! Shirt na tindahan ng mga kamiseta. Pangalan pa lamang ay alam mong Tagalog Batangas na ang pinagmulan.

May mga salita rin mula sa iba pang wika sa Pilipinas. Ang ilan sa mga salitang ito ay itinuturing nang ambag ng iba pang wika sa Pilipinas sa wikang Filipino.

Mangan-isang restawran at salitang Iloko para sa ‘kain na!’

Cabalen- isang restawran at salitang Kapampangan para sa ‘kababayan’

Mekeni-brand ng mga processed food at salitang Kapampangan para sa ‘halika’

Ang ilan naman ay gumamit ng mga salitang hiram sa Espanyol. Ngunit ang mga salitang ito ay napakatagal nang ginagamit ng dilang Pilipino kaya na-integrate na o ‘inangkin’ na ng ating pambansang wika. Halimbawa:

Kamiseta (camiseta na isang panlalaking damit)- isang retailer ng mga pambabaeng damit

Okasyon (ocasion na isang pagkakataon o pagdiriwang)- isang restawran

Maldita (maldita na isang taong isinumpa)- isa pang retailer ng mga pambabaeng damit

Mang Inasal (pandiwang asar na ang ibig sabihin ay ihaw)- isang restawran na nag-aalok ng manok na inihaw

Arte (arte na ang ibig sabihin ay sining sa Espanyol. Ngunit sa kulturang Filipino, ang arte ay hindi kapantay ng sining. Mas mababang uri ito. Ito rin ang dahilan kung bakit negatibo ang salitang maarte.) –isang maliit na tindahan ng mga abubot o palamuti sa katawan na madalas ay pambabae.

Mahusay rin ang mga pumili sa Sinag Pawnshop at Lakambini Diagnostic Center.

Ang isang negosyo o produkto o kompanya ay parang anak ng negosyante, imbentor o administrador. Sinasalamin ng pagpapangalan niya sa kanyang anak kung anong uri siya ng Filipino. Siya ba iyong may malasakit sa sariling kultura? O siya ba iyong nagpo-promote ng kultura ng iba at mas nanaisin pang makadagdag sa nananaig nang alienation ng karaniwang Pinoy sa sariling bayan?

Hinahamon ng Komite para sa Pagdiriwang ng Papel ng Pambansang Wika sa Komersiyo ang mga mag-aaral ng komersiyo, kabataang negosyante at kabataang administrador na mag-ambag pa sa intelektuwalisasyon ng pambansang wika. Gamitin nang gamitin sa kalakalan ang Filipino. Ito ang ipampangalan. Wala namang mawawala kundi ang kamalayang dayuhan.

guilt

binuklat ko ang libro at itinukod ang dalawang daliri sa magkabilang pahina nito. napatingin ako sa aking kamay. noon nag-flashback nang buong buo ang bangungot ko nang gabing iyon.

sabi ng isip ko, nasa isang bachelor's pad daw ako. mukha itong art gallery sa dami ng painting na nakasabit sa dingding. sa dulo ay may makikitang spiral na hagdan. kausap ko si P sa gitna ng lugar na iyon. nag-aargumento kami, hindi malinaw sa akin kung ano ang dahilan.

biglang bumaba mula sa hagdan si J. mabilis na naglakad papunta sa kanya si P. humabol ako. nang nasa baba na si J, nagkaharap silang dalawa. nagsigawan sila.

itinulak ni P si J. bigla akong nakaramdam ng matinding takot. bumalandra si J. itinulak ko palayo si P. hindi marahas si J. ni hindi ko pa siya nakitang nanakit ng ibang tao. pero may nagsasabi sa akin na kapag gumanti siya kay P, baka mawalan ito ng ulirat.

Pinaalis ko si P. sigaw ako nang sigaw. tumayo si J. humarap sa aming dalawa. si P, sigaw din nang sigaw. patuloy na hinahamon si J.

nag-abot ang dalawa. nagpambuno sila. pagulong-gulong sa sahig. natagpuan ko na lang na may hawak akong kutsilyo. yung ginagamit sa kusina. sabi ko, pag di kayo tumigil, sasaktan ko ang sarili ko. hindi ko na hinintay pa ang tugon ng dalawa. hiniwa ko nang hiniwa ang kamay ko, ang likod ng palad ko. nagkanda-stripe-stripe ang aking kamay. pulang pula ang bawat sugat. tuloy-tuloy ako. ni hindi na nilingon ang dalawa.

tapos natagpuan ko na lang uli ang aking sariling may hawak na samurai. samurai!

ako naman ang dahilan nito, paulit-ulit kong sinabi sa sarili.

itinusok ko ang samurai sa aking tiyan. sabay baon. tuloy-tuloy hanggang sa ang mismong handle na nito ang nakalapat sa sikmura ko. at parang dalubhasa sa harakiri, inikot ko nang 45 degrees ang nakasagad na samurai.

hah!

bumagsak ako. padapa. lalong bumaon ang samurai. animo'y dugong nakatindig ito sa aking likuran.

ang ending ng bangungot ay gumagapang ang lahat ng buhay palayo sa katawan.

Tuesday, September 15, 2009

patay-buhay

Kabi-kabila ang mga kakilala kong namamatay. Puro kasing-edad ko o mas bata pa sa akin. 26, 24, 30.

Parang may quota si kamatayan sa age bracket ko. Napaisip tuloy ako sa araw-araw kong buhay. Sa mga nangyayari sa akin ngayon, nakaka-frustrate talaga. Marami akong plano pero wala akong ganang gawin ang mga ito. Ganado lang ako sa pagpa-plano, pero wa naman galaw, move or anupaman. Kainis talaga. Mahirap itong naiinis sa sarili. Parang gusto kong sunugin ang sarili ko minsan.

Pero naisip ko rin na hindi ako dapat nagrereklamo. Pasalamat nga ako at buhay pa ako, maraming marami pang puwedeng gawin. Iyon talaga ang ipinagkaiba ng buhay at patay. Maraming posibilidad kapag buhay ka. Kapag patay ka na, wala na.

Well, meron man, katulad halimbawa ng parangal sa mga yumaong alagad ng sining at ang pagtaas ng presyo ng kanilang mga likha, ay hindi naman mae-enjoy ng pinararangalan. Kasi nga patay na siya.

Kapag wala akong magawa kundi magbilang ng deadline, sa trabaho at eskuwela, ay nagbababad ako sa ukayan. Humihiling ang puso ko na sana huminto saglit ang oras o di kaya mamatay nang tuluyan ang mga deadline.

Isang araw, habang iniisa-isa ko ang sari-saring disenyo ng mga pangginaw mula sa first world na bansa, bigla ko na lang naisip na paano kung biglang lumindol at gumuho ang building na ito? Amputa, mamamatay ako na naghahalukay ng nangungutim na bestida at pinaglumaang pantalon? Hindi puwede ito.

Hindi ko hinahamak ang ukay-ukay at matagal na akong suki niyan. At hindi ko rin hinihiling na sana naman kunin ako ni lord habang ako ay pumipili kung alin ba ang dapat bilhin: ang mango na blouse worth P3250 ba o people are people na girly kamiseta worth P3520?

Ang iniisip ko, paano kung time ko nang sunduin ni kamatayan? Susunduin niya akong nagsha-shopping? Siyet. Nakakahiya yata iyon. Wala bang mas magandang Gawain kaysa mag-ukay-ukay? Hindi ba’t mas marangal na sunduin niya ako habang nagkukuwento sa nanay ko’t mga kapatid tungkol sa mga blooper sa klase? O kaya habang ako’y nagsusulat ng baybayin sa whiteboard ng classroom? O di kaya ay nagliligtas ng kuting sa nasusunog na condominium 4599 floors high? O di kaya ay nananaliksik ng kuwentong oral ng mga katutubo sa patuloy na pinasasabog at pinaliliguan ng balang Mindanao?

Kaya nag-iisip na ako ngayon tungkol sa mga gawain ko. Dapat ko ba itong pinag-aaksayan ng panahon? Kailangan ba talaga ako rito? Ano bang silbi nito sa akin at sa aking pamilya? Nagiging mabuti ba akong tao dahil dito?

May nagtext sa akin ng forwarded message. Sabi, how you spend your day is how you spend your life.

Mahina ako sa time management. Netong mga nakaraang araw nga ay lagi pa rin akong late sa lahat ng lakad ko: sa birthday ni nehya, sa klase ni sir vim at iba pa. Pero netong mga nakaraang araw, mas naging malay ako sa mga bagay na dapat kong unahin. Para na akong lagari dahil sa trabaho at eskuwela. Nakakalimutan ko na ang tunay na kahulugan ng buhay. Para na akong patay. Nag-aaral at nagta-trabahong patay.

Noong sabado, nanood ako ng Kimmy Dora kasama ang aking mabubuting kaibigan. Ilang buwan na rin mula nang huli kaming nagkita-kita. Kaya parang agos sa disyerto ang mga balita namin sa isa’t isa. Refreshing, ika nga. At noong linggo, nagsine rin kami ni ej. Trailer pa lang ang up ay ipinangako ko na iyon sa kanya. Kaya lang tambak na trabaho ang kalaban ng paglabas namin. Kaya noong linggo lang natuloy ang aming date. Pagkatapos naming manood ng sine, nagtuloy kami sa paborito niyang hantingan ng mga pokemon: ang ukayan sa anonas.

missing

miss ko na ang bespren kong si eris. matagal na siyang malayo, mga 3 taon na yata. pero miski noong nandito pa siya at bihira kaming magkita, hindi ko naman siya nami-miss. neto na lang. kasi madalas kong makita si eris sa isa pang kaibigan.

si karen.

marami silang pagkakatulad.

katawan pa lang nga e. si karen, me pagkabutanding. di naman ganun kataba si eris pero medyo baby butanding na siya. huggable ba. parang masarap pisil-pisilin.

pareho rin silang nagyoyosi. at yung pagtataktak ni karen ng sigarilyo kapag hinahanda na niyang sindihan ang sigarilyo ay katulad na katulad ng kay eris.

may similarity rin sila sa pagtawa. pag tumatawa si eris, kinikilig pati balikat. bigla niyang ididikit ang mga balikat niya sa leeg niya at kapag tawang tawa siya, umaabot pa ang balikat sa earlobes niya. si karen, minsan pag tumatawa, ganyan din.

may pagkakahawig din silang magsalita minsan. kapag kausap ko si karen, bigla ko na lang maiisip si eris. minsan, pareho ng choice of words. minsan, pareho ng paraan ng pag-iisip. si eris, kung di nahilig sa research e malamang naging sikolohista. magaling manantiya ng tao. at super husay din ni karen dito. ang tali-talino ni karen lalo na sa pagsusuri sa kilos ng isang tao. hindi literal na kilos kundi yung mga hakbang o moves, ganyan. madalas e mga tao sa trabaho ang pinag-uusapan namin.

may time na pareho kami ng iniisip ni karen. at kami naman ni eris, ay walang kupas. maraming pagkakataon na nagkakasabay kami ng sinasabi spontaneously. at di mabilang na ulit na rin na pareho kami ng gagawin at masosorpresa na lang ang isa't isa na iyon nga rin ang gagawin.

pag nalulungkot ako ay ayaw kong naglalalapit kay karen. mas lalo akong nalulungkot.

sabi ni eris, uuwi raw sila kapag nabayaran na ang mga utang nila sa bahay. ang laki at ganda ng bahay nilang mag-asawa sa cainta. si eris ang nagdesign. dream house ko nga e. aba't ang kaibigan ko e sikolohista na, arkitekto pa.

matagal na kaming di nakakapag-email uli, wala pang bali-balita tungkol sa isa't isa.
marami nga akong gustong ikuwento. kaya lang, mahirap din talaga yung hindi mo kasama ang bespren mo. mahirap itong pa-email-email lang. mahal ko si karen at masaya ako kapag kasama siya pero iba ang pagmamahal ko sa aking bespren. at tiyak ako, iba rin ang ligaya kapag magkasama na uli kaming dalawa.

miss na kita, bebe. agawid tayon!

papel 5

8 Setyembre 2009

Paksa: Ilang Tala sa Sanaysay na Ang Dalumat ng Panahon at Espasyo sa mga Traki ng Dulangan Manobo ni Rosario Cruz Lucero

Tampok sa Ang Dalumat ng Panahon at Espasyo sa mga Traki ng Dulangan Manobo ni Rosario Cruz Lucero ang isang pag-aaral sa mga duyuy nga traki o awit na pasalaysay ng Dulangan Manobo ng Mindanao.
Dalawang bagay lamang ang nais kong paksain sa papel na ito:

1. Si Bebang Tulos bilang bayani ng kultura

Sa traking Si Tagane, naawa si Bebang Tulos sa pinakamaralitang tao sa lahat. Iyon si Tagane. Nagpasiya si Bebang Tulos na isama na lamang siya sa langit. Mula noon ay nagpakita na lamang sa panaginip ng mga tao si Tagane. Pinapayuhan niya ang mga tao na magpakasipag at magtanim.

Ngunit ang akin, paanong naging bayani ng kultura si Bebang Tulos?

Ayon sa sanaysay, ang bayani ng kultura ay may tatlong ginagawa: una, lumilikha ng kultura sa pamamagitan ng pagtuturo ng bagong kaalaman gamit ang kalikasan; ang ikalawa at ikatlo ay magkamukha, nagtatanggal ng mga balakid sa kasaganahan o lumulutas ng mga suliranin sa buhay ng tao at sinasagip ang manobo sa dalamhati at kahirapan. Hindi naman nagawa ni Bebang Tulos ang una. Sa traki, maaaring si Tagane pa nga ang nagturo ng bagong kaalaman dahil ipinayo niya sa mga tao ang pagtatanim para hindi na sila magkutkot ng lupa. Sa ikalawa naman, sa tingin ko ay hindi naman niya nalutas ang suliranin. Ang suliranin ay mahirap kumuha ng ube dahil nasa ilalim ng matigas na lupang kailangan pang kutkutin. Marahil nalutas niya ito kung nagbigay siya ng pinakamahusay na kasangkapang pangkutkot ng lupa o di kaya ay pinalambot niya ang lupa para mas madali ang pagkuha ng ube o di kaya ay pinatubo na lang niya ang ube sa balag. Ang ikatlo lamang ang nagawa ni Bebang Tulos. Dapat na nga ba siyang tawaging bayani ng kultura?

2. at ang pananaig ng lungkot at dusa sa mga traki

Sa traking Kung Bakit Nagdurusa ang mga Manobo: Si Ine Tomig’l at si Bebang Tulos, iisang manobo lamang ang nagtagumpay na makaakyat sa baya (langit) at ang langit ay maaaring i-equate sa kaginhawaan. Ibig sabihin, lahat ng manobo, maliban kay Ine Tomig’l ay hindi nakakatikim ng kaginhawaan. Bagkus nga ay naghihirap pa dito sa lupa.

Sa Ang Pinagmulan ng Maraming tribu ay ipinakita namang nagkagulo, nagkahiwa-hiwalay at nagpangkat-pangkat ang lahat ng manobo dahil sa pag-uutos nila sa isa’t isa. At dahil pangkat-pangkat na ay malaki ang posibilidad na maging magkakalaban pa sila.

Ang tauhan namang si Tagane ay sinasabing pinakamaralita sa lahat. Isang hiwalay na traki ang nagtatampok kay Tagane. Sinabi rito ang hirap ng kanyang buhay dahil nagkukutkot lang siya ng lupa para may makain.

Si Kulaman naman, na sa tingin ko’y isang bayani dahil siya ang nakadiskubre ng isda sa pamamagitan ng paghuhukay sa putik, ay isang trahedya naman ang sinapit. Bumaha sa ilog kung saan siya ay nakahanap ng isda at doon nga’y nalunod.

Sa traking Bundok Iliyan, ang pangunahing tauhan na si Iliyan ay inagawan ng ari-arian ng isang busaw. Pagkatapos niyon ay naglaho na si Iliyan.

Tampok sa mga traking ito ang lungkot at pagdurusa ng mga manobo. Isa na naman itong patunay na ang panitikang oral ay hindi lamang salamin ng kultura, ito rin ay daluyan ng damdamin at isip ng mga tao. Ayon sa sanaysay, napakahirap ng buhay ng mga manobo. Isang araw ay maaari silang datnan ng pagbaha ng mga ilog o kaya ay matagal na tagtuyot, o di kaya’y perwisyuhin ng balang o daga ang kanilang palayan.

Ilang ulit ding nauudlot ang payapa nilang pamumuhay dahil sa mga dayo: Muslim, Bisaya, Ilokano, Kastila, Amerikano at higit sa lahat, ang gobyerno na siyang gumagawa ng mga hakbang para makapanamantala ang maalam at may pera sa manobo at sa kanilang likas na yaman.

Bakit nga ba aasahang masaya ang himig at paksa ng mga traki nila kung ganito ang kanilang karanasan noon hanggang ngayon?

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...