Friday, October 25, 2019
ang saya bumalik sa up
ang saya bumalik sa up. nakita ko uli si sir Jimmuel Naval, ang una at tunay kong tatay sa up diliman. freshman ako noon, at ang bespren kong si eris lang ang kakilala ko sa buong unibersidad. e, iba ang course niya. stat. ako, malikhaing pagsulat, so napakaraming oras namin sa eskuwela na hindi magkasama. lagi tuloy akong nangangamba na di ako makakauwi, di makakakain dahil walang-wala akong pera, lagi. saktong papunta lang ng school ang pera ko, ganern, laban na iyan, bahala na sa pag-uwi, hahaha.
si sir jim ang una kong guro sa major subject. walang block section noong araw ang mga malikhaing pagsulat student dahil aapat kami sa kurso namin at di pa kami magkakakilala. si sir jim, ewan ko, kinutuban siguro na patay-gutom ako, hahaha, nag-imbestiga, at nalaman niya na graduate ako ng phil. christian university high school sa malate. alam n'yo, pinsan pala niya ang math teacher at adviser namin noong second year high school, si mam jerlyn diesta? wtf di ba, sobrang small world!
anyway, so, natuklasan na nga ni sir jim na legit ako, at hindi ako umaakting na mahirap, mahirap talaga ako. so, siguro lumambot ang puso, ayun, pumirma ng loan form ko para lang maka-enrol ako sa up. tapos minsan, pag nagkikita kami sa klase niya, nililimusan, este, binibigyan niya ako ng pamasahe sa bus dahil wala na akong pera pabalik ng bahay nina eris or bahay ng nanay ko sa las pinas. at dahil alam niyang mahihiya akong tanggapin ang pera ay maghahanap siya ng gagawin ko, o tatrabahuhin ko, halimbawa ay ang mag-check ng quiz. huwag lang daw akong maingay, dahil hindi quiz ng mga taga up ang pinapa-checkan niya sa akin. quiz ng mga taga-miriam. bawal daw pala iyong full time siyang teacher sa up, tas nagsa-sideline sa ibang school, hahaha!
napakaraming araw akong sinagip ng kabutihan ni sir jim at ng asawa niyang si mam jeanette yasol naval na, imagine, coincidence na naman, teacher namin ni eris sa philo 1, wtf di ba, how small can the world get? salbabida ko talaga ang sir jim, lalong-lalo na noong unang semestre ko sa up, juskolord. andaming anghel sa lupa, thanks, sky. kaya noong kasal ko ay ginawa naming ninong si sir jim.
sa plakard event, dala ni sir jim ang mga estudyante niya sa fil 40, sa malikhaing pagsulat at sa isa pang subject. nang nagko-closing remarks siya ay paulit-ulit ang paghikayat niya sa audience na tangkilikin ang mga gaya naming small press. mabuhey! hanggang ngayon ay sinusuportahan ako ni sir jim sa pamamagitan ng pagtulong sa balangay.
ang nagpakilala kay dr. abueg sa audience ay walang iba kundi si dr. vim Nadera, ang pinakamamahal naming si sir vim! isa rin itong sugo ng langit sa buhay ko, simula undergrad days ko, mga tatlong beses ko siyang naging teacher, saulo ko na nga ang lecture niya tungkol sa mga katutubong tula sa pilipinas, hanggang sa m.a. napakarami kong utang na loob dito, as in. under him after i graduated, naranasan kong mag-lead ng tatlong national poetry contests: ang textanaga, dalitext at dionatext. katuwang ko the whole time ang isa pa niyang anak-anakan at bespren ko noong college, ang napakahusay na manunulat na si salvador biglaen. si sir vim din ang reason kung bakit nabuo ko bilang isang manuskrito ang it's a mens world, dahil requirement iyon sa m.a. class niya. si sir vim din ang nagpakilala sa akin kay poy, mantakin mo nga naman. researcher ako ng panitikan.com na proyekto niya at in-assign niya akong manaliksik tungkol sa mga writers organization. literal na ibinigay niya sa akin ang cellnumber ng presidente ng cavite young writers association noon. sino pa, e di si Ronald Verzo! at si sir vim din ang bumulong sa akin na may opening sa ccp under sir Hermie Beltran. nag-apply agad ako kahit buntis ako kay ayin noon, dahil kailangang-kailangan namin ni papa p ng stable na income. di nakakabuhay ang freelance work kapag may dagat ka na, ano? at haleluya, natanggap naman ako sa ccp.
sa plakard event, nakita ko rin ang kaklase ko sa undergrad na si Vladimeir B. Gonzales, may PhD na siya, ang galing, kainggit! head na ngayon ng up filipino department si vlad. winner! siya ang nag-welcome remarks sa plakard program. dumating din at bumili ng kopya ng plakard si Mykel Andrada, na naging kaklase ko rin yata sa undergrad. pero mas naaalala ko siya bilang ka-batch sa up national writers workshop one point oh, meaning noong friendly pa ang nasabing workshop sa students, at hindi pa nag-a-upgrade. doktor na rin si mykel at head siya ngayon ng up sentro ng wikang filipino.
dumating din si mam Elyrah Loyola Salanga-Torralba, na isa sa mga panelist sa aking thesis proposal defense noong nag-e-m.a. pa ako. that was october 2013, a few months before kami ikinasal ni papa p. akala ko kasi ay magagawa ko ang thesis bago ako mag-asawa. o, ano ka ngayon, bebang? dalawa na thesis mo: dagat at ayin.
sayang at hindi lang kami nakapagkuwentuhan ni mam elyrah dahil ako ang nagmo-moderate ng panayam kay dr. abueg. si Louise Vincent B. Amante na kaklase ko both undergrad at m.a. ay dumating din sa event, nagpahayag ng suporta. andoon din ang kasama ko sa freelance writers guild of the philippines na si Susan Claire Agbayani, tagaroon siya, sa may maginhawa lang. dumating din ang writer na si tilde acuna, nagsori ako at na-stale ang check niya for ani 40 na may tumataginting na 600 pesos, dahil wala siyang time para ipick up at iencash ang check sa ccp. dahil hello, mahina ang five hours sa balikang qc at pasay! kaya... dapat mabago na talaga ang ilang rules sa ccp cashier. dapat gawin itong mas hi tech at mas efficient. like bank transfer na lang angmga bayarin! kung may bangko ang writer o payee, kahit sino pa iyan, tsugok, pasok agad ang pera sa bank account! ewan ko ba at bakit hindi ipinapatupad iyan? gusto pa nila, nagpapa-special power of attorney ang writer? my gulay, sa halagang P600, magpapanotaryo ka pa ba? yung tataa?
dumating din sa plakard event ang mga guro mula sa filipino department, si mam Raniela Barbaza at si sir nilo ocampo, na sayang at di ko naging prof ever! nagstay sila hanggang photo opps at book signing session. Naroon din ang makatang si Emmanuel Quintos Velasco, kabatch ko sa up national writers workshop two point oh. bumili silang lahat ng plakard, yey! nakita ko ang mga staff ng fil dept na si kuya ed at si ate marie, nakatayo malapit kay papa p. at sa food, sila kasi ang nagdala niyon sa venue, haha. biglang naging official photographer naman si sir Virgilio Labial, kaibigan ni sir vim.
siyempre, malilimutan ko ba, nandoon ang tambalan ng taon: dr. abueg at mam julie. itong si mam julie, sa sasakyan (grab!) papuntang up diliman, aba, nagpamana ng mga kuwintas na accessory, lipstick at grayish black na eye liner. e nakahanap din siya ng katapat dahil hindi ako mahilig tumanggi sa mga blessing, haha!
so wala palang tungkol sa librong plakard sa post na ito. walang tungkol kay sir abueg.
sorna. ang plano ko talaga ay mag-discuss ng content ni sir abueg. kaso mo, nasenti ako pagkabalik ko sa up that day. dinaluyong ako ng mga alaala tungkol sa pagmamahal sa akin at sa aking mga pangarap noong unang tapak ko sa up bilang college student.
hayaan n'yo na. alam n'yo, hindi pa ako nakakapagsulat ever tungkol sa mga anghel sa faculty center, sa a.s. 101, a.s. lobby, palma hall, saan pa, sa buong university. so ito na ang simula ko, yey! naiipon ang utang na loob ko sa mga anghel na ito. nagiging mga ngiti sa aking labi, galak sa dibdib.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment