Tuesday, February 19, 2019

up close: marawi siege

bumisita kanina ang isa sa contributors ng ani 40 na taga marawi. mayroon siyang event dito sa metro manila kaya isinabay na niya ang pagpunta dito sa amin. kailangan kasi niyang pumirma ng kontrata para mabayaran na siya sa kanyang kontribusyon.

during lunch ay ang dami niyang ikinuwento. napakasuwerte ko na naroon ako at ang mga taga-intertextual.

-nasa ground zero ang aming bahay, alam n'yo ba ang ground zero? ito yung lugar na in-air strike nang ilang beses. wasak lahat, 24 barangays kami in marawi city.
-2 years na ang siege pero hanggang ngayon, walang rehabilitasyon na nangyari. bakit? nasaan na ang pondo na binigay na tulong sa atin ng ibang bansa? napakalaking pera niyan. lahat iyan dumaan sa gobyerno dahil hindi naman puwedeng direkta sa amin.
-hanggang ngayon, bawal makapasok sa ground zero. heavily guarded ito ng mga sundalo. mayroon daw kasing mga bomba ang inihulog doon pero di pumutok. pero 2 years na nilang binabantayan iyan, wala namang pumuputok.
-ang mga foreigner, ang mga ngo, nakakapasok sa ground zero. siguro, lalong ipinapakita na kawawa ang marawi, lalong makakatanggap ng pera bilang tulong.
-LGU at mga NGO lang ang kumita diyan.
-yung mga nagso-shooting ng pelikula o kung ano, nakakapasok. pero kami, bawal.
-alam ng mga sundalo kung nasaan ang mga isis, ang eksaktong lokasyon at kung ilan ang mga ito, e bakit buong marawi ang in-air strike? ang binomba?
-noong wala na ang mga isis, hindi pa rin kami pinabalik. ang mga gamit namin, paano na? ang mga ginto, mga pera. sino ang nagnakaw sa mga gamit namin? sino ba ang puwede lang na pumasok sa ground zero? ay di ba mga sundalo lang?
-pagbisita namin doon last year, napansin namin, ang mga pader namin, puro butas. tama ng baril. lahat ng pader, ganon. ano ang ibig sabihin niyon? deliberate ang pagsira sa mga bahay. ayaw na nila kaming pabalikin sa mga bahay namin, ayaw na kaming patirahin doon. gagawin ba iyan ng mga isis? hindi. magtitipid sila. hindi nila sasayangin ang bala nila sa mga pader. deliberate talaga iyan, mga sundalo ang gumawa. may order na sirain talaga ang mga bahay namin.
-paulit-ulit kaming nakipag-usap sa mga head ng mga sundalo. pero nakikinig lang sila. walang reaction, walang action. mga retired general na. wala nang ginagawa. nagpapayaman na lang.
-bihira naman kaming maimbita dito sa maynila. kapag iniimbita kami, ngo ang host at mga foreigner ang audience. ok lang, para makahingi pa ng pera ang mga ngo. kahit paano, may nakakarating sa amin na kakaunti kapag sa ngo pinapadaan ang pondo
-nakakalungkot na napakatahimik ng marawi tungkol dito. matindi ang culture of silence sa meranaw. paano, posibleng kamag-anak ng kamag-anak mo ang mayor! o ang sundalo! kaya walang masyadong nagsasalita, nagrereklamo.
-saka kanino ka magsusumbong ngayong martial law? sa sundalo rin?
-ang livelihood, binigyan kami ng isang dipa na garden, i-gardening daw namin. sapat na ba iyon? ano ang matanim mo doon?
-ibinabalita pa nila, may livelihood training naman daw. 100 na na-train sa pagma-manicure. sa gitna ng gera, magma-manicure kami? tapos baka ang nakapag-training ay 100 pero ang declared ay 500 o 600.
-mayroon daw na electronic na tricycle na ipapamigay sa amin, de charge. pero nasa kampo ng isang opisina ng gobyerno, nakatiwangwang doon kasi di raw ma-release sa publiko dahil hinihintay pang makumpleto ang delivery hanggang ilang daan. isang taon na iyon, baka nadiskarga na, baka sira na ang mga electronic na tricycle na iyon.kasi dapat nga china-charge iyon.
-sa dalawang taon ng siege, isang beses pa lang ako nakatanggap ng relief: isang sakong bigas, bulad na mabaho na, inuuod na (dried fish), diretso sa basurahan, shampoo, sabon, noodles, at mga mumurahin na shorts.
-ang nakasaad sa dokumento ng rehabilitasyon ay tungkol lang sa pagpapatayo ng mga opisina ng gobyerno. nasaan na ang para sa sibilyan? rehabilitasyon ba iyan?
-may bilihan ng boto doon. minsan, binibili ng 5 million ang isang barangay. 10,000 ang isang tao. minsan, hanggang 15,000.
-humihingi ng chance ang isis na makipag-usap para makalabas sila sa marawi. hanggang 3 days, nasa marawi ang mga ito, pero walang pulis o sundalo. lahat daw ng pulis at sundalo, pinapunta sa ibang lugar. after 3 days, nang tuluyang makapasok na sa marawi ang mga isis, pinag-utos ni duterte ang pagbomba sa buong marawi. ni hindi niya tiningnan ang kalagayan ng mga sibilyan bago siya nag-utos. kung sana ay pinakinggan nila ang hiling ng mga isis na makalabas ng marawi, hindi sana mawawasak ang marawi.
-watak-watak na ngayon ang mga taga marawi. may mga nagpunta na sa iligan, sa mga christian na lugar, ang iba ay umakyat sa nueva vizcaya, ang iba, ang mga dalaga ay nagpakatindera sa mga kristiyanong lugar.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...