Wednesday, February 6, 2019

saglit sa san rafael, noveleta

so tulad last week, nakagala na naman kami. at this time, sa beach naman.

ito kasing si poy ay nakamulatan kong naglalaba. siyempre, nagalit ako kasi trabaho ni ej iyon. di niya dapat ginagawa ang task ni ej kasi siyempre mapapagod siya at hindi na naman kami makakalabas as a family. may pasok na naman ako starting wednesday and just thinking about it brings dread to my heart. kaya feeling ko, i really deserve to go out and enjoy weekends with him and the kids.

kaya naman, pagsapit ng mga alas-tres, sabi niya, tara na. sabi ko, saan? sabi niya, secret.

pero magtsinelas lang daw kami. magdala raw kami ng sapin, so nagdala si bianca ng kumot na pansapin. aba, sa maragondon ba kami uli? puwede, mas maliwanag kaming makakarating this time. actually, kahit saan, ok sa akin, wag lang sa bahay namin. kagaya ng nakagawian, nag-empake kami ng extra na set of clothes ng mga bata, mga bote ng gatas at cellphone-wallet combi.

sumakay kami ng bus pa-cavite city. di ko narinig ang destinasyon namin nang magbayad si papa p sa kundoktor ng baby bus. pero 75 pesos ang singil sa aming tatlo (ako, poy at bianca, kalong namin sina dagat at ayin). akala namin ni bianca, sa cavite city uli kami, sa park doon.

nag-enjoy ako sa pagtanghod sa bintana ng baby bus, sa kaliwang side ako naupo, kalong ko si ayin. napakarami at sunod-sunod pala ang lumang bahay sa kawit, ilang minuto bago mag-st. mary magdalene church. ang gaganda ng bahay at karamihan sa mga ito, in the state of decay na. sana ay magawan ng paraan na masalba. nakakatuwa rin kapag ang dinadaanan ng sasakyan ay mga bahay, imbes na commercial establishments. nakakasilip ka sa paraan ng pamumuhay ng tagaroon. may karakter. unlike kapag naiipit ka sa edsa, tapos ang matutunghayan mo ay mga building na lugar ng kalakal at trabaho. or sa kaso ko nang maging kabitenya ako, aguinaldo highway. magkaiba ang feeling, nakakamanhid iyong commercial establishments. walang sundot sa pagiging tao mo.

pagkaraan pa ng mga bente minutos, nasa noveleta na kami. ang bayan ng mga bayani, sabi ng kanilang arko. sa poblasyon ng noveleta, naging busy ang lanscape. nariyan ang munisipyo. maraming tindahan, may eskuwelahan, bakery, may furniture store, may punerarya (alvarez ang pangalan at established 1888 daw! historikal!) may mga construction. isa rito ay isang mababang building, parang two o three storey building at ang nakasulat sa tarp ay primark, the biggest developer of town centers. black at dark blue ang kulay ng tarp. pangkaraniwan, para ngang times new roman lang, ang font ng primark. pero pag-aari ito ng mga sy, as in henry sy. pag-aari ng sm. nalaman ko ito last jan 22, 2019 during the pbby board meeting sa bahay ni mam nina yuson. ikinuwento ng bookstores rep namin, si mam na may-ari ng pandayan, na aktibo na sa pagpasok sa mga rural na lugar ang sm sa pamamagitan ng primark. hindi ko ito narinig nang maigi kaya ipinaulit ko ito kay mam at pina-spell pa. never heard kasi. sino na sa atin ang nakarinig sa company na primark? wala pa, di ba? kaya naman, nagulat ako nang makita ito sa noveleta. ito na nga. nagpapahaba na naman ng galamay ang sm. walang katapusan. buong pilipinas yata ay gustong sakupin nito.

maya-maya pa ay panay tubigan na ang natutunghayan ko sa bintana ng bus. napapalibutan ito ng mga puno at halaman. parang mga biko ng tubig. kay ganda pagmasdan. ang daming ibon ang paikot-ikot sa ibabaw ng mga biko, at kahit mabilis ang bus, walang trapik, alam kong hindi maya ang mga ibon na iyon, mas malalaki nang bahagya ang ibon doon, at ang iba ay puti ang dibdib. nadaanan namin ang villamar resort, at busy pa ako sa pagturo kay ayin sa mga ibon na paikot-ikot sa biko ng tubig na katabi ng signage ng villamar nang biglang pumara si papa p. doon na pala kami. magdadagat pala kami!

naku, wala kaming panligo! ayan ang nangyayari kapag biglaan lagi ang lakad hahaha!

pagbaba namin ay tumawid kami ng kalsada. itinuro ko uli kay ayin ang mga ibon. tapos ay sabi ni papa p, baka may gusto kayong bilhin diyan, itinuro niya sa amin ang isang sari-sari store. baka raw kasi mahal sa loob ng villamar. bumili kami ng tig-iisang bote ng coke, royal at sprite, dalawang fudgee bar at isang rebisco, total of 72 pesos. sayang at walang sitsirya si lolang tindera dahil iyon sana ang gusto naming bilhin. naglakad na kami sa mabuhangin/maalikabok na inner road papunta sa villamar, mga 8 minute-walk ito. bagama't tirik ang araw ay di naman hassle dahil magkabila uli ang biko ng mga tubigan. sa dulo ng inner road ay arko ng resort, sa kanan ay isang malaking bahay, sa kaliwa naman ay isang maliit na bahay na ang maliit na lanai ay siyang parang cashier. naroon ang isang matandang babae, isang matandang lalaki at dalawang dalaga (ang isa ay mukhang tomboy sa ikli ng buhok). sa dingding nakasulat ang entrance fee na 30 pesos per head at ang five years old and below ay libre. sabi ng matandang babae, ninety kayo. nagbayad na ako habang sina bianca at poy ay dumiretso na sa papasok sa pinaka-resort. sa tabi ng maliit na bahay ay isang one-storey structure na pahaba. ang nakalagay sa may bukana nito: store/restaurant. sa harap naman ay parang railing na gawa sa kahoy at sa likod nito ay dagat. sa tabi nito, sa kanan, isang 2 storey building. sa baba nito, nakalagay, shower room.

malawak ang espasyo mula sa arko hanggang sa mga structure na nabanggit ko. later on mare-realize ko, para ito sa mga nagmamaniobrang mga sasakyan at puwede rin naman bilang parking lot.

kumaliwa kami mula sa cashier, nasilip namin na parang may private event na nagaganap sa store/restaurant dahil sa presensiya ng dalawang tower ng mga lobo sa isang entrance nito. pagliko ko ay isang hilera ng mga table na gawa sa kawayan at kahoy ang bumungad sa akin, may bubong ang mga ito na gawa sa nipa. marami-rami ang tao, pami-pamilya. in fact, di kami agad nakakita ng bakanteng table. kaya dumiretso kami sa dalampasigan, bumaba kami ng hagdan at naglagay ng mga gamit sa pahabang semento sa mababang pader na naghihiwalay sa dalampasigan at sa table/picnic area.

ang pangit ng dalampasigan. black ang buhangin at may basura. brown ang tubig. naalala ko ang beach ng tanza oasis. ang ganda-ganda ng hotel at ng swimming pool nito, pero pangit ang beach. dito sa villamar, may mga bata sa buhanginan, may mga nagsiswimming sa dagat. mataas pa ang araw, mainit sa balat, nakakasilaw din. binihisan na namin ang mga bata. buti talaga at may dala kaming extra na damit. patawa naman ito si papa p. sana ay nakapagdala rin kami ni bianca ng extra na damit kung nasabi niya nang maaga na beach ang pupuntahan namin. hindi sapat ang clue na "magtsinelas kayo."

pero ako, kahit may pamalit ay hindi rin maliligo. graduate na yata akong talaga sa swimming excursions. ayoko ng nagsi-swimming sa dagat, feeling ko, tatangayin ako nito sa malalim. tipong pag-angat ko ng mukha, mga tatlong milya na ako sa dalampasigan. no! pero ok sa akin ang mag-diving. nae-enjoy ko ang diving.

kaya kanina, sa villamar, sa dalampasigan lang talaga kami. sinamahan ko si ayin sa paglalaro ng buhangin at pagtatampisaw sa tubig. tuwa naman siya, ok na rin. nakaupo ako sa isang putol ng kawayan na mukhang naanod lang doon. gumawa ako ng bola-bolang buhangin, dalawa. gagawa sana ako ng olaf kasi may mga sanga sa dalampasigan, itutusok ko sana sa bola-bolang buhangin, pero pag pinagpapatong ko ang dalawang bola-bola, nafa-flat ang nasa ilalim. kaya ang resulta, isang bundok na lang ang nagawa ko, bundok ng buhangin na parang may bewang. pinalibutan ko ng shell ang base ng bundok, nilagyan ko rin ng shells ang bewang ng bundok, at sa pinakatuktok ay nagtusok ako ng heart-shaped na dahong tuyot. si ayin, paisa-isang tusok ng mga shell sa bundok, puwede na rin. pero ang pinakaimportante niyang role ay breakwater. pag nakaharap siya sa bundok namin ay nakatalikod siya sa mga alon kaya ang puwitan at likod niya ang sumasalubong sa maliliit na alon. di basta-bastang nasisira ang aming bundok.

sina dagat at poy naman ay ilang hakbang ang layo sa amin. walang pantaas si dagat, gusto rin nitong magbabad sa tubig, lumayo sa baybayin papunta sa 1 foot na depth ng tubig. kaso, di makalayo sa dalampasigan si poy dahil naka-maong pants ito, at wala ngang dalang pamalit, hahaha. hinihila niya pabalik si dagat sa buhanginan. imagine dagat's frustration, ano? ligong-ligo na, pero may kj siyang ama! so nagkasya na lang siya sa paglalaro din sa may dalampasigan. picture nang picture si poy. ako ay di maka-picture dahil naiwan sa bag ang cell ko. si bianca, bantay ng lahat ng bag namin, kawawa! e pano wala ring pamalit na damit itong si bianca.

mas maraming ibon sa dagat kaysa sa mga biko sa may highway. migratory birds daw iyon sabi ni poy. paminsan-minsan, itinuturo ko ang mga ito kay ayin. pansin kong mabilis ang mata ni ayin sa ibon. sa labas ng bahay namin, minsan sabi niya sa akin, bored, bored, akala ko, nagsasabi ng estado ng damdamin niya, ahaha! char lang. tapos may itinuro si ayin habang nakatingala. aba, may maya nga, nakikisilong sa katapat na bahay namin. paikot-ikot uli ang migratory birds sa dagat ng noveleta. dalawang pulutong ang mga ito, isa malapit-lapit sa dalampasigan, ang isang pulutong ay sa may bandang gitna ng dagat. nakakapagtakang walang pulutong sa direksiyon ng sinag ng araw na papalubog. baka naiinitan din ang mga ibon o nasisilaw.

may batang lumapit sa amin nang binubuo ko ang bundok ng shells. tinatanong niya kung nag-eeskuwela na si ayin. sabi ko, hindi pa, 2 pa lang siya, e. ilang taon ka na kako, isinenyas ng kanyang kamay ang 5. warren daw ang pangalan niya at ang mama raw niya ay ang babaeng may tuwalyang blue sa leeg, nakatayo ito sa tapat ng isa sa mga mataong mesa sa may table/picnic area. taga putol daw siya. sabi ko, saan iyan, sa kawit ba? sabi niya, sa putol. naku, di ko alam kung saan iyon, haha! may kuya daw ba si ayin. oo sabi ko, sabay itinuro ko sina dagat. aba, bakit ganito ang mga tanong nito, ano ba ito, nag-a-apply na manliligaw? guwapo naman ang bata at ang nakakatuwa sa kanya ay matatas magsalita. buo ang mga pangungusap niya, nakakasagot sa mga tanong. unlike dagat, paisa-isang salita pa rin ang alam.

but... no. may gatas pa sa labi si ayin. saka na iho. pero di ko naman inawat si warren nang tulungan niya kaming maglagay ng mga bato pandagdag sa shells sa base ng bundok. pagkatapos ay nagsawa siya sa amin ni ayin dahil hindi kami umaalis sa aming puwesto. tumakbo siya't nagbabad sa dagat, kasama ang iba pang bata roon.

si bianca, nakahanap na ng bakanteng table. pero siningil daw siya. napabayad tuloy ako ng P100! buti at mura. kung hindi ay ipakikipaglaban ko talaga na ilibre na lang iyon sa amin dahil hello, wala pa yatang isang oras ang pag-upo roon ni bianca at hindi rin naman kami kumain sa mesang iyon.

maya-maya pa ay palubog na ang araw. sabi ni papa p, beb, o. at ipinagyabang niya ang tanawin. oooh, so iyon pala ang sagot niya sa tanong sa utak ko na, ba't mo naisipang dito kami dalhin, aber? in fairness, ang ganda ng sunset. buong-buo ang araw, wala ring makikitang bangka o barko sa dakong iyon ng laot. ang lawak ng langit, walang building, walang obstruction. mabuti rin at walang nakasinding videoke at walang maingay na sasakyan o istorbong tunog ng traffic gaya sa manila bay, kaya na-enjoy namin nang lubos ang tahimik na paglubog ng araw.

bago tuluyang magdilim ay nag-picture-picture kami kasama si bianca. sabi ko kay papa p, ipost mo pati iyong nakaupo kami sa dalampasigan, lagay mo, manila bay, haha! fake news?!

bago tuluyang magdilim, umahon na kami para banlawan ang mga bata. may bayad pala ang shower, bente! so sana ay ginawa na lang nilang P50 ang entrance kasama na ang shower, di ba? kaloka! anyway, sabi ni poy, bente lang daw ang ibinayad niya for ayin and dagat dahil bata lang naman daw ang nag-shower, sabi ng matandang lalaki na nagbabantay sa shower area. yes, di kami nag-shower ni papa p dahil di rin naman kami makaka-shower dahil siguradong lalabas sa shower room ang mga bata. doon lang kami sa gripo sa may bungad ng shower rooms nagbanlaw ng mga bata kaya di ko nakita ang loob ng mga ito. maayos kaya? mukha kasing luma na ang facilities nila. pero at least may ganong facilities di gaya ng sa patungan beach noong 2017 bday ko grabe. walang gripo, magbobomba ka sa poso! walang ilaw sa cr na gawa lang sa kahoy at isinasabit lang ang tali sa kapiraso't nakausling kahoy para maisara ang pinto. nightmare. ay kennat. at kung makasingil sila sa cottage ay libo ha. 1k to 1.5k. samantalang table lang iyon na may bubong na nipa. anyway, itong sa villamar, talagang sementadong structure ng mga shower room, so makatarungan ang bente per head. bago kami makabalik ni papa p sa mesa namin, may nakita kaming babaeng matanda na postura, hindi mukang pang-beach ang itsura. nakapalibot sa kanya ang matandang lalaki na naniningil sa shower room, ang lalaking naningil kay bianca ng P100 for the table at isa pang matanda.

nang mabihisan na ang mga bata, nagpaalam ako kay papa p dahil gustong kong mag-vlog. pumasok ako sa store/restaurant at natuwa ako kasi maluwag ito, maaliwalas. may apat o limang table na pang-apatan at malapit sa exit/entrance na malapit sa cashier kung saan kami nagbayad ng P30 ay isang mahabang table, may apat na matandang lalaki ang kumakain ng sitsirya sa bandehado at nagkukuwentuhan. sa counter ng restaurant ay isang kabataan na mukhang tomboy, maamo kasi ang mukha, mukhang babae pero maikli ang buhok at naka-shirt ito, payat. tinanong ko kung may nao-order ba doon na pagkain. sabi niya, nag-last order na po kami, sarado na po. pero kako meron? sagot niya, oo. at ibinigay niya ang menu. mura naman ang food from 80 to 200 pesos. sa likod ng androgenous na taong ito ay hanggang kisame na shelves na parang sari-sari store, sa unang baitang, pinakamalapit sa kisame, may gray na marmol na may engrave na gorgina maria viniagre, proprietress. palagay ko, ito iyong matandang babaeng postura na nakita namin ni papa p sa tapat ng shower area. sa baba ng marmol, may bote ng san miguel light at maliit na karton, nakasulat dito 50 pesos, pilsen, 50 pesos, red horse, nalimutan ko na. sitsirya tulad ng chippy, nova at piattos, 35 isa. bumili kami ng chippy. meron ding century tuna, 50 pesos. meron ding mantika, toyo, asin. meron ding modes, 11 pesos. as in iyong sanitary napkin! akala mo kung ano na, ano? sa tabi ng counter, may isang glass cabinet na kinalalagyan ng mga luma, kupas nang souvenir items ng villamar (maliliit na shirt, as in iyong isinasabit sa windshield) at pouch. meron ding luma at kupas nang cap na ang nakasulat ay tagaytay city. sa ibaba ng mga ito ay ilang kaha ng sigarilyo. nagbebenta rin sila niyon. sa isang sulok makikita ang videoke at sa tapat nito ay isang juke box.

nag-vlog na ako. sayang at di ko nabanggit sa vlog na mababait ang staff, pansin din ni papa p. at mukhang mabait ang may-ari dahil mukhang nagtagal ang staff niya sa kanyang patnubay.

nanghihinayang ako sa villamar. maganda ang lokasyon nito, di masyadong malayo sa maynila at madaling puntahan, isang baby bus lang mula sa sm bacoor, kung galing ng baclaran ay isang baby bus lang din. ang ganda ng view. may mga room na puwedeng rentahan, 500 daw per room for two good for 12 hours. at mukhang may malalaki rin na room pampamilya. pero marumi ang tubig, brown. marami-rami din ang basura sa dalampasigan. im sure hindi lahat ay galing sa amin na beachgoers nito. sabi ni papa p, marami daw na ganong beach sa cavite, nalaos dahil dumumi ang dagat, hindi dahil sa dumi ng cavite kundi sa dumi ng maynila. parang bituka ang problema natin, ano? dugtong-dugtong. kaya sana, makarating din ang instant linis ng manila bay sa mga baybayin ng cavite.










No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...