Monday, February 18, 2019

park ng San Rafael Executive Villa

minsan naman, dinadala ko sa park ng subdivision sina dagat at ayin. pinapakain ko sila ng lupa doon, este, pinahahawak pala. takbo-takbo sila doon sa court. palukso-lukso sa sementadong steps papunta sa gazebo. akyat-baba sa hagdan ng gazebo. hanggang mapagod.

favorite ni ayin ang magsaboy ng lupa sa ulo ni dagat. at sa akin. siyempre, iiyak si dagat kasi napupuwing siya. papaluin ni dagat si ayin, iiyak din iyong isa. mag-iiyakan sila habang naghahanap ako ng patpat pamalo sa kanilang dalawa.

kahit tanghaling tapat, malilim sa park na ito. ayokong nagpupunta rito sa hapon, mga 4pm onwards, may mga binatilyong nagbabasketbol. panay tapon ng plastik ng ice tubig kung saan-saan. gusto kong pagtatatampalin e sabay sigaw ng di kayo tinuruan ng nanay n'yo?

para iwas high blood, sa tanghali na lang kami ng mga bata. may mga bench doon na gawa sa mahabang kahoy na ipinatong sa malalaking bato. mayroon ding poso na hindi na gumagana. sa gitna ay isang gazebo nga na minsan ay pinagdausan ng misa noong 2018. maraming puno lalo na sa bandang sementadong bahagi ng park, dati pala iyong swimming pool na tinabunan na dahil mahal daw imintina. nagkalat ang tuyot na dahon, puwedeng maupo sa mga ugat ng puno na nakausli sa lupa. walang damuhan dito pero ok lang, puwede na rin maupo dahil hindi marumi. kaunti na lang ang tae ng aso. dati, noong wala pang gate at bakuran ang park, laging matae rito, labas-masok kasi ang mga aso. marami ding basura. kung sino-sino kasi naglalaro sa court. ngayon, may gate at bakuran na, mas malinis. minsan, pagdating namin doon, naabutan ko pa ang pandakot at walis. gusto ko sanang magwalis, makatulong man lang. kaso walang bantay iyong dalawa.

naisip ko dati na i-propose sa homeowners association na mag-imbita ng magtitinda ng halaman at bulaklak doon. libre renta. pero ang bayad nila, magtatanim sila ng halaman at ime-maintain ang area ng kanilang tindahan. didiligan nila ang mga itinanim nila. mga one year iyon, after that, puwede nang maningil ng renta ang asosasyon. pag maganda na at mahalaman ang park, puwede nang iparenta ang buong park sa mga gustong magdaos doon ng event. sa mga nangangampanya diyan, hello, hello. para maipagawa naman ang isang estruktura sa likod ng gazebo, mukhang kubeta ito, na palagay ko ay dapat naman na may kubeta nga sa park. ang malilikom na pondo mula sa renta ay gagamitin para maipagawa ang kabilang bakod, para mapalitadahan ito at mapinturahan.

sa ngayon, may pa-zumba pag weekend. 30 pesos per session. gusto ko sana i-suggest ang tai chi at wushu, lalo na for kids, kaso laging tanghali kung bumangon si ej. sino naman magde-demo doon. ako?

kahapon, sinubukan kong turuan ng siyato si ayin. nakapulot ako ng matabang sanga at baby na sanga. ipinatong ko ang baby sanga sa dalawang maliit na bato at pinalipad ito gamit ang chubby sanga. naghanap uli ako ng baby sanga at sinet up ito para kay ayin. alam n'yo ginawa ni ayin? hinampas nang hinampas ang baby sanga, akala mo, may galit sa baby sanga. wag, anak, sabi ko. e kung yung mga basketbolistang nagkakalat ng plastik na lang ang hampasin mo nang ganyan? nangingiti si ayin, may twinkle sa kanyang mga mata.

kahapon din, first time kong nagdala ng mga laruan sa park. natuklasan ni dagat na puwede palang pagkarerahin sa lupa ang mga laruan niyang kotse, lalo na si akwin, ang kotseng pula na binili ni papa p sa bailen. natuklasan din niyang puwede palang pagulung-gulungin sa lupa ang mga bilog at donut-looking niyang laruan. si ayin, ayun, paitsa-itsa pa rin ng lupa, iniintay na mapikon ang dagat.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...