Ang mga tanong dito ay inihanda ni Bb. Rhea Gulin ng UP DFPP at Manila Bulletin
1. Ano po ang pangunahing layunin nyo sa pagsusulat ng It's a Mens World?
Wala sa isip kong magiging libro ang It's A Mens World (IAMW). Narito ang link na maaaring makatulong sa iyo:
http://www.panitikan.com.ph/content/kung-paano-akong-nagkaroon-ng-mens-ni-bebang-siy
Kaya noong isinusulat ko ang bawat piyesa, iba-iba ang layunin ko. Halimbawa, iyong IAMW na unang sanaysay, naisip kong magsulat tungkol sa pagdadalaga ng isang karaniwang Pinay sa wikang Filipino kasi walang nagsusulat tungkol dito. Iyong pagsusulat ko ng mga sanaysay tungkol sa tatay ko ay dahil naisip kong walang nagsusulat tungkol sa karaniwang tatay sa wikang Filipino. Ayun, parang ang nangyari, tagapuno ako ng mga puwang.
2. Ganito pa rin po ba ang naging layunin nyo sa pagsusulat ng It's Raining Mens?
Aaa.... sa IRM, ganon din ang proseso e, hindi ko siya isinulat bilang isang buong libro. Paisa-isa rin. Kaya iba-iba rin ang layunin ng bawat akda. Actually, kaya natagalan bago nailabas ang sequel ay dahil hirap na hirap akong ikalma ang sarili ko, hahaha, natatakot ako sa mga sasabihin ng tao sa koleksiyon na ito. Hirap din akong pagsunud-sunurin ang mga akda kasi medyo nakakalito ang chronology niya (pansin mo ba?) pero naisip kong tama lang iyon, kasi kahit ako, nalito na rin ako nang panahong iyon, hahaha, palipat-lipat ang huwisyo ko, minsan, nasa utak, minsan, nasa puso. Ganon. Kaya nagtagal talaga ako doon sa paraan ng pagkakasunod-sunod, ilang beses na napalitan iyon.
Re: layunin, halimbawa, iyong Birhen, ang objective ko ay makapagsulat ng akda sa punto de bista ng GRO. Hindi puta, ha? Marami tayong akdang ganyan sa wikang Filipino, hitik ang panitikan natin sa mga Magdalena.
Eto, sa Birhen, ang character ay GRO. Guest relations officer, nagtatrabaho sa gabi, sa mga night club, sa mga KTV, pero hindi naman maika-categorize talaga na puta. Alam mo ba, noong ipinresent ko ito kay Sir Jun Cruz Reyes bilang fiction (sa isang klase namin), di niya nagustuhan, kasi ang tingin niya agad sa GRO, puta. So napaka-unlikely daw na may ganitong uri ng puta, in short, unrealistic. Medyo nalungkot ako siyempre, kasi parang medyo makaluma ang pananaw ng ilang manunulat (lalo na ng mga lalaki) sa mga ganitong trabahador sa gabi.
Ito iyong mga gusto kong mabigyan din ng boses, ang mga GRO. Kasi marami akong naging kaibigan na iyan ang trabaho noon, at oo, hindi sila puta all the time. Well, wala rin namang masama kung puta sila, pero ang gusto kong linawin dito, ibang specie ito ng mga trabahador sa gabi, kaya huwag naman sana silang lahatin.
Hanapin mo iyong line na "Naihahanay pa ngang puta kung minsan." Iyan ang pinakapuso ng kuwentong iyan. Medyo nga nalulungkot ako na hindi napapansin ang linya na iyan, hahaha. Pero ok lang, idinisenyo ko talaga siya para manatiling nakatago, para hindi mapansin nang bonggang-bongga. Para ang tumatak sa isip ng tao ay iyong erotic parts, ahahaha, naniniwala kasi ako na kailangan munang maaliw ng mga mambabasa bago siya ma-injection-an ng mga ideya.
Isa pa palang paborito kong kuwento sa IRM ay iyong nagpapalit-palit ng punto de bista. Ano na nga ang title niyon? Nakalimutan ko, ahaha, sori, sori. Anyway, ang layunin namin (dalawa kaming sumulat, ako at si Russell Mendoza) ay makapag-experiment sa wika, punto de bista at sa plot. Wala nang iba, hahaha. Kakaiba ang proseso niyan. Si Russell ay bespren ko na nasa Canada that time (andun pa rin siya ngayon). Tapos, lagi kaming nagcha-chat. Nakilala ko siya sa UST National Writers Workshop noong, I think, 2005. Fictionist siya sa Ingles. After that, nagkaroon kami ng mga proyektong may kinalaman sa charity, development work. Siya, nasa Canada, ako, narito. Tapos one time, I think 2007 or 2008, wala lang, napagtrip-an lang namin na gumawa ng kuwento na may set na instances at lunan: may isang babae at lalaki na magkikita sa sinehan, tapos sa Jollibee (adik sa Jollibee si Russ) tapos sa kama. Pero dapat hindi ito love story at dapat hindi sila mag-uusap. Tapos, sabi ko, sa Filipino ako susulat, siya rin daw, sa Ingles. Then, isinulat namin iyong separately, I mean, isinulat niya ang piyesa niya, tapos ako rin, mag-isa. Then nagpalitan kami. Then, natuwa naman kami, kasi ibang-iba ang treatment. Tapos, ako na lang ang nag-merge ng dalawang kuwento para maging isang kuwento siya.
Alam mo bang na-publish na iyan, sa isang literary folio ng UST, i think 2008. Ang saya namin, para kaming nagsilang ng anak hahaha! Then, isinali ko siya sa Palanca (with his permit of course). Talo, hahaha! Sa Ingles na category ko isinali. E, hindi ko rin alam kung saang wika ko isasali iyan, haha! Anyway, ayan na siya. Feeling ko dapat maisama siya sa IRM kasi sa part na isinulat ko, autobiographical, e. Though, meron din akong mga nirebisa pero very minimal naman.
Ayun.
3. Paano at bakit nyo po napagpasyahan na isusulat nyo ang inyong personal na mga danas sa anyong creative nonfiction?
Aam... well, halos lahat ng akda ko (sa iba't ibang genre: tula, maikling kuwento, at iba pa) ay kinapapalooban talaga ng personal kong mga danas. Nahihirapan ako kapag hindi ako humuhugot sa karanasan ko o sa mga bagay na alam ko. Kaya palagay ko ay patungo na rin ako sa CNF. I mean, hindi na mahirap sa akin i-explore naman ang CNF para sa mga danas ko.
Naisip nyo po bang gamitin na lang silang inspirasyon para sa ibang genre tulad ng maikling kwento, nobela, etc?
Ay, sori, nasagot ko na pala ang tanong na ito, hahaha!
4. Nagkaroon po ba kayo ng mgasuliranin sa pagsusulat at paglalathala ng It's a Mens World at It's Raining Mens?
Yes. Sa IAMW, sa cover, kasi ang layout at cover design, si Poy, husband ko. Tapos, nag-submit siya ng mga tatlong studies para dito, inaprubahan iyong isa (iyong cover ngayon). Ito rin ang paborito ko sa lahat ng ginawa niyang studies. kasi parang naalala ko talaga ang sarili ko sa batang nasa cover. Anyway, inimprove ni Poy ang napiling design, after a few months, ipinadala uli niya sa Anvil. Na-reject. Humihingi sila uli ng studies. Naku, nakakainis. So ang ginawa ni Poy, inemail sa kanila pabalik ang mga email tungkol sa mga naunang studies, ipinaalala pa sa kanila na nakapili na sila and all! Hay, medyo nakakabahala iyon that time kasi start from zero si Poy kung sakaling sinunod niya ang sinabi ng Anvil na " reject ito, magbigay ka ng bagong studies." Ayun.
Isa pa, wala akong kontrata kahit tapos na akong magsumite ng manuscript at kahit nasa gitna na ng production ang IAMW. Nakakaloka! I trusted them of course, it was sort of a first time for me. My first book (nobelang Mingaw), sobrang dali ng pagkaka-publish, hahaha. Pero ibang publisher ito, hindi kasinlaki ng Anvil. So akala ko, lahat ng nararanasan ko sa Anvil ay iyon ang tama kasi hello, napaka-prestigious ng Anvil bilang publisher, di ba? Nine time publisher of the year awardee pa nga. Anyway, it turned out, norma pala iyon, na nade-delay ang kontrata or kailangan pa minsan na hingin sa kanila ang kontrata. Sad, 'no? I know. Sana nga mabago ang mga ganitong kalakaran.
Re: content ng book, hindi naman ako nagkaproblema. Confident ako, ang isinusulat ko ay katotohanan. For example, iyong sa pinsan ko na nang-harass sa akin, then kalaunan, namatay bilang isang hitman, hindi ko naisip na madedemanda ako whatever. Feeling ko, kapag idinemanda ako ng sarili kong mga pinsan, magkakahalukayan ng baho ng kapatid nila, hahaha. Well, iyong tungkol sa utang ng nanay ko sa Uncle Boy ko, doon ako nalintikan kasi ang kuwento ng mama ko, inaway-away daw ang Uncle Boy ko ng sarili nitong pamilya dahil natuklasan nga nila na may utang ang mama ko kay Uncle Boy. Parang palihim pala ang pagpapautang ni Uncle Boy kay Mami! So, ayun. Nabunyag tuloy. Pero sabi rin naman ng Mami ko, matagal na niyang nahulugan iyon kay Uncle Boy tuwing dumadalaw ito sa bahay namin sa Las Pinas. Padalawa-dalawang libo raw, for so many years. At sabi rin ng mami ko, mabuti nga at may utang ako sa kanya, kasi kung wala, wala raw kapera-pera lagi ang Uncle Boy ko. Hindi kasi binibigyan ng mga anak at ng asawa. Pumanaw na nga pala si Uncle Boy, nagkaroon ito ng kanser sa bituka. Mama ko ang nag-alaga sa kanya, nanirahan pa sa Laguna iyang si Mami kasi nag-stay doon ang Uncle ko (sa bahay ni Kuya Toto sa Laguna). Ang hinala ni Mami, kakatipid daw sa sarili, nagka-ulcer si Uncle. Tapos, dahil me isawan sila sa may bangketa ng Lawton (as in sa may tapat ng Met, malapit sa post office) at nanghihinayang ito sa mga natitirang isaw-isaw, iyon na lang ang inuulam nito sa araw-araw. Nakakalungkot, 'no?
Sa IRM, naikuwento ko na sa iyo, pinakanahirapan ako (actually, kami ni Poy) sa pagkakasunod-sunod. Sinubukan din naming i-categorize by men, hahaha! At sinubukan din naming i-categorize by feelings (as in ano ang happy, ano ang sad, mga ganyan, haha!). Buti na lang din at nag-click naman itong ganitong arrangement (iyong arrangement na lumabas sa book).
Meron din akong problema sa copyright ng IRM. I-copy-paste ko na lang ang isinulat ko para sa isang papel ko sa school, ha?
Ang pang-apat, panlima at pang-anim kong libro ay inilathala sa loob ng iisang taon, taong 2014. Ang It’s Raining Mens ay isang autobiographical collage, walang iisang genre sa loob ng libro at ito ang sequel ng It’s A Mens World. Sa Anvil pa rin ako nagpalathala dahil nagbitaw ako ng pangako kay Mam Karina na sa kanya ko isusumite ang sequel ng It’s A Mens World kung ito man ay magkakaroon ng sequel. Siyempre pa, hindi ko naisip na puwede ko rin namang hindi tuparin ang pangako ko, lalo na kung may hindi ako nagustuhan sa naunang kontrata na aking pinirmahan noon. Ang nasa isip ko lang ay tuparin ang pangakong binitawan. Pero bago ako magsumite ng manuskrito at pumirma ng kontrata, nanaliksik ako hinggil sa copyright policy ng Anvil. Nalaman kong ibinibigay nito ang full copyright sa ibang manunulat na Filipino. Sa copyright page ng ilang libro, ang katabi ng copyright symbol ay tanging pangalan ng awtor. Wala ang pangalan ng publisher sa tabi nito. Ganyan ang copyright page ng libro ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio S. Almario at ng librong Walong Diwata ng Pagkahulog ng manunulat na si Edgar Samar. Naglakas-loob ako na humingi ng one-on-one na meeting kay Mam Karina hinggil dito. Isang umaga ay nagkita kami sa isang coffee shop sa Katipunan Avenue, Quezon City. Doon ay kinausap ko siya para mahingi na ang copyright ng It’s Raining Mens ay sa akin lamang. Sinabi ko sa kanya ang mga nabanggit kong libro ng ibang awtor. Sumang-ayon sa akin si Mam Karina at ilalagay din daw niya ang napagkasunduan namin sa kontrata ko para sa It’s Raining Mens. Di nagtagal ay isinumite ko na ang manuskrito sa editor ng Anvil at nagsimula na ang pre-production stage nito. Takang-taka ako dahil wala namang dumating na kontrata para dito. Kinailangan ko pang i-follow up sa assistant ni Mam Karina ang kontrata. Dumating ito at anong gulat ko nang makita na hindi naman nakasaad doon ang pinag-usapan namin sa coffee shop sa Katipunan. Agad kong kinontak si Mam Karina at ang sagot niya sa akin, nagkaroon ng pagbabago sa administrasyon ng Anvil at isa sa mga ipinabago nito ay ang patakaran ng pagbibigay ng buong copyright sa mga awtor. Hindi na raw puwede sa Anvil ang solo ownership ng copyright. Sa madaling salita, hindi masusunod ang napagkasunduan namin sa coffee shop. Bagama’t napakasama ng loob ko ay pumirma na rin ako sa kontrata. Kaya naman, makikita sa copyright page ng It’s Raining Mens, sa tabi ng copyright symbol ay ang pangalan ko at ng Anvil. Kalaunan ay malalaman ko na hindi totoo ang pagbabagong ipinapatupad ng administrasyon. Dumating at inilunsad ang iba pang aklat ng Anvil na kinatha ng ibang manunulat, at makikita sa copyright page nito na ang tanging nasa tabi ng copyright symbol ay ang pangalan ng manunulat. Ano ang ibig sabihin nito? Namimili lamang sila ng manunulat na pagbibigyan ng solo ownership ng copyright? May diskriminasyon? Iba-iba ang polisiya para sa iba’t ibang manunulat?
Mula nang mangyari sa akin ito, nawalan na ako ng gana na i-market ang mga aklat ko sa Anvil. Hay.
5. Anu-ano po ang mga ito at paano nyo sila hinarap/sinolusyunan?
Ayan, nasagot ko na pala ito. Ano ba 'yan, lagi yata akong advance? Sori-sori.
6. May mga nagsasabi po na mapanlinlang ang mga alaala, paano nyo po ito hinaharap bilang manunulat ng CNF?
Ay, totoo iyan. Maraming version, minsan, ang naaalala mo. Pero bilang manunulat, para ka ring kapitan ng barko. Kailangan mong pumili ng iisang direksiyon, hindi puwedeng marami at maliligaw ang buong barko.
Pero alam mo, natural lang sa tao iyong nililinlang ka ng sarili mong alaala, kasi ang tendency talaga natin, iligtas ang ating mga sarili kaya iyong magaganda at makakatulong lamang na mga alaala ang pinipili nating i-play nang paulit-ulit sa utak natin.
Kung kabaliktaran ang nangyayari sa atin, baka napakarami na ng suicide. As in, kalahati lang ng populasyon ng mundo ang nakaka-survive, ano? Ang harsh kaya ng buhay. Iyon ngang simpleng traffic na binabaka natin araw-araw, di ba, nakaka-depress na? What do our memories retain? Iyong mga nakakatawa, nakakamangha, iyong mga trivial na bagay, at iba pa. Hindi iyong mismong problema at wasted time or iyong galit sa dibdib natin, kasi talagang nakakamatay maalala ang mga iyan, hahaha!
6. Ano po ang nagling layunin nyo sa pagsusulat ng Nuno sa Puso I at II?
A, ito malinaw. Ang layunin ko ay maimulat ang kabataang Filipino tungkol sa pag-ibig, sex at relasyon. Coming from the point of view ng isang tao na bagama't medyo bata-bata pa ( I was 26 or 27 when i wrote the bulk of Nuno sa Puso I at II) ay napakarami na ng karanasan (at pagkakamali) sa tatlong bagay na iyan, gusto ko sana, matuto sila from me. Gusto ko sana, maiwasan nila ang mga dapat e naiwasan ko noong unang panahon, hahaha!
7. Bakit ninyo po napili ang ganitong anyo ng CNF?
Noong may diyaryo si Eros Atalia sa Cavite, Responde Cavite ang pangalan, inimbitahan niya akong mag-column dito. May nauna nang magsusulat para sa kultura, so tiningnan ko kung ano ang wala sa diyaryo, ayun, advice column! Doon nagsimula ang anyo ng Nuno sa Puso. Nag-enjoy din ako sa pagsulat nito. Kasi, marami sa mga entry diyan ay sarili kong problema. Para ko na ring pinapayuhan ang sarili ko, di ba? Para akong nagmumuni-muni sa sarili kong problema, hehehe! Two years din ang column na iyon, ha? Napagtiyagaan ko ang sarili kong mga payo, haha!
Salamat, Rhea Gulin ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Good luck sa iyong paper at presentation.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment