Tuesday, July 5, 2016

Copyright at ang Filipino Author (Sanaysay)

ni Beverly W. Siy

Isang araw ng summer 2016, isang kaibigan ang humingi ng permiso ko para ilathala ang teksto ng aking children’s book na Marne Marino, para sa isinusulat at ine-edit niyang textbook. Sa pag-uusap namin ay nalaman kong napakaliit ng bayad sa kanya bilang writer at editor ng textbook, siya rin ang pinagbabayad para sa publishing rights ng mga akdang mapipili niya para sa textbook. Napagkuwentuhan din namin ang ilang maling practices pagdating sa copyright at publishing.

Dahil dito, nag-post ako sa Facebook ng ilang impormasyon tungkol sa dalawang nabanggit na paksa. Pagkaraan lamang ng ilang minuto, dumagsa sa inbox ko ang napakaraming tanong tungkol sa copyright at publishing. Mayroon ding nagsangguni ng mga problema at isyung kinakaharap nila. Karamihan sa mga kumontak sa akin ay bata pa at baguhan. Karamihan sa kanila ay nagtatanong tungkol sa mga dapat gawin kapag may interesado sa kanilang akda.

Sa pamamagitan ng multi-media company ng aking asawa, ang Balangay Productions, pinangunahan ko ang pag-oorganisa ng Seminar on Philippine Copyright and Textbooks. Nakipag-partner kami sa National Book Development Board (NBDB), Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL), Filipinas Copyright Licensing Society (FILCOLS), Freelance Writers Guild of the Philippines (FWGP) at C and E Publishing, Inc. at idinaos ang seminar noong 7 May 2016 sa C and E Information Resource Center, Quezon City. May mga lecture tungkol sa copyright basics, textbook production sa Pilipinas at book piracy, pero idinisenyo ko ang seminar para idiin na labag sa batas ang laganap na practice sa industriya: ang paglalathala ng mga akda nang hindi nagpapaalam sa mga sumulat o lumikha ng akda. Isa pang binigyan ko ng highlight dito ay ang pagbabayad sa may-akda kung ito ay humingi ng kabayaran kapalit ng pagbibigay ng permiso sa paglalathala ng kanyang akda. Karapatan nila at naaayon sa batas ang paghingi nila ng kabayaran. Bukod dito, bilang isang copyright advocate at copyright coordinator, napakarami kong nakilalang manunulat na sikat at well-anthologized ang mga akda, pero lagi pa ring kapos pagdating sa pera dahil wala silang natatanggap na anuman para sa pagkaka-anthologize ng kanilang mga akda, samantalang ibinebenta ang mga aklat na kinapapalooban ng kanilang mga akda. Napakarami ko ring nakilalang pamilya ng mga yumaong manunulat ang naghihirap sa kasalukuyan, dahil lamang hindi nila alam na sila ay may karapatang kumita mula sa copyright ng yumao nilang mahal sa buhay, at hindi rin sila hinahanap at binabayaran ng mga naglalathala ng akda ng pumanaw nang manunulat. Sa Pilipinas, ang copyright ay may bisa hangga’t buhay ang awtor o manunulat ng isang akda at may 50 taon pa ang bisa nito pagkatapos ng kanyang pagpanaw. Ibig sabihin, ang copyright ay naipapamana!

Dito ko napagtanto kung gaano talaga kahalaga ang idinadaos na mga event at ipinapatupad na mga programa ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tungkol sa copyright at publishing industry. Ibang animal ang copyright, napakahirap nitong ipaliwanag dahil ang pinoprotektahan ng batas na ito ay intangible o hindi nahahawakan, ito ay ang mga intellectual property, partikular na ang iba’t ibang anyo ng sining tulad ng panitikan.
Kaya naman, nakakatuwa ang iba’t ibang approach ng gobyerno sa pagpapakilala ng copyright sa mga manunulat o awtor at iba pang copyright owners. Nariyan ang Learn, be Empowered, Adopt and Profit (LEAP) seminars ng IPOPHL. Dinaluhan ko ang session na pinamagatang On Copyright and Copyright in the Digital Age na ginanap noong 27 Abril 2016 sa Multi-purpose Room ng IPOPHL, Taguig City, dito ay ipinaliwanag ng copyright experts na ang pag-a-upload ng mga copyrighted material sa internet ay isang uri ng communication to the public at ito ay isa sa mga karapatan ng awtor. Kung gagawin ito nang walang pahintulot mula sa awtor, posibleng natatapakan niya ang karapatan ng awtor at ito ay labag sa batas.

Isa pang halimbawa ng proyektong hitik sa kaalaman para sa mga manunulat o awtor at iba pang copyright holders ay ang 7th Philippine International Literary Festival na ginanap noong Abril 28-29, 2016 sa QCX Museum sa Quezon City. Dumalo ako sa session para sa Rights, Copyright and Publishing Contracts na pinangunahan nina Atty. Andrea Pasion-Flores at Atty. Nicolas Pichay. Napaka-author-friendly ng naging talakayan dahil makikita ang malalim na malasakit ng dalawang abogado sa mga manunulat dahil sila mismo ay manunulat din ng malikhaing akda. Fictionist si Pasion-Flores at makata/mandudula naman si Pichay. Sa naging talakayan naman ni Atty. Pasion Flores (na isa ring literary agent) at ng international speakers na sina Claudia Kaiser at Stacy Whitman tungkol sa pagpasok sa international market at rights trading, lumitaw kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng kaalaman ng mga manunulat sa copyright at sa tamang pakikipagnegosasyon sa mga publisher at literary agent. Malaki ang tsansa ng isang akdang Filipino na maibenta sa iba’t ibang bansa, lalo na’t aktibo ngayon ang Pilipinas sa pagsali sa mga international book events tulad ng Frankfurt Book Fair (FBF) sa Germany. Taong 2015 mula nang magkaroon ng exhibition booth ang NBDB sa FBF. Ang FBF ang pinakamalaking trading centre sa buong daigdig para sa rights at licenses sa publishing industry. Mayroon din itong Literary Agents & Scouts Centre na siyang itinalagang working area para sa higit sa 600 literary agent mula sa mahigit 30 bansa. Mula sa session nina Pasion-Flores, Kaiser at Whitman, nalaman kong mas maganda kung limitado ang ibinibigay na rights ng isang manunulat sa sinumang interesado sa kanyang akda sa local publishing industry para ang kanyang akda ay mas madaling mai-market at manatiling bukas sa mga oportunidad mula sa ibang bansa.
Speaking of international exposure, dahil din sa ASEAN integration, nagbubukas para sa mga akdang Filipino ang tarangkahan ng mga publisher mula sa mga kapit-bansa natin. Ang ASEAN ay binubuo ng sampung bansa at ang kabuuang populasyon nito ay 600 milyon. Puwedeng-puwedeng tingnan ito bilang market ng mga copyrighted material mula sa ating bansa. Ang kailangan lamang ay mahuhusay na translator para sa sari-saring wika sa ASEAN. At magiging madali ang pagma-market sa mga akdang Filipino kung maayos ang mga copyright agreement nito at malinaw ang availability ng translation rights.

Importante ring maging mulat ang general public sa copyright at iba pang intellectual property rights. Kapag malalim ang pag-unawa ng masa rito, sa kanila mismo magsisimula ang kultura ng paggalang sa may-akda at sa likha ng mga ito. Isa sa maaari nitong maging epekto ay pagbaba ng plagiarism at mga insidente ng pamimirata ng aklat at mga pelikula. Kaya’t taon-taon ay palaki nang palaki ang pagdiriwang ng World Book and Copyright Day tuwing Abril 23 sa Pilipinas. Ngayong 2016 ay ginanap ito sa Ayala Triangle, isang park sa gitna ng business-district ng Makati City. Bukod sa ang Abril 23 ay kaarawan ng mga dakilang manunulat na sina William Shakespeare at Miguel de Cervantes, ginanap ito nang Buwan ng Abril bilang paggunita sa buwan ng kapanganakan ng makata at bayani ng Pilipinas na si Francisco Balagtas.

Sanib-puwersa ang gobyerno sa pangunguna ng NBDB, IPOPHL, Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Library of the Philippines (NLP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at ang pribadong sektor sa pangunguna ng Instituto Cervantes, Embassy of Spain, Ayala Land, at WTA Architecture & Design Studio. Namigay ng libreng materyales tungkol sa copyright at intellectual property rights ang IPOPHL at ang NBDB naman ay nagpasimuno ng libreng t-shirt printing ng quote at pangalan ng mga awtor mula sa nagwaging mga aklat sa 34th National Book Award. Kahit sinong may suot ng inimprentang t-shirt ay maaaring mag-promote ng mahuhusay na akdang Filipino. Naghandog din ito ng henna tattoo sessions na nagtatampok ng mga imahen na may kinalaman sa panitikan at pagmamahal sa aklat. Nagkaroon din ng book market kung saan ang lahat ng bumili ng aklat ay binibigyan din ng rosas, mga pagtatanghal tulad ng balagtasan, puppet show at storytelling activities. Ang layunin ng buong event ay mapatatag ang pagmamahal ng kabataan sa pagbabasa at itaguyod ang respeto sa mga karapatan ng mga may-akda sa kanilang mga likha.

Malayo pa ang lalakbayin natin para tuluyang maipaabot sa nakakarami ang mga benepisyo ng sa pagrespeto sa copyright, pero tama ang direksiyon natin. Nag-uumpisa talaga ang lahat sa awareness campaign. May Copyright component ang Publishing Course na inilunsad ng NBDB at Book Development Association of the Philippines (BDAP) nitong June 2016. Sa kasalukuyan ay itinatayo na ng IPOPHL at pinupunan ng personnel ang Bureau of Copyright and Related Rights. Sa personal level, dumarami pa ang mga manunulat (ang iba sa kanila ay mga bata pa at baguhan) na nagpapadala ng mensahe sa akin sa email at Facebook sa tuwing magpo-post ako ng mga bite-size na impormasyon tungkol sa copyright at publishing. Isang kaibigang makata ang nagpatulong na magpa-compute ng royalties na dapat singilin sa isang kumpanya na naglathala ng kanyang tula nang walang pahintulot at bayad. Kayrami din ang nagkuwento tungkol sa sariling karanasan sa copyright at publishing. Kapag hindi ko masagot o masolusyunan ang kanilang mga concern, agad ko silang inire-refer kay Atty. Louie Andrew Calvario ng IPOPHL sa email address na mail@ipophil.gov.ph at kay Director Wilfred Castillo ng NBDB sa email address na helpdesk@nbdb.gov.ph.



Sanggunian:
http://lifestyle.inquirer.net/226645/books-roses-at-the-park-celebrate-dia-del-libro-in-ayala-triangle#ixzz4DWMxFmaQ
nbdb.gov.ph/index.php?option=com_content&task=view&id=1024&Itemid=28
http://nbdb.gov.ph/images/Downloads/aec.pdf

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...