ni Beverly W. Siy
Alam mo bang ang mga bilingual na libro para sa bata ay maaaring makapag-produce ng batang mahusay sa wika, sensitive sa sariling kultura at kultura ng iba, may paggalang sa kapwa, open-minded at adventurous?
Pero first things first, ano nga ba ang mga ito?
Ayon sa mga guro at dalubhasa sa University of Texas, “bilingual books are books that have two texts written in two languages. They are also known as dual language books, available across genres and age groups, including classics and picture books in fiction and nonfiction.”
Ang pagtutuunan natin ng pansin ngayon ay ang bilingual books for children. Ang dami kasi nating makukuhang benefit mula sa ganitong uri ng librong pambata. Narito ang top 5.
#5- Dalawang wika ang tampok sa bilingual books, at dahil dito ay nae-expose sa dalawang wika ang bata. Tulay ito para makabasa at makarinig ng iba pang wika ang isang bata. Dito ay maaaring maipakilala ang ilang salita na partikular sa isang wika at kultura at makakatulong din ito sa pagbubuo ng kanilang bokabularyo. Matututo rin ang mga bata ng pagbigkas at paraan ng pagbabaybay ng mga salitang hindi nila madalas na makasalamuha sa sarili nilang wika. Isang magandang halimbawa nito ay ang librong Hagdan/Agdan (Stairs) na isinulat at ipinublish ng award-winning Ilokano writer na si Sherma Benosa noong 2015.
Ang Hagdan/Agdan (Stairs) na in-illustrate ni Bianca D. Fuentes ay ang unang pambatang aklat na inilahad sa komiks na format, ito ay nasa wikang Filipino at may salin sa wikang Ilokano. Makikilala sa akda ang mga salitang Filipino at Ilokano para sa mga bahagi ng bahay.
#4-Dahil ang wika ay bahagi ng kultura, nagiging tulay din ang bilingual books para ma-expose ang bata sa dalawang kultura. Isa sa maaaring talakayin ng guro o magulang gamit ang tauhan, lugar, kaugalian, pagkain, damit at iba pa na tampok sa bilingual books ay ang pagkakaiba at pagkakatulad ng dalawang kultura. Ayon sa blog na languagelizard.com, “they are helping children feel comfortable with cultural diversity.” Maaari din daw itong magamit ng mga guro para linangin sa mga batang estudyante ang kanilang kaalaman at pagpapahalaga sa sari-saring kultura.
Isang magandang halimbawa nito ay ang librong Shelah Goes to a Da-ngah na isinulat sa wikang Ingles ng Baguio-based writer na si Padmapani Perez. Ito ay may salin ni Sheila N. Aniban sa wikang Kalanguya. Si Padmapani ay isa ring anthropologist at indie publisher, inilathala niya ang aklat na ito sa pamamagitan ng kanyang Alam-am Publishing. Tampok sa nasabing libro ang pagsali sa da-ngah ng batang si Shelah na mula sa komunidad ng Kalanguya sa Tawangan, Benguet. Ayon kay Padmapani sa isang interview na isinagawa ng xizuqsnook.com, “The da-ngah belongs to the forms of cooperative labour around the Philippines that we know as bayanihan… When a person needs assistance in completing or quickening a difficult task such as carrying timber for a house from the pine forests, or even setting the foundation for building a new house, then this person can call for a da-ngah.” Kontemporanyong panahon ang setting ng nasabing libro dahil nais ipakita ni Padmapani na isang living practice ang da-ngah at hanggang ngayon ay pinahahalagahan ito ng komunidad.
Makikita rito ang role ng bata sa community work, na bagama’t may pagkakaiba ay mayroon din namang pagkakatulad sa community work na nakikita ng karaniwang bata sa sarili nitong kapaligiran. Makikilala ng batang mambabasa si Shelah, isang batang iba ang wika, nakatira sa ibang lugar, nabibilang sa ibang komunidad at may ibang kultura, pero tulad din siya ng karaniwang bata sa iba pang panig ng mundo sapagkat siya ay “inquisitive, assertive, independent, has a mind of her own,” ayon sa deskripsiyon ni Padmapani.
#3- Sa pamamagitan ng bilingual books ay nagiging open-minded ang bata. Dahil nagkakaroon siya ng pagkakataon na makakilala ng iba pang tao sa ibang bayan at iba pang panig ng mundo na may sariling wika at kultura, bukod sa mga kakilala niyang tao at sa sarili niyang wika at kultura. Nagkakaroon siya ng pagkakataon na masilip ang mga bagay-bagay mula sa iba’t ibang punto de bista ng iba’t ibang tao. At ang mga pagkakataong ito ay naglilinang ng paggalang at acceptance sa mga bagay na iba sa sariling pagkatao at danas ng isang bata.
Makakatulong ito para lumaki ang bata nang walang diskriminasyon sa kapwa. Ang diskriminasyon, ayon sa Amnesty International ay, “treating someone differently simply because of who they are or what they believe… Discrimination doesn’t only mean a lack of equality, it actually perpetuates harm.” At hindi basta-bastang bilingual books ang dapat na ibigay at ipabasa sa mga bata. Ayon sa website na partnersagainsthate.org, dapat masigurong ang bilingual books ay may, “accurate and positive representations of the many cultural groups that make up the community, society and the world in which they live,” upang matulungan ang mga bata na matukoy ang mga stereotype at biases kapag naengkuwentro nila ito sa tunay na mundo.
Isang magandang halimbawa ay ang librong Si Faisal at Si Farida na isinulat ni Rhandee Garlitos at inilathala ng Vibal Publishing. Ito ay nasa wikang Filipino at Ingles. Nagsimula ang lahat sa pagmamasid at pagkilala ng mga Kristiyanong batang sina Adrian at Nerissa sa mga bata na bagong salta sa kanilang eskuwelahan at komunidad. Ito ay walang iba kundi sina Faisal at Farida, mga batang Muslim na nagmula pa sa Tawi-tawi at Cotabato. Ipinakita rito ang proseso ng pagkakalinang ng pagkakaibigan ng mga bata mula sa magkaibang relihiyon. Nakatulong din ang ilustrasyon ni Tinsley Garanchon, dahil bagama’t ibang-iba ang kasuotan nina Faisal at Farida, litaw pa rin ang pagiging karaniwang batang Filipino sa hitsura nila’t mukha. Isang paraan ito ng pagsasabi na mas maigting ang pagkakatulad natin kaysa sa pagkakaiba, kaya dapat na magturingang magkapatid, imbes na magkaaway.
#2. Nakakatulong ang bilingual books para maging mas adventurous ang bata dahil alam nilang napakarami palang lugar at komunidad na dapat mapuntahan, kultura at tao na dapat makilala, at panahon na dapat mabalikan.
Makakatulong dito ang Si Ambongan na isinulat ni Lamberto E. Antonio sa Filipino, isinalin naman ni Dr. Erlinda K. Alburo sa Cebuano at inilathala ng Adarna House. Isang umaga, naglakas-loob na mangisda nang walang kasama ang batang si Ambongan para sorpresahin ang kanyang mga magulang ng mga isdang mahuhuli niya sa dagat. Ngunit iba ang nakita niya pagdating sa laot! Pagkalaki-laking bangka sakay ang mga di niya kilalang tao. Dahil sa tapang at liksi ng isip at katawan ni Ambongan, naipagtanggol ng datung si Lapu-lapu ang bayan ng Mactan laban sa mga mananakop. Bagama’t paglingon sa mga munting bayani ng kasaysayan ang tampok sa nasabing kuwento, makikita na binigyang-diin ang pagiging matapang at adventurous ng bidang bata na nagdulot ng maganda para sa buong komunidad.
#1- Nagiging mas produktibo ang mga manunulat at publisher sa iba’t ibang wika dahil nadadagdagan ng outlet ang kanilang mga akda, at ito ay ang bilingual na mga librong pambata.
Ang ilan sa mga kasapi ng pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat sa Ilokano, ang GUMIL, ay naglathala ng isang koleksiyon ng mga kuwentong pambata sa wikang Ilokano. Pinamagatan itong Dagiti Napili a Kapipintasan a Kabukbukodan a Sarita a Para Ubbing Umuna a Libro o The Best Ilokano Short Stories for Children, Volume One. Sina Cles B. Rambaud, Mighty C. Rasing, Anna Liza M. Gaspar, Godfrey Dancel, at Martin T. Rochina ang mga manunulat. Nakahanda nang isalin nina Cles at Ariel S. Tabag, mga editor ng nasabing koleksiyon, ang mga kuwento para sa sinuman na nagnanais na magbasa nito sa wikang Filipino. Samantala, ang akda rito ni Anna Liza na pinamagatang Anna in the Town of Partas Gasto ay inilathala ng Vibal Publishing noong 2015 bilang isang bilingual na librong pambata. Ito ay nasa wikang Ilokano at Ingles.
Ang libro ng manunulat sa wikang Hiligaynon na si Early Sol Gadong na pinamagatang Si Bulan, Si Adlaw kag Si Estrelya o Moon, Sun and Star ay inilathala ng indie publisher na Balay Sugidanon, Inc. noong 2014. Wikang Kinaray-a lamang ang nasa libro, pero sa pamamagitan ng email, ibinabahagi ni Early Sol ang salin sa wikang Filipino para mapabasa at maunawaan ng mga batang Filipino ang muli niyang pagsasalaysay sa matandang kuwento ng paghihiwalay ng buwan, araw, at bituin.
Samantala, ang mga libro nina Sherma E. Benosa at Padmapani Perez ay self-published.
Ang bilingual books at ang posibilidad ng paglalathala ng mga akda sa dalawang wika ay mahuhusay na outlet ng pagkamalikhain ng ating mga manunulat at ilustrador. Naibabahagi ang kanilang talento hindi lang sa lokalidad nila kundi sa buong Pilipinas at maging sa ibang bansa. Nakakatulong pa ito sa pagpaparami at pagpapayaman ng panitikang Filipino. Higit sa lahat, maaaring makapagdulot ng inspirasyon sa batang nabibilang sa dalawa o higit pang cultural background ang mga bilingual na libro para siya naman ang lumikha at mag-ambag ng sarili niyang kuwento
Sanggunian:
Electronic journal
European Scientific Journal February 2015 /SPECIAL/ edition vol.3 ISSN: 1857 – 7881 (Print) e - ISSN 1857- 7431 132 USING BILINGUAL BOOKS TO ENHANCE LITERACY AROUND THE WORLD Peggy Semingson, PhD Kathryn Pole, PhD Department of Curriculum & Instruction, University of Texas at Arlington, USA Jodi Tommerdahl, PhD Department of Curriculum & Instruction, University of Texas at Arlington, USA Center for Mind, Brain and Education, University of Texas at Arlington, USA
Mga website at blog
www.amnesty.org/en/what-we-do/discrimination/
www.bilingualism-matters.ppls.ed.ac.uk
blog.languagelizard.com/2011/05/16/10-ways-to-use-bilingual-books-with-children/
www.partnersagainsthate.org/educators/books.html?referrer=https://www.google.com.ph/?referrer=http://www.partnersagainsthate.org/educators/books.html
www.scottishbooktrust.com/the-benefits-of-bilingualism
www.vibebookstore.wordpress.com/2012/08/20/harmony-on-and-off-the-playground/
www.xizuqsnook.com/?tag=shelah-goes-to-a-da-ngah
/
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment