ey, natuloy kami sa delgado hospital kahapon. hindi pala 3d yung ginawa sa akin, kundi congenital anomaly scan. parang ultrasound din siya pero may mga specific na mga bahagi ng katawan ng fetus ang mine-measure at chine-check para masiguro na normal nga ang mga ito.
siyempre, sinabi rin ng doktor kung ano ang gender ng baby namin.
hindi ko muna ire-reveal dito, hehehe, kasi after namin sa ospital, napagkasunduan namin ni poy na huwag munang sabihin sa iba kung ano ang resulta. mag-iinarte muna kami, haha!
mga 445pm na kami dumating kahapon sa delgado. walang pila sa ultrasound room, ayee! last time kasi, pumila kami nang matagal, mga 2 hrs! at noong nagutom ako at lumabas kami para magmeryenda, pagbalik namin ay wala na yung ob sonologist na mag-u-ultrasound sa akin. so nang-away pa kami ng staff kasi nagpaalam kami sa kanya at nag-iwan ng cellnumber para kung sakaling kami na ay maite-text niya kami. buti na lang at nagawan nila ng paraan. may isang doktor sila na sa kamuning lang nakatira kaya pinapunta nila ito at iyon ang nag-ultrasound sa akin. si dagat ang baby!
kahapon naman, ang bilis ng proseso. pagkabayad ni papa p sa cashier (P1750 ang congenital anomaly scan o CAS doon), pinapasok na kami sa ultrasound room at pinahiga na ako sa kama. pinataas ang dress ko para ma-expose ang aking botchog na tiyan. pinahiran ito ng gel, anlamig, tas inilapat na ng doktor sa tiyan ko ang kanyang hawak na parang scanner ng barcode sa groserya. tapos ayun, nakita ko na sa monitor sa tapat ng kama ang aming baby! napangiti agad ako kahit di ko alam kung anong bahagi ng katawan niya ang natutunghayan ko, ahaha! si papa p, parang natutuwa na naiiyak, ewan ko dun, emosyonal lagi, hawak ni papa p ang camera namin at picture siya nang picture sa monitor. e ambilis mag-scan ng doktor kaya sabi ng doktor, sir mamaya na po para di kayo malito. uulitin ko na lang iyan at ipapaliwanag sa inyo mamya.
good! at least na-enjoy ni papa p ang on the spot na pagtunghay sa bago naming baby. although walang sinasabi si dok na abnormalities or anything, kampante kami at di matanggal sa mukha ko ang ngiti. iniisip ko, lahat ok, lahat normal kasi nga, walang sinasabi si dok. at parang pleasant naman ang mukha niya the whole time na nag-i-scan siya ng tiyan ko. ipinakita niya ang spine ni baby, ipinakita rin niya ang labi, ang mata, ipinakita rin niya ang skull at brain, ang mga kamay, apat lang ang nabilang niyang daliri baka raw nakatago ang hinlalaki, itinuro din niya ang legs, at ang toes.
mukhang all good!
habang nag-i-slide-slide ang scanner sa tiyan ko, me pasundot-sundot na takot sa puso ko. what if nakaapekto sa fetus ang pagiging careless ko noong unang tatlong buwan, noong di pa namin alam na buntis ako, what if nakaapekto sa fetus ang pagkakalanghap ko ng mga pintura noong gumagawa kami ng props para sa unang kaarawan ni dagat? what if nakaappekto sa fetus ang pag-inom-inom ko ng kape at ng sopdringks kahit ilang beses akong pagbawalan ni papa p at ni dok sharon (ang aming ob gyne)?
what if, what if, what if.
pero nanaig ang optimistic neurons ko, buti na lang. lumabas kami ng ultrasound room nang masaya, at bouncy ang bawat hakbang. ang gaan-gaan sa pakiramdam.
sabi ng doktora at ng assistant niya, maghintay na lang kami sa mga upuan sa labas para sa printed na resulta ng aming CAS. napansin ko ang isang napakaliit na baby na karga ng isang babae sa waiting area. napansin ko rin sa bandang dulo ng hallway ang isang batang lalaki na palipat-lipat sa mga upuan at sa katapat nitong pader. ibinabangga ang sarili sa dalawang panig. mga 2 years old siya. natatawa lang sa nakikita ang babaeng kasama niya. humahalakhak ang bata sa tuwing mapapatingin siya sa babae.
napaisip ako na ang galing talaga ng cycle ng buhay, hanep. parang kelan lang, yung sanggol na yun, tuldok lang sa sinapupunan, tas naging bungo, utak, mata, labi, kamay, mga daliri, paa, spine. yung batang lalaki na yun, ganun din, tuldok lang noon. eto na ngayon, may sarili nang hininga, may sarili nang lakas, tumatakbo na, nakikipagharutan na, humahalakhak. napahawak ako sa tiyan ko. ano pa ang kayang ihandog ng isang babae sa mundong ito?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment