Sunday, July 10, 2016

Children's Party

Kagagaling lang namin sa isang children's party. Doon ay kumuha ako ng isang maliit na cup ng chocolate candies para maiuwi sa amin.

Pagtawid namin ni Poy mula sa venue, nakita namin ang Pan de Manila, nagyaya siyang bumili ng tinapay para maiuwi rin sa aming bahay. Dahil may nakaparadang sasakyan sa tapat nito, lumakad pa kami nang pa-letter C para makarating sa tapat ng pinto ng Pan de Manila. Doon namin nakasalubong ang isang babaeng may kipkip na maliit na supot ng Pan de Manila. May hawak din siyang school bag na napakarumi at sira-sira. Sa kanang binti niya, nakakapit ang isang bata, mga 5 years old, at sa kabilang binti naman ay isa pang bata, mas maliit, mga 2 years old. Kaydungis ng mga bata, malayong-malayo sa mga batang kasama namin sa children's party kanina, nakabihis ang mga ito in their sunday dresses, shirts and pants, mukhang alagang-alaga at araw-araw na nilulunod sa Johnson's baby cologne.

Nilapitan agad ako ng batang 5 years old. Isinahod ang palad sa akin. Umiwas si Poy, naglakad nang pa-letter C para makarating sa pinto. Sumunod naman ako. Hindi ako nagbibigay sa namamalimos. Ever. Ang katwiran ko'y lalong magpapakalat-kalat sa daan ang mga ganyan. Kasi may nahihita sila sa pamamalimos.

Pero naalala ko 'yong mga chocolate candy. Wala namang kakain niyon, ako lang at si poy. Ang anak naming si Dagat ay nasa Sta. Mesa. Ang teenager kong anak na si EJ ay nasa training. Busog naman ako dahil sa lakas ng paglafang ko sa party. Si Poy ay mas type ang mga jelly candy na nasa candy buffet din kanina. Pagpasok namin sa Pan de Manila, lumingon ako. Nandoon pa ang bata sa labas, nakatingin pa sa akin, habang naglalakad na palayo ang kasama niyang babae at isa pang bata. Pinakuha ko kay Poy ang cup ng chocolate candies, nang hawak ko na ito ay lumabas ako ng panaderya para iabot ito sa bata.

Mabilis na sinapo ng bata ang cup at ibinaba ito sa kanyang dibdib para makita kung ano ang laman ng cup. Naglalakad na pabalik ang babae at isa pang bata, papalapit sa batang naiwan sa tapat ko. Hindi ko alam kung bakit pero siguro ay sa sobrang tuwa ng bata sa natanggap, natabig niya ang cup at mula doon ay nalaglag ang dalawa sa chocolate candies. Gumulong ang mga ito. Ang isa ay gumulong sa harapan ng nakaparadang sasakyan, sa may bumper. Ang isa naman ay gumulong sa pagitan ng gulong sa harapan at gulong sa likuran. Maliksing tumakbo ang bata papunta sa harapan ng nakaparadang sasakyan. Nagulat ako. Napatunganga. Kasi kung ako 'yon, hahayaan ko na lang 'yon. Sa sobrang dami ba naman ng nakita kong chocolate candy at iba pang uri ng candy sa party na pinanggalingan namin.

Isa pa, biglang umandar ang sasakyan! Mabubundol ang bata! Hindi alam ng driver na may batang tumatakbo, nang nakayuko, papunta sa kanyang bumper.

Buti na lang, maagap ang babaeng may kasamang isa pang maliit na bata. Mabilis siyang dumikit sa pinto ng passenger side at saka siya tumakbo palapit sa bumper. Dagling huminto ang sasakyan. At hindi nabundol ang bata. Tumayo nang tuwid ang bata, hawak niya ang na-rescue na chocolate candy. Sa chocolate candy lang siya nakatitig.

Dinala ng babae ang bata sa gilid para makaabante na ang sasakyan. Pinanood namin ang pag-usad nito. pero napansin kong yumuko ang bata. Iyon pala, nakahimpil sa tabi ng gulong sa likuran ang isang chocolate candy. Magugulungan ito, mapipisak.

Napahakbang siya, pero pinigil siya ng babae.

Di nagtagal, umabante na ang sasakyan at tuluyan ngang nagulungan ang chocolate candy. Lumigwak ang tsokolate sa makintab nitong balat.

Nasaksihan naming lahat ang pagkakapisak. Ako at si Poy, mula sa loob ng panaderya. Ang babae, ang bata, at ang mas maliit na bata, mula sa labas.

Pagtakbo ng sasakyan, mabilis na yumuko ang bata.

Marahan niyang tinuklap ang buong chocolate candy mula sa pagkakapisak nito sa semento.

Nang maiahon ito sa impiyerno, masigla siyang tumayo, kuyumos niya ang cup, para siguro hindi na malaglag ang mga chocolate candy mula rito. Masigla siyang nilapitan ng mas maliit na bata, nagpumilit itong buksan ang kanyang kamao.

Pagdaan ng ilang sandali, naglakad na ang tatlo pasalungat sa direksiyon ng mga sasakyan. Akay ng babae ang dalawang bata sa kaliwa niya't kanan. Ano ang huli kong natanaw?

May nabubuhay na kandirit sa mga hakbang na bulilit.



No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...