Tuesday, December 8, 2015

Mula sa mambabasang si Aubrey Paladan

Hello po! I'm a fan and a reader. Tawang tawa po ako sa libro n'yong It's Raining Mens saka It's A Mens World. Lalo na po sa part ng IRM na nag-edit kayo ng work ng isang writer tapos nagreply yung fictional character para mag-explain. :) Keep writing po, God bless. smile :)

Aubrey, daghang salamat! Sa uulitin!

Wednesday, December 2, 2015

Children's Book Publishers sa Pilipinas

Para po sa mga guro ng Negros Occidental na sumali sa Bookmaking Workshop ng Museo sang Bata sa Negros na ginanap sa lungsod ng Badolod at Sagay noong Nob.24 at 25, maaari po ninyong ikonsidera ang sumusunod na publishers para sa inyong mga akdang pambata:

Adarna House
109 Scout Fernandez corner Scout Torillo Streets, Barangay Sacred Heart, Quezon City 1103 Philippines
Telephone: (02) 352 6765 • Fax local 125
E-mail: adarnahouse@adarna.com.ph
www.adarna.com.ph

Lampara Books
83 Sgt. E. Rivera St., San Francisco del Monte, Brgy. Manresa 1115, Quezon City, Philippines
Telephone: (02) 414-6188 Fax No. (02) 367-6222
E-mail: inquiry@lamparabooks.com.ph
www.lamparabooks.com.ph

Tahanan Books (Ilaw ng Tahanan Publishing, Inc.)
Unit 402, Cityland 3 Condominium, 105 V.A. Rufino corner Esteban Street, Legaspi Village, Makati City, Philippines 1229
Telephone: (02) 813-7165
E-mail para sa editorial queries: fran@tahananbooks.com
www.tahananbooks.com

Chikiting Books (Vibal Publishing)
Manila Office
G. Araneta Ave., cor. Ma. Clara St.,Quezon City
Telephones: (02) 712-2722 · 712-9156 to 59 Fax: (02) 711-8852
E-mail: inquire@vibalpublishing.com/ rbrigino@vibalgroup.com

Visayas Office
0290 Unit 202 Cebu Holdings Center,
Cebu Business Park, Cardinal Rosales A, Cebu City
(032) 233-0173 · 233-0176 · 233-2568
Fax: (032) 233-2983
vpcebu@vibalpublishing.com

www.vibalpublishing.com/products/chikiting-books

Anvil Publishing, Inc.
Publishing Department, Anvil Publishing Inc., 7th Floor Quad Alpha Centrum Building, 125 Pioneer Street, Mandaluyong City 1500
Telephones: (02) 477-4752, (02) 477-4755 to 57 Fax: +(02) 747-1622
publishing@anvilpublishing.com, jsbersales@publishing.com
www.anvilpublishing.com

THE BOOKMARK, INC.
264 Pablo Ocampo Sr. Extension Avenue, San Antonio Village, 1203 Makati City, Philippines
Telephone: (02) 895-8061 — 65 Fax: (02) 897-0824
bookmark1945@gmail.com
www.bookmarkthefilipinobookstore.com

OMF Literature
776 Boni Avenue cor. Pinatubo Street, Mandaluyong City
Telephone: (02) 53.143.03 Fax: (02) 53.143.03 loc. 307
Email: omflit.boni@gmail.com
www.omflit.com

Mas mainam po na magpasa ng book proposal kasama ang isang bahagi ng inyong manuskrito (sa mga nabanggit na publisher). Sa book proposal po ay babanggitin ninyo ang inyong background, kung tungkol saan ang inyong akda, sino ang target market nito at ano ang unique selling point ng inyong akda.

Narito naman po ang mga organisasyon at grupo na maaaring makatulong sa inyong paglalathala ng mga akdang pambata. Marami din silang inilulunsad na mga gawain at kompetisyon na maaari ninyong lahukan.

Kuwentista ng mga Tsikiting (Kuting)
Pakihanap po ang Kuting sa Facebook, may account po sila doon.
President (as of Nov. 2015): Glenda Oris

Philippine Board on Books for Young Children (PBBY)
109 Scout Fernandez cor. Scout Torillo Street, Quezon City, Philippines
Telephone: (02) 352.6765
E-mail: pbby@adarna.com.ph
www.pbby.org.ph

The Center for Art, New Ventures & Sustainable Development (CANVAS)
1 Upsilon Drive Ext., cor. Zuzuareggui St., Alpha Village, Diliman, Quezon City
Telephones: (02) 436-4509, (02)-216-7750
E-mail: info@canvas.ph, gigo@canvas.ph
www.canvas.ph, www.lookingforjuan.com

The Philippine Chapter of the Society of Children's Book Writers & Illustrators (SCBWI)
c/o Beaulah Pedregosa Taguiwalo (taguiwalo8888@yahoo.com/0917-787-4956)
c/o Dominique Garde Torres (nikkigtorres@yahoo.com/0905-347-1668)
scbwiphilippines@gmail.com
www.scbwiphilippines.wordpress.com

Sana ay makatulong ang lahat ng skills na natutuhan ninyo sa ating Bookmaking Workshop para sa paghahanda ng inyong manuskrito at book proposal. Mag-email po lamang sa akin sa beverlysiy@gmail.com kung sakali pong may maitutulong pa ako at ang isa pa nating lecturer, si Ronald V. Verzo II.

Mula sa mambabasang si Kloyde A. Caday ng Mindanao


PPS (na mataas), sayang po at naubusan na ng stock ng It's a Mens World sa Abreeza. I heard about it from my friends so as soon as I got to Gensan, I immediately bought this book. Ito rin ho talaga ang reason bakit nagsend ako ng email sa iyo. A few hours ago, I finished reading the book and it got me laughing and sighing as well. Sa surface level, maaaring sabihin ng readers na layon mo lang ang pagpapatawa sa kanila at iyon lang. You really achieved that, Ma'am, pero what I really like is how you included smithereens of your life to mean something about them. I like how small, even unnoticeable details become metaphors (e.g., piso, milk shakes) that hold spiritual truths. Gusto ko rin po ang organization ng essay ninyo. It 's a collection of essays not told in chronological order, pero may organic unity po. I love the innocence being depicted in the book as well. Paborito ko po yung 'So Ayaw Mo sa Palayaw Mo?' Tawa lang po ako nang tawa, at naremember ko po yung times na chill lang ang buhay, no'ng bata pa ako. Saludo po ako sa honesty at boldness niyo sa book na ito (at pati rin ang long-term memory mo. Hehe. Narealize ko na may mga ala-ala pala nung pagkabata na pwedeng hugutin upang makalikha ng sining. Ang dami kong sinabi sa loob ng parentheses kaya hanggang dito na lang.).

Katulad niyo, nais ko ring magsulat, at gusto kong magconcentrate sa creative nonfiction o essays. Isa po kayo sa mga iniidolo ko. Rock and roll!

Kloyde A. Caday

Maraming salamat, Kloyde! At masaya akong makilala ka sa Davao noong Philippine International Literary Festival 2015. Sana ay magkrus uli ng ating landas sa hinaharap!

Saturday, November 14, 2015

strange range

Noong isang araw, nakakita ako ng paunawa ng batas na nakapaskil sa isang pader sa Pasay. Heto ang nakalagay:

Bawal umihi rito . Ang hindi sumunod sa batas na ito ay magbabayad ng P500 hanggang P1,000 at makukulong din .

Pagbabayarin ka na, ikukulong ka pa! Sobra naman. Pero ganon talaga, kailangan ng matinding parusa para matuto ng disiplina ang mga Pilipino, lalo na ang mga lalaking Pilipino.

Pero hindi naman talaga ito ang nagpayanig sa akin. Ang nagpayanig sa akin ay ang pagkakaroon ng range sa multa.

Di ba? Bakit may P500, bakit may P1,000? Ang halaga ba ng penalty ay depende sa dami ng ihing kayang ilabas ng isang tao? Kung isang tabo, P1,000 agad, kung isang kutsarita lang, P500? Pero puwede rin namang ang halaga ng penalty ay nakadepende sa iihi. P1,000 kung Pilipino at P500 naman kung iba ang lahi mo. Posible kasing hindi marunong magbasa sa wikang Filipino ang foreigner na umihi sa spot na iyon. Kaya hindi niya alam na bawal pala doong magwasiwas ng wiwi. Puwede rin namang batay sa posisyon ng iyong pag-ihi. P500 kung nakatalikod at P1,000 naman kung nakaharap sa madlang pipol. (E, teka, hindi ba ito ay ... harassment na para sa mga babaeng makakakita? Haha!) Puwede ring batay sa layo ng maaabot ng ihi mo. P500 kung hanggang bangketa lang ang daloy ng ihi mo. P1,000 naman kung nakikipagpatintero na ito sa mismong daanan ng mga sasakyan. Or puwede rin namang batay sa amoy ng ihi. P500 kung masangsang at P1,000 para sa nakakasulasok at nanunuot sa pagkatao na uri ng panghi. Tipong sabog lahat ng neurons ng sinumang makakalanghap nito. Puwede rin palang batay sa edad ng taong umihi. P500 kung bata, mula one year old hanggang 9 years old. Kung 10 years old and above (hello, me public hair ka na!) aba'y P1,000 na ang penalty niyan. Speaking of edad-edad, puwede rin namang batay sa kalagayan ng dinadaluyan ng ihi: P500 kung tuli, P1,000 kung supot. Haha. Laking tipid ng mga Pinoy dito. Laki naman ng magagastos ng mga banyaga/dayo.

Magkano man ang penalty, hindi na ako dapat makialam. Ang importante, gumagawa ng paraan ang pamahalaan para mapakonti ang mga nagbabawas kung saan-saan. Ngayon, nasa mga lalaki na iyan kung susunod ba sila sa batas o hindi. Hawak nila ang bola. Nasa kanila ang pagpapasya kung ano ang amoy at hitsura ng lugar nila.







Friday, November 13, 2015

Press Release (Isang tanaga tungkol sa K to 12)

ni Beverly Siy

High school ay aasenso
At ito ang sikreto:
May magsasakripisyo,
Guro sa kolehiyo.

* Ang tanaga ay isang anyo ng katutubong tula sa Pilipinas. Binubuo ito ng pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

Thursday, November 12, 2015

Pasinghap-singhap Ngayon (Isang tanaga tungkol sa K to 12)

ni Beverly W. Siy

Pasinghap-singhap ngayon,
Di na nga makaahon,
Paano pang lulusong
Sa dinagdag na taon?

* Ang tanaga ay isang anyo ng katutubong tula sa Pilipinas. Binubuo ito ng pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

Saturday, October 31, 2015

Poli-politika

ni Beverly Siy para sa kolum na Kapikulpi ng lingguhang pahayagan ng Imus, ang Perlas ng Silangan Balita

Ilan sa mga natutuhan ko’t naiisip sa politika nitong mga nakaraang araw, linggo, buwan:

Bawat kandidato, may tagapondo. Sino ang tagapondo? Ang mayayaman, ang mga negosyante. So ang halalan, hindi naman talaga halalan kundi sugal. Ang mayayaman at mga negosyante ang tumataya. Ang nakataya, kinabukasan ng bayan. Ang halalan pala ay isang uri lang ng libangan.

Importante sa mga politiko ang bilang ng botante sa isang lugar. Kapag konti ang botante sa isang lugar, dedma na lang si politiko diyan. Hindi na iyan bahagi ng Pilipinas na kailangan niyang pagsilbihan.

Nanggagago lang si Duterte at ang mga kasama niya sa partido. Kunwari, hindi siya tatakbo sa pagkapangulo. Nag-file pa nga siya ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-mayor. Akala tuloy ng marami, hindi na nga siya tatakbo bilang pangulo. Iyon pala, may rule sa halalan/eleksiyon na puwedeng palitan ng partido ang tao na patatakbuhin nila bilang pangulo kung sakaling may mangyari sa tao na orihinal nilang pinag-file ng COC sa pagkapangulo. Hanggang Disyembre pa puwedeng magpalit ang bawat partido ng taong patatakbuhin sa pagkapangulo. Grabe, ginagawa lang tayong tanga ng mga ito.

Para mapabilis ang pagpapatayo mo ng negosyo, gawin mong partner sa negosyo ang mga taong kukunan mo ng kung ano-anong permit. Iyan ang dahilan kung bakit pagbaba sa puwesto, kayraming mayor, vice mayor, at iba pa, ang biglang nagiging matagumpay na negosyante ng sari-saring business.
Kapag nanalo si Mar Roxas bilang pangulo, magiging first lady si Korina Sanchez. Kaya ba ito ng sikmura ko? Parang hindi. Lord, help us.

Importante para kay Pangulong Noynoy na ang papalit sa kanya ay kakampi niya. Dahil kung hindi, siya na ang magiging GMA the second. Kakasuhan siya’t ihahabla ng kung sino man ang mauupo.

35 pa lang ako, pero sawang-sawa na ako sa mga politiko natin. Pare-pareho lang sila. Walang bago sa kanilang mga sinasabi, ginagawa, ipinapangako. Hindi nasosolusyunan ang mga dati nang problema dahil pare-pareho ang paglutas nila rito. Palagay ko, kulang sa pagkamalikhain ang mga taong ito at ang mga think tank nila. Sa panahon ngayon, ang kailangan natin ay mga taong bukas sa bagong ideya, may tapang na harapin ang mga bagay-bagay nang may bagong perspektiba.

May tsismis na si Chiz Escudero ay maka-Binay. Kaya lang naman ito kumampi kay Grace Poe ay para pabanguhin ang sariling pangalan. Pero naniniwala itong ang mananalo talaga ay si Binay sa pagkapangulo at siya naman sa pagka-vice. So mababalik daw ang tandem nila. Ito ang tunay na horror story. Lord, help us.

Kaya ganito ang sitwasyon natin bilang mga Pilipino ay dahil pinababayaan natin na mangyari ito sa atin. In short, wala tayong ibang puwedeng sisihin kundi ang mga sarili natin. Kung gusto mong mabago ang sitwasyon mo, gagawa at gagawa ka ng paraan, hindi ba?

May mga lugar sa Pilipinas na hindi kailanman nabibisita ng pangulo. Isang kaibigan namin ang taga-Patnanungan, isa sa mga isla ng Polillo sa lalawigan ng Quezon, ang nagkuwento na ang tanging pangulo na nakarating sa kanila ay si Gloria Macapagal Arroyo. Pero hindi pa ito pangulo nang pumunta ito doon. Nangangampanya pa lang ito at namigay pa raw ng papel. Dagsa ang tao, akala’y pera ang ipinamimigay sa lahat, haha. Kung ang lugar na ito, na malapit-lapit pa nga sa sentro, ay bihirang-bihira nang mabisita ng pangulo, paano pa kaya ang iba?

Kapag politiko ka o public servant, secondary lang ang iyong kabaitan. Ang pinakaimportante ay handa kang baguhin ang pangit na sitwasyon ng iyong nasasakupan. Iyan ang mas makabuluhan. Sa ngayon, hindi kailangan ng bayan na ito ang kabaitan.

Ikaw, kumusta? Ano ang mga naiisip mo tungkol sa paparating na eleksiyon?
Para sa tanong, mungkahi o reaksiyon, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.



Bumabagyo kahit Marso (Isang dalit tungkol sa Climate Change)

ni Beverly Siy

Bumabagyo kahit Marso.
Tagtuyot naman pag Hulyo.
Nabaliktad na ang mundo
Ng magsasakang si Pedro.

Friday, October 30, 2015

Todo Man ang Pagsasaka (Isang Dalit tungkol sa Climate Change)

ni Beverly Siy

Todo man ang pagsasaka
Kung ganyan pa rin ang klima,
Ang iluluwa ng ipa:
Bigas na malapulbura.

Tuesday, October 27, 2015

Bayan o Sarili? (Sanaysay ni Bebang Siy)



Kaninang umaga, 8:00 am, nagpasya akong uminom ng gatas, kahit na alam kong dapat ay umaalis na ako ng bahay papunta sa Greenmeadows (sa Greenmeadows ako nagtu-tutor ng Filipino). Isang oras ang palugit ko sa biyahe. Seven minutes na lakad hanggang sakayan sa K-J Street, 13 minutes pa-15th Avenue, 20 minutes pa-Greenmeadows via E. Rodriguez Sr. Avenue, at 20 minutes na lakad mula sa kanto ng Greenmeadows Jollibee hanggang sa bahay na pupuntahan ko.

Dahil mainit ang tubig na ipinanggatas ko, hinintay ko pa itong lumamig nang konti. 8:10 am na ako nakaalis ng bahay. Lakad-takbo na naman ang peg ko sa kahabaan ng kalsada namin, ang K-8th Street. Pero malayo pa lang, pansin ko nang trapik papuntang Aurora Boulevard. Shet, kako, male-late na akong tunay. Ang ginawa ko, naglakad ako nang ilang kanto, naisip kong baka mas mabilis pa kung lalakarin ko na lang ito.

Pero bigla akong nakakita ng tricycle. Alam nito ang pasikot-sikot para makarating ako sa Aurora Boulevard. cor. 15th Avenue.

Manong, magkano? tanong ko.

Bente lang, sagot niya.

‘Wag n’yo pong idaan sa trapik ha? sabi ko.

Oo, akong bahala, sagot niya. At pinaarangkada na nga niya ang tricycle.

Mga eight minutes lang, nasa Aurora Boulevard na kami. Sabi niya, ayun po ang 15th Avenue. Itinuro niya ang isang kanto mula sa kinaroroonan namin. Baba agad ako ng tricycle, bayad at tawid. Harvard Street pala iyong pinagbabaan sa akin. Paglingon ko sa direksiyon na pa- 15th Avenue ay napansin ko ang couple sa unahan ko. Naghihilahan, para silang nagta-tug of war. Mapapangiti pa sana ako, kasi ang unang pumasok sa isip ko ay naghaharutan lang ang dalawang ito.

Aba, hindi pala!

Hawak ng lalaki ang pulsuhan ng babae, nagpupumiglas ang babae. Kinakatkat niya ang kamay ng lalaki. Ang ginawa ng lalaki, sinampal niya ang babae gamit ang libre niyang kamay. Pak.

Gimbal ako. Pota. Anong nangyayari? Binilisan ko ang lakad ko palapit sa dalawa. Linga-linga ako, saan ba may pulis? Aba parang taxi, kung kailan mo kailangan ay saka sila wala.

Iyong babae, nagtakip ng mukha gamit ang libre niyang kamay. Gumagawa siya ng sampal shield. Niyugyog ng lalaki ang pulsuhan ng babae. Halatang galit ang boses ng lalaki, hindi ko lang maintindihan ang sinasabi nito. Putcha, dapat may umawat dito. Pulis, pulis. Linga-linga uli ako. Wala talaga. Binilisan ko pa ang lakad ko papunta sa nagsasampalan.

E, binilisan din ng dalawa ang lakad nila! Kaya by the time na nasa kanto na kami ng 15th Avenue at Aurora, nakaisang sampal pa ang lalaki. Ang gulo na ng buhok ng babae. Bawat taong madaanan nila, nililingon sila, pero walang ginagawa. As in tingin lang talaga ang ginagawa ng mga ito. Ako naman, binibilisan ko pa rin ang lakad ko, pati paglinga-linga ko. WALANG PULIS, OH MY GOD. Pero iniisip ko rin kung makakasakay ba ako ng dyip pa-Greenmeadows sa area na iyon. Punuan na kasi ang dyip pagdating sa kantong ito. Kaya, nanghihina ako habang bumibilis ang paa ko dahil alam kong mas maliit ang tsansa kong makaabot nang tamang oras sa Greenmeadows.

Tumawid ang dalawa sa kabilang panig ng 15th Avenue. May hardware store doon, at sari-sari store. Nanampal na naman iyong lalaki. Shet. Shet. Pota. Isang tumpok ng lalaki ang dinaanan ng couple sa may tapat ng Angel's Burger. Ang ginawa ng mga ito, sumunod lang ng tingin. Huwaw, useful creatures. Tumawid na rin ako. Puro bus kasi sa may bandang bakery ng 15th Avenue. Nakailang sampal na ang lalaki, tangina, nagpa-panic na ako. Dumaan kami sa condo kung saan nag-oopis ang FILCOLS. Naiisip kong kumaliwa doon at baka makahingi ako ng tulong sa guard ng condo doon, saka kina Kuya Ricol at Ran. Kaso baka naman biglang mawala iyong dalawang sinusundan ko.

Noong malapit na ako sa dalawang nakatalikod, bigla silang lumiko sa nakabukas na pinto ng isang junk shop. Liko rin ako. Pagbaling ko, nakita kong nakahandusay ang babae, sapo niya ang tiyan niya. Naka-duster siyang dark brown, gulo-gulo ang buhok, at stressed na stressed ang itsura: kunot ang noo, tinatakasan ng kulay ang mga mata. Sa bandang ulunan niya ay may isang matabang lalaki na may edad na. Nasa singkuwenta anyos siguro. Kalbo at malaki ang tiyan sa kanyang pagkakaupo. May kausap siya sa cellphone. Nasa kaliwa ko si Mr. Sampalista. Hindi pala siya katangkaran, halos ka-height ko lang, at mukhang early 20's. May hitsura.

Sabi ko kay Mr. Sampalista, hoy, tumigil ka na. Kanina ka pa, a! Bawal yang ginagawa mo.

Sabi ni Mr. Sampalista, sino ka ba? Anong pakialam mo?

Nguyngoy lang ang babae. Nakaupo pa rin sa sahig.

Sagot ko, bawal 'yang ginagawa mo. Ibig sabihin, labag sa batas! Pipiktyuran kita!

Binuksan ko ang bag ko at hinanap ang camera sa loob nito.

Sabi ng lalaki, ito kasi, e, sabay turo sa babae, sinusundan ako!

Shet. Natigilan ako. Baka magnanakaw iyong babae. Baka dinudukutan niya ang lalaki o hinahablutan ng cellphone.

Sabi ko na lang, e di... maghanap kayo ng presinto. Doon kayo mag-usap.

Nakita ko na ang camera sa aking bag, nakalabas pala ang baterya nito, ampoga. So in-assemble ko pa sa harap ng dalawa ang camera para mai-on ko ang tangi kong armas.

Biglang bumangon ang babae, ate, ‘wag po, ‘wag n’yo po siyang piktyuran. Kasalanan ko po kung ba’t niya ako sinasaktan. ‘Wag po, maawa po kayo.

Hindi umimik ang lalaki. Humihingal siya, siguro'y sa sobrang inis. Mapula ang eyebags niya, halatang inis at pagod na. Nakatingin lang sa amin ang matabang matandang lalaki.

Sabi ko, Manong, tumawag nga po kayo ng pulis.

Tumango si Manong. Hindi tinatanggal ang cellphone sa tenga niya.

Nag-hysterical ang babae. Ate, Kuya, ‘wag po! ‘Wag po. Ako po ang kawawa pag ginawa n’yo ‘yan. Iiwan po n’ya ako!

Huwat? Ano ‘to, sa isip-isip ko. Iiwan? Tagasaan ba sila? Wala ba siyang pamasahe pauwi?

Nanatiling walang imik si Mr. Sampalista. Ta’s lumabas ito ng junk shop. Tumingin pa muna sa akin at sa camera, bago naglakad palayo.

Lumabas din ako. Sumunod ang babae, hawak niya ang laylayan ng bestida niya. Umiiyak pa rin siya. Ate, ‘wag, ate. Uhuhu.

Lumabas din ang matandang lalaki, na palagay ko ay may-ari ng junkshop. Tatlo kami, sinundan namin ng tingin si Mr. Sampalista.

Anong oras na, sa isip-isip ko. Putcha, late na ako. Pero parang weird na basta ko na lang iiwan ang babae doon.

Asawa mo 'yon? tanong ni Sir MJO (mukhang junkshop owner).

Hindi po. Hindi kami kasal, live in po. Pero baka kasi iwan niya ako. Magsusumbong na ‘yon sa pamilya niya.

Anong isusumbong niya? tanong ko. Umaarangkada na naman ang numero unong tsismosa sa buong barangay ng Kamias: ako! Hahaha!

Kasi po kanina, gusto ko sanang paliguan niya ang anak ko, may anak po ako sa pagkadalaga. ‘Yon po ang isusumbong niya sa pamilya niya.

Ilang taon na, tanong ko. Mga 8:25 a.m. na ito. Wala, late na ako. Habang nakatayo ako sa harap ni ate, pasimple akong tumitingin sa mga dyip, punuan talaga. So... pagbigyan na lang ang tsismosa kong esophagus.

Apat po. Anak ko ‘yon sa pagkadalaga (yes, inulit talaga ni Ate ito). Sinabi niya sa pamilya niya na pamangkin ko lang ang anak ko. Kaya, di po nila alam na may anak ako. Kanina, inutusan kong paliguan niya ‘yong anak ko. Sabi niya, mamaya na. E, pinilit ko siya, kasi may bukol iyong anak ko, kailangan pong makaligo na iyon.

Tapos ganyan na? Sinasaktan ka na? tanong ni Sir MJO.

Kasi po ang kulit ko. Sinundan ko pa po siya sa labas.

E, kahit na. Hindi ka n’ya dapat sinasaktan. Para ‘yon lang, e, sabat ko.

Nagalit po talaga siya. Iiwan na po n’ya ako. Huhuuhu.

Ngawa na naman si Ate.

Hayaan mo na, mabuti nga, hiwalayan mo na ‘yan. Gusto mo ba ‘yan, sinasaktan ka? sabi ni Sir MJO.

Wow, ang galing magsalita ni Sir MJO. Salute.

Buntis po kasi ako. Huhuhu.

Sabi ng neurons ko: fuuuuuck. Buntis pa pala.

Sabi ng bibig ko, e di lalo mong dapat hiwalayan ‘yan! Kung di ka buntis, baka sobra pa ginawa niyan sa 'yo.

Hindi, kasalanan ko naman po kasi.

I was like... hello, girl, bagong milenyo na, dalawa na ang babaeng presidente ng Pilipinas. May tumatakbo pa ngayong 2016, si Grace Poe, malamang manalo rin. Bakit hinahayaan mo pa ring maapi-api ka ng taong dapat nga e mag-aalaga at magpoprotekta sa iyo? Iba na ang panahon para sa ating mga babae, 'te. Anube.

Pero hindi iyan ang lumabas sa bibig ko, siyempre. The ever tsismosa in me asked, anong pangalan mo?

April po.

Anong apelyido mo?

Karadal (or Caradal, kasi binigkas lang naman niya, hindi ini-spell.)

Ilang taon ka na?

23.

Tagasaan ka? si Sir MJO na ito.

Taga-Samar po. Samar din po siya.

Hindi, saan kayo nakatira ngayon?

Diyan po sa may 178 po. Imation. (or aymeyshon something. ‘yan ang bigkas niya, at yes, naalala ko ang number ng bahay dahil kamukha ito ng number ng bahay naming which is 128!)

Saan papunta iyong ka-live in mo? Baka balikan ka niya rito, tanong ko.

Sa katipunan po.

Aaa, may sakayan na rito papuntang Katipunan. Di na siguro babalik dito iyon, sabi ni Sir MJO.

8:35 na. Ano na, kumusta ang tutorial career ko?! Pero ano na ang gagawin ko sa babaeng ito? Parang walang pera, nakasuksok ang kamay niya sa bulsa ng kanyang bestida. Mukha pa rin siyang nagugulumihanan. Magbibigay ba ako ng pera? Sasamahan ko ba siyang mag-report sa pulis o barangay? Patingin-tingin siya sa direksiyon na pinuntahan ng lalaki. Hahabulin pa ba niya iyon? Anak naman ng...

April, punta ka na lang sa barangay. I-report mo ang ginawa niya para magka-record siya, sabi ko na lang. Kating-kati na akong umalis.

Po? Hindi po, ayoko po.

Hmmm... ano bang magandang sabihin? Nakatanga na lang kami ni Sir MJO sa kanya. Dead air.

Hiwalayan mo na 'yan, ha? sabi ko.

Oo, ‘ne, bata ka pa, makakahanap ka pa ng magmamahal sa iyo. Kahit pangit, basta hindi nananakit, sabi ni Sir MJO.

In fairness, rhyming. Nakakatuwa talaga si Sir, hindi ko akalaing napakahusay magsalita. Ang itsura kasi ay iyong parang tumanda na sa katatambay lang sa kanto, malaki tiyan, pakamot-kamot sa bahagi ng bewang na pinagbakatan ng brip.

Oo nga, tama. Uulitin niya sa iyo 'yan pag di mo siya hiniwalayan, sulsol ko na rin.

Paglingon ko sa kalsada, naka-spot ako ng taxi na paparating. Tiningnan ko si Sir MJO. Manong, kayo na po ang bahala. Late na po kasi ako.

Pinara ko ang taxi. Bumaba ako mula sa bangketa papunta sa main road. Mabilis kong binuksan ang pinto ng taxi pag hinto nito. Sakay. At hindi na ako lumingon. Umusad nang kaunti ang taxi. Wala na kami sa tapat ng junk shop.

Sabi ng orasan sa dashboard: 8:42. Ikukuwento ko ba ito sa estudyante ko? Baka isipin niya, nasisiraan na ako ng ulo. The other week, nakakita ako at nagpapulis ng lalaking nagdyadyakol. Iyon, ikinuwento ko sa kanya at takot na takot siya para sa akin. Pero etong insidenteng ito, pag ikinuwento ko sa kanya, baka isipin niyang produkto lamang ng creative juices ang lahat at gumagawa lang ako ng excuse sa pagiging late.

Hindi lang iyan ang naisip ko habang ninanamnam ko ang aircon sa taxi (bihira lang kasi akong mag-taxi). Inisip ko rin si April. Sigurado ako, mas matitinding sampal pa ang matitikman niya mam’ya pag nagpang-abot na sila ni Mr. Sampalista sa kanilang bahay. Lalong manggagalaiti iyon kay April dahil may tumulong dito at ipinahiya pa siya (si Mr. Sampalista) ngayong umaga. Sigurado ako, pag nalaman ng pamilya ng lalaki na may anak sa pagkadalaga si April, aapihin na rin ng mga ito si April. Sigurado rin ako, pagkapanganak niya ay bubuntisin siyang muli ni Mr. Sampalista. Sigurado rin ako, by the time na maisip ni April na worthless talaga ang lalaki at karapat-dapat lang talagang iwan ito, mga pito na ang anak nila.

Ang sakit sa dibdib.

Dapat na ba akong matuwa dahil kahit paano ay nahinto ang pananampal ni Mr. Sampalista kay April dahil sa pangingialam ko? Hanggang doon na lang ba talaga ang kaya kong gawin?

E, putcha, ang hirap naman kasing tumulong nang all the way kapag weekday. Kalahati ng puso mo, gustong magdulot ng pagbabago. Ang kalahati, bumibiyahe na papunta sa trabaho.

Sabi nga ni Heneral Luna, bayan o sarili?

Kapwa o datung?

Pumili ka.

Saturday, October 24, 2015

one hundred

kahapon, nagpunta ako sa filcols para daanan ang mga token mula sa DLSU Manila para sa katatapos lang na student media congress 2015. pagkababa ko ng dyip, naghanap ako ng mabibilhan ng merienda para sa staff ng filcols na sina kuya ricol at ran. malapit sa opisina nila along 15th avenue, cubao, may isang bakery. at nakakita ako ng tinapay na parang masarap kainin. kaso medyo mahal (P22.00 ang isa) at konti na lang ang pera ko sa bag. sa tapat ng bakery ay angel's burger. tawid ako. nakita ko ang buy 1 take 1 nilang cheeseburger: P34.00 lang. ayos. kaya umorder na ako sa babaeng nagluluto ng burger sa loob ng de-rehas na burger stand.

pagka-order ko ay inilabas ko ang one hundred pesos ko at mabilis na inabot sa babae. kako, habang nakasalang ang mga burger ko ay puwede na niya akong suklian, makatipid man lang nang ilang minuto nang araw na iyon. pero hindi niya agad ako sinuklian. nakatayo siya sa tapat ko. may inasikaso pa siyang kung ano doon. sa pagitan namin ay ang bag ko, ang rehas, at isang plastic drawer na maraming level (in that order). humawak din siya sa calculator sa may tabi ng rehas. tapos pinagsilbihan niya ang nag-iisang kustomer na naabutan ko, isang lalaking nagpalit pa ng damit habang nakaupo sa bench at naghihintay ng order. iniabot ni ate ang dalawang burger sa lalaki. tanong ng lalaki, may coleslaw ba ito? sabi ni ate, wala. umorder ng coleslaw ang lalaki. mula sa tapat ko, lumayo si ate para kumuha ng coleslaw sa ref. tapos ay bumalik siya malapit sa tapat ko para buksan ang mga plastic na lalagyan ng coleslaw. nainggit ako, tinanong ko si ate kung magkano ang coleslaw. P3.50, sabi niya. umorder na rin ako. the whole time ay palipat-lipat ako ng tingin kay ate, sa lalaki at sa mga burger ko na nakasalang sa prituhan.

si ate ay nasa 30s. natutuwa ako sa aura niya kasi parang hindi mainit sa lugar ng kanyang trabaho. mukha siyang fresh. mamula-mula ang kanyang pisngi, may bahid ng gold ang kanyang buhok. hindi siya tumitingin sa akin kahit kapag kinakausap niya ako. noong nakatingin ako sa kanya, ang iniisip ko, magkano kaya ang suweldo ni ate? siguradong maliit lang ito. ang tiyaga naman niya. iyong may ari ng angel's burger, mayaman na. merong angel's burger along anonas at minsan, nasusumpungan kong nakaparada malapit dito ang pagkalaki-laking truck ng angel's burger. wow. lumaki ang negosyong ito kahit napakamura ng buy 1 take 1 niyang mga burger. ilang oras kaya ang shift niya? siya lang ba mag-isa sa buong araw? bakit hindi pa niya ako sinusuklian?

mayamaya pa ay naluto na ang mga burger ko. siningil ako ni ate. nagulat ako. sabi ko, nagbayad na po ako. sabi niya, hindi pa. nag-panic ako. ako, hindi pa nagbabayad? e asan na ang one hundred ko? binuksan ko ang mga kamay ko, wala. binuksan ko ang zipper ng bulsa ng bag ko, wala. binuksan ko ang bag ko at sinilip ang dalawang bulsa sa loob kung saan ako naglalagay ng perang papel, wala. iniangat ko ang bag ko at tiningnan ang ilalim nito, wala. iniangat ko ang dalawang notebook na dala ko at tiningnan ang ilalim ng mga ito, wala. napatingin ako lalaking kustomer. sabi niya sa akin, hindi ko napansin, miss.

napatingin ako kay ate. nakatingin siya sa akin for the first time! wala ka pang inaabot sa akin, sabi niya.

putcha. rewind uli ang utak ko. nagbayad na ako! iyon ang unang-una kong ginawa pagkakita ko sa presyo ng buy 1 take 1 na cheeseburger at pagka-order ko. sinabi ko kay ate, nagbayad na ako. pero ipinilit pa rin niya na hindi.

kaya ang ginawa ko, sinubukan ko uling hanapin ang one hundred sa poder ko. siya naman, ibinalot na niya ang mga burger ko at inilusot sa rehas. sabi niya, kahit pumasok ka pa rito at hanapin iyan!

inilusot ko ang kamay ko sa rehas para isa-isahin ang pagbubukas sa lahat ng level ng plastic na drawer. lalagyan pala iyon ng mga tissue at plastic na sapin ng burger. wala ang one hundred. nagpalinga-linga ako. sabi ni ate, hawak-hawak mo iyon kanina pero di mo iyon inabot sa akin. talaga lang, ha, sa isip-isip ko. na bad trip na ako sa kanya. habang sinu survey ko ang lugar, baka may CCTV at na-record ang pagbabayad ko, lintik lang ang walang ganti, ang naisip ko ay ilang beses na kaya niyang ginawa iyon? iyong magpapanggap na hindi pa nagbabayad ang kustomer para mag-abot uli sa kanya ng pera?

wala, walang CCTV! sabi ni ate, kahit pumasok ka pa, halika, halika rito, tingnan mo. tapos may binuksan siyang drawer na gawa sa kahoy. iyon yata ang kaha. walang one hundred dito, sabi niya.

walang one hundred d'yan? aba, sa isip-isip ko, baka mapasubo ka sa akin, ate.

e, sori, mapagpatol ako, pumasok nga ako sa loob ng angel's burger. isa pa, last one hundred ko na iyon, e, kaya kailangan talagang mahanap ko ito.

pagpasok ko ay may dumating na mga babae, umoorder ng burger. isinalang ni ate ang mga order nila at habang hawak ang tong sa isang kamay, hinatak ng kabilang kamay niya ang malaking plastic na drum na ginawang basurahan. iniangat niya ang mga basura doon at isinaboy sa sahig. wala rito. o kahit tingnan mo sa basurahan! ano ba 'yan? hindi ko sisirain ang sarili ko sa isandaan. wala akong imik, nakatingin ako sa basurahan sa sahig. tapos tumapat ako sa bunganga ng basurahan. bigla niyang niyakap ang basurahan. kahit itaktak ko pa ito, wala! sabi niya. bigla niyang binuhat ang basurahan. sabi ko, 'wag na. hindi ko naman sinasabing kinuha mo. pero tuloy-tuloy niyang itinaob ang basurahan. sumabog ang basura sa gitna ng angel's burger. o, ayan, tingnan mong maigi, sabi niya, sabay dampot sa mga plastic-plastic na nagkalat. sabi ko, 'wag na. ako na, nagluluto ka. napatingin na ako sa dalawang babaeng nag-order kanina. pero astig si ate, panay pa rin ang halukay sa mga basura. sabi niya, okey lang iyan, madali naman ang maghugas ng kamay.

lumayo na ako sa basura. binalikan ko ang spot na kinatatayuan niya kanina, katapat ng plastic na drawer. sa baba nito ay may isang tabo ng tansan, wala pa rin ang one hundred. iniangat ko ito, wala. tiningnan ko ang gilid ng lutuan, wala. nagpatuloy sa pagluluto si ate. nasa likod namin ang mga basura. napatingin ako sa calculator. napatingin ako sa lalaking kustomer.

saan napunta ang one hundred ko?!

habang nagluluto si ate, sabi niya, tingnan mo pa sa ref. lumapit naman ako at binuksan ang pinto ng ref. puro karne. mukhang matitigas na karne. hindi ko na ito hinawakan o pinakialaman. sabi ni ate, para isandaan lang, sisirain ko ang trabaho ko? sige, tingin pa. tingnan mo na lahat.

huwaw. ang yabang pa. nakakapikon. lumapit ako sa drawer na gawa sa kahoy, malapit ito sa pader ng angel's burger. hindi ko napansin na lumapit siya doon kanina, pagkabayad ko ng one hundred ko. pero naalala kong ang claim niya ay walang one hundred doon. kaya binuksan ko ang kaha. magulo ang pera, sabog-sabog ang mga perang papel. sa ibabaw ng lahat, isang one hundred ang parang kare-recover lang sa pagkakatupi sa kanya. call it lukso ng datung, dama kong iyon ang pera ko. sabi ko, sabi mo, wala kang one hundred dito?

sabi niya, hindi ako nagpunta diyan kanina, ano? ayan, bag ko 'yan, sabay turo niya sa isang backpack na nakapatong sa mga plastic na upuan sa tabi ng kaha. kahit tingnan mo pa.

siyempre, hindi ko na binulatlat iyon dahil mapapansin ko naman nang bongga kung inilagay niya doon ang one hundred ko o ang pera ng iba. Sabi ko na lang kay Ate, nagbayad na po ako.

pero ang nasa isip ko, putik, ang laki ko na, naloloko pa ako ng mga ganitong tao?!

sabi niya, wala pa talaga. wala ka pang inaabot sa akin.

hindi ko na po mabibili ang burger kasi wala na akong pambayad. huling pera ko na iyon, sabi ko.

ano ba yan, singhal niya, tapos, ibinigay na niya ang mga order ng dalawang babae. tas, bumaling sa akin si ate, abono pa ako, ganon? inis na inis siya sa akin. pero paano siyang mag-aabono samantalang nasa kanya na nga ang one hundred ko?

pagkalabas ko, sabi ko na lang, hindi ko na po makukuha ang mga burger. huling pera ko na iyon, e. wala na po akong maiaabot sa inyo.

gimbal si ateng. hindi siguro ginagawa sa kanya ito ever. iyong mga taong nakukupitan niya, naglalabas na lang ng iba pang pera para bayaran ang inorder na mga produkto. ako, hindi. sa isip-isip ko, kung ibebenta mo pa ang mga burger na ito, wapakels na ako riyan. pero hindi buong P100 ang makukuha mo sa akin, langya kang babae ka, dahil kung hindi mo maibebenta ang mga burger, kung magpasya kang iuwi na lang ang mga ito, kailangan mo pa rin silang bayaran sa kaha! bawas na iyon sa P100.

ang ending? umalis na ako nang hindi naglalabas uli ng pera. iniwan ko ang mga burger sa kanya.

sa isip-isip ko, amputik, naisahan ako, one hundred pesos! ang exciting talaga ng bawat araw dito sa metropolis, hahaha!

pagsulyap ko kay ate, dinadampot na niya ang mga basura sa sahig. ayan, mala-confetti kasi ang ginawa mong pagsaboy, sa isip-isip ko. pero wala pa rin akong imik dito.

nang talikuran ko na ang buong eksena, tanging banta ng puso ko, o, iyo na ang one hundred, isusumbong na lang kita. Magkarekord ka lang, ok na ako.

kaya wag siyang magkakamaling ulitin itong istayl niya, putcha, dahil siguradong bibingo siya sa records ng sarili niyang opisina.



Friday, October 23, 2015

Pag Naglaho ang Lohika


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi mula sa Perlas ng Silangan Balita ng Imus, Cavite

Ngayong may sanggol akong anak, na-realize ko kung bakit kadalasan ay walang sense ang mga nursery rhyme o mga kantang pambata. Halimbawa nito ay ang Sitsiritsit, Alibangbang at Penpen de Sarapen.

1. Sitsiritsit, alibangbang
Salaginto, salagubang
Ang babae sa lansangan
Kung gumiri, parang tandang...

2. Penpen de sarapen
De kutsilyo, de almasen
Haw haw de karabaw
De batuten...

O, di ba? Tingnan ang #1, parang walang logic. Ano ang ibig sabihin ng sitsiritsit? Bakit nag-enumerate ng mga insekto (alibangbang, salagubang) ang persona? Bakit ang ending ay tungkol sa babaeng nasa kalye at kakaiba kung umasta? Anong konek?

O, tingnan naman ang #2, ganon din, para ding walang logic! Pangalan ba ng tao ang Penpen? Apelyido ba niya ang de sarapen? Bakit siya may kutsilyo? Ano ang almasen, Espanyol ba iyan? Bakit naging tunog-Ingles ang kasunod na linya: haw haw de karabaw? At ano ang batuten? Puwede ba iyang ulamin tulad ng batotay?

Nakakaloka.

Ganito kasi iyan, napaka-impromptu kasi ng proseso ng paglikha sa mga ganitong akda. Pag karga mo ang baby at ngawa pa rin ito nang ngawa kahit anong gawin mong yugyog para ito ay makatulog, mapipilitan kang kumanta o humabi ng musika gamit ang iyong bibig. Dahil biglaan, napipilitan, wala ka sa mood, kung ano-anong salita lang ang lalabas sa iyo at kung ano-anong tono ang gagamitin mo. Basta, meron. At basta, mapatahan ang hawak mong sanggol.

Heto ang isa sa mga ginagamit kong pampatulog sa apat na buwan kong anak na si Karagatan, kinanta ko ito gamit ang isang twisted version ng kantang pambata na Ako ay May Lobo.

Ako ay may baby,
Karagatan ang pangalan,
Smile-smile sa akin,
Umutot na pala!
Heto siya, patulog na,
Kawawa ang mama,
Pot-pot-pot-pot-pot. (Repeat until fade.)

Medyo may logic pa nga itong sa akin kasi may gabay pa ako, ang kantang pambata na Ako ay May Lobo. Ngayon, imadyinin natin iyong mga lumikha ng Sitsiritsit at Penpen. Malamang ay walang padron o model sa isip ang mga gumawa niyan habang pinipilipit nila ang sariling mga utak para tuloy-tuloy ang kanilang mga salita, na eventually ay naging kanta.

Masayang proseso ang paggawa ng walang sense na mga nursery rhyme at kanta. Masaya kasi walang masyadong rules, okey lang kung may logic o wala, wala ring nagdidikta ng sukat, kahit gaano kahaba o kaikli ang akdang gusto mong bigkasin, puwede, mas nakakaantok, mas maganda dahil ang goal mo naman ay ang makapagpatulog ng sanggol, at higit sa lahat, walang pakialam ang nag-iisa mong audience sa iba pang bagay. Ang tanging gusto niya ay marinig ang boses mo at ang iyugyog mo siya ayon sa paraan ng iyong pagbigkas sa bawat linya.
Pero hindi kailangang magkaroon ka ng baby para makagawa nito, ha?

Kahit sino, kahit saan, kahit kailan ay puwedeng-puwedeng gumawa o mag-compose ng ganitong akda. Walang requirement!

Kaya ang bibig ay ihanda
Sa dugtungan ng salita.

Pag naglaho ang lohika,
Lalaya na ang haraya.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Thursday, October 15, 2015

Venue Hunting para sa Binyag ni Dagat

Venue hunting na naman ako para sa binyag ni Dagat at sa birthday ko sa December. Dahil mas star ang binyag ni Dagat sa event na ito, kailangan ay lutang ang theme na tubig o karagatan sa magiging salusalo namin. Kaya naisip kong sa Manila ito ulit gawin, para malapit sa dagat.

Siyempre pa, gusto ko sanang mabinyagan siya sa simbahan na kinalakhan ko, ang Ermita Catholic Church. Diyan ako kinumpilan noong 1995. (Kaya nga lang ay naiwala ng simbahan ang papeles ko. Haha, kaya kinailangan kong magpakumpil uli noong 2013 -sa Quiapo- para maikasal kami ni Poy.)
Anyway, maraming-marami akong tiningnan na kainan at venue sa kahabaan ng Manila Bay.

1. Binalikan ko siyempre ang Manila Yacht Club, at nagkita uli kami ni Sir Tony Antupina. 30k ang minimum consummable amount ng room nila (Diamond Room) na gusto ko sanang pagdausan ng reception ng binyag. Good for 50-60 pax na iyong room. Not bad, di ba? Kaso mo, medyo namamahalan ako sa pagkain (example: pancit canton/bihon P240, yang chow- P240, MYC Clubhouse sandwich -P285, chopsuey with crispy noodles-P225, isang baso ng iced tea-P60). Medyo konti ang mabibili kong pagkain sa presyo nila. Ang gusto ko lang dito, very reliable ang serbisyo. Once na nagpa-reserve ka, tuloy-tuloy na, wala nang cancel-cancel. At napakaganda rin ng service, talagang maalaga si Sir Tony. Hindi rin ito crowded dahil kakaunti lang ang nakakaalam na bukas ito sa publiko. Maganda rin ang Diamond Room, disente at sobrang presentable. At siyempre, pang-display photo ang view ng paglubog ng araw dito.

2. Dumaan ako sa Max’s Malate. Nakupo, anliit ng function rooms kahit dalawa na ito na magkadikit at pag-iisahin para sa aming event. Ang mahal din ng pagkain, nasa P596.00 per head. Pero in fairness, andami namang pagkain sa package na iyon. Plated nga lang, hindi buffet. Saka hindi rin kita ang paglubog ng araw at ang dagat mula sa function room kaya definitely, hindi ko ito ikokonsidera.

3. May nadaanan akong row ng mga kainan/inuman, iyong una kong nilapitan ay MJ’s Bar and Cafe. Sarado ito dahil sa isang private function. Isang lalaking tagaroon ang nag-entertain sa akin. Si Carlo Aguillon. Siya pala ang marketing associate ng MJ’s Bar and Cafe. Sa labas ng kainan, may pinalaking menu, as in lifesize kaya nakita ko na abot-kaya ang pagkain nila, nasa P100-200 per dish. Ang kaso, parang hindi masyadong pormal ang set up ng kanilang restawran. Iyong kulay ng mga upuan at dingding sa loob: red, yellow green, black. Hindi papasa ito sa magulang ni Poy. Sabi ni Carlo, meron pa raw silang venue sa taas at tiyak daw na magugustuhan namin iyon. Pero hindi ako ipinasyal ni Carlo sa itaas. Dinala niya ako sa ....

4. Aquasphere! Ang tagal ko nang hinahanap ito. Sa internet ko lang din ito nakita, at balita ko, 8k ang bayad para sa 12 hrs na upa. Tapos ang gaganda ng photos sa internet. Pero nang makita ko na ito sa personal, nadismaya ako. Nakaangat sa lupa ang kalahati ng taas ng swimming pool. Hahaha, saka hindi masyadong malaki ang pool, parang kasinglapad at kasinghaba lang ito ng isang lipat-bahay truck. Medyo nadiliman din ako sa lugar, kahit pa binuksan ni Carlo ang mga ilaw. Meron ding isang kuwartong airconditioned. Kasama na raw iyon sa uupahan namin kung sakali. Malaki ito, at walang laman sa gitna. Sa gilid, nakasandal ang apat na lazy boy, isang mahabang sofa naman sa isa pang gilid. Itim ang kulay ng mga upuan na ito. Hmmm.. bakit black!?! Malapit sa pinto, napansin ko ang isang transparent na salamin, para itong bintana pero hanggang sahig ang salamin. Para saan iyon? May magsasayaw ba sa labas at manonood naman ang nasa loob? Kapag naliligo ka sa pool, puwedeng-puwede kang pagmasdan ng mga tao sa loob ng kuwarto sa pamamagitan ng salamin. Naisip ko tuloy na baka ginagamit ang venue na iyon sa mga stag party. Hahaha, nagbago tuloy ang tingin ko sa kulay ng swimming pool, iw. Sabi ni Carlo, 14k ang upa doon, 12 hrs na. Kung ang MJ’s Bar and Cafe ang kukunin ko for catering sa halagang P260/head (ito ang pinakamura, pagkain lang ito, iba pa ang 14k na bayad para sa Aquasphere, yes hindi na pala 8k ang upa rito), maipapa-book na nila ako ngayon. Dahil sobrang in demand ang lugar na ito lalo na pag Disyembre, isang linggo lang ang palugit na nahingi ko sa kanya para makapagkumpirma. Pero, waley na, hindi na ako mesmerized sa lugar. In fact, natakot aketch, lalo't para sa mga magsi-swimming.

5. Pagkatapos naming mag-usap ni Carlo, naglakad pa ako nang kaunti. Tapos may nasalubong akong baptismal reception tarpaulin, nakabitin, pag-angat ko pa ng tingin, isang waiter ang nagdidilig ng halaman sa second floor ng isang redesigned container van. Sabi niya, pasok po, Mam. Akyat po. At sumunod naman ako. So... nakarating ako sa Martinilly’s Coffee Shop. Ang ganda ng loob. Cute, actually. Pang-mommy and baby daughter ang dating at ang kulay ng interiors. Maaliwalas, maliwanag ang ilaw. Ang problema, maliit ang mismong coffee shop. At ang pagkain, pangmeryenda type lang. Sabi ng chef at ng isa pang waiter, kasya raw ang 40 doon, binilang ko ang mga upuan, less than 40. Hay. Sayang. Pero ang maganda roon, salamin ang harapan kaya kitang-kita ang sunset. Parang mas maganda doon na mag-date at hindi mag-reception ng binyag. It turned out, caterer din pala sila. Meals start at around P300+. Meron daw silang inirerekomendang venue: La Terraza. May itinuro sila sa lugar kung saan ako nagmula (sa bandang Aquasphere). Baka marami pang events venue sa area na iyon, sayang hindi ko na-explore. Anyway, natuwa ako rito kasi sobrang matulungin ang staff at sila ang pinakaunang nag-text sa akin tungkol sa query ko. Professional indeed. More power to this shop.

6. Naglakad pa ako hanggang makarating ako sa Padre Faura. OMG. Mahabang lakad talaga, I know. Pero magaan ang pakiramdam ko that night, kaya kering-keri lang ang pinapaltos kong mga pa. Dumaan ako sa Miramar Hotel, ikinonsider ko rin ito noon, para sa kasal namin. Art deco kasi ang interiors pati siyempre ang labas. Ang problema ko rito, maliit din ang restaurant nila. Nang magtanong ako sa loob, sinabihan ako ng waitress na maghintay ng manager sa lobby. I waited for about 15 minutes. Nang dumating ang manager, may dala itong ready made na quotation, nasa P700+ per head. Kumusta naman, vaket ang mahal, sa isip-isip ko. Nag-thank you na lang ako at ni-note ko ang bagong gising look ni manager, saka ako mabining lumisan.

7. Napadpad din ako sa Luneta Hotel. Na sobrang ganda, exterior, interior, perfect. Kumikinang. Samantalang noong bata ako, yero-yero lang ang nakikita ko dahil binakuran ito at hindi ka masyadong makakalapit sa mismong building kasi any moment, baka may bumagsak. Condemned ang peg. Pero ngayon, huwaaa, ang ganda talaga. ang kintab din ng sahig. Meron silang restaurant na malapit sa hotel lobby. Ang problema, kalat-kalat ang mesa't upuan ng restaurant. So hindi magkakakitaan ang mga bisita. Meron daw function hall sa itaas pero sarado raw, not for viewing as of the moment, sabi ng napaka-cute at napakatangkad na lalaki sa front desk. Binigyan lang niya ako ng calling card. Saka siya sumenyas sa akin ng call me, call me. Charing lang.

8. Naglakad pa ako at tumawid sa UN, tapos sa Roxas Boulevard, nakarating ako sa Harbour View. Nakita ko na ito noon, noong naghahanap ako ng venue para sa surprise bday para kay poy, pero pumasok pa rin ako sa loob nito. surprise! Walang bago, hahaha. Naka jut out pa rin sa dagat ang kahabaan ng restaurant. Napakaraming tao sa loob nito, grupo-grupo. Christmasy ang feel dahil sa christmas lights sa kisame. I like it. ang problema ko rito, mahal. Around 7k per table, good for 10pax. Sad. Pagdating ko sa parking lot, napansin ko na may breakwater sa gilid at marami ang nagde-date. Good thing, hindi siya madilim at may mga nagbabantay sa entrada ng compound ng Harbour View kaya siguro safe na rin para sa mga lab burds dito. Parang masarap tumambay dito minsan. May nakasalubong akong isang group ng FEU students (hello, uniform), tatambay ang mga ‘to panigurado. Yay, nakakainggit. Alala ko tuloy tambay days namin nina Eris nung high school. High school talaga. Noong college kasi, inuman na ang tambayan namin, putcha, hahaha. Noong high school, mga ganito ang tambayan namin, iyong mga lugar na nakakapagkuwentuhan kayo, asaran. Parang tubig sa breakwater. Ambabaw lang namin noon, hahaha.

9. Paglabas ko ng compound ng Harbour view, kumaliwa ako at tumambad sa akin ang Manila Ocean Park at Hotel H20. I decided to check the Liquid Buffet eklavu na nakita ko sa internet. P250/head lang daw dito. Kaso mo, walang katao-tao kaya wala akong mapagtanungan. Nakarating ako hanggang sa pinakaloob, para palang mall sa loob itong Manila Ocean Park. Kahit pala hindi ka papasok ng MOP, puwede kang kumain sa mga resto dito. May Wendy’s, North Park at isang coffee shop, New York something yata ang pangalan. Sa ground floor, may nakita akong tarpaulin, ang sabi: weekend lunch buffet P350/head, kakahanap ko ng restaurant na malapit, napa-elevator ako at napadpad sa.... Makan-makan Village. May mangilan-ngilang customer. Agad akong in-assist ng isang matangkad at payat na babaeng naka-brace. Nagtanong ako kung sa kanila ang resto na nagpapa-Weekend Lunch Buffet. Oo raw, pero hindi raw doon ang venue ng buffet. Nasa baba raw ito. at wala na raw ang taong naka-assign doon. Binigyan na lang niya ako ng parang flyer (parang lang kasi malaki ito at matigas. Kumbaga first class na flyer) at ang mga package nila ay nag-uumpisa sa ... P888/head. Huwaaaat? Binasa ko uli. Pang-debut at wedding pala ang package na iyon. Nakalma naman ako, kasi hindi naman magde-debut si dagat at matagal-tagal pa ang kasal kung sakaling ikakasal nga siya. ibinigay ko ang contact details ko sa magiliw na receptionist. Ibibigay daw niya iyon sa tamang tao. Sayang yung P350/head na buffet. Sana puwede kami doon, 70-80 pax at sana rin, kita ang dagat sa venue. Let’s wait and see.

10. Nakakita ako ng ibang exit sa loob ng Makan-makan. Doon na ako nag-exit. At nakarating ako sa White moon bar. Ang dilim-dilim na bar, aba marami din ang customer that night, ha? Hindi ko nabilang pero marami-raming gumagalaw sa dilim, hahaha. Walang bubong sa lugar na iyon, mga sofa ang upuan. At ang entertainment ay walang iba kundi... ang napakagandang view ng CCP, Manila Yacht Club at MOA area. Haaay, i fell in love. Puwede ba sa binyag ito? pagagabihin namin ang mga bisita? Hahaha, baka mabatukan ako ni Mama Nerie nito. Anyway, nag-inquire pa rin ako. Around P340 ang boodle fight meal. Around P250 ang isang simpleng meal. Puwede. Cheap, cheap, cheap, cheap. Hindi naman super cheap pero kung ikukumpara sa mga package na iniaalok sa akin, cheap na nga ito, di ba? Tas ang ganda pa ng view. Hindi na kailangang i-entertain ang mga bisita. Ang problema e ang panahon. Kako sa lalaking nag-entertain sa akin, paano po pag umulan? Iyon lang ang talo nyo rito, mam. Hindi na po kayo puwedeng mag-cancel kasi nabili na namin ang ingredients by that time. Doon po tayo sa hallway, pag umulan. Sasandal daw kami sa salamin ng makan-makan. Nge, hassle. Dadaan-daanan naman kami do’n. Hay. Sayang. Pero ibinigay ko pa rin ang aking contact number at email. Hiningi ko rin ang sa kanila. Sabi pa ng lalaki, marami na raw ang nagpakasal doon. Pinasara ang buong white moon. Bongga. Malaki ang place, pero palagay ko, hindi namin maookupa ang lahat ng iyon. So keri lang naman na nasa isang tabi lang kami ng White Moon kung sakali. After one day, i got a quotation from them, shet nasa P700 + per head. Hahaha. Pero puwede pa rin naman daw mag-ala carte, so no worries, actually.

11. Lumabas na ako sa pinakamalapit na exit mula sa White Moon, nag-elevator muli at nagtanong sa guard sa may entrance ng MOP (biglang nagka-guard, in fairness) kung nasaan ang Liquid buffet. Surprise! Nadaanan ko na pala iyong entrance noon kanina. Ang entry ay natatabingan ng mga railing. May pababang hagdan. Dahil wala ngang ibang tao doon, iniusog ko ang railing at bumaba ako. May nakita akong malaking aquarium sa sahig. Tapos, mga pool na weird ang mga hugis. meron ding parang fountain sa kanan. May mga lalaki na nagkukumpulan sa isang mababang aquarium. Lumapit sa akin ang isa, kalbo, sabi niya, ano po iyon? Sabi ko, hinahanap ko po ang liquid buffet. Sabi niya, ito po iyon, sabay turo sa mga upuan na lampas ng fountain. Paglingon ko, huwaaa, andaming upuan at mesa. Mahigit 100 siguro. Hindi aircon ang lugar, at iyong fountain ay bahagi pala ng pool ng hotel. doon daw nagsi swimming ang mga batang guest ng Hotel H20. Huwat? E, parang pinalaking kubeta lang iyon dahil sa design ng tiles hahaha tapos me fountain lang sa gitna. Paglapit ko sa Liquid, para akong pumasok sa isang kuweba. Sa presyo, okey. Pero sa ambience, bagsak ito, pang-bar ang aura, e. madilim at delikado pa ang pagbaba sa area na iyon, iyon ngang tinahak kong hagdan, basa-basa pa. Siguro sa araw, mas ok siya tingnan. pero di ko talaga type kasi parang masikip na ang lugar kapag nagkatao na roon. Sabi ng lalaki, lagi raw puno ang Liquid dahil sa buffet. Nakapila pa raw ang mga susunod na customer. Siyempre, ang mura, e. Sabi ni Kuyang helpful, kontakin ko na lang ang Liquid sa internet. Sabi ko, ok po, kasi nakita ko na ang FB page nito. bago ako umalis napansin kong ang laman pala ng mababang mga aquarium ay.... rays! Manta raw, eagle ray, rey langit, reymart santiago. basta, mga ray. bigla akong napaisip. Kakaibang experience nga naman kapag dito kami nagpabinyag, makakakita sila ng iba’t ibang ray. For free. Hmm... pero saglit lang iyong tingin nila at kita. Mas matagal iyong kain. So... bagsak ito sa akin.

As of today, ang Weekend Lunch Buffet ang aming napipisil. Dahil grabe mag-follow up si Aezell Asuncion, ang taong naka-assign dito. Joke lang yan. hehe ang totoo, dahil mura rito at madaling kausap si Aezell. Nagustuhan din ni Poy ang White Moon dahil nang i-Google niya ito, ang gaganda ng pictures ng sunset mula sa view rito. Sa Sunday,balik MOP ako para i-check ang venue at ang pagkain sa buffet. Baka kasi chaka pala ang lasa ng pagkain. Siyempre, importante pa rin ang pagkain kesa sa anupamang kaartehan, hehehe.

Sunday, September 27, 2015

Isang Rebyu para sa Heneral Luna

Gandang-ganda ako sa pelikulang Heneral Luna ng direktor na si Jerrold Tarog. Ang pelikula ay handog ng Artikulo Uno Production ngayong 2015. Tungkol ito sa buhay ni Heneral Antonio Luna, ang pinakamahusay na heneral ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Inilahad dito ang background ni Luna, hindi lang pala siya mahusay na taong militar, siya rin ay isang mahusay na manunulat at musikero. Ang pamilyang pinagmulan niya ay kabilang sa alta sosyedad noon kaya't naipadala sila ni Juan Luna sa Europe para mag-aral. Karamihan sa kanyang mga kapatid ay nasa larangan ng sining. Inilahad din sa pelikula ang mga pangarap ni Luna para sa bayan, alam niyang traydor ang America, alam niyang pananakop ang puntirya nito sa atin at hindi talaga pakikipagkaibigan. Naniniwala siyang makakaalpas tayo sa daklot ng bagong mananakop sa pamamagitan ng armadong pakikipaglaban. Pero pasumpong-sumpong ang mga labanan, kakaunti ang armas, kakaunti na lang ang sundalo natin dahil katatapos lang nating gerahin ang mga Espanyol. Higit sa lahat, kakaunti ang suporta ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo sa mga hakbang at batas na ipinapatupad ni Luna. Bukod dito, may mga kalaban din sa politika si Luna, sabi sa pelikula, isa ito sa naging sanhi ng kanyang brutal na kamatayan.

Narito ang aking mga papuri at puna sa pelikula:

Pros:
1. As usual, napakahusay ng acting, lalo na ng lead actor na si John Arcilla. Noong umpisa ay natatabaan ako kay John. Hindi ako makapaniwalang ganon ka-chubby si Heneral Luna nang panahon ng digma. Pero nakita ko ang isang aktuwal na picture ni Luna sa libro tungkol sa kanya na ini-release ng Anvil kasabay ng pelikula. Heyheyhey, chubby nga si Heneral!

Muli, sa acting, nadadarang ako sa tuwing makikipagtalo si John/Luna sa pulong ng gabinete. Tama ang timpla ng kanyang ngalit, hindi OA ang bitiw ng mga salita kahit nanggagalaiti na siya kina Felipe Buencamino, Pedro Paterno at sa mga kumakampi rito. Gusto ko rin ang versatility ng kanyang acting, mula sa seryoso, galit na mode hanggang sa nagmamalasakit, komikal at karinyosong mode, perfect na perfect.

Si Nonie Buencamino ang gumanap bilang Buencamino at talaga namang nakakaasar siya, ang sarap sampalin, kung makakatagos lang ang kamay ko sa screen. Si Mon Confiado rin ay napakahusay bilang Emilio Aguinaldo. Kumbinsido akong eengot-engot talaga siya't hindi makagawa ng desisyon nang hindi kumokonsulta kay Apolinario Mabini (si Epi Quizon ang gumanap dito) at sa iba pa niyang alipores. Dati, ang mga role ni Mon ay goon, rapist, kidnapper sa kung saan-saang pelikula. Ngayon, presidente na siya ng Pilipinas. Tanong lang sa nag-cast, talaga bang sinadya ito para alam agad ng manonood na si Aguinaldo ang kontrabida sa pelikulang Heneral Luna?

Nagustuhan ko rin ang acting ni Mylene Dizon bilang Isabel. Si Isabel ang love interest ng heneral pero siya ay fictional character ayon kay Ria Limjap, ang marketing coordinator ng pelikula. Naka-attend kasi ako ng advance screening at talk ng Heneral Luna sa Philippine Literary Festival na ginanap sa Raffles Hotel Makati noong Agosto. May nagtanong kay Ria tungkol sa katauhan ni Isabel. Sabi ni Ria, si Isabel ay pinagsama-samang babae na naging kasintahan ni Luna. (Oo, namatay nang single si Luna! Walang asawa't walang anak!) Dahil alta nga ang pamilyang pinagmulan ni Luna, ang kanyang mga naging kasintahan ay mula rin sa mga maykaya at makapangyarihang pamilya. Ang bahagi naman ng pagkatao ni Isabel na nagsasabing miyembro ito ng Cruz Roja o Red Cross ay inspired naman ng totoong bayani ng Pampanga, si Nicolasa Dayrit-Pamintuan. Bayani siya dahil napatagal niya ang negosasyon nina Heneral Luna at Heneral Maskardo, dahil dito ay na-delay ang kanilang engkuwentro. Imagine kung natuloy iyon? Pilipino versus Pilipino sa panahon na sinasakop tayo ng mga Amerikano. (Pero paunawa: hindi naging girlfriend ni Luna si Nicolasa, ha? Hahaha!)

Gusto ko rin ang acting ni Arron Villaflor bilang Joven, isa ring fictional character. Isa siyang batang journalist na gustong magtatag ng bagong diyaryo at iniinterbyu si Heneral Luna the whole time. Alegorya ito dahil ang Joven sa Espanyol ay kabataan. Kung ibang pa-cute na actor ang isinali sa cast, baka naging masyado itong conscious sa itsura niya. Si Arron, smooth ang acting. Hindi siya nakakainis, hindi rin niya tinatalbugan sa eksena ang kanyang mga kasama. Nakita ko rin ang seriousness na inaasahan mula sa isang journalist na nagpupumilit makisabay sa lifestyle ng kanyang subject/interviewee.

Si Ketchup Eusebio bilang Capt. Janolino, ang unang umarya ng taga kay Heneral Luna, ay mahusay din ang akting. Nagustuhan ko ang aura niya noong comedy scene pa lang nila ni Heneral. Pero kumulimlim din ang mukha noong bigla siyang nagpakita at lumapit kay Heneral Luna para hiwain ng bolo ang mukha nito. Ang intense ng acting, ng mukha ni Ketchup, ng aura. Napakadilim!

Mahuhusay din sina Joem Bascon bilang Capt. Paco Roman at Archie Almeda bilang Capt. Rusca. Si Joem, matagal ko nang paborito iyan. Consistent ang acting, napanood ko na siya sa Binhi, kapares si Mercedes Cabral, at sa iba pang pelikula. Dito sa Heneral Luna, walang masyadong importanteng linya siyang binitawan, sayang. Siguro ay gusto lang ng direktor na mapokus sa heneral ang kuwento. Walang masyadong mahugot sa acting ni Joem dito bilang Capt. Roman.

2. Ang ganda ng cinematography kasi very cinematic ang karamihan sa mga eksena. Gusto ko iyong ginawang pagfa-flashback para ipakita kung anong klaseng pamilya ang pinagmulan ni Luna. Nag-umpisa ang flashback sa pagbubukas ng pinto ng isang bahay at ang pagpasok dito ng isang batang Luna. Hazy ang eksenang iyon at para kang pumasok sa isang well-maintained na museo na may very articulate na tour guide. Pumasok ang bata sa sala hanggang sa hapag tapos ay lumabas uli ito papunta sa nagpipintang si Luna, pag liko nila ay nasa Casa Armas na sila, isang fencing club na itinatag ni Luna para maging training ground ng mga kabataang Filipino. Ipinakita rin doon ang isang restawran na naging inspirasyon ni Juan Luna para sa painting niyang The Parisian.

Maganda rin iyong battle scenes kahit na medyo kakaunti na lang ang mga sundalong Filipino noon (tipid-tipid sa production cost!) sa field. Kung dinagdagan pa nang konti, sa panig natin at sa panig ng Amerikano, ayos na ayos na sana. Na-highlight din sa cinematography ang mga ilog, parang at bukirin sa Pilipinas (bagama't medyo may pagkakalbo na ito na palagay ko ay hindi masyadong realistiko. Siyempre, mas madahon noon ang mga lugar natin.) Napakaganda rin ng eksena ng pagpatay kay Luna. Pag napanood mo ito, hindi mo ito malilimutan kailanman. Brilliant din iyong pagkaka-frame ng huling saglit sa eksenang ito kung saan nagmukhang Spoliarium (painting ni Juan Luna na nanalo sa Spain) ang paglilipat sa bangkay nina Luna at Roman.

Hanggang dito na muna. Ipagpapatuloy ko sa susunod na pagkakataon ang pagsusulat ng rebyu na ito. Pasensiya na po. Balik po uli kayo.



Cons:




Logo Design at Copyright

Nagkakagulo ngayon sa mundo ng logo design at copyright. Apparently, may isang grupong maghahabla sa IPOPHL dahil ninakaw daw nito ang design na ginawa nila at ito ay ginawang logo ng IPOPHL. It turned out, may middle man sa naging transaksiyon dito. At ito ay ang Design Center of the Philippines. Inutusan ng IPOPHL ang DCP na gumawa ng logo. Ang ginawa ng DCP, nag-hire ng agency para lumikha ng logo. Nang magawa na ito, ang DCP ang nag-present sa IPOPHL at inapprove naman ito ng IPOPHL. Hindi alam ng agency, ginagamit na pala ang kanilang dinisenyong logo!

Aha! Sino ngayon ang dapat managot? Kaabang-abang.

Pero sa ngayon, heto ang statement ng IPOPHL mula sa kanilang website na ipophil.gov.ph:

IPOPHL statement on its logo This statement is in reaction to the article posted on September 22, 2015 by one Kristian Kabuay entitled “Intellectual Property Office of the Philippines steals Baybayin logo”, in the website baybayin.com and other similar posts and blog comments. The IPOPHL logo was designed by the Design Center of the Philippines (DCP) in consultation with IPOPHL officials sometime in August 2011 pursuant to a Memorandum Of Understanding dated July 2011. The concepts of creativity, innovation, colors, and various facets of IP, served as guidance for the logo design. The IPOPHL logo was launched in October 2011 and has been in continuous use to date. The issue on the logo came to the attention of the IPOPHL only on May 25, 2015 or after almost 4 years from its launching, when Baybayin Buhayin, Taklobo Baybayin, Inc. and John Nicolas Lacap Leyson (herein called Baybayin Group) through its counsel sent a demand letter, demanding, among others, for compensation for the design, concept and use of the logo. It must be stressed that IPOPHL has never met nor transacted with any of the officers or members of the Baybayin Group from conceptualization until finalization of the logo. Contrary to the allegation that the Baybayin Group was ignored by IPOPHL officials, meetings with the Group were called on four separate occasions (June 8 and 24, July 14, and August 3, 2015) to clarify their claims and address their concerns. However, when asked how the issue could be resolved, the Baybayin Group, in one of the meetings, reiterated their demand that they be compensated and quoted the amount of PhP 500,000, which IPOPHL declined outright, considering that the same had no factual and legal basis. Baybayin characters are commonly used as in the logos of several government agencies such as the National Museum, National Library, NCCA, AFP and others. Baybayin is an ancient script, and no one has the exclusive right to use it. - See more at: http://www.ipophil.gov.ph/#sthash.eoFYiVyx.dpuf




Thursday, September 17, 2015

Thesis Proposal Presentation ng MP Majors sa BulSU

kauuwi ko lang mula sa thesis proposal presentation ng mga estudyanteng nagme-major ng malikhaing pagsulat (MP) sa Bulacan State University. hanga ako sa mga itinanghal nilang panukalang proyekto.

(at nainggit ako na meron silang ganon. noong time ko as an undergrad (sa ibang paaralan), wala pang thesis proposal presentation. iisa lang ang titingin sa thesis mo. iyong adviser lang. wala ring defense ng thesis noon. magsa-submit ka lang ng final version ng thesis mo. kaya nakakatuwa na may ganitong dagdag na activity para sa mga nag-aaral ng MP kasi mas marami ang titingin sa proyekto mo. mapupulido ito at mapapakinis pa. mas mapapaganda ang mismong thesis.

walo silang nag-present kanina. dalawang estudyante na susulat ng sanaysay at anim naman ang susulat ng dagli.

sanaysay

ang unang presentor ay puzzle ang trope. Piraso at iba pang sanaysay ang kanyang pamagat. medyo buhaghag at vague pa ang kanyang ideya sa isusulat. sabi niya, magsusulat siya tungkol sa mga bagay na bumubuo sa sarili. something like that. ang nasa isip ko, ano nga iyon, te? hahaha ang kulit. wala siyang binanggit na ispesipiko. batay naman sa outline, ang plano nya ay isulat ang buong buhay niya. which i think is too much for a book of essays. mas maganda pa rin na me limit o focus ang topic ng isang libro. tapos katatanong namin, lumitaw na namatayan pala siya ng tatay noong bata pa siya pagkatapos ay nagtrabaho ang mama niya sa ibang bansa. lumaki siya sa tiyahin, at iyon daw ang gusto niyang isulat. there you go! ayun ang focus.

ang ikalawang presentor ay ang intern ko dati. si cathlee olaes. ang trope niya ay biyahe. medyo gasgas, oo, pero ang focus niya ay ang maniobra (na siya ring tentatibong pamagat ng koleksiyon). sabi niya, itatampok sa kanyang koleksiyon ang mga biyahe niya sa buhay (literal at metaporikal) kung saan naligaw siya o nakaengkuwentro ng dead end pero dahil sa pagmamaniobra ay ligtas siyang nakakarating sa patutunguhan. ang pagmamaniobra o pagkabig sa manibela para sa kanya ay katumbas ng pagtanggap sa nakaharap na problema, pagkatuto mula rito at eventually ay ang pag-move on. natuwa ako sa title dahil may salitang obra at isa iyon sa tinanong ko kung napili ba niya ang salitang iyon dahil sa obra. hindi raw, ahahaha! inilantad din niya ang takot niyang bumiyahe mag-isa halimbawa pa-metro manila. nang ungkatin ko ito, sinabi niya na wala kasi siyang kasama at wala kasing sasakyan. so lumabas na medyo may pagka-middle class ang kanyang punto de bista. pero promdi. so, promdi na middle class ang punto de bista. ang nai-suggest ko rito, mas maganda na ipaliwanag niya na bulacan ang kanyang kilometro zero.

dagli

connect-disconnect
kaibigan ni cathlee si ac, ang presentor. ilang beses ko nang na-meet ang batang ito sa mga pampanitikang okasyon. masigasig talagang matuto tungkol sa panitikan at pagsulat. hindi ko masyadong na-appreciate noong una ang kanyang presentation. ang haba kasi ng paliwanag niya tungkol sa broken family, ang kanyang paksa. ipinaliwanag din niya kung paanong naaapektuhan ang bawat miyembro ng pamilya kapag dinaranas nila ito. may binanggit din siya na burol at libing na hindi ko talaga naintindihan. sa buong presentasyon niya, ang nagustuhan ko lang at naintindihan ay ang halimbawa niya ng dagli. ito ay isang facebook chat ng isang mag-ama tungkol sa pagbili ng bahay. ang gaan ng mga salitang ginamit niya sa kanyang akda. ang gaan ng flow pero ambigat ng ending. boom. hindi mo aakalain na ganon ang ending. therefore, ang talino ng design. later, nong nag-uusap na kaming mga panelist tungkol sa proyekto ng mga estudyante, naikuwento ni bayviz (isa sa mga guro sa bulsu at naging kaklase ko sa MP noong undergrad at siyang nag-imbita sa akin sa BulSu) ang konteksto ng burol at libing na nabanggit ni ac sa proposal niya. may namatay na kamag-anak sa ama si ac. at doon mismo, sa burol at libing nito, nalaman niyang may first wife at mga anak ang kanyang tatay. ang tatay niya ay isang ofw. so ang gusto palang isulat ni ac ay ang nangyayaring disconnect sa kanilang magtatay sa tuwing magko-connect sila (via FB chat) dahil iniri-reveal ng kanyang tatay sa kanya ang lahat-lahat sa mangilan-ngilang pagkakataon ng pagko-connect nila sa isa't isa. ang galing, di ba? matalino ang design. kailangan lang i-revise ang thesis proposal dahil mas nagpokus iyon sa pagpapaliwanag sa konsepto ng broken family.

namamahay
valiant ang pangalan ng nag-present. pinakagusto ko ito sa lahat dahil ang ganda at very filipino ang konsepto ng namamahay. sabi ni valiant, ang tagal nilang nangupahan sa Maynila. nang makabili sila ng bahay sa bulacan, lumipat sila agad dito pero saka siya nakaramdam ng matinding pagka-out of place, saka siya namahay. lagi raw niyang nami-miss ang buhay nila sa caloocan. so tungkol din ito sa displacement, pero this time, hindi maynila o sentro ang nagdi-displace sa kanya kundi ang provincial at periphery. ang galing di ba? ang winner ay ang pagkakahati ng mga akda: at home na makikitaan daw ng parikala dahil at home ang termino, ibig sabihin ay bahay na nilang talaga ang kinaroroonan niya pero feeling nga niya ay hindi pa rin siya at home. ang ikalawa naman, terrace, dahil ang lugar daw na ito sa bahay ay alanganing nasa loob at alanganin ding nasa labas. gandang-ganda rin ako sa halimbawa ng akda niya na tungkol sa isang kauuwi lang na OFW. Pinagkaguluhan ng pamilya ng bida ang maleta nito. pero ang mismong bida, hindi pinapansin ng sariling pamilya. nagkaroon tuloy siya ng panahong mamasdan ang mga picture frame sa sala. buong pamilya ang naroon, siya lang ang wala. saka siya nagtanong sa sarili, gaano na nga ba katagal siyang nawala sa kanilang tahanan?

silang nananatili
may problema ako sa panukalang pahayag nito dahil may pagka-awkward ang pagkakasulat. pero napakaganda ng konseptong papel na ito. kabaliktaran ito ng namamahay. ang writer ay ilang ulit na lumipat ng apartment kasama ang kanyang pamilya. napadpad sila sa baguio, benguet at, finally, sa bulacan. para bagang wala silang sense of permanence. pero ang nakakapagtaka roon, parang na-at home ang estudyanteng ito sa ganon, sa palipat-lipat. kaya ang para sa kanya, may mga naiiwan, may nananatili kahit sa mga bagay na saglit lang at panandalian. iyon ang itatampok niya sa kanyang mga sulatin. kung sa koleksiyon na namamahay, ang mananaig na damdamin ay ang paninibago at di mapakali sa something na permanente, ito namang silang nananatili ay kampanteng kampante sa mga hindi permanente. ang ipinakitang akda ng estudyanteng manunulat ay tungkol sa isang tenant na wala nang perang pang-upa kaya katawan na lang ang ibabayad sa may ari ng apartment. mahusay magtimpi ang panulat niya. at nakakatuwa rin na may usaping pangkababaihan na nasangkot sa dagling ito.

bagong nayon
wala sa naratibo ng mga taga baliwag ang pag-unlad ng baliwag, iyan ang panukalang pahayag. dito ako pinaka-impressed dahil extensive ang pagbabasa ng presentor na si michael angelo santos. tanging siya ang nagbasa ng mga lumang aklat (halimbawa ay ang magmamamani ni teofilo sauco na taga baliwag din). karamihan sa mga librong nabasa at nakatala sa thesis proposal ng ibang estudyate ay puro contemporary pinoy books (benta si eros sa kanila, si ricky lee, sina amang jcr at abdon balde, jr.) at halos pare-pareho ang title/genre at iba pa. napakalinaw din ng gustong mangyari ng writer sa thesis niya kasi may focus agad ang kanyang paksa (danas ng pagbabago sa landscape ng baliwag) at ang paraan ng pagpresent niya sa harap, napaka-passionate, halata na personal niyang krusada ang proyekto, tubong baliwag siya. kung sa iba, hindi idinedeklara ang kilometro zero, ito tukoy na tukoy: ang baliwag. na-appreciate ko ang gagawin niyang pagtalakay sa changes na nagaganap sa isang lugar sa pamamagitan ng pagkukuwento ng kuwento ng mga kababayan niya (ginawa ko rin ito sa mens world, complete with mapa pa!). ipapakita rin niya hindi talaga beneficial ang changes na nagaganap sa kanilang lugar.

iglap sa danas ng teknolodyi
epekto ng iba't ibang media sa kabataan ng kontemporanyong panahon ang paksa ng akda. nais talakayin ng estudyante rito ang pagiging fleeting ng mga bagay-bagay lalo na sa mundo ng internet at social media. para sa kanya, isang iglap na lang ang lahat, wala nang nagtatagal at iyon ay dahil sa pagpasok ng teknolohiya sa pagkatao ng tao, particularly ng kabataan. ang maganda sa plano ng estudyante ay hindi lang siya sa pormal na mga teksto kukuha ng datos o ng ideya kundi maging sa confessional pages sa FB, testimonials sa internet, love stories sa radyo at balita sa TV. sa lahat ng nag-present, siya lang ang may planong lumabas sa mundo ng mga aklat para sa kanyang sanggunian. ang sample niyang akda ay nagsaad ng personal niyang danas nang makatagpo ng mamahalin sa pamamagitan ng isang website para sa mga naghahanap ng lovelife. nagkakilanlan sila nang maigi sa Facebook pero di nagtagal ay nag-break din sila, ni hindi man lang nagkita ang dalawa. ang kanilang relasyon ay nabuo sa isang iglap ngunit nagtapos din sa isang iglap. by the way, teknolodyi talaga ang spelling ng estudyante sa salitang iyan.

malisya
haunting ang laman ng kanyang proposal. mga erotikang dagli ang nais niyang isulat pero ang isa sa mga tatalakayin niya ay ang karanasan ng mga batang nakaranas ng sexual abuse. medyo nalito ako. paanong magiging erotika iyon? buti na lang at naitanong ito ni makis sa estudyante. ang paliwanag ng estudyante, nais niyang ipakita na ang mga tulad niyang nakaranas ng sexual abuse noong bata ay nag-iiba ang tingin sa mga bagay-bagay. halimbawa, nagiging malaswa ang simpleng pagkain ng ice candy. sa lahat ng proposals, ito ang consistent sa gamit ng salita. mahalay all the way. pero walang bago rito at madali ito kung tutuusin dahil madaling matukoy ang mga salitang puwedeng-puwedeng gamitin kung nais mag-joke tungkol sa sex. akala siguro ng estudyante ay bago ito at daring dahil sa kanilang lahat, siya lang ang tatalakay sa sex. back to proposal, sabi ng estudyante, gusto niyang patunayan sa mga tao na kapag ang isang kabataan ay may malisya ang tingin sa bagay-bagay at malisyoso magsalita, hindi ito dahil sa malisyo lamang ang estudyante, gusto niyang sabihin na may malalim na dahilan kung bakit iyon ganon. at ang dahilan nga ay usually raw nakaranas ng sexual abuse ang ganong kabataan. ganon nga raw ang nangyari sa kanya at sa marami sa kanyang kakilala. Hindi ako masyadong nakapag-react dito dahil ang slow ko that time, parang internet lang hahaha pero nakapagsalita na ako nang maayos noong kami-kami na lamang mga panelista ang nag-usap-usap. ang verdict, hindi erotika ang dagli na gustong isulat ng estudyante. nagkamali lang ito ng gamit ng salitang erotika. ang sample niyang akda ay napakaganda. very disturbing! tungkol ito sa tatlong batang naglalaro ng taguan.



pagkatapos ng presentasyon ng lahat ng estudyante, nagpulong ang mga panelista (ako, sina professors deane camua, bayviz calleon, makis magaling, orly pineda at rael -sori nalimutan ko ang apelyido niya!) at kinalap ang mga rekomendasyon para sa bawat estudyante. pagkatapos niyon ay nagmungkahi ako na kilalanin ang kahusayan at strength ng bawat presentor sa pamamagitan ng paggawad ng.... either isang pirasong C2 or isang piraso ng tinapay with tuna, hahaha

so eto iyong mga ginawaran at ang kanilang strength at kahusayan

PINAKA-MMK award- Piraso at iba pang sanaysay
PINAKA-WELL WRITTEN ang hand out award- iglap sa danas ng teknolodyi
PINAKAMAHUSAY NA PRESENTOR award- bagong nayon
PINAKAMAHUSAY NA KONSEPTO award- maniobra at iba pang sanaysay
OVERALL NA PINAKAMAHUSAY award- Namamahay
PINAKA-EKSPERIMENTAL sa anyo ng sample na akda award- connect -disconnect
PINAKA-WINNER SA MAMBABASA award- may permanente sa panandalian
PINAKAMAHUSAY NA MANUNULAT batay sa sample na akda- malisya

sabi ni deanne, ang course na MP ay kadalasang nagiging second choice lang ng mga estudyante sa BulSU. Tipong kapag bumagsak sa Engineering, doon lilipat, sa MP. Nakakalungkot, 'no? Pero hindi naman isolated case ito. Ganyan din naman sa UP. ang daming nagtapos doon ng MP o Creative Writing, na ang dating major ay Engineering, Chemistry, Math at iba pa. Kung ikukumpara kasi sa ibang course, hindi pa ganon kapopular ang MP kaya kakaunti pa lang ang talagang nag-eenrol dito o di kaya ay ang pumipili rito bilang first choice nilang kurso.

Mukhang matagal pa bago magkaroon ng sariling quota ang kurso na ito. mukhang matagal pang magiging tagasalo ng estudyanteng galing na sa ibang kurso ang kursong MP. mabuti na lang, sa ngayon ay napapanatili ang mataas na kalidad ng mga output sa kursong ito sa pamamagitan ng matinding pag-aalaga ng mga guro sa talento ng mga MP student. kabi-kabila ang mga workshop at presentasyon ng akda tulad ng poetry reading at pagpapalabas ng dula. nakita ko ang sigasig ng mga guro para magabayan sa kanilang pagsusulat ang mga estudyante. kapag nagsasalita sina Bayviz at Makis noong nangangalap na ng rekomendasyon ang mga panelista, halatang kabisado nila ang akda at poetics ng kanilang estudyante.ibig sabihin, tutok sila sa mga ito.

isang hakbang tungo sa pagpapatatag ng kursong MP ang pag-i-institutionalize ng thesis proposal defense ng mga graduating student. kaya binabati ko ang lahat ng guro, kasapi ng admin at pati na ang mga estudyante sa pagtataguyod nito. congrats talaga. napakahirap nitong gawin. ubos-oras-energy-pera. pero pinagsisikapan ninyo pa rin itong magawa at magawa nang mahusay. sana ay tularan kayo ng iba pang pamantasan o anupamang educational institution na may kursong Malikhaing Pagsulat o Creative Writing.

Para sa panitikan, para sa bayan.






Wednesday, September 16, 2015

Sa Tandag (Isang tula para sa mga lumad)

ni Beverly W. Siy

Dalamhati ang nagdala
sa pagal na mga paa
ng laksa-laksang mga saksi
sa pagbaril kay Onil.*

Sa naglalawang luha at luksa,
Isiniwalat nila sa kapwa salat
Ang paisa-isa at paunti-unti
Na pagkitil sa kanilang uri.

Ti​punin ​man nila ​ang ​kanilang mga tinig​,​
Kailanma​'​y di makakarma ang ​mga ​nakaarmas.

Sapagkat magkasabwat
ang batas at ang na​sa i​taas​.​

*Palayaw ni Dionel Campos, isa sa mga pinuno ng lumad na pinatay diumano ng puwersang Magahat-Bagani noong 1 Setyembre 2015 sa Lianga, Surigao del Sur.


Tuesday, September 15, 2015

Sa Tiyan ng Maliit (Isang tulang pambata tungkol sa kalikasan)

ni Beverly Siy

Akala ng isda, pagkain.
Akala ng ibon, puwedeng tukain.
Sa plastic bag ay ganyan ang tingin
Nitong mga hayop sa langit at baybayin.

Kaya bago magtapon ng plastic,
huminto saglit at mag-isip-isip.
Baka pupuwede pa iyang magamit
Kaysa mapunta sa tiyan ng maliit.

Saturday, September 12, 2015

Mabuti ang Magmuni

Mabuti ang Magmuni

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita mula sa Imus, Cavite

Kulang na tayo sa pagmumuni ngayon.

Nang maimbento ang salitang disposable, wala na tayong pangingimi sa pagbili at pagtapon ng mga bagay-bagay pagkatapos ng isang beses na paggamit. Hindi na natin pinag-iisipan kung kailangan ba nating talaga ang disposable na kutsara, tinidor, plato, baso, lalagyan, diaper at iba pa. Hindi na natin pinag-iisipan kung ito lang ba ang puwedeng gamitin. Hindi na tayo humihinto para mag-isip kung may alternatibo ba para sa disposables. Imbes na ito, ano pa ang puwedeng gamitin? Hindi na rin natin pinag-iisipan kung saan napupunta ang mga disposable pagkatapos nating ihagis sa basurahan ang mga ito. Basta bili lang nang bili, gamit nang gamit, tapon nang tapon. Tuloy, pataas nang pataas ang bundok ng basura. Pasikip nang pasikip ang mundo.

Nang maimbento ang salitang unlitext, wala na tayong pangingimi sa pagte-text. Libre na kasi, wala nang katumbas na piso ang bawat pagpapadala ng mensahe at pagre-reply natin sa mga ito. Kaya kahit walang malaking dahilan, magte-text tayo, kung kani-kanino. Kahit hindi makabuluhan ay ipapadala natin ang mga text natin. Kahit hahaha lang, LOL (laugh out loud) at smiley, ipapadala pa rin natin sa ating mga ka-text, paulit-ulit pa nga ang pagpapadala. Hindi na natin pinag-iisipan nang maigi kung ano ang mensahe natin. Unlitext nga kasi, kahit ilan, puwede, therefore, kahit ano ang sabihin, puwede.

Nang maimbento ang salitang digicam, wala na tayong pangingimi sa pagkuha ng retrato, lalo na ng ating mga sarili. Kahit nasaan tayo, kahit anong kinakain natin, kahit mukha lang natin ang tampok sa retrato, kuha lang nang kuha. Kasi, hindi naman na kailangang gastusan at ipa-develop ang mga retrato ngayon. Kita mo agad ang imahen sa isang klik lang. Kaya wala rin tayong habas sa pagklik. Hindi na ito pinag-iisipan. Hindi na pinag-iisipan kung ano ang halaga o kabuluhan ng pagtatampok sa mga bagay-bagay. Hindi rin natin pinagmumunihan ang tunay na silbi ng digicam at ng lente nito. Kaya hindi natin nama-maximize ang kapangyarihan nitong magtampok at magdokumento ng isang hiwa ng lipunan at yugto ng panahon.

Dahil sa mga ganitong salita at sa mga kaugnay nilang konsepto at bagay, nababawasan ang iilan na nga lang na pagkakataon nating mag-isip at magmuni-muni. Ano ang implikasyon nito? Mapanganib ba ito?

Oo.

Dahil ang totoong pag-unlad ay nagaganap lang sa taong may kakayahang mag-isip nang malalim sa kanyang sitwasyon. Napapabuti niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagmumuni-muni, nakakapag-isip siya ng tunay at pangmatagalang solusyon sa kanyang mga problema. Mas napag-iisipan niya ang mga bagay na talagang kailangan upang mabuhay. At matutuklasan niyang ang mga ito ay hindi disposable, hindi kailangang idaan sa napakaraming text, at hindi nahuhuli ng kahit ilang klik ng digicam.

Ganitong indibidwal ang nagsisilang ng lipunang may dangal.

Kung may komento, mungkahi o tanong, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Tuesday, September 1, 2015

Inisa-isa ni Nanay (Isang Tulang Pambata)

ni Beverly Siy

Inisa-isa ni Nanay
Ang mga daliri ko sa kamay.

Mahaba at pinakapunggok,
Sinisipsip hanggang mangulubot
Itong si hinlalaking nag-aaprub!

Samantala, ang pinaka-adventurous:
Si Hintuturong makulit at malikot,
Butas man ng outlet ay kanyang pinapasok!

Pinakamatangkad at laging number three
Ang hinlalatong ubod ng friendly.
Ayaw kasi niyang umalis ang mga katabi.

Sunod naman ay ang pinakatahimik.
Kahit pa anong gawing pagpitik,
Itong palasingsingan ay hindi iimik.

At ang pinakakyut sa kanila,
si hinliliit na laging una sa pila,
sikat na sikat bilang "isa."

Saturday, August 22, 2015

Wika, Pagsasalin, Pagsusulat, Pagbabasa at Copyright

Matatagpuan po ako sa mga sumusunod na event:

Agosto
Usapang Tomasino para sa Buwan ng Wika 2015- UST, AMV Hall, Agosto 27, 2015, mula 1:00 hanggang 5:00 ng hapon.
Translation: A Creative Act c/o NBS Publishing- Agosto 29, 2015, Namayan Room, Raffles Hotel, Makati, mula 3:30 hanggang 5:00 ng hapon.
Book Signing, Appearance c/o Visprint Publishing- Agosto 29, 2015, Ballroom, Raffles Hotel, Makati, mula 5:00 hanggang 8:00 ng gabi.

Setyembre
Magazine Making: Mirepoix Revived- 5 Setyembre 2015, Aquarium, Hasmin Building, PUP Manila, mula 8:00 hanggang 5:00 ng hapon.
Presentasyon ng Thesis Proposal ng mga estudyante ng kursong Malikhang Pagsulat- Bulacan State University, 17 Setyembre 2015, mula 1:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Oktubre
Story Writing and Book Making for Kids- Museo Marino, Nakpil Street, Malate, Manila, 3 Oktubre 2015, mula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.
12 Questions About Copyright Owners and their Heirs- Student Media Congress 2015- DLSU Manila, 17 Oktubre 2015
Creative Writing Workshop para sa Commerce Journal Literary Section- College of Commerce and Business Administration, ikatlong linggo ng Oktubre, mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Book Camp for kids, Net Lima Building, Bonifacio Global City, Taguig- 29 Oktubre 2015, mula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.

Nobyembre
Story Writing and Book Making Seminar and Workshop for Teachers-

Kitakits po!

Mga Mungkahing Proyekto para sa Pagdiriwang ngayong Agosto

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita, Imus, Cavite

Dahil Buwan ng Pambansang Wika ngayong Agosto, magbabahagi ako ng ilang gawain na puwedeng ipagawa ng mga guro ng Filipino subject sa kanilang klase.

1. Pananda Project- ito ay paggawa ng bookmark. Ako mismo, pinagawa ko ito sa aking mga estudyante. Hinati ko ang klase sa 5 grupo pagkatapos ay nag-assign ako ng isang yugto sa kasaysayan ng wikang Filipino sa bawat grupo. Bawat kasapi ng grupo ay gagawa ng bookmark. Bawat bookmark ay magtatampok ng isang pangungusap tungkol sa yugto ng kasaysayan na naka-assign sa kanilang grupo. Pagkatapos ay itu-turn over namin ang lahat ng bookmark sa aming library (pagkatapos kong mabigyan ng puntos). Ipamimigay namin nang libre ang mga bookmark na ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito, inaasahan ko na magiging mas aktibo sa klase ang lahat pag tinalakay ko na ang kasaysayan ng wikang Filipino.

2. Social Media Sabit Project- ito ay ang pagsabit o pakikisakay sa isang proyekto sa social media na may kinalaman sa pagkabansa o pagka-Filipino. Halimbawa ay ang ipinakilala ng National Book Development Board (NBDB) at ng manunulat na si Edgar Samar na #BuwanngAkdangPinoy Project. Kailangan lang ay mag-post ka araw-araw sa iyong Facebook wall ng isang aklat o anumang babasahing nilikha ng Pinoy. Mas maganda kung ang post mo ay may kaunting paglalarawan. Napakadali nito para sa henerasyon ngayon na napakahilig mag-picture at mag-Facebook. Sa kaso ko, itinag ko ang aking mga estudyante at binigyan ng bonus points ang nakilahok sa proyektong ito. Social Media Sabit man kami at least, nakatulong kami na makapag-promote ng mga akdang gawa sa ating bansa.

3. Tour Sabit Project- ito ay ang pagsabit o pakikisakay sa isang tour o pamamasyal sa labas ng paaralan. Sa kaso ko, binigyan ko ng bonus points ang mga estudyanteng sumama sa isang libreng tour sa Post Office ng Maynila at National Museum sa Kalaw, Maynila na pinangungunahan ni G. Rence Chan ng Royal Heritage Postal Tours. Isa sa mga bilin ko ay obserbahan ang wikang gamit ng tour guide. Pagkatapos ng tour, para makuha ng estudyante ang bonus points sa akin, may oral quiz kami sa loob ng classroom. Ilang tanong ang ipinupukol ko tungkol sa wika, sa mga lugar na napuntahan nila, sa mga kasama nila at sa mismong activity. Required ang isang larawan bilang patunay na sumama nga sila sa tour. Paalala lang, siguruhing safe ang pupuntahan ng inyong mga estudyante at kilala mo ang sasamahan nila dahil kawawa ka kapag may nangyaring hindi maganda kahit isa man lang sa kanila. Mas mainam din kung wala silang gagastusin sa tour na papupuntahan sa kanila.

Paalala: Puwedeng gumawa ng sariling bersiyon ng #2 at #3 para hindi na kailangang “sumabit.”

4. Salita ng Buwan Award Project- Magpa-contest sa paglikha ng mga salita. Hayaan ang mga estudyante na lumikha ng sariling salita para sa mga bagong gamit, konsepto, lugar o pangyayari na wala pang katumbas sa wikang Filipino. Pag-imbentuhin sila ng salita para sa USB, calculator, monitor, virus, MRT, fast food restaurant at endo o end of contract. Pagbotohan ang pinakamalikhaing salita sa lahat. Gawaran ng diksiyonaryo ang mananalo.

5. Talambook Project- Gumawa ng isang talambuhay na kasingkapal ng isang libro. I suggest Lope K. Santos. Lahat ng tungkol kay Lope K. Santos ay ipunin: artikulo, listahan ng mga pamagat ng akda, larawan at iba pa. Ipa-bind ang aklat at i-donate sa sariling aklatan. Puwede ring gawin ito kay Manuel Quezon o sa sinumang Filipino na nagtaguyod noon at ngayon ng paggamit ng sariling wika sa ating bansa.

6. KWF Pop Quiz Project- pop quiz ito na tungkol lamang sa KWF at mga gawain nito. Mapipilitang kilalanin ng mga estudyante ang Komisyon sa Wikang Filipino, ang ahensiya ng pamahalaan na nakatokang mangalaga sa Filipino bilang wikang pambansa. Mayroon itong website at Facebook account kaya imposibleng hindi makapagrebyu ang mga estudyante tungkol dito. Puwede ring magpa-quiz tungkol sa mga downloadable na mga materyales tungkol dito. Isang halimbawa ay ang matatagpuan sa link na ito: http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/FAQ_2.4.15.pdf.

Ilan lamang ito sa mga naiisip ko. Kung may naiisip ka, puwedeng-puwede kong idagdag iyan sa listahan. Mas wacky ang idea, mas maganda. Mas adventurous, mas masaya. Tandaan, hindi kailangang maging boring ang pagdiriwang ng Buwan ng Pambansang Wika. Huwag na nating ulitin ang mga nagawa na (at ipinagawa) ng mga guro natin noon: ang walang kamatayang school program na may patinikling, pakarinyosa’t sayawan na may baso o pasȏ sa ulo, pasabayang bigkasan at patimpalak sa pagsulat ng sanaysay, tula at kuwento. A, utang na loob!

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

24 NA KATANGIAN NG ISANG MABUTING ESTUDYANTE SA KOLEHIYO

Tinipon nina
Ma. Elena Consolacion Tacata
at Ma. Lourdes Quinabo

Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second Language
Paaralan: Philippine Cultural College
Petsa: Hunyo 18, 2015


I. Introduksiyon

A. Background ng proyekto
Ang makabuluhang proyektong ito ay isang pananaliksik tungkol sa 24 na Katangian ng Isang Mabuting Estudyante sa Kolehiyo. Ang paksa ng pananaliksik na ito ay napiling ibigay sa mga mananaliksik na sina Elena Tacata at Ma. Lourdes Quinabo ng kanilang propesor sa Filipino II na si Beverly Siy.

Noong ikalawang semestre, sa asignaturang Filipino II, kadalasan, kung hindi man nahuhuli sa pagdating sa klase, lumiliban naman ang mga mananaliksik sa nabanggit na asignatura. Sa kadahilanang ito, walang nakukuhang puntos ang mga mananaliksik sa kanilang quizzes at kung papasok minsan, mababa naman ang mga nakukuha nilang puntos.

Nagbigay naman ang propesor ng pananaliksik na siyang magiging proyekto buong semestre. Hinati ang klase at nagkaroon ng grupo-grupo.
Habang tumatagal, isa ang grupo ng mga mananaliksik, na siyang laging huli sa pagpasa ng mga draft ng pananaliksik na dapat maitama ng propesor.
Nang dumating ang depensa para sa pananaliksik, ang mga mananaliksik at ang mga kagrupo nila ay hindi nakapagtanghal ng kanilang tapos na gawa. Dahil doon, nagkaroon sila ng Extension Class ngayong Mayo-Hunyo 2015 para tapusin ang bago at sarili nilang pananaliksik.

Sa palagay ng mga mananaliksik, ito ang napiling ibigay ng propesor na paksa dahil ang mga katangian ng isang mabuting estudyante sa kolehiyo ay mainam na malaman at taglayin ng mga mananaliksik.

B. Metodolohiya
Upang maisagawa ang pananaliksik na ito, kinakailangan ng mga mananaliksik na mangalap ng ilang datos mula sa limang propesor ng mga kilalang unibersidad, mga huwarang estudyante sa kolehiyo, aklat, internet, at mula rin sa diyaryo o magasin.

Sa unang araw ng pangangalap ng mga datos (Mayo 19, 2015), nagpunta ang mga mananaliksik sa Manila City Library, malapit sa Manila City Hall, kung saan sila nakakita ng isang aklat, ito ay ang Principles and Practices of Teaching. Sa sumunod na araw, nagpunta naman ang mga mananaliksik sa Marikina Public Library. Nakita nila ang kanilang paksa sa hanay ng mga aklatan na pang-inspirasyonal at pang-akademiya sa tulong na rin ng pagtatanong sa librarian kung saang seksiyon makakakita ng patungkol sa paksa nila. Ngunit, ang mga nakalap na datos mula sa mga aklat ay ‘yong isinulat ng mga Amerikanong awtor dahil ang mga mananaliksik ay hindi nakakita ng mga aklat na ang nagsulat ay Pilipinong awtor. Noong araw ng Lunes (Hunyo 1, 2015), natapos na ang pagkalap ng mga datos galing sa aklat.

Ang sumunod namang kinalap ng mga mananaliksik ay mga datos mula sa diyaryo at magasin. Sila ay nagbalik sa Manila City Library. Ang mga diyaryo at magasin doon na patungkol sa edukasyon at kalidad ng isang mabuting estudyante ang binasa ng mga mananaliksik. Ito ay ang sumusunod: Scientific Facts, New Invention of the World, Student Guide to Success, Time Magazine, U.S. News & World Report, diyaryo mula sa isang kolehiyo sa London, Brunel University, at diyaryong The Independent. Mula sa mga ito nakahanap ang mga mananaliksik ng mga kailangan nilang datos. Ang mga diyaryo at magasin na hindi kinuhanan ng datos ng mga mananaliksik ay iyong hindi talaga angkop sa kanilang paksa katulad na lamang ng A Way To Success, hindi ito angkop sa kanilang paksa sapagkat patungkol ito sa kalidad ng isang manggagawa.

Hindi naging madali para sa mga mananaliksik ang mangalap ng datos sa internet dahil hindi naman lahat ng mga lumalabas na resulta sa ‘research engine’ ay magagamit. Ang ilan sa mga ito ay may listahan ng mga katangian ng isang mabuting estudyante sa kolehiyo ngunit walang nakalagay na paliwanag sa mga nasabing katangian. Ang mga binasa at binuksan na site ng mga mananaliksik ay blogs, forums, websites, at websites ng mga unibersidad o kolehiyo. Sa estimate ng mga mananaliksik ay halos naka-25 silang site na binasa at sinuri. Pero ilan lang sa mga ito ang kanilang pinili. Sa search engine naman, ang itina-type ng mga mananaliksik ay ‘Qualities of a good college student’, ‘Qualities of a successful college student’, at ‘Qualities you should apply as a college student’.

Ang pananaliksik na ito ay nagtatampok din ng limang respondent na mga propesor sa iba’t ibang kilalang unibersidad at kolehiyo. Pinili ang mga propesor na nakapanayam dahil ang iba sa mga ito ay kakilala ng mga mananaliksik at ang iba naman ay ini-refer ng Associate Dean ng Philippine Cultural College na si G.Ying Chiong Kong. Ang unang propesor na nakapanayam ng mga mananaliksik ay si Propesor Rosalie Divina na naging guro ng mga mananaliksik at nagtuturo ng asignaturang Childhood and Adolescence Development. Karamihan sa mga propesor ay sobrang abala sa kanilang gawain dahil enrollment ng mga estudyante noong mga araw na iyon (Hunyo 1-5, 2015) at ang iba naman ay hindi natutuloy sa nasabing iskedyul ng pakikipanayam. Ngunit kahit na ganoon, nagtagumpay pa rin ang mga mananaliksik na makapanayam ang ibang propesor dahil ilan sa kanila ay nagpaunlak.

Ang mga huwarang estudyante na nakapanayam ng mga mananaliksik ay pinili batay sa kanilang magagandang katangian at sila ay may katangi-tanging parangal sa kanilang pinapasukang unibersidad o kolehiyo. Ang iba sa kanila ay kakilala at kaibigan ng mga mga mananaliksik.

C. Layunin
Ang mga mananaliksik ay may munting hiling na sana’y makatulong ang akda nila sa kapwa estudyante na nagsasagawa din ng isang pananaliksik tungkol sa Katangian ng Mabuting Estudyante sa Kolehiyo. Sana rin ang pananaliksik na ito ay magbigay-kaalaman at aral sa kahit na sino mang makabasa nito patungkol sa magagandang katangian na dapat taglayin ng isang estudyante sa kolehiyo.


II. 24 na Katangian ng Isang Mabuting Estudyante sa Kolehiyo

A. Mula sa Aklat

1. Napapanatili ang grado

Ayon kay G. Jose F. Calderon, Ed. D. sa aklat na “Principles and Practices of Teaching”, ang estudyanteng huwaran ay napapanatili ang kanyang grado, may mga magandang ipinapakita sa klase at napakaaktibo pagdating sa mga gawaing pang-akademya. Dito nasusukat ang mga estudyante kung talagang sila ay karapat-dapat na sabihing huwarang estudyante (isinalin ng mga mananaliksik).

2. Pag-uugali

Ayon kina Bruce Beiderwell at Linda Tse sa aklat na “College Success”, ang mga estudyante ay dapat mayroong kakayahan at kagustuhan na matutunan ang isang asignatura kahit ang nasabing asignatura ay hindi nakakapukaw ng interes (isinalin ng mga mananaliksik).

3. Pang-akademyang Kakayahan

Ayon kay Carol Critchlow sa aklat na “Foundation of Successful College”, sinasabing ang pang-akademyang kakayahan ay patunay na may katangian ka sa pagiging mahusay na estudyante. Ang kakayahang maging isang komprehensibong mambabasa, epektibong manunulat, dalubhasa sa pananalita, at kakayahang makipag-usap sa ibang tao nang maayos ay ang siyang susi para masabing may katangiang maganda ang isang estudyante. Kapag lahat ng ito ay magandang naipapakita ng isang estudyante, siya ay maituturing na mahusay (isinalin ng mga mananaliksik).

4. Kasipagan

Ayon kina Raymond Gerson (awtor) at Lorna Adams (editor) sa aklat na “Achieve College Success: Learn How in 20 Hours or Less, 4th Ed”, ang pagiging masipag ay isa sa mga importanteng kalidad ng isang mabisang estudyante ng kolehiyo. Kung wala ang pagganyak tungo sa tagumpay, walang magdadala sa iyo upang humakbang pasulong sa extra-curricular activities at tuklasin ang iyong kakayahan. Kapag ikaw ay masipag, huwag mong hayaang mapigilan ka sa pag-abot ng mataas na marka at pigain ang sarili na mabilang sa mga pinakamahusay. Ang masipag na estudyante ay maayos na pumapasok araw-araw, dumadating sa tamang oras, nakikinig sa bawat impormasyong inilalahad, nagtatala sa kuwaderno at pinagtuunan ng oras ang pag-aaral (isinalin ng mga mananaliksik).

5. Pagiging alisto sa sarili

Ayon kina George Kuh, Jillian Kinzie, John H. Shuch, at Elizabeth J. Witt sa aklat na “Student Success in College: Creating Conditions That Matter,” ang epektibong estudyante ay kinakailangan maging aware sa kanilang sarili at kayang alamin ang kanyang mga kahinaan at kalakasan. Ang pagiging aware sa sarili ay nakatutulong sa iyo upang makatuklas pa ng mga bagong kakayahan at hayaang magamit ang iyong kalakasan. Ayon sa isang propesor sa pagnenegosyo na si Scott Williams ng Wright State University, makakabuo ka ng kakayahang maging aware sa sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga bagay-bagay tungkol sa iyong sarili sa limang kategorya: ang iyong personality traits, personal values, habits, emosyon, at ang sikolohikal na pangangailangan na nakakaapekto sa iyong ugali. Halimbawa, kapag mayroon kang mabuting pag-unawa sa iyong sarili at alam mo kung anong kaya mong gawin at ang mga kasalungat sa katangian ng iyong personalidad, di ka makakaramdam ng stress at pangamba. Malalaman mo rin kung saang kategorya ang kailangan mo pang paghusayan (isinalin ng mga mananaliksik).

B. Mula sa Diyaryo o Magasin

1. Komportable sa Kabiguan

Ayon sa aklat ni Ken Bain na isang historian at educator, na naging bahagi ng artikulong isinulat ni Annie Murphy Paul na “Secrets of the Most Successful College Student” sa Time Magazine, noong nag-aaral pa lamang sa kolehiyo ang komedyanteng si Stephen Colbert ay nagsimula nang magtrabaho si Colbert sa isang improvisational theater sa Chicago. “Ito talaga ang nagbukas sa akin sa mga bagay na hindi ko inaasahan,” tugon ni Colbert kay Ken Bain. “Dapat ikaw ay mahusay sa mga bagay na hindi inaasahan. Mahalin mo lang ito,” dagdag ni Colbert. ang pagsasalita nang hindi handa ay isa sa mga kasiya-siyang matutunan pagdating sa pagkabigo. Wala namang paraan para makuha mo ito nang tama sa lahat ng oras (isinalin ng mga mananaliksik).

2. Mahusay sa gawaing pangkolaborasyon

Ayon kay Bradford Holmes sa artikulong “Hone the Top 5 Soft Skills Every College Student Needs” sa diyaryong U.S. News & World Report, mahalaga para sa mga estudyante sa kolehiyo na maging mahusay at angkop sa mga grupo, sa pakikipagtulungan sa mga proyekto at tanggapin nang buo ang anumang pamumuna kapag may ibang kasama sa pagtatrabaho. Ang mga taong nais mapag-isa sa mga gawain ay mahihirapan pagtuntong ng kolehiyo dahil napakaraming pagdadaanan upang matapos ang bawat gawain. Kailangan ng team work o organisasyon ng mga kagrupo upang mas maging maayos at maging perpekto ang ginagawang proyekto o gawain tulad na lamang ngayon na karamihan sa mga career ay nangangailangan ng kolaborasyon. Ang mga estudyante ay maaaring maglinang ng mga kasanayan na kinakailangan upang epektibong makapagtrabaho kasama ang ibang tao sa maraming paraan. Kabilang na rito ang paglahok sa mga paligsahan at extra-curricular na gawain (isinalin ng mga mananaliksik).

3. Pagkakaroon ng Kontrol sa Sarili

Ayon kina Lynn F. Jacobs at Jeremy S. Hyman sa artikulong “Top 10 Secrets of College Success” sa diyaryong U.S. News & World Report, para sa maraming estudyante, ang pinakakapansin-pansin na pagkakaiba ng kolehiyo at high school ay sa kolehiyo, wala ni isang tao roon na tatayo at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat gawin. Pagpunta sa klase, paggawa ng takdang-aralin, sa pagkuha ng iyong mga papeles sa tamang oras, ang lahat ng ito ay mga bagay na ang mga estudyante mismo ang gumagawa nang hindi na tinutulungan ng magulang o kailangan pang bigyan ng corporal punishment ng guro. (isinalin ng mga mananaliksik).

4. Pagkakaroon ng Lakas ng Loob

Ayon kay Hilary Wilce sa artikulong “Six of the Best: The Traits Your Child Needs to Succeed” sa diyaryong The Independent, isa sa mga dapat ugaliin ng isang estudyante ang pagkakaroon ng lakas ng loob lalo na sa pag-aaral. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob ay hindi rin nalalayo sa kahulugan ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Kapag may lakas ka ng loob, magagawa mo ang mga bagay at hindi ka takot na mabigo. Sinusubukan mo ang mga bagay nang buo ang loob. Tulad na lamang kung may recitation, hindi ka nahihiyang magtaas ng kamay, tumayo at sumagot kahit na hindi ka sigurado kung tama o mali ang iyong magiging sagot. Hindi ka takot na magkamali. Hindi ka takot na ipahayag ang sarili kahit na ang iba ay di sang-ayon sa iyo (isinalin ng mga mananaliksik).

5. Mapagkakatiwalaan

Ayon kay Derrick Meador sa artikulong “What are Some Characteristics that Make the Perfect Student?” sa diyaryong pang-unibersidad na inilathala ng Brunel University sa London na About Education, ang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalidad na maaaring magustuhan ka at makabuo ng tiwala hindi lang mula sa iyong mga guro pati na rin sa iyong mga kaklase. Walang nagnanais na ihalubilo ang sarili sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan nang ganap. Ang mga guro na napamahal sa mga estudyante ay maaaring magbigay ng kalayaan lalo na sa oportunidad na sila ay matuto (isinalin ng mga mananaliksik).

C. Mula sa Internet

1. Pagkatuto kaysa sa Pagkakabisa lamang

Ayon kay Joseph Micawber, isang propesor sa kolehiyo, (hindi niya nilagay ang impormasyon kung saan siya nagtuturo), karamihan sa mga naging resulta ng isang sarbey na siyang kumukuha ng mga opinyon tungkol sa katangian ng isang mabuting estudyante ay mas importante na unawain ang isang konsepto o paksa kaysa kabisaduhin lamang ito. Ang mga kinabisadong teorya at mga napag-aralan ay nagtatagal lamang sa memorya ng isang estudyante habang sila ay nasa paaralan, kolehiyo o unibersidad. Kapag umalis na ng paaralan ang mga estudyante ay tuluyan na nilang makakalimutan ang mahahalagang konsepto na kanilang natutunan. Kaya't mas mahalaga sa isang mabuting estudyante ang unawain ang isang konsepto (isinalin ng mga mananaliksik).

2. Pagiging Mapagkumbaba

Ayon kay Propesor Todd Pettigrew, isang Associate Professor sa English sa Cape Breton University bansang Canada, kumbaga ang kabaliktaran ng pagpapakumbaba ay maambisyon. Ang mga estudyante na nagtataglay nito’y may tiwala sa sarili na magawa ang mga bagay sa abot ng kanilang makakaya, ngunit napapanatili pa rin ang pagiging mapagkumbaba na malaman na marami pang dapat na matutunan. Ang buhay ay maikli lamang at ang pagkatuto ay inaabot ng pangmatagalan (isinalin ng mga mananaliksik).

3. Balanse

Ayon kay Ashley Miller na isang manunulat sa blogsites na nagsagawa ng pananaliksik patungkol sa kalidad ng mahusay na estudyante sa kolehiyo, ang pagbabalanse ng responsibilidad ay mahalaga ngunit ito rin ay mahirap lalo na sa mga estudyante ng kolehiyo. Ang kolehiyo ay isang nakaka-stress na lebel ng edukasyon lalo na para sa mga kabataan gayung ito ay kritikal lalo na sa paghahati ng oras na siyang inilalaan sa lahat ng aspekto ng buhay. Kabilang dito ang pang-akademya, pakikipaghalubilo sa ibang tao, pagtulog, at maging sa pag-eehersisyo. Ang pagiging balanse ay makakatulong makaiwas sa pagkabalisa at sobrang pagod. Sa katunayan, sa isang pag-aaral na nailathala sa isyu ng Winter 2000 ng “American Journal of Health Studies” natuklasang ang estudyanteng may kasanayang mamahala ng sariling oras ay hindi nakararanas ng sobrang stress na nakukuha sa pag-aaral at pagkabalisa kung ikukumpara sa ibang estudyante (isinalin ng mga mananaliksik).

4. Pagpapahalaga sa Sarili

Ayon sa Rouge Community College, dapat na mayroon kang pagpapahalaga sa sariling kilos at dapat ay alam mo ang epekto nito sa ibang tao (maging sa social media). Bago mo gawin ang isang bagay, nararapat lamang na isipin muna ang magiging resulta nito, tama man o mali (isinalin ng mga mananaliksik).

D. Mula sa Propesor

1. Dedikasyon at Determinasyon

Ayon kay Bb. Rosalie Divina, isang propesor sa Philippine Cultural College, isa sa mga katangiang dapat taglayin ng isang estudyante ay may dedikasyon at nag-kakaroon ng determinasyon sa pag-aaral. Ilan sa mga estudyante ngayon ay napipilitan lang mag-aral dahil sa kagustuhan ng kanilang magulang, doon nasasabing walang determinasyon ang estudyante sa pag-aaral. Ngunit kung ang isang estudyante ay determinado, gagawin niya ang lahat makatapos lang ng pag-aaral.

Si Bb. Rosalie Divina ay nagtapos ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in English sa Philippine Normal University. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree at nagsimulang magturo noong 1997 hanggang sa ngayon. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Childhood and Adolescence Development sa Philippine Cultural College.

2. Disiplinado

Ayon kay G. Mauricio Baldisimo, naging propesor sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela, ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili ay isa sa mahahalagang katangian na dapat taglayin ng isang estudyante sa kanyang pag-aaral. Ang pagiging disiplinado ay mahalaga dahil alam mong may obligasyon kang mag-aral nang mabuti. Ginagawa mo ang mga bagay sa tama at sa konsistent na pamamaraan. Kumbaga, ang isang estudyanteng may disiplina ay nakasanayan nang sa pagdating sa bahay, babalikan niyang muli ang kanyang mga napag-aralan. Di tulad ng isang estudyanteng nanaisin pang sumama sa barkada at gumala kahit na alam na may pagsusulit sila kinabukasan.

Si G. Mauricio Baldisimo ay nagtapos ng kursong Computer System Design sa AMA Computer University. Nagtapos din siya ng AB Philosophy sa AMA Computer University at naging Cum Laude. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree sa Philosophy at nagturo ng Philosophy sa Our Lady of Fatima University sa loob ng pitong taon.

3. May kagustuhang matuto ng mga bagay-bagay

Ayon kay Bb. Rowelyn Kaye Bautista, isang propesor sa Far East University, masasabing mabuti ang isang estudyante kung kagustuhan niya talagang matuto ng mga bagay-bagay. Ang oras, panahon at pagpupursiging inilalaan mo sa pag-aaral ay siyang sasalamin sa magiging resulta nito balang araw.

Si Bb. Rowelyn Kaye Bautista ay nagtapos ng kursong BS Accountancy sa Far East University. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree sa Accounting sa Far East University at kasalukuyang nagtuturo ng Accounting sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

4. Kagustuhang matapos ang isang kurso

Ayon kay Bb. Yhen Alvar Diaz, isang propesor sa National University, mahalaga ang katangiang ito upang maabot ang pangarap na naisip mo kahit noong simula ka pa lang na pumasok sa paaralan. Dapat ay gawin mong pasyon ang matapos ang isang kurso anumang pagsubok ang makaharap at maranasan mo.

Si Bb. Yhen Alvar Diaz ay nagtapos ng kursong BS Mathematics sa Jose Rizal University. Nagtapos siya ng kanyang Masteral Degree sa Mathematics sa Jose Rizal University at kasalukuyang nagtuturo ng Mathematics sa National University.

5. Matiyaga

Ayon kay Gng. Marthy Tomagos, isang propesor sa University of Northern Philippines sa Vigan City, Ilocos Sur, napakahirap maging estudyante lalo na sa kolehiyo. Mainam sa isang estudyanteng maging matatag o matiyaga sa pag-aaral dahil kahit na alam niyang mahirap, titiisin niya iyon para lang matapos sa pag-aaral at iyon ang magiging dahilan upang maging matagumpay sa buhay.

Si Gng. Marthy Tomagos ay nagtapos ng kursong BA Political Science sa University of Northern Philippines sa Vigan City, Ilocos Sur at nagtuturo ng History sa nasabing unibersidad.

E. Mula sa Mga Huwarang Estudyante

1. May tiwala sa sariling kakayahan

Ayon kay Marc Denielle Torres, sa pagkakaroon ng matibay na paniniwala sa sariling kakayahan magagawa mo ang mga nais mo para sa ikabubuti ng iyong kinabukasan.

Si Marc Denielle M. Torres ay nag-aaral ng kursong Association Accounting (AAT Section 1A) sa Centro Escolar University.
Ilan sa parangal sa kanya ay Perfect Attendance, Winner of Monthly Scripture Memorization, School of Management and Accountancy (SAM Leader), at Best in Math (2014). Kasapi rin siya ng Junior Philippine Institute of Accountants.

2. May Layunin

Ayon kay Jesheer C. Ynot, ang unang katangiang dapat na taglay ng isang estudyante ay ang pagkakaroon ng layunin sa buhay dahil ang buhay na walang layunin ay walang kabuluhan. Ngunit kung aabutin natin ang ating mga layunin, ang buhay natin ay laging masaya at masigla.

Si Jesheer C. Ynot ay nag-aaral ng Political Science sa Polytechnic University of the Philippines.
Ilan sa kanyang mga naging parangal ay History Quiz Bee (1st place) at English Quiz Bee (2nd place). Kasapi rin siya ng Junior Philippine Institute of Political Science at siya ay isang Dean’s Lister.

3. Pagiging propesyonal

Ayon kay Marc Louie Manalo, ang pagiging propesyonal sa isang larangan ay pagmamahal na rin sa sariling gawain.

Si Marc Louie Manalo ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Business Management sa San Sebastian College kamakailan lamang
.
Ilan sa kanyang mga achievement ay pagiging bahagi ng Promoting and Selling Products sa Sta. Mesa Trade Exhibit Event, pagiging kalahok sa AFP-RSBS Training bilang Collection Assistant (2014), pagiging Dean’s Lister at 2nd Honorable Mention.


4. May respeto sa mga propesor o sa kapwa estudyante

Ayon kay Kahlil Villoso, isa ito sa mga kaugalian na dapat isinasapuso ng isang estudyante. Dahil ang respeto sa sarili at sa kapwa ay mahalaga at madadala ka nito sa iyong tagumpay. Madali mong mapapakisamahan ang lahat ng taong nakapaligid sa iyo at ang mga bagay-bagay ay magiging madali na lamang.

Si Kahlil Villoso ay nag-aaral ng Psychology sa Arellano University sa Legarda, Maynila

Ilan sa kanyang mga naging achievement ay Top 1 at Consistent Dean’s Lister, University Representative para sa YMCA National Congress, Quiz Bee Winner – Philippine Youth to Government Delegate, napili bilang Education Representative para sa Supreme Student Council, Young Educator’s Society Officer at Overall Top 1 para sa mga first year student.

5. Pagpili ng Tamang Kaibigan

Ayon kay Celine Miranda, “dapat ay piliin natin bilang kaibigan iyong mga taong pahihintulutan nating makakaimpluwensiya sa atin. Dahil sa kolehiyo, doon tayo nagkakaroon ng kamalayan, doon nabubuo ang ugali natin na makakatulong sa career natin balang araw.”

Si Celine Miranda ay nakapagtapos ng BS Information Technology sa Philippine Cultural College Main Campus.

Ilan sa kanyang mga naging parangal ay 1st Honorable Mention, I.T. Special Awardee, Mr. and Mrs. Benito Cu uy Gam Special Award for Information Technology, Dean's List Award (1st – 4th year), Recipient of Ongking Foundation Scholarship (1st - 4th year) at Loyalty Award.


Sanggunian

Aklat
1. Adams, Lorna, at Raymond Gerson, Achieve Success in College: Learn How in 20 Hours or Less, Ikaapat na edisyon, Kabanata: Essential Student Success. London, United Kingdom: Peter Owen Publisher, Agosto 1, 2012. p. 58
2. Beiderwell, Bruce, at Linda Tse, College Success. Lewisville, United States: Gryphon House Inc., Mayo 1, 1998. p. 168
3. Calderon, Jose F. Principles and Practices of Teaching. Lungsod Quezon, Philippines: Great Books Trading, 1998. p. 319
4. Critchlow, Carol, Foundation of Successful College, Kabanata 5. London, United Kingdom: Usborne Publishing, Abril 18, 1993. p. 31
5. Kinzie, Jillian, George D. Kuh, John H. Shuch, at Elizabeth J. Witt, Student Success in College (Creating Conditions That Matter), Kabanata 11. New York, United States: Crown Publishing Group, Hunyo 8, 2010. p. 61

Diyaryo o Magasin
1. Holmes, Bradford. “Hone the Top 5 Soft Skills Every College Student Needs”, diyaryong U.S. News & World Report, (Mayo 12, 2014.)
2. Hyman, Jeremy S., at Jacobs, Lynn F. “Top 10 Secrets of College Success”, diyaryong U.S. News & World Report, (Agosto 17, 2010.)
3. Meador, Derrick. “What are some Characteristics that Make the Perfect Student?”, diyaryong About Education, (W.P.)
4. Paul, Annie Murphy. “Secrets of the Most Successful College Student”, Time Magazine, (Marso 13, 2013.)
5. Wilce, Hilary. “Six of the Best: The Traits Your Child Needs to Succeed”, diyaryong The Independent, (Oktubre 23, 2013.)

Internet

1. Micawber, Joseph. “Qualities of a Good Student.” www.englishforums.com. Abril 16, 2006. www.englishforums.com/English/QualitiesOfAGoodStudent/cwlhw.post.htm.
2. Miller, Ashley. “What are Some Qualities that Make You an Effective College Student?”. http://classroom.synonym.com. Enero 16, 2010. http://classroom.synonym.com/higher-education-prep/.
3. Pettigrew, Todd. “3 Secret Qualities of a Top Students.” http://www.macleans.ca. Pebrero 2, 2012. http://www.macleans.ca/education/uniandcollege/the-three-secret-qualities-of-top-students/.
4. Rouge Community College. “Qualities of a Successful Student.” https://www.roguecc.edu. W.P. https://www.roguecc.edu/SASP/QualitiesforSuccess.asp.

Mga Panayam

Mga Guro
1. Baldisimo, Mauricio. Hunyo 3, 2015. Tahanan ng mga Baldisimo, Marikina City.
2. Bautista, Rowelyn Kaye. Hunyo 3, 2015. SM Megamall, Mandaluyong City.
3. Diaz, Yhen Alvar. Hunyo 4, 2015. Tahanan ng mga Diaz, Marikina City.
4. Divina, Rosalie. Mayo 28, 2015. Faculty Room ng Philippine Cultural College Main Campus, Tondo, Maynila.
5. Tomagos, Marthy. Hunyo 4, 2015. Tahanan ng mga Tomagos, Marikina City.

Mga Estudyante
1. Manalo, Louie Marc. Hunyo 1, 2015. C.M. Recto Avenue, Quiapo, Maynila.
2. Miranda, Celine. Hunyo 1, 2015. Jollibee, Jose Abad Santos Avenue, Tondo, Maynila.
3. Torres, Marc Denielle. Mayo 28, 2015. Parang, Marikina City.
4. Villoso, Kahlil. Hunyo 3, 2015. Tahanan ng mga Villoso, Marikina City.
5. Ynot, Jesheer C. Hunyo 1, 2015. Brgy. 266, UP Diliman, Quezon City.

All rights reserved.

Gawa ito ng dalawang delingkuwente kong estudyante. Sana talaga marami silang natutuhan sa proyektong ito. Isinumite nila ito online nang araw na isinisilang ko si Dagat!


rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...