Friday, October 23, 2015

Pag Naglaho ang Lohika


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi mula sa Perlas ng Silangan Balita ng Imus, Cavite

Ngayong may sanggol akong anak, na-realize ko kung bakit kadalasan ay walang sense ang mga nursery rhyme o mga kantang pambata. Halimbawa nito ay ang Sitsiritsit, Alibangbang at Penpen de Sarapen.

1. Sitsiritsit, alibangbang
Salaginto, salagubang
Ang babae sa lansangan
Kung gumiri, parang tandang...

2. Penpen de sarapen
De kutsilyo, de almasen
Haw haw de karabaw
De batuten...

O, di ba? Tingnan ang #1, parang walang logic. Ano ang ibig sabihin ng sitsiritsit? Bakit nag-enumerate ng mga insekto (alibangbang, salagubang) ang persona? Bakit ang ending ay tungkol sa babaeng nasa kalye at kakaiba kung umasta? Anong konek?

O, tingnan naman ang #2, ganon din, para ding walang logic! Pangalan ba ng tao ang Penpen? Apelyido ba niya ang de sarapen? Bakit siya may kutsilyo? Ano ang almasen, Espanyol ba iyan? Bakit naging tunog-Ingles ang kasunod na linya: haw haw de karabaw? At ano ang batuten? Puwede ba iyang ulamin tulad ng batotay?

Nakakaloka.

Ganito kasi iyan, napaka-impromptu kasi ng proseso ng paglikha sa mga ganitong akda. Pag karga mo ang baby at ngawa pa rin ito nang ngawa kahit anong gawin mong yugyog para ito ay makatulog, mapipilitan kang kumanta o humabi ng musika gamit ang iyong bibig. Dahil biglaan, napipilitan, wala ka sa mood, kung ano-anong salita lang ang lalabas sa iyo at kung ano-anong tono ang gagamitin mo. Basta, meron. At basta, mapatahan ang hawak mong sanggol.

Heto ang isa sa mga ginagamit kong pampatulog sa apat na buwan kong anak na si Karagatan, kinanta ko ito gamit ang isang twisted version ng kantang pambata na Ako ay May Lobo.

Ako ay may baby,
Karagatan ang pangalan,
Smile-smile sa akin,
Umutot na pala!
Heto siya, patulog na,
Kawawa ang mama,
Pot-pot-pot-pot-pot. (Repeat until fade.)

Medyo may logic pa nga itong sa akin kasi may gabay pa ako, ang kantang pambata na Ako ay May Lobo. Ngayon, imadyinin natin iyong mga lumikha ng Sitsiritsit at Penpen. Malamang ay walang padron o model sa isip ang mga gumawa niyan habang pinipilipit nila ang sariling mga utak para tuloy-tuloy ang kanilang mga salita, na eventually ay naging kanta.

Masayang proseso ang paggawa ng walang sense na mga nursery rhyme at kanta. Masaya kasi walang masyadong rules, okey lang kung may logic o wala, wala ring nagdidikta ng sukat, kahit gaano kahaba o kaikli ang akdang gusto mong bigkasin, puwede, mas nakakaantok, mas maganda dahil ang goal mo naman ay ang makapagpatulog ng sanggol, at higit sa lahat, walang pakialam ang nag-iisa mong audience sa iba pang bagay. Ang tanging gusto niya ay marinig ang boses mo at ang iyugyog mo siya ayon sa paraan ng iyong pagbigkas sa bawat linya.
Pero hindi kailangang magkaroon ka ng baby para makagawa nito, ha?

Kahit sino, kahit saan, kahit kailan ay puwedeng-puwedeng gumawa o mag-compose ng ganitong akda. Walang requirement!

Kaya ang bibig ay ihanda
Sa dugtungan ng salita.

Pag naglaho ang lohika,
Lalaya na ang haraya.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...