Saturday, August 22, 2015

Mga Mungkahing Proyekto para sa Pagdiriwang ngayong Agosto

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita, Imus, Cavite

Dahil Buwan ng Pambansang Wika ngayong Agosto, magbabahagi ako ng ilang gawain na puwedeng ipagawa ng mga guro ng Filipino subject sa kanilang klase.

1. Pananda Project- ito ay paggawa ng bookmark. Ako mismo, pinagawa ko ito sa aking mga estudyante. Hinati ko ang klase sa 5 grupo pagkatapos ay nag-assign ako ng isang yugto sa kasaysayan ng wikang Filipino sa bawat grupo. Bawat kasapi ng grupo ay gagawa ng bookmark. Bawat bookmark ay magtatampok ng isang pangungusap tungkol sa yugto ng kasaysayan na naka-assign sa kanilang grupo. Pagkatapos ay itu-turn over namin ang lahat ng bookmark sa aming library (pagkatapos kong mabigyan ng puntos). Ipamimigay namin nang libre ang mga bookmark na ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito, inaasahan ko na magiging mas aktibo sa klase ang lahat pag tinalakay ko na ang kasaysayan ng wikang Filipino.

2. Social Media Sabit Project- ito ay ang pagsabit o pakikisakay sa isang proyekto sa social media na may kinalaman sa pagkabansa o pagka-Filipino. Halimbawa ay ang ipinakilala ng National Book Development Board (NBDB) at ng manunulat na si Edgar Samar na #BuwanngAkdangPinoy Project. Kailangan lang ay mag-post ka araw-araw sa iyong Facebook wall ng isang aklat o anumang babasahing nilikha ng Pinoy. Mas maganda kung ang post mo ay may kaunting paglalarawan. Napakadali nito para sa henerasyon ngayon na napakahilig mag-picture at mag-Facebook. Sa kaso ko, itinag ko ang aking mga estudyante at binigyan ng bonus points ang nakilahok sa proyektong ito. Social Media Sabit man kami at least, nakatulong kami na makapag-promote ng mga akdang gawa sa ating bansa.

3. Tour Sabit Project- ito ay ang pagsabit o pakikisakay sa isang tour o pamamasyal sa labas ng paaralan. Sa kaso ko, binigyan ko ng bonus points ang mga estudyanteng sumama sa isang libreng tour sa Post Office ng Maynila at National Museum sa Kalaw, Maynila na pinangungunahan ni G. Rence Chan ng Royal Heritage Postal Tours. Isa sa mga bilin ko ay obserbahan ang wikang gamit ng tour guide. Pagkatapos ng tour, para makuha ng estudyante ang bonus points sa akin, may oral quiz kami sa loob ng classroom. Ilang tanong ang ipinupukol ko tungkol sa wika, sa mga lugar na napuntahan nila, sa mga kasama nila at sa mismong activity. Required ang isang larawan bilang patunay na sumama nga sila sa tour. Paalala lang, siguruhing safe ang pupuntahan ng inyong mga estudyante at kilala mo ang sasamahan nila dahil kawawa ka kapag may nangyaring hindi maganda kahit isa man lang sa kanila. Mas mainam din kung wala silang gagastusin sa tour na papupuntahan sa kanila.

Paalala: Puwedeng gumawa ng sariling bersiyon ng #2 at #3 para hindi na kailangang “sumabit.”

4. Salita ng Buwan Award Project- Magpa-contest sa paglikha ng mga salita. Hayaan ang mga estudyante na lumikha ng sariling salita para sa mga bagong gamit, konsepto, lugar o pangyayari na wala pang katumbas sa wikang Filipino. Pag-imbentuhin sila ng salita para sa USB, calculator, monitor, virus, MRT, fast food restaurant at endo o end of contract. Pagbotohan ang pinakamalikhaing salita sa lahat. Gawaran ng diksiyonaryo ang mananalo.

5. Talambook Project- Gumawa ng isang talambuhay na kasingkapal ng isang libro. I suggest Lope K. Santos. Lahat ng tungkol kay Lope K. Santos ay ipunin: artikulo, listahan ng mga pamagat ng akda, larawan at iba pa. Ipa-bind ang aklat at i-donate sa sariling aklatan. Puwede ring gawin ito kay Manuel Quezon o sa sinumang Filipino na nagtaguyod noon at ngayon ng paggamit ng sariling wika sa ating bansa.

6. KWF Pop Quiz Project- pop quiz ito na tungkol lamang sa KWF at mga gawain nito. Mapipilitang kilalanin ng mga estudyante ang Komisyon sa Wikang Filipino, ang ahensiya ng pamahalaan na nakatokang mangalaga sa Filipino bilang wikang pambansa. Mayroon itong website at Facebook account kaya imposibleng hindi makapagrebyu ang mga estudyante tungkol dito. Puwede ring magpa-quiz tungkol sa mga downloadable na mga materyales tungkol dito. Isang halimbawa ay ang matatagpuan sa link na ito: http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/FAQ_2.4.15.pdf.

Ilan lamang ito sa mga naiisip ko. Kung may naiisip ka, puwedeng-puwede kong idagdag iyan sa listahan. Mas wacky ang idea, mas maganda. Mas adventurous, mas masaya. Tandaan, hindi kailangang maging boring ang pagdiriwang ng Buwan ng Pambansang Wika. Huwag na nating ulitin ang mga nagawa na (at ipinagawa) ng mga guro natin noon: ang walang kamatayang school program na may patinikling, pakarinyosa’t sayawan na may baso o pasȏ sa ulo, pasabayang bigkasan at patimpalak sa pagsulat ng sanaysay, tula at kuwento. A, utang na loob!

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...