Saturday, October 24, 2015

one hundred

kahapon, nagpunta ako sa filcols para daanan ang mga token mula sa DLSU Manila para sa katatapos lang na student media congress 2015. pagkababa ko ng dyip, naghanap ako ng mabibilhan ng merienda para sa staff ng filcols na sina kuya ricol at ran. malapit sa opisina nila along 15th avenue, cubao, may isang bakery. at nakakita ako ng tinapay na parang masarap kainin. kaso medyo mahal (P22.00 ang isa) at konti na lang ang pera ko sa bag. sa tapat ng bakery ay angel's burger. tawid ako. nakita ko ang buy 1 take 1 nilang cheeseburger: P34.00 lang. ayos. kaya umorder na ako sa babaeng nagluluto ng burger sa loob ng de-rehas na burger stand.

pagka-order ko ay inilabas ko ang one hundred pesos ko at mabilis na inabot sa babae. kako, habang nakasalang ang mga burger ko ay puwede na niya akong suklian, makatipid man lang nang ilang minuto nang araw na iyon. pero hindi niya agad ako sinuklian. nakatayo siya sa tapat ko. may inasikaso pa siyang kung ano doon. sa pagitan namin ay ang bag ko, ang rehas, at isang plastic drawer na maraming level (in that order). humawak din siya sa calculator sa may tabi ng rehas. tapos pinagsilbihan niya ang nag-iisang kustomer na naabutan ko, isang lalaking nagpalit pa ng damit habang nakaupo sa bench at naghihintay ng order. iniabot ni ate ang dalawang burger sa lalaki. tanong ng lalaki, may coleslaw ba ito? sabi ni ate, wala. umorder ng coleslaw ang lalaki. mula sa tapat ko, lumayo si ate para kumuha ng coleslaw sa ref. tapos ay bumalik siya malapit sa tapat ko para buksan ang mga plastic na lalagyan ng coleslaw. nainggit ako, tinanong ko si ate kung magkano ang coleslaw. P3.50, sabi niya. umorder na rin ako. the whole time ay palipat-lipat ako ng tingin kay ate, sa lalaki at sa mga burger ko na nakasalang sa prituhan.

si ate ay nasa 30s. natutuwa ako sa aura niya kasi parang hindi mainit sa lugar ng kanyang trabaho. mukha siyang fresh. mamula-mula ang kanyang pisngi, may bahid ng gold ang kanyang buhok. hindi siya tumitingin sa akin kahit kapag kinakausap niya ako. noong nakatingin ako sa kanya, ang iniisip ko, magkano kaya ang suweldo ni ate? siguradong maliit lang ito. ang tiyaga naman niya. iyong may ari ng angel's burger, mayaman na. merong angel's burger along anonas at minsan, nasusumpungan kong nakaparada malapit dito ang pagkalaki-laking truck ng angel's burger. wow. lumaki ang negosyong ito kahit napakamura ng buy 1 take 1 niyang mga burger. ilang oras kaya ang shift niya? siya lang ba mag-isa sa buong araw? bakit hindi pa niya ako sinusuklian?

mayamaya pa ay naluto na ang mga burger ko. siningil ako ni ate. nagulat ako. sabi ko, nagbayad na po ako. sabi niya, hindi pa. nag-panic ako. ako, hindi pa nagbabayad? e asan na ang one hundred ko? binuksan ko ang mga kamay ko, wala. binuksan ko ang zipper ng bulsa ng bag ko, wala. binuksan ko ang bag ko at sinilip ang dalawang bulsa sa loob kung saan ako naglalagay ng perang papel, wala. iniangat ko ang bag ko at tiningnan ang ilalim nito, wala. iniangat ko ang dalawang notebook na dala ko at tiningnan ang ilalim ng mga ito, wala. napatingin ako lalaking kustomer. sabi niya sa akin, hindi ko napansin, miss.

napatingin ako kay ate. nakatingin siya sa akin for the first time! wala ka pang inaabot sa akin, sabi niya.

putcha. rewind uli ang utak ko. nagbayad na ako! iyon ang unang-una kong ginawa pagkakita ko sa presyo ng buy 1 take 1 na cheeseburger at pagka-order ko. sinabi ko kay ate, nagbayad na ako. pero ipinilit pa rin niya na hindi.

kaya ang ginawa ko, sinubukan ko uling hanapin ang one hundred sa poder ko. siya naman, ibinalot na niya ang mga burger ko at inilusot sa rehas. sabi niya, kahit pumasok ka pa rito at hanapin iyan!

inilusot ko ang kamay ko sa rehas para isa-isahin ang pagbubukas sa lahat ng level ng plastic na drawer. lalagyan pala iyon ng mga tissue at plastic na sapin ng burger. wala ang one hundred. nagpalinga-linga ako. sabi ni ate, hawak-hawak mo iyon kanina pero di mo iyon inabot sa akin. talaga lang, ha, sa isip-isip ko. na bad trip na ako sa kanya. habang sinu survey ko ang lugar, baka may CCTV at na-record ang pagbabayad ko, lintik lang ang walang ganti, ang naisip ko ay ilang beses na kaya niyang ginawa iyon? iyong magpapanggap na hindi pa nagbabayad ang kustomer para mag-abot uli sa kanya ng pera?

wala, walang CCTV! sabi ni ate, kahit pumasok ka pa, halika, halika rito, tingnan mo. tapos may binuksan siyang drawer na gawa sa kahoy. iyon yata ang kaha. walang one hundred dito, sabi niya.

walang one hundred d'yan? aba, sa isip-isip ko, baka mapasubo ka sa akin, ate.

e, sori, mapagpatol ako, pumasok nga ako sa loob ng angel's burger. isa pa, last one hundred ko na iyon, e, kaya kailangan talagang mahanap ko ito.

pagpasok ko ay may dumating na mga babae, umoorder ng burger. isinalang ni ate ang mga order nila at habang hawak ang tong sa isang kamay, hinatak ng kabilang kamay niya ang malaking plastic na drum na ginawang basurahan. iniangat niya ang mga basura doon at isinaboy sa sahig. wala rito. o kahit tingnan mo sa basurahan! ano ba 'yan? hindi ko sisirain ang sarili ko sa isandaan. wala akong imik, nakatingin ako sa basurahan sa sahig. tapos tumapat ako sa bunganga ng basurahan. bigla niyang niyakap ang basurahan. kahit itaktak ko pa ito, wala! sabi niya. bigla niyang binuhat ang basurahan. sabi ko, 'wag na. hindi ko naman sinasabing kinuha mo. pero tuloy-tuloy niyang itinaob ang basurahan. sumabog ang basura sa gitna ng angel's burger. o, ayan, tingnan mong maigi, sabi niya, sabay dampot sa mga plastic-plastic na nagkalat. sabi ko, 'wag na. ako na, nagluluto ka. napatingin na ako sa dalawang babaeng nag-order kanina. pero astig si ate, panay pa rin ang halukay sa mga basura. sabi niya, okey lang iyan, madali naman ang maghugas ng kamay.

lumayo na ako sa basura. binalikan ko ang spot na kinatatayuan niya kanina, katapat ng plastic na drawer. sa baba nito ay may isang tabo ng tansan, wala pa rin ang one hundred. iniangat ko ito, wala. tiningnan ko ang gilid ng lutuan, wala. nagpatuloy sa pagluluto si ate. nasa likod namin ang mga basura. napatingin ako sa calculator. napatingin ako sa lalaking kustomer.

saan napunta ang one hundred ko?!

habang nagluluto si ate, sabi niya, tingnan mo pa sa ref. lumapit naman ako at binuksan ang pinto ng ref. puro karne. mukhang matitigas na karne. hindi ko na ito hinawakan o pinakialaman. sabi ni ate, para isandaan lang, sisirain ko ang trabaho ko? sige, tingin pa. tingnan mo na lahat.

huwaw. ang yabang pa. nakakapikon. lumapit ako sa drawer na gawa sa kahoy, malapit ito sa pader ng angel's burger. hindi ko napansin na lumapit siya doon kanina, pagkabayad ko ng one hundred ko. pero naalala kong ang claim niya ay walang one hundred doon. kaya binuksan ko ang kaha. magulo ang pera, sabog-sabog ang mga perang papel. sa ibabaw ng lahat, isang one hundred ang parang kare-recover lang sa pagkakatupi sa kanya. call it lukso ng datung, dama kong iyon ang pera ko. sabi ko, sabi mo, wala kang one hundred dito?

sabi niya, hindi ako nagpunta diyan kanina, ano? ayan, bag ko 'yan, sabay turo niya sa isang backpack na nakapatong sa mga plastic na upuan sa tabi ng kaha. kahit tingnan mo pa.

siyempre, hindi ko na binulatlat iyon dahil mapapansin ko naman nang bongga kung inilagay niya doon ang one hundred ko o ang pera ng iba. Sabi ko na lang kay Ate, nagbayad na po ako.

pero ang nasa isip ko, putik, ang laki ko na, naloloko pa ako ng mga ganitong tao?!

sabi niya, wala pa talaga. wala ka pang inaabot sa akin.

hindi ko na po mabibili ang burger kasi wala na akong pambayad. huling pera ko na iyon, sabi ko.

ano ba yan, singhal niya, tapos, ibinigay na niya ang mga order ng dalawang babae. tas, bumaling sa akin si ate, abono pa ako, ganon? inis na inis siya sa akin. pero paano siyang mag-aabono samantalang nasa kanya na nga ang one hundred ko?

pagkalabas ko, sabi ko na lang, hindi ko na po makukuha ang mga burger. huling pera ko na iyon, e. wala na po akong maiaabot sa inyo.

gimbal si ateng. hindi siguro ginagawa sa kanya ito ever. iyong mga taong nakukupitan niya, naglalabas na lang ng iba pang pera para bayaran ang inorder na mga produkto. ako, hindi. sa isip-isip ko, kung ibebenta mo pa ang mga burger na ito, wapakels na ako riyan. pero hindi buong P100 ang makukuha mo sa akin, langya kang babae ka, dahil kung hindi mo maibebenta ang mga burger, kung magpasya kang iuwi na lang ang mga ito, kailangan mo pa rin silang bayaran sa kaha! bawas na iyon sa P100.

ang ending? umalis na ako nang hindi naglalabas uli ng pera. iniwan ko ang mga burger sa kanya.

sa isip-isip ko, amputik, naisahan ako, one hundred pesos! ang exciting talaga ng bawat araw dito sa metropolis, hahaha!

pagsulyap ko kay ate, dinadampot na niya ang mga basura sa sahig. ayan, mala-confetti kasi ang ginawa mong pagsaboy, sa isip-isip ko. pero wala pa rin akong imik dito.

nang talikuran ko na ang buong eksena, tanging banta ng puso ko, o, iyo na ang one hundred, isusumbong na lang kita. Magkarekord ka lang, ok na ako.

kaya wag siyang magkakamaling ulitin itong istayl niya, putcha, dahil siguradong bibingo siya sa records ng sarili niyang opisina.



No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...