Thursday, October 15, 2015

Venue Hunting para sa Binyag ni Dagat

Venue hunting na naman ako para sa binyag ni Dagat at sa birthday ko sa December. Dahil mas star ang binyag ni Dagat sa event na ito, kailangan ay lutang ang theme na tubig o karagatan sa magiging salusalo namin. Kaya naisip kong sa Manila ito ulit gawin, para malapit sa dagat.

Siyempre pa, gusto ko sanang mabinyagan siya sa simbahan na kinalakhan ko, ang Ermita Catholic Church. Diyan ako kinumpilan noong 1995. (Kaya nga lang ay naiwala ng simbahan ang papeles ko. Haha, kaya kinailangan kong magpakumpil uli noong 2013 -sa Quiapo- para maikasal kami ni Poy.)
Anyway, maraming-marami akong tiningnan na kainan at venue sa kahabaan ng Manila Bay.

1. Binalikan ko siyempre ang Manila Yacht Club, at nagkita uli kami ni Sir Tony Antupina. 30k ang minimum consummable amount ng room nila (Diamond Room) na gusto ko sanang pagdausan ng reception ng binyag. Good for 50-60 pax na iyong room. Not bad, di ba? Kaso mo, medyo namamahalan ako sa pagkain (example: pancit canton/bihon P240, yang chow- P240, MYC Clubhouse sandwich -P285, chopsuey with crispy noodles-P225, isang baso ng iced tea-P60). Medyo konti ang mabibili kong pagkain sa presyo nila. Ang gusto ko lang dito, very reliable ang serbisyo. Once na nagpa-reserve ka, tuloy-tuloy na, wala nang cancel-cancel. At napakaganda rin ng service, talagang maalaga si Sir Tony. Hindi rin ito crowded dahil kakaunti lang ang nakakaalam na bukas ito sa publiko. Maganda rin ang Diamond Room, disente at sobrang presentable. At siyempre, pang-display photo ang view ng paglubog ng araw dito.

2. Dumaan ako sa Max’s Malate. Nakupo, anliit ng function rooms kahit dalawa na ito na magkadikit at pag-iisahin para sa aming event. Ang mahal din ng pagkain, nasa P596.00 per head. Pero in fairness, andami namang pagkain sa package na iyon. Plated nga lang, hindi buffet. Saka hindi rin kita ang paglubog ng araw at ang dagat mula sa function room kaya definitely, hindi ko ito ikokonsidera.

3. May nadaanan akong row ng mga kainan/inuman, iyong una kong nilapitan ay MJ’s Bar and Cafe. Sarado ito dahil sa isang private function. Isang lalaking tagaroon ang nag-entertain sa akin. Si Carlo Aguillon. Siya pala ang marketing associate ng MJ’s Bar and Cafe. Sa labas ng kainan, may pinalaking menu, as in lifesize kaya nakita ko na abot-kaya ang pagkain nila, nasa P100-200 per dish. Ang kaso, parang hindi masyadong pormal ang set up ng kanilang restawran. Iyong kulay ng mga upuan at dingding sa loob: red, yellow green, black. Hindi papasa ito sa magulang ni Poy. Sabi ni Carlo, meron pa raw silang venue sa taas at tiyak daw na magugustuhan namin iyon. Pero hindi ako ipinasyal ni Carlo sa itaas. Dinala niya ako sa ....

4. Aquasphere! Ang tagal ko nang hinahanap ito. Sa internet ko lang din ito nakita, at balita ko, 8k ang bayad para sa 12 hrs na upa. Tapos ang gaganda ng photos sa internet. Pero nang makita ko na ito sa personal, nadismaya ako. Nakaangat sa lupa ang kalahati ng taas ng swimming pool. Hahaha, saka hindi masyadong malaki ang pool, parang kasinglapad at kasinghaba lang ito ng isang lipat-bahay truck. Medyo nadiliman din ako sa lugar, kahit pa binuksan ni Carlo ang mga ilaw. Meron ding isang kuwartong airconditioned. Kasama na raw iyon sa uupahan namin kung sakali. Malaki ito, at walang laman sa gitna. Sa gilid, nakasandal ang apat na lazy boy, isang mahabang sofa naman sa isa pang gilid. Itim ang kulay ng mga upuan na ito. Hmmm.. bakit black!?! Malapit sa pinto, napansin ko ang isang transparent na salamin, para itong bintana pero hanggang sahig ang salamin. Para saan iyon? May magsasayaw ba sa labas at manonood naman ang nasa loob? Kapag naliligo ka sa pool, puwedeng-puwede kang pagmasdan ng mga tao sa loob ng kuwarto sa pamamagitan ng salamin. Naisip ko tuloy na baka ginagamit ang venue na iyon sa mga stag party. Hahaha, nagbago tuloy ang tingin ko sa kulay ng swimming pool, iw. Sabi ni Carlo, 14k ang upa doon, 12 hrs na. Kung ang MJ’s Bar and Cafe ang kukunin ko for catering sa halagang P260/head (ito ang pinakamura, pagkain lang ito, iba pa ang 14k na bayad para sa Aquasphere, yes hindi na pala 8k ang upa rito), maipapa-book na nila ako ngayon. Dahil sobrang in demand ang lugar na ito lalo na pag Disyembre, isang linggo lang ang palugit na nahingi ko sa kanya para makapagkumpirma. Pero, waley na, hindi na ako mesmerized sa lugar. In fact, natakot aketch, lalo't para sa mga magsi-swimming.

5. Pagkatapos naming mag-usap ni Carlo, naglakad pa ako nang kaunti. Tapos may nasalubong akong baptismal reception tarpaulin, nakabitin, pag-angat ko pa ng tingin, isang waiter ang nagdidilig ng halaman sa second floor ng isang redesigned container van. Sabi niya, pasok po, Mam. Akyat po. At sumunod naman ako. So... nakarating ako sa Martinilly’s Coffee Shop. Ang ganda ng loob. Cute, actually. Pang-mommy and baby daughter ang dating at ang kulay ng interiors. Maaliwalas, maliwanag ang ilaw. Ang problema, maliit ang mismong coffee shop. At ang pagkain, pangmeryenda type lang. Sabi ng chef at ng isa pang waiter, kasya raw ang 40 doon, binilang ko ang mga upuan, less than 40. Hay. Sayang. Pero ang maganda roon, salamin ang harapan kaya kitang-kita ang sunset. Parang mas maganda doon na mag-date at hindi mag-reception ng binyag. It turned out, caterer din pala sila. Meals start at around P300+. Meron daw silang inirerekomendang venue: La Terraza. May itinuro sila sa lugar kung saan ako nagmula (sa bandang Aquasphere). Baka marami pang events venue sa area na iyon, sayang hindi ko na-explore. Anyway, natuwa ako rito kasi sobrang matulungin ang staff at sila ang pinakaunang nag-text sa akin tungkol sa query ko. Professional indeed. More power to this shop.

6. Naglakad pa ako hanggang makarating ako sa Padre Faura. OMG. Mahabang lakad talaga, I know. Pero magaan ang pakiramdam ko that night, kaya kering-keri lang ang pinapaltos kong mga pa. Dumaan ako sa Miramar Hotel, ikinonsider ko rin ito noon, para sa kasal namin. Art deco kasi ang interiors pati siyempre ang labas. Ang problema ko rito, maliit din ang restaurant nila. Nang magtanong ako sa loob, sinabihan ako ng waitress na maghintay ng manager sa lobby. I waited for about 15 minutes. Nang dumating ang manager, may dala itong ready made na quotation, nasa P700+ per head. Kumusta naman, vaket ang mahal, sa isip-isip ko. Nag-thank you na lang ako at ni-note ko ang bagong gising look ni manager, saka ako mabining lumisan.

7. Napadpad din ako sa Luneta Hotel. Na sobrang ganda, exterior, interior, perfect. Kumikinang. Samantalang noong bata ako, yero-yero lang ang nakikita ko dahil binakuran ito at hindi ka masyadong makakalapit sa mismong building kasi any moment, baka may bumagsak. Condemned ang peg. Pero ngayon, huwaaa, ang ganda talaga. ang kintab din ng sahig. Meron silang restaurant na malapit sa hotel lobby. Ang problema, kalat-kalat ang mesa't upuan ng restaurant. So hindi magkakakitaan ang mga bisita. Meron daw function hall sa itaas pero sarado raw, not for viewing as of the moment, sabi ng napaka-cute at napakatangkad na lalaki sa front desk. Binigyan lang niya ako ng calling card. Saka siya sumenyas sa akin ng call me, call me. Charing lang.

8. Naglakad pa ako at tumawid sa UN, tapos sa Roxas Boulevard, nakarating ako sa Harbour View. Nakita ko na ito noon, noong naghahanap ako ng venue para sa surprise bday para kay poy, pero pumasok pa rin ako sa loob nito. surprise! Walang bago, hahaha. Naka jut out pa rin sa dagat ang kahabaan ng restaurant. Napakaraming tao sa loob nito, grupo-grupo. Christmasy ang feel dahil sa christmas lights sa kisame. I like it. ang problema ko rito, mahal. Around 7k per table, good for 10pax. Sad. Pagdating ko sa parking lot, napansin ko na may breakwater sa gilid at marami ang nagde-date. Good thing, hindi siya madilim at may mga nagbabantay sa entrada ng compound ng Harbour View kaya siguro safe na rin para sa mga lab burds dito. Parang masarap tumambay dito minsan. May nakasalubong akong isang group ng FEU students (hello, uniform), tatambay ang mga ‘to panigurado. Yay, nakakainggit. Alala ko tuloy tambay days namin nina Eris nung high school. High school talaga. Noong college kasi, inuman na ang tambayan namin, putcha, hahaha. Noong high school, mga ganito ang tambayan namin, iyong mga lugar na nakakapagkuwentuhan kayo, asaran. Parang tubig sa breakwater. Ambabaw lang namin noon, hahaha.

9. Paglabas ko ng compound ng Harbour view, kumaliwa ako at tumambad sa akin ang Manila Ocean Park at Hotel H20. I decided to check the Liquid Buffet eklavu na nakita ko sa internet. P250/head lang daw dito. Kaso mo, walang katao-tao kaya wala akong mapagtanungan. Nakarating ako hanggang sa pinakaloob, para palang mall sa loob itong Manila Ocean Park. Kahit pala hindi ka papasok ng MOP, puwede kang kumain sa mga resto dito. May Wendy’s, North Park at isang coffee shop, New York something yata ang pangalan. Sa ground floor, may nakita akong tarpaulin, ang sabi: weekend lunch buffet P350/head, kakahanap ko ng restaurant na malapit, napa-elevator ako at napadpad sa.... Makan-makan Village. May mangilan-ngilang customer. Agad akong in-assist ng isang matangkad at payat na babaeng naka-brace. Nagtanong ako kung sa kanila ang resto na nagpapa-Weekend Lunch Buffet. Oo raw, pero hindi raw doon ang venue ng buffet. Nasa baba raw ito. at wala na raw ang taong naka-assign doon. Binigyan na lang niya ako ng parang flyer (parang lang kasi malaki ito at matigas. Kumbaga first class na flyer) at ang mga package nila ay nag-uumpisa sa ... P888/head. Huwaaaat? Binasa ko uli. Pang-debut at wedding pala ang package na iyon. Nakalma naman ako, kasi hindi naman magde-debut si dagat at matagal-tagal pa ang kasal kung sakaling ikakasal nga siya. ibinigay ko ang contact details ko sa magiliw na receptionist. Ibibigay daw niya iyon sa tamang tao. Sayang yung P350/head na buffet. Sana puwede kami doon, 70-80 pax at sana rin, kita ang dagat sa venue. Let’s wait and see.

10. Nakakita ako ng ibang exit sa loob ng Makan-makan. Doon na ako nag-exit. At nakarating ako sa White moon bar. Ang dilim-dilim na bar, aba marami din ang customer that night, ha? Hindi ko nabilang pero marami-raming gumagalaw sa dilim, hahaha. Walang bubong sa lugar na iyon, mga sofa ang upuan. At ang entertainment ay walang iba kundi... ang napakagandang view ng CCP, Manila Yacht Club at MOA area. Haaay, i fell in love. Puwede ba sa binyag ito? pagagabihin namin ang mga bisita? Hahaha, baka mabatukan ako ni Mama Nerie nito. Anyway, nag-inquire pa rin ako. Around P340 ang boodle fight meal. Around P250 ang isang simpleng meal. Puwede. Cheap, cheap, cheap, cheap. Hindi naman super cheap pero kung ikukumpara sa mga package na iniaalok sa akin, cheap na nga ito, di ba? Tas ang ganda pa ng view. Hindi na kailangang i-entertain ang mga bisita. Ang problema e ang panahon. Kako sa lalaking nag-entertain sa akin, paano po pag umulan? Iyon lang ang talo nyo rito, mam. Hindi na po kayo puwedeng mag-cancel kasi nabili na namin ang ingredients by that time. Doon po tayo sa hallway, pag umulan. Sasandal daw kami sa salamin ng makan-makan. Nge, hassle. Dadaan-daanan naman kami do’n. Hay. Sayang. Pero ibinigay ko pa rin ang aking contact number at email. Hiningi ko rin ang sa kanila. Sabi pa ng lalaki, marami na raw ang nagpakasal doon. Pinasara ang buong white moon. Bongga. Malaki ang place, pero palagay ko, hindi namin maookupa ang lahat ng iyon. So keri lang naman na nasa isang tabi lang kami ng White Moon kung sakali. After one day, i got a quotation from them, shet nasa P700 + per head. Hahaha. Pero puwede pa rin naman daw mag-ala carte, so no worries, actually.

11. Lumabas na ako sa pinakamalapit na exit mula sa White Moon, nag-elevator muli at nagtanong sa guard sa may entrance ng MOP (biglang nagka-guard, in fairness) kung nasaan ang Liquid buffet. Surprise! Nadaanan ko na pala iyong entrance noon kanina. Ang entry ay natatabingan ng mga railing. May pababang hagdan. Dahil wala ngang ibang tao doon, iniusog ko ang railing at bumaba ako. May nakita akong malaking aquarium sa sahig. Tapos, mga pool na weird ang mga hugis. meron ding parang fountain sa kanan. May mga lalaki na nagkukumpulan sa isang mababang aquarium. Lumapit sa akin ang isa, kalbo, sabi niya, ano po iyon? Sabi ko, hinahanap ko po ang liquid buffet. Sabi niya, ito po iyon, sabay turo sa mga upuan na lampas ng fountain. Paglingon ko, huwaaa, andaming upuan at mesa. Mahigit 100 siguro. Hindi aircon ang lugar, at iyong fountain ay bahagi pala ng pool ng hotel. doon daw nagsi swimming ang mga batang guest ng Hotel H20. Huwat? E, parang pinalaking kubeta lang iyon dahil sa design ng tiles hahaha tapos me fountain lang sa gitna. Paglapit ko sa Liquid, para akong pumasok sa isang kuweba. Sa presyo, okey. Pero sa ambience, bagsak ito, pang-bar ang aura, e. madilim at delikado pa ang pagbaba sa area na iyon, iyon ngang tinahak kong hagdan, basa-basa pa. Siguro sa araw, mas ok siya tingnan. pero di ko talaga type kasi parang masikip na ang lugar kapag nagkatao na roon. Sabi ng lalaki, lagi raw puno ang Liquid dahil sa buffet. Nakapila pa raw ang mga susunod na customer. Siyempre, ang mura, e. Sabi ni Kuyang helpful, kontakin ko na lang ang Liquid sa internet. Sabi ko, ok po, kasi nakita ko na ang FB page nito. bago ako umalis napansin kong ang laman pala ng mababang mga aquarium ay.... rays! Manta raw, eagle ray, rey langit, reymart santiago. basta, mga ray. bigla akong napaisip. Kakaibang experience nga naman kapag dito kami nagpabinyag, makakakita sila ng iba’t ibang ray. For free. Hmm... pero saglit lang iyong tingin nila at kita. Mas matagal iyong kain. So... bagsak ito sa akin.

As of today, ang Weekend Lunch Buffet ang aming napipisil. Dahil grabe mag-follow up si Aezell Asuncion, ang taong naka-assign dito. Joke lang yan. hehe ang totoo, dahil mura rito at madaling kausap si Aezell. Nagustuhan din ni Poy ang White Moon dahil nang i-Google niya ito, ang gaganda ng pictures ng sunset mula sa view rito. Sa Sunday,balik MOP ako para i-check ang venue at ang pagkain sa buffet. Baka kasi chaka pala ang lasa ng pagkain. Siyempre, importante pa rin ang pagkain kesa sa anupamang kaartehan, hehehe.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...