Sunday, September 27, 2015

Isang Rebyu para sa Heneral Luna

Gandang-ganda ako sa pelikulang Heneral Luna ng direktor na si Jerrold Tarog. Ang pelikula ay handog ng Artikulo Uno Production ngayong 2015. Tungkol ito sa buhay ni Heneral Antonio Luna, ang pinakamahusay na heneral ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Inilahad dito ang background ni Luna, hindi lang pala siya mahusay na taong militar, siya rin ay isang mahusay na manunulat at musikero. Ang pamilyang pinagmulan niya ay kabilang sa alta sosyedad noon kaya't naipadala sila ni Juan Luna sa Europe para mag-aral. Karamihan sa kanyang mga kapatid ay nasa larangan ng sining. Inilahad din sa pelikula ang mga pangarap ni Luna para sa bayan, alam niyang traydor ang America, alam niyang pananakop ang puntirya nito sa atin at hindi talaga pakikipagkaibigan. Naniniwala siyang makakaalpas tayo sa daklot ng bagong mananakop sa pamamagitan ng armadong pakikipaglaban. Pero pasumpong-sumpong ang mga labanan, kakaunti ang armas, kakaunti na lang ang sundalo natin dahil katatapos lang nating gerahin ang mga Espanyol. Higit sa lahat, kakaunti ang suporta ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo sa mga hakbang at batas na ipinapatupad ni Luna. Bukod dito, may mga kalaban din sa politika si Luna, sabi sa pelikula, isa ito sa naging sanhi ng kanyang brutal na kamatayan.

Narito ang aking mga papuri at puna sa pelikula:

Pros:
1. As usual, napakahusay ng acting, lalo na ng lead actor na si John Arcilla. Noong umpisa ay natatabaan ako kay John. Hindi ako makapaniwalang ganon ka-chubby si Heneral Luna nang panahon ng digma. Pero nakita ko ang isang aktuwal na picture ni Luna sa libro tungkol sa kanya na ini-release ng Anvil kasabay ng pelikula. Heyheyhey, chubby nga si Heneral!

Muli, sa acting, nadadarang ako sa tuwing makikipagtalo si John/Luna sa pulong ng gabinete. Tama ang timpla ng kanyang ngalit, hindi OA ang bitiw ng mga salita kahit nanggagalaiti na siya kina Felipe Buencamino, Pedro Paterno at sa mga kumakampi rito. Gusto ko rin ang versatility ng kanyang acting, mula sa seryoso, galit na mode hanggang sa nagmamalasakit, komikal at karinyosong mode, perfect na perfect.

Si Nonie Buencamino ang gumanap bilang Buencamino at talaga namang nakakaasar siya, ang sarap sampalin, kung makakatagos lang ang kamay ko sa screen. Si Mon Confiado rin ay napakahusay bilang Emilio Aguinaldo. Kumbinsido akong eengot-engot talaga siya't hindi makagawa ng desisyon nang hindi kumokonsulta kay Apolinario Mabini (si Epi Quizon ang gumanap dito) at sa iba pa niyang alipores. Dati, ang mga role ni Mon ay goon, rapist, kidnapper sa kung saan-saang pelikula. Ngayon, presidente na siya ng Pilipinas. Tanong lang sa nag-cast, talaga bang sinadya ito para alam agad ng manonood na si Aguinaldo ang kontrabida sa pelikulang Heneral Luna?

Nagustuhan ko rin ang acting ni Mylene Dizon bilang Isabel. Si Isabel ang love interest ng heneral pero siya ay fictional character ayon kay Ria Limjap, ang marketing coordinator ng pelikula. Naka-attend kasi ako ng advance screening at talk ng Heneral Luna sa Philippine Literary Festival na ginanap sa Raffles Hotel Makati noong Agosto. May nagtanong kay Ria tungkol sa katauhan ni Isabel. Sabi ni Ria, si Isabel ay pinagsama-samang babae na naging kasintahan ni Luna. (Oo, namatay nang single si Luna! Walang asawa't walang anak!) Dahil alta nga ang pamilyang pinagmulan ni Luna, ang kanyang mga naging kasintahan ay mula rin sa mga maykaya at makapangyarihang pamilya. Ang bahagi naman ng pagkatao ni Isabel na nagsasabing miyembro ito ng Cruz Roja o Red Cross ay inspired naman ng totoong bayani ng Pampanga, si Nicolasa Dayrit-Pamintuan. Bayani siya dahil napatagal niya ang negosasyon nina Heneral Luna at Heneral Maskardo, dahil dito ay na-delay ang kanilang engkuwentro. Imagine kung natuloy iyon? Pilipino versus Pilipino sa panahon na sinasakop tayo ng mga Amerikano. (Pero paunawa: hindi naging girlfriend ni Luna si Nicolasa, ha? Hahaha!)

Gusto ko rin ang acting ni Arron Villaflor bilang Joven, isa ring fictional character. Isa siyang batang journalist na gustong magtatag ng bagong diyaryo at iniinterbyu si Heneral Luna the whole time. Alegorya ito dahil ang Joven sa Espanyol ay kabataan. Kung ibang pa-cute na actor ang isinali sa cast, baka naging masyado itong conscious sa itsura niya. Si Arron, smooth ang acting. Hindi siya nakakainis, hindi rin niya tinatalbugan sa eksena ang kanyang mga kasama. Nakita ko rin ang seriousness na inaasahan mula sa isang journalist na nagpupumilit makisabay sa lifestyle ng kanyang subject/interviewee.

Si Ketchup Eusebio bilang Capt. Janolino, ang unang umarya ng taga kay Heneral Luna, ay mahusay din ang akting. Nagustuhan ko ang aura niya noong comedy scene pa lang nila ni Heneral. Pero kumulimlim din ang mukha noong bigla siyang nagpakita at lumapit kay Heneral Luna para hiwain ng bolo ang mukha nito. Ang intense ng acting, ng mukha ni Ketchup, ng aura. Napakadilim!

Mahuhusay din sina Joem Bascon bilang Capt. Paco Roman at Archie Almeda bilang Capt. Rusca. Si Joem, matagal ko nang paborito iyan. Consistent ang acting, napanood ko na siya sa Binhi, kapares si Mercedes Cabral, at sa iba pang pelikula. Dito sa Heneral Luna, walang masyadong importanteng linya siyang binitawan, sayang. Siguro ay gusto lang ng direktor na mapokus sa heneral ang kuwento. Walang masyadong mahugot sa acting ni Joem dito bilang Capt. Roman.

2. Ang ganda ng cinematography kasi very cinematic ang karamihan sa mga eksena. Gusto ko iyong ginawang pagfa-flashback para ipakita kung anong klaseng pamilya ang pinagmulan ni Luna. Nag-umpisa ang flashback sa pagbubukas ng pinto ng isang bahay at ang pagpasok dito ng isang batang Luna. Hazy ang eksenang iyon at para kang pumasok sa isang well-maintained na museo na may very articulate na tour guide. Pumasok ang bata sa sala hanggang sa hapag tapos ay lumabas uli ito papunta sa nagpipintang si Luna, pag liko nila ay nasa Casa Armas na sila, isang fencing club na itinatag ni Luna para maging training ground ng mga kabataang Filipino. Ipinakita rin doon ang isang restawran na naging inspirasyon ni Juan Luna para sa painting niyang The Parisian.

Maganda rin iyong battle scenes kahit na medyo kakaunti na lang ang mga sundalong Filipino noon (tipid-tipid sa production cost!) sa field. Kung dinagdagan pa nang konti, sa panig natin at sa panig ng Amerikano, ayos na ayos na sana. Na-highlight din sa cinematography ang mga ilog, parang at bukirin sa Pilipinas (bagama't medyo may pagkakalbo na ito na palagay ko ay hindi masyadong realistiko. Siyempre, mas madahon noon ang mga lugar natin.) Napakaganda rin ng eksena ng pagpatay kay Luna. Pag napanood mo ito, hindi mo ito malilimutan kailanman. Brilliant din iyong pagkaka-frame ng huling saglit sa eksenang ito kung saan nagmukhang Spoliarium (painting ni Juan Luna na nanalo sa Spain) ang paglilipat sa bangkay nina Luna at Roman.

Hanggang dito na muna. Ipagpapatuloy ko sa susunod na pagkakataon ang pagsusulat ng rebyu na ito. Pasensiya na po. Balik po uli kayo.



Cons:




No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...