Mabuti ang Magmuni
ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita mula sa Imus, Cavite
Kulang na tayo sa pagmumuni ngayon.
Nang maimbento ang salitang disposable, wala na tayong pangingimi sa pagbili at pagtapon ng mga bagay-bagay pagkatapos ng isang beses na paggamit. Hindi na natin pinag-iisipan kung kailangan ba nating talaga ang disposable na kutsara, tinidor, plato, baso, lalagyan, diaper at iba pa. Hindi na natin pinag-iisipan kung ito lang ba ang puwedeng gamitin. Hindi na tayo humihinto para mag-isip kung may alternatibo ba para sa disposables. Imbes na ito, ano pa ang puwedeng gamitin? Hindi na rin natin pinag-iisipan kung saan napupunta ang mga disposable pagkatapos nating ihagis sa basurahan ang mga ito. Basta bili lang nang bili, gamit nang gamit, tapon nang tapon. Tuloy, pataas nang pataas ang bundok ng basura. Pasikip nang pasikip ang mundo.
Nang maimbento ang salitang unlitext, wala na tayong pangingimi sa pagte-text. Libre na kasi, wala nang katumbas na piso ang bawat pagpapadala ng mensahe at pagre-reply natin sa mga ito. Kaya kahit walang malaking dahilan, magte-text tayo, kung kani-kanino. Kahit hindi makabuluhan ay ipapadala natin ang mga text natin. Kahit hahaha lang, LOL (laugh out loud) at smiley, ipapadala pa rin natin sa ating mga ka-text, paulit-ulit pa nga ang pagpapadala. Hindi na natin pinag-iisipan nang maigi kung ano ang mensahe natin. Unlitext nga kasi, kahit ilan, puwede, therefore, kahit ano ang sabihin, puwede.
Nang maimbento ang salitang digicam, wala na tayong pangingimi sa pagkuha ng retrato, lalo na ng ating mga sarili. Kahit nasaan tayo, kahit anong kinakain natin, kahit mukha lang natin ang tampok sa retrato, kuha lang nang kuha. Kasi, hindi naman na kailangang gastusan at ipa-develop ang mga retrato ngayon. Kita mo agad ang imahen sa isang klik lang. Kaya wala rin tayong habas sa pagklik. Hindi na ito pinag-iisipan. Hindi na pinag-iisipan kung ano ang halaga o kabuluhan ng pagtatampok sa mga bagay-bagay. Hindi rin natin pinagmumunihan ang tunay na silbi ng digicam at ng lente nito. Kaya hindi natin nama-maximize ang kapangyarihan nitong magtampok at magdokumento ng isang hiwa ng lipunan at yugto ng panahon.
Dahil sa mga ganitong salita at sa mga kaugnay nilang konsepto at bagay, nababawasan ang iilan na nga lang na pagkakataon nating mag-isip at magmuni-muni. Ano ang implikasyon nito? Mapanganib ba ito?
Oo.
Dahil ang totoong pag-unlad ay nagaganap lang sa taong may kakayahang mag-isip nang malalim sa kanyang sitwasyon. Napapabuti niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagmumuni-muni, nakakapag-isip siya ng tunay at pangmatagalang solusyon sa kanyang mga problema. Mas napag-iisipan niya ang mga bagay na talagang kailangan upang mabuhay. At matutuklasan niyang ang mga ito ay hindi disposable, hindi kailangang idaan sa napakaraming text, at hindi nahuhuli ng kahit ilang klik ng digicam.
Ganitong indibidwal ang nagsisilang ng lipunang may dangal.
Kung may komento, mungkahi o tanong, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment