Tuesday, October 27, 2015
Bayan o Sarili? (Sanaysay ni Bebang Siy)
Kaninang umaga, 8:00 am, nagpasya akong uminom ng gatas, kahit na alam kong dapat ay umaalis na ako ng bahay papunta sa Greenmeadows (sa Greenmeadows ako nagtu-tutor ng Filipino). Isang oras ang palugit ko sa biyahe. Seven minutes na lakad hanggang sakayan sa K-J Street, 13 minutes pa-15th Avenue, 20 minutes pa-Greenmeadows via E. Rodriguez Sr. Avenue, at 20 minutes na lakad mula sa kanto ng Greenmeadows Jollibee hanggang sa bahay na pupuntahan ko.
Dahil mainit ang tubig na ipinanggatas ko, hinintay ko pa itong lumamig nang konti. 8:10 am na ako nakaalis ng bahay. Lakad-takbo na naman ang peg ko sa kahabaan ng kalsada namin, ang K-8th Street. Pero malayo pa lang, pansin ko nang trapik papuntang Aurora Boulevard. Shet, kako, male-late na akong tunay. Ang ginawa ko, naglakad ako nang ilang kanto, naisip kong baka mas mabilis pa kung lalakarin ko na lang ito.
Pero bigla akong nakakita ng tricycle. Alam nito ang pasikot-sikot para makarating ako sa Aurora Boulevard. cor. 15th Avenue.
Manong, magkano? tanong ko.
Bente lang, sagot niya.
‘Wag n’yo pong idaan sa trapik ha? sabi ko.
Oo, akong bahala, sagot niya. At pinaarangkada na nga niya ang tricycle.
Mga eight minutes lang, nasa Aurora Boulevard na kami. Sabi niya, ayun po ang 15th Avenue. Itinuro niya ang isang kanto mula sa kinaroroonan namin. Baba agad ako ng tricycle, bayad at tawid. Harvard Street pala iyong pinagbabaan sa akin. Paglingon ko sa direksiyon na pa- 15th Avenue ay napansin ko ang couple sa unahan ko. Naghihilahan, para silang nagta-tug of war. Mapapangiti pa sana ako, kasi ang unang pumasok sa isip ko ay naghaharutan lang ang dalawang ito.
Aba, hindi pala!
Hawak ng lalaki ang pulsuhan ng babae, nagpupumiglas ang babae. Kinakatkat niya ang kamay ng lalaki. Ang ginawa ng lalaki, sinampal niya ang babae gamit ang libre niyang kamay. Pak.
Gimbal ako. Pota. Anong nangyayari? Binilisan ko ang lakad ko palapit sa dalawa. Linga-linga ako, saan ba may pulis? Aba parang taxi, kung kailan mo kailangan ay saka sila wala.
Iyong babae, nagtakip ng mukha gamit ang libre niyang kamay. Gumagawa siya ng sampal shield. Niyugyog ng lalaki ang pulsuhan ng babae. Halatang galit ang boses ng lalaki, hindi ko lang maintindihan ang sinasabi nito. Putcha, dapat may umawat dito. Pulis, pulis. Linga-linga uli ako. Wala talaga. Binilisan ko pa ang lakad ko papunta sa nagsasampalan.
E, binilisan din ng dalawa ang lakad nila! Kaya by the time na nasa kanto na kami ng 15th Avenue at Aurora, nakaisang sampal pa ang lalaki. Ang gulo na ng buhok ng babae. Bawat taong madaanan nila, nililingon sila, pero walang ginagawa. As in tingin lang talaga ang ginagawa ng mga ito. Ako naman, binibilisan ko pa rin ang lakad ko, pati paglinga-linga ko. WALANG PULIS, OH MY GOD. Pero iniisip ko rin kung makakasakay ba ako ng dyip pa-Greenmeadows sa area na iyon. Punuan na kasi ang dyip pagdating sa kantong ito. Kaya, nanghihina ako habang bumibilis ang paa ko dahil alam kong mas maliit ang tsansa kong makaabot nang tamang oras sa Greenmeadows.
Tumawid ang dalawa sa kabilang panig ng 15th Avenue. May hardware store doon, at sari-sari store. Nanampal na naman iyong lalaki. Shet. Shet. Pota. Isang tumpok ng lalaki ang dinaanan ng couple sa may tapat ng Angel's Burger. Ang ginawa ng mga ito, sumunod lang ng tingin. Huwaw, useful creatures. Tumawid na rin ako. Puro bus kasi sa may bandang bakery ng 15th Avenue. Nakailang sampal na ang lalaki, tangina, nagpa-panic na ako. Dumaan kami sa condo kung saan nag-oopis ang FILCOLS. Naiisip kong kumaliwa doon at baka makahingi ako ng tulong sa guard ng condo doon, saka kina Kuya Ricol at Ran. Kaso baka naman biglang mawala iyong dalawang sinusundan ko.
Noong malapit na ako sa dalawang nakatalikod, bigla silang lumiko sa nakabukas na pinto ng isang junk shop. Liko rin ako. Pagbaling ko, nakita kong nakahandusay ang babae, sapo niya ang tiyan niya. Naka-duster siyang dark brown, gulo-gulo ang buhok, at stressed na stressed ang itsura: kunot ang noo, tinatakasan ng kulay ang mga mata. Sa bandang ulunan niya ay may isang matabang lalaki na may edad na. Nasa singkuwenta anyos siguro. Kalbo at malaki ang tiyan sa kanyang pagkakaupo. May kausap siya sa cellphone. Nasa kaliwa ko si Mr. Sampalista. Hindi pala siya katangkaran, halos ka-height ko lang, at mukhang early 20's. May hitsura.
Sabi ko kay Mr. Sampalista, hoy, tumigil ka na. Kanina ka pa, a! Bawal yang ginagawa mo.
Sabi ni Mr. Sampalista, sino ka ba? Anong pakialam mo?
Nguyngoy lang ang babae. Nakaupo pa rin sa sahig.
Sagot ko, bawal 'yang ginagawa mo. Ibig sabihin, labag sa batas! Pipiktyuran kita!
Binuksan ko ang bag ko at hinanap ang camera sa loob nito.
Sabi ng lalaki, ito kasi, e, sabay turo sa babae, sinusundan ako!
Shet. Natigilan ako. Baka magnanakaw iyong babae. Baka dinudukutan niya ang lalaki o hinahablutan ng cellphone.
Sabi ko na lang, e di... maghanap kayo ng presinto. Doon kayo mag-usap.
Nakita ko na ang camera sa aking bag, nakalabas pala ang baterya nito, ampoga. So in-assemble ko pa sa harap ng dalawa ang camera para mai-on ko ang tangi kong armas.
Biglang bumangon ang babae, ate, ‘wag po, ‘wag n’yo po siyang piktyuran. Kasalanan ko po kung ba’t niya ako sinasaktan. ‘Wag po, maawa po kayo.
Hindi umimik ang lalaki. Humihingal siya, siguro'y sa sobrang inis. Mapula ang eyebags niya, halatang inis at pagod na. Nakatingin lang sa amin ang matabang matandang lalaki.
Sabi ko, Manong, tumawag nga po kayo ng pulis.
Tumango si Manong. Hindi tinatanggal ang cellphone sa tenga niya.
Nag-hysterical ang babae. Ate, Kuya, ‘wag po! ‘Wag po. Ako po ang kawawa pag ginawa n’yo ‘yan. Iiwan po n’ya ako!
Huwat? Ano ‘to, sa isip-isip ko. Iiwan? Tagasaan ba sila? Wala ba siyang pamasahe pauwi?
Nanatiling walang imik si Mr. Sampalista. Ta’s lumabas ito ng junk shop. Tumingin pa muna sa akin at sa camera, bago naglakad palayo.
Lumabas din ako. Sumunod ang babae, hawak niya ang laylayan ng bestida niya. Umiiyak pa rin siya. Ate, ‘wag, ate. Uhuhu.
Lumabas din ang matandang lalaki, na palagay ko ay may-ari ng junkshop. Tatlo kami, sinundan namin ng tingin si Mr. Sampalista.
Anong oras na, sa isip-isip ko. Putcha, late na ako. Pero parang weird na basta ko na lang iiwan ang babae doon.
Asawa mo 'yon? tanong ni Sir MJO (mukhang junkshop owner).
Hindi po. Hindi kami kasal, live in po. Pero baka kasi iwan niya ako. Magsusumbong na ‘yon sa pamilya niya.
Anong isusumbong niya? tanong ko. Umaarangkada na naman ang numero unong tsismosa sa buong barangay ng Kamias: ako! Hahaha!
Kasi po kanina, gusto ko sanang paliguan niya ang anak ko, may anak po ako sa pagkadalaga. ‘Yon po ang isusumbong niya sa pamilya niya.
Ilang taon na, tanong ko. Mga 8:25 a.m. na ito. Wala, late na ako. Habang nakatayo ako sa harap ni ate, pasimple akong tumitingin sa mga dyip, punuan talaga. So... pagbigyan na lang ang tsismosa kong esophagus.
Apat po. Anak ko ‘yon sa pagkadalaga (yes, inulit talaga ni Ate ito). Sinabi niya sa pamilya niya na pamangkin ko lang ang anak ko. Kaya, di po nila alam na may anak ako. Kanina, inutusan kong paliguan niya ‘yong anak ko. Sabi niya, mamaya na. E, pinilit ko siya, kasi may bukol iyong anak ko, kailangan pong makaligo na iyon.
Tapos ganyan na? Sinasaktan ka na? tanong ni Sir MJO.
Kasi po ang kulit ko. Sinundan ko pa po siya sa labas.
E, kahit na. Hindi ka n’ya dapat sinasaktan. Para ‘yon lang, e, sabat ko.
Nagalit po talaga siya. Iiwan na po n’ya ako. Huhuuhu.
Ngawa na naman si Ate.
Hayaan mo na, mabuti nga, hiwalayan mo na ‘yan. Gusto mo ba ‘yan, sinasaktan ka? sabi ni Sir MJO.
Wow, ang galing magsalita ni Sir MJO. Salute.
Buntis po kasi ako. Huhuhu.
Sabi ng neurons ko: fuuuuuck. Buntis pa pala.
Sabi ng bibig ko, e di lalo mong dapat hiwalayan ‘yan! Kung di ka buntis, baka sobra pa ginawa niyan sa 'yo.
Hindi, kasalanan ko naman po kasi.
I was like... hello, girl, bagong milenyo na, dalawa na ang babaeng presidente ng Pilipinas. May tumatakbo pa ngayong 2016, si Grace Poe, malamang manalo rin. Bakit hinahayaan mo pa ring maapi-api ka ng taong dapat nga e mag-aalaga at magpoprotekta sa iyo? Iba na ang panahon para sa ating mga babae, 'te. Anube.
Pero hindi iyan ang lumabas sa bibig ko, siyempre. The ever tsismosa in me asked, anong pangalan mo?
April po.
Anong apelyido mo?
Karadal (or Caradal, kasi binigkas lang naman niya, hindi ini-spell.)
Ilang taon ka na?
23.
Tagasaan ka? si Sir MJO na ito.
Taga-Samar po. Samar din po siya.
Hindi, saan kayo nakatira ngayon?
Diyan po sa may 178 po. Imation. (or aymeyshon something. ‘yan ang bigkas niya, at yes, naalala ko ang number ng bahay dahil kamukha ito ng number ng bahay naming which is 128!)
Saan papunta iyong ka-live in mo? Baka balikan ka niya rito, tanong ko.
Sa katipunan po.
Aaa, may sakayan na rito papuntang Katipunan. Di na siguro babalik dito iyon, sabi ni Sir MJO.
8:35 na. Ano na, kumusta ang tutorial career ko?! Pero ano na ang gagawin ko sa babaeng ito? Parang walang pera, nakasuksok ang kamay niya sa bulsa ng kanyang bestida. Mukha pa rin siyang nagugulumihanan. Magbibigay ba ako ng pera? Sasamahan ko ba siyang mag-report sa pulis o barangay? Patingin-tingin siya sa direksiyon na pinuntahan ng lalaki. Hahabulin pa ba niya iyon? Anak naman ng...
April, punta ka na lang sa barangay. I-report mo ang ginawa niya para magka-record siya, sabi ko na lang. Kating-kati na akong umalis.
Po? Hindi po, ayoko po.
Hmmm... ano bang magandang sabihin? Nakatanga na lang kami ni Sir MJO sa kanya. Dead air.
Hiwalayan mo na 'yan, ha? sabi ko.
Oo, ‘ne, bata ka pa, makakahanap ka pa ng magmamahal sa iyo. Kahit pangit, basta hindi nananakit, sabi ni Sir MJO.
In fairness, rhyming. Nakakatuwa talaga si Sir, hindi ko akalaing napakahusay magsalita. Ang itsura kasi ay iyong parang tumanda na sa katatambay lang sa kanto, malaki tiyan, pakamot-kamot sa bahagi ng bewang na pinagbakatan ng brip.
Oo nga, tama. Uulitin niya sa iyo 'yan pag di mo siya hiniwalayan, sulsol ko na rin.
Paglingon ko sa kalsada, naka-spot ako ng taxi na paparating. Tiningnan ko si Sir MJO. Manong, kayo na po ang bahala. Late na po kasi ako.
Pinara ko ang taxi. Bumaba ako mula sa bangketa papunta sa main road. Mabilis kong binuksan ang pinto ng taxi pag hinto nito. Sakay. At hindi na ako lumingon. Umusad nang kaunti ang taxi. Wala na kami sa tapat ng junk shop.
Sabi ng orasan sa dashboard: 8:42. Ikukuwento ko ba ito sa estudyante ko? Baka isipin niya, nasisiraan na ako ng ulo. The other week, nakakita ako at nagpapulis ng lalaking nagdyadyakol. Iyon, ikinuwento ko sa kanya at takot na takot siya para sa akin. Pero etong insidenteng ito, pag ikinuwento ko sa kanya, baka isipin niyang produkto lamang ng creative juices ang lahat at gumagawa lang ako ng excuse sa pagiging late.
Hindi lang iyan ang naisip ko habang ninanamnam ko ang aircon sa taxi (bihira lang kasi akong mag-taxi). Inisip ko rin si April. Sigurado ako, mas matitinding sampal pa ang matitikman niya mam’ya pag nagpang-abot na sila ni Mr. Sampalista sa kanilang bahay. Lalong manggagalaiti iyon kay April dahil may tumulong dito at ipinahiya pa siya (si Mr. Sampalista) ngayong umaga. Sigurado ako, pag nalaman ng pamilya ng lalaki na may anak sa pagkadalaga si April, aapihin na rin ng mga ito si April. Sigurado rin ako, pagkapanganak niya ay bubuntisin siyang muli ni Mr. Sampalista. Sigurado rin ako, by the time na maisip ni April na worthless talaga ang lalaki at karapat-dapat lang talagang iwan ito, mga pito na ang anak nila.
Ang sakit sa dibdib.
Dapat na ba akong matuwa dahil kahit paano ay nahinto ang pananampal ni Mr. Sampalista kay April dahil sa pangingialam ko? Hanggang doon na lang ba talaga ang kaya kong gawin?
E, putcha, ang hirap naman kasing tumulong nang all the way kapag weekday. Kalahati ng puso mo, gustong magdulot ng pagbabago. Ang kalahati, bumibiyahe na papunta sa trabaho.
Sabi nga ni Heneral Luna, bayan o sarili?
Kapwa o datung?
Pumili ka.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
2 comments:
Napahanga po ako sa flow ng kwento. Astig. Hihingi rin po sana ako ng help. Ok lnag po ba na magbigay po kayo ng comment at suggestion sa blog ko. hehehe salamat po. Idol ko po kayo sa It's Mens World .. This is my blog. Ang mabuting balita ko. http://benestrella.blogspot.com/ Godbless po
Gusto ko lang po maimprove ang sulat ko. salamat po.
Post a Comment