Tuesday, October 14, 2014

Isang Tag-init sa Buhay ni Ani Rosa, Draft ng isang comics script tungkol sa epekto ng climate change sa agrikultura

Grabe, sa wakas, nakasulat uli. Haaay! bonggang labor ito.

Please, wag masyadong harsh sa comments, my friends. hahaha! Will post the third story soon.

Draft #3
Comics script para sa Story #1
Manunulat: Beverly Siy- 14 Oktubre 2014, Kamias, QC

Topic: Mga Epekto ng Climate Change sa Agriculture
Title: Isang Tag-init sa Buhay ni Ani Rosa
Setting: Contemporary times, rural, bakasyon sa eskuwela
Mga Pangunahing Tauhan:

1. Ani Rosa, 14 years old, Grade 8, batang magbubukid
2. Basil, 15 years old, Grade 9, dating batang magbubukid, naaadik sa pool
3. Danao, 16 years old, 4th year high school student, dating batang magbubukid, naaadik sa girlfriend
4. Krissy, 16 years old, 4th year high school student, girlfriend ni Danao
5. Nanay at Tatay, 40s, magbubukid
6. Aldo, 40s, ninong ni Ani Rosa, lider sa training para sa magbubukid
7. Babaeng speaker na taga- Lovely Face Collection, 30s, pustoryosa, nagpapakamoderno
8. Mister Pigapiga, 40s, trader, tagabayan
9. Mga magbubukid


FRAME 1: Naglalakad sa pilapil ang mag-inang sina Ani Rosa at Aling Resie. Papunta sila sa bayan para maghulog sa utang nila sa trader na si Mr. Pigapiga. Payak lamang ang suot nilang damit, nakatsinelas lamang na karaniwan. May payong na ay may face towel pa sa ulo sina Ani Rosa at Aling Resie dahil napakatindi ng sikat ng araw. Makikita rin sa background, bitak-bitak ang lupa. Ipakita ang matinding tagtuyot sa background.
CAPTION: Unang araw ng bakasyon sa eskuwela.
ANI ROSA: ‘Nay, parang di nababawasan ang utang natin kay Mr. Pigapiga.

Lakihan ang frame na ito. Ito ang establishing shot.

FRAME 2: Sakay ng isang karag-karag na tricycle, nagpahatid sa bayan ang mag-ina. Pawis na pawis sila sa loob ng tricycle.

NANAY: Mahigit trenta mil pa. Pero ang importante, nakakapaghulog tayo. Makakautang pa tayo sakaling pangit na naman ang ani natin.

FRAME 3: Sa opisina ni Mr. Pigapiga, nakatayo si Ani Rosa sa tabi ni Nanay. Si Nanay ay nakaupo sa silyang nasa harap ng mesa ni Mr. Pigapiga.
Si Mr. Pigapiga ay may inaabot na maliit na papel kay Nanay.
Makintab, malinis at magara ang opisina. May aircon.
Marami ang katulad nina Ani sa loob ng opisina. Nakaupo sila at walang bakanteng upuan. Ang iba’y nakaupo na sa sahig. Pawang magbubukid ang mga ito, maghuhulog din ng pambayad-utang kay Mr. Pigapiga.
ANI ROSA: Siguraduhin n’yo pong tama ang kuwenta n’yo, ha?
MR. PIGA-PIGA: Siyempre! O, ito ang resibo n’yo.

FRAME 4: Sa loob ng bahay nina Ani Rosa. Simple lang ang bahay, gawa na sa hollow blocks ngunit wala pang palitada. May mga sako pa ng semento sa sulok. Ang kagamitan nina Ani Rosa ay puro gawa sa kawayan (halimbawa ay ang mesa), wala ni isang kurtina sa bintana. Sobrang init sa labas, kita sa bintana.

Nadatnan nilang nag-iisa sa mesa si Tatay. Kumakain ito nang nakakamay at nakataas ang isang binti sa upuan. Butil-butil din ang pawis niya sa noo. Sa ibabaw ng mesa ay lalagyan ng diesel.

CAPTION: Pagdating sa bahay…
NANAY: Napakatindi ng init, ay! Nasaan sina Basil?
BERT/TATAY: Tinakasan na naman ako. Ayaw mautusang bumili ng diesel para sa water pump. Tuyot na ang palayan.

FRAME 5: Naglalakad sa bukirin si Ani Rosa. Papunta siya sa tindahan/bilyaran para sunduin ang kanyang mga pasaway na kuya. Tirik pa rin ang araw. Laging may pawis si Ani Rosa.
ANI ROSA (thought balloon lamang ito): Hirap na nga sa tubig ang buong bayan, pasaway pa sina Kuya sa pagpapaandar ng water pump?


FRAME 6: Sa gitna ng kanyang paglalakad, tumingala si Ani Rosa sa langit. Iniharang niya ang braso sa mga mata.

ANI ROSA (thought balloon): Itong langit na ‘to, kung makatodo ng init, nakakasira ng pananim. Kung makaulan naman, bagyo at baha ang dala.


FRAME 7: Close up ng mga dahon ng palay. Lahat ng pananim ay may sakit na tungro, isang sintomas nito ay matinding paninilaw ng mga dahon ng palay.

ANI ROSA (out of frame, thought balloon): May kinalaman yata ang matinding klima sa tungro!

FRAME 8: Pagdating ni Ani Rosa sa tindahan/bilyaran, nakita agad niya ang kuya. Sa isang tindahan na katatagpuan ng make-shift na bilyaran, may dalawang bench na gawa sa trunk ng puno at isang puno sa gilid. Nakatambay doon ang mga teenager. May dalawang babae doon, nakapambahay lang, nagpapaypay ng karton ng sigarilyo. May dalawang lalaki, nakasando na lang ang isa, ang isa’y nakahubad sa init. Nakasabit sa balikat ang kanilang mga kamiseta. Lahat sila’y pawis na pawis.

Si Basil ay may hawak na tako. Siya ang tumitira sa bilyaran.

FRAME 9: Sa likod ng puno sa tindahan, naroon ang isa pa niyang kuya, si Danao. Nakaakbay kay Krissy, ang girlfriend nito. Si Krissy ay maraming tigyawat pero makapal ang make up nito. Nagbabasa siya ng makulay na catalogue ng Lovely Face Collection. Naroon ang mga larawan ng make up, panty, bra at accessories for sale. Nakita rin sila ni Ani Rosa.

FRAME 10: Galit na galit si Ani Rosa. I-exaggerate ang mata, ilong at bibig. Mapapalingon kay Ani Rosa ang lahat ng kabataan sa tindahan na iyon.

ANI ROSA: Kuya Basil! Tuyot na ang mga palay, wala na tayong aanihin dahil iniisnab mo ang water pump natin! Ikaw, Kuya Danao, baon pa rin tayo sa utang, iba pa ang inuuna mo. Traktora muna, ay sus!

FRAME 11: Sa loob ng bahay, sa harap ng mesa, nagharap-harap ang tatlo. Malungkot ang kulay ng buong eksena. Nakasimangot lang si Ani Rosa.
CAPTION: Pagkauwi sa bahay…
KUYA BASIL: Ba’t di na lang ikaw ang bumili ng diesel?
KUYA DANAO: Nililinis naman ni Tatay ang traktora, ba’t iistorbohin mo pa ‘ko?

FRAME 12: Lalapit ang nanay at tatay nila sa mesa.
TATAY: Gusto lang ni Ani na tumulong kayo rito nang mabilis tayong makabayad sa utang.

FRAME 13: Close up kay Basil.
CAPTION: Biglang natauhan si Basil…
KUYA BASIL (mukhang nahimasmasan): Ganon po ba? Heto po… ‘yong ipon ko… P420. Galing sa mga panalo ko sa bilyar. Lalaro na lang po uli ako para tuloy ang kita.

FRAME 14: Close up ng pera sa palad ni Danao. Crumpled pa ang pera ni Danao.
CAPTION: … at si Danao.
DANAO (off frame): Me naipon din po akong P750. Nakapagbenta ako sa mga titser ko ng tsinelas na galing sa Lovely Face Collection. Isa po ‘yan sa negosyo ni Krissy.

FRAME 15: Malungkot na nagkatinginan lamang sina Nanay at Tatay.
CAPTION: Di malaman ng mag-asawa kung matutuwa sila o malulungkot. Masikap sa pera ang mga binatilyo, pero wala nang interes ang mga ito sa bukid. Sino ang papalit sa kanilang mag-asawa?

FRAME 16: Pagkaraan ng ilang araw, sa tindahan, magkatabing nakatayo sina Krissy at Danao. Nakasando lang si Danao. Si Krissy ay may hawak na catalogue ng Lovely Face Collection. Nagpapaypay si Krissy. Nasa tapat niya si Ani Rosa. Pawis na pawis silang tatlo.
CAPTION: Dumiskarte ang magkakapatid. Inalok ni Danao si Ani Rosa.
KUYA DANAO: Sa bawat mabenta mo, 25% ng presyo ang sa ‘yo.

FRAME 17: Same scene. Nakatitig si Ani Rosa sa malayo habang nakabuklat sa mga palad niya ang Lovely Face Collection catalogue.

ANI ROSA (thought balloon): Ito kaya ang solusyon sa problema namin sa pera?

FRAME 18: Umaga, sa may likod ng bahay, sinisipat ni Ani Rosa isa-isa ang mga lalagyan ng pesticide para sa pananim. May label na pesticide ang mga lalagyan nito. Mapapansin niyang halos wala nang laman ang mga ito. Alalang-alala ang mukha ni Ani Rosa. Pawis na pawis din siya. As usual, napakatindi ng init.
CAPTION: Isang araw, habang inihahanda ni Ani ang gamit ni Tatay…
ANI ROSA (thought balloon): Ubos agad? Humahaba yata ang buhay ng mga peste dahil sa sobrang init!

FRAME 19: Buhat-buhat ni Ani Rosa ang lalagyan ng pesticide. Kausap niya ang nanay niyang may tuwalya sa balikat at nagpapaypay. Init na init ito.
CAPTION: Nagpasya si Ani Rosa.
NANAY: Pupunta ka sa bayan para sa Lovely Face Seminar?
ANI ROSA: ‘Nay, puro gastos dito sa bukid. Maya’t maya, pesticide, diesel. Uutang na naman tayo pag nagipit.

FRAME 20: Nakalingon na sa bukid si Nanay.
NANAY: Gagaya ka na sa mga kuya mo? Lalayo ka na rin sa bukid?

FRAME 21: Sa loob ng selling area ng Lovely Face Personal Collection, maraming make up, pabango, pulbos at iba pang para sa mukha ang nasa shelves. Makikita ang malaking signage na Lovely Face Personal Collection.
Mukhang nakikinig sa seminar si Ani Rosa pero ang totoo, iba ang nasa isip niya. Seryoso ang kanyang maamong mukha.
May babae sa harap ni Ani Rosa at ng iba pang nakikinig. Ito ang speaker. Mukhang mga tagabukid din ang nakikinig sa speaker, karamiha’y kabataang babaeng morena at makapal ang make up.
SPEAKER: Sa lotion… blah…blah…blah…
ANI ROSA (thought balloon): Pa’no ang ibang magbubukid? Malakas din kaya silang mag-pesticide? Lagi din kayang sobra sa badyet ang gastos nila?

FRAME 22: Noong uwian na ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Sa labas ng Lovely Face, nakatayo si Ani Rosa kasama ang iba pang dumalo sa seminar. Malakas ang agos ng tubig sa kalsada. Ang iba sa kanila, may dalang payong, ang iba, tulad ni Ani Rosa, wala. Nakahilera sila at nagpapatila ng ulan.

ANI ROSA (malaki ang mga mata, alalang-alala) (thought balloon): Napakainit kanina tapos biglang babagyo? At baka bahain na naman kami tulad ng nangyari dati! Mabubulok ang palayan. Bakit mahirap maintindihan ang panahon?

FRAME 23: Sa kusina nina Ani Rosa, gabi, kausap niya ang kanyang nanay at tatay. Ang nanay ay nagbabalat ng sayote, ang tatay ay nagluluto. Nagpapaypay si Ani Rosa kasi mainit kahit umulan nang pagkalakas-lakas.
NANAY: Wala na rin kaming ekstra, Ani. Sama ka bukas sa PPB* training. Naroon ang Ninong Aldo mo. Magmano ka, baka sakaling bigyan ka ng pamasahe.
*Participatory Plant Breeding

FRAME 24: Close up sa mga paa nina Ani Rosa at Nanay. Puro crack ang lupa sa sobrang pagkatuyot nito. Mainit na mainit na naman ang araw.
CAPTION: Kinabukasan…
ANI ROSA (off-frame): Tatlong araw pa po pala ang seminar bago ako makapagbenta ng mga pampaganda, ‘Nay.

FRAME 25: Sa tumana, sa gitna ng araw, (hawak pa ni Ani Rosa ang catalogue ng Lovely Face Collection), sandosenang magbubukid ang nagkukumpulan sa gitna. Ang iba’y may dalang lapis at papel. Nakikinig sila sa isang kapwa nila magbubukid, si Aldo, ang ninong ni Ani Rosa. Si Aldo ay may hawak na binhi sa kanan at notebook sa kaliwa. Ballpen na nakaipit sa tenga. Medyo top view ang frame na ito.

FRAME 26: Hindi makalapit at hindi makahirit agad si Nanay sa ninong ni Ani Rosa. Dahil ito mismo ang nagsasalita sa harap ng lahat. Si Aldo.
ALDO: Tayo naman ang maglinang ng sarili nating binhi. Para di na tayo bili nang bili. Tulungan po tayong lahat dito, aralin kung alin ang uubra sa lupa natin ke sobra-sobra ang init o sobra-sobra ang ulan. Tulad ng nararanasan natin ngayon.

FRAME 27: Medium shot ni Aldo, ang binhing hawak niya, ang notebook niya at ballpen. Nakaumang ang ballpen sa notebook.

ALDO: Tiyagain lang ang pag-attend ng training. Para ito sa atin, sa mga anak at apo natin. O, sagot, tuwing anong oras po tayo magkikita rito?

FRAME 28: Si Ani Rosa, nakatitig sa Lovely Face Collection catalogue.
ANI ROSA (nakasimangot) (thought balloon): Ano bang naisip ko’t inuna ko pa ito? Ginto ba ang hanap ko? Aba, napagastos pa nga ‘ko, e, samantalang heto, at mas malapit sa puso ng pamilya ko ang tunay na ginto!

FRAME 29: Face off sina Ani Rosa at ang nanay niya, side-view shot. Magkahawak-kamay sila.

ANI ROSA (makikita sa mukha ang pagmamalaki sa sarili): ‘Nay, ‘wag na nating lapitan si Ninong. Di ko na kailangan ng pamasahe.

NANAY (tuwang-tuwa): Di ka na luluwas? Sasamahan mo na lang ako rito?

FRAME 30: Nakabukas na Lovely Face Collection catalogue, nasa loob na ito ng isang basurahan.

FRAME 31: Naglalakad mag-isa si Ani Rosa sa pilapil. Mainit na naman ang araw.
ANI ROSA (thought balloon): Kung ibang bagay pa ang iisipin namin, mapapalayo kami kina Nanay at Tatay. Balang araw, sino ba ang magmamalasakit sa sariling bukirin? Di ba, kaming mga anak din? Hmm… sana, mapa-oo ko sina Kuya. Puwede namang magbukid, magbilyar at magtinda ng tsinelas.


FRAME 32: Bukang-liwayway. Sa bukirin ng mag-asawa. May tumitilaok na tandang. Landscape view ng bukid at pilapil. Nakapila ang mga anino ng dalawang lalaki at isang babae, lahat sila ay nakasumbrero, naglalakad papunta sa pinakasentro at puso ng bukid. Makikita rin sa anino ang mga dala nilang gamit para sa pagsasaka.
Medyo landscape ang shot na ito.
Note to artist: Mahaba ang frame na ito.2/3 ng isang pahalang na space.

FRAME 33: Medium shot ng tatlo. Lahat sila, merong nakasampay na face towel sa balikat. Mukhang handang-handang harapin muli ang bukid.
DANAO: Bukas, magtatanim ako ng kalamansi.
ANI ROSA (tawang-tawa): Ay, oo. Sabi ni Ninong, pantanggal daw ‘yan ng taghiyawat. Bentahan natin si Krissy!
BASIL (tawang-tawa sa kapatid): Magandang negosyo ‘yan! Magtanim na rin tayo ng papaya at abokado. Balita ko, pampakinis ‘yan ng mukha.

Wakas.


Note to artist: Puwedeng mag-experiment sa size at shape ng bawat frame.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...