Tuesday, October 28, 2014

Final version ng Ang Malayo ay Malapit Din, isang comics script tungkol sa ilang suliranin na kinakaharap ng climate smart na mga magsasaka


Final version ng STORY #3 para sa isang NGO na naglilingkod sa mga magsasaka sa Southeast Asia
MANUNULAT: Beverly W. Siy, 28 Oktubre 2014, Kamias, QC, may input ng mga taga-NGO
TENTATIVE TITLE: Ang Malayo ay Malapit Din

PAKSA: Ito ang future ng isang lugar ng mga magsasaka na natutong umayon sa climate change.
SETTING: Baryo pa rin nina Aldo at Ani Rosa pagkaraan ng sampung taon. Mas marami na ang tindahan. Mas marami na ang bahay. May mga tsinelas na ang mga bata. Nadagdagan na ang paaralan. Pangit ang kalsada dahil kadadaan lang ng bagyong Pedring.


NOTE TO ARTIST: Maraming batang magsasaka (20s’-40’s) sa grupong ito nina Aldo. Kakaunti na lang ang matandang magsasaka (50’s and above). Kalahati rin ng magsasaka sa buong komiks na ito ay babae.

FRAME 1: Umaga, sa isang seed fair, ipinapakilala ni Ani Rosa ang binhi na nalinang ng mga magsasaka sa kanilang baryo. Hawak niya ito habang siya’y nagsasalita sa harap ng magsasaka mula sa iba pang lugar. Naroon din sina Basil, Aldo at Danao. Karamihan sa mga kasamahan nina Ani Rosa at sila mismo (sina Ani Rosa, Basil, Aldo at Danao) ay suot ang kamiseta na ginagamit nila kapag sila ay lumalahok sa Farmer Field School o FFS. Ang kamiseta nila ay itinuturing nilang uniporme.
Sa isang sulok ay may lalaking iba ang itsura, may pagkapormal ang suot. Halatang hindi ito magsasaka. Tumitingin-tingin din siya ng mga binhi ng iba pang magsasaka.
CAPTION: Sa isang seed fair, ipinakilala ni Ani Rosa ang binhi mula sa kanilang baryo.

FRAME 2: Close up ng binhi.
CAPTION: “Opo, may bagyo man o baha, hindi ito apektado. Mula sa pagbi-breed namin, naging ganito ka-resilient ang aming binhi, ang Hagkis 10. Isa pang katangian nito ay…”

FRAME 3: Sa seed fair pa rin, pagkatapos ng presentasyon ni Ani Rosa, nag-usap-usap sina Basil, Aldo, Danao, Ani Rosa at iba pang magsasaka mula sa kanilang baryo. Ang misteryosong lalaki ay nasa bandang likod ng grupo, nakikinig sa kanilang usapan. May dalang folder at clutch bag ang lalaki. Ito ay ang walang iba kundi ang trader na si Mr. Pigapiga.
Si Basil ang nagsasalita, lubhang problematiko ang mukha at nagkakamot pa ito ng ulo.
BASIL: Hindi pa rin nakakarating ang palay at gulay natin sa maraming palengke…

FRAMES 4 and 5: Flashback. Puwedeng black and white ang Frames 4, 5 and 6. Ipakita ang aftermath ng bagyong Pedring. (Frame 4) Wasak ang post-harvest facilities ng kanilang baryo. (Frame 5) Warak-warak ang irrigation system at dike.
BASIL (out of frame): …mula noong bagyong si Pedring.

FRAMES 6: Pagpapatuloy ng flashback. Wasak ang mga daanan at tulay. Tungkab-tungkab ang kalsada, putol ang tulay. Walang mga bubong ang bahay.
BASIL (out of frame): Nagmahal pa ang mga produkto natin dahil sa hirap at haba ng biyahe papunta sa mga palengke.

FRAME 7: End of flashback.
Sa isang bigasan sa isang palengke, may ilang sako ng bigas na may tatak na HAGKIS 10, natutulusan ng presyong mas mataas sa iba pang sako ng bigas. Ito ay P48, P49, P50 per kilo. Samantalang ang ibang sako ng bigas na may tatak na NFA, ang presyo ay P25 per kilo. Isang ale ang itinuturo ang bigas na nakalagay sa P25 per kilo. Iyon ang balak nitong bilhin.

FRAME 8: Problematiko ang mga mukha nina Danao at Aldo.
DANAO: Masamang balita ‘yan, Basil. Kailangan ko pa naman ng pera sa mga susunod na buwan para sa panganganak ni Krissy.
ALDO: Ako man. Para mapabubungan ang bahay namin ni Amihan.

FRAME 9: Nag-uusap-usap ang buong grupo. Naroon pa rin si Mr. Pigapiga, nasa bandang likod pa rin ng grupo.
Si Aldo ay katabi ni Ani Rosa.
ALDO: Pero ‘wag tayong mag-alala, aayos uli ang biyahe ng mga produkto. Maibebenta uli ang mga palay at gulay natin sa dating presyo. May solusyon ang bawat problema!

FRAME 10: Di na makakatiis si Mr. Pigapiga. Sisingit na siya sa usapan.
Ang aura ni Mr. Pigapiga ay very dark. Dahil siya ay isang mapagsamantalang tao.
MR. PIGAPIGA: Ani Rosa, kamusta ka? Ang nanay mo? Ipakilala mo naman ako sa mga kasama mo.

FRAME 11: Magugulat si Ani Rosa pero ipapakilala pa rin niya si Mr. Pigapiga sa mga kasama.
CAPTION: Nagulat si Ani Rosa. Matagal na niyang di nakikita si Mr. Pigapiga, ang may ari ng lending company sa bayan. Magalang niya itong ipinakilala.
ANI ROSA: Buti at napabisita kayo rito sa aming seed fair, Mister…

FRAME 12: Pinutol ni Mr. Pigapiga ang pagsasalita ni Ani Rosa.
MR. PIGAPIGA: -May pagawaan na ‘ko ng suman. Gusto ko kayong kunin na supplier kahit di ko pa natetesting ‘yang palay n’yo.

FRAME 13: Magliliwanag ang mukha ng mga kasapi ng grupo nina Aldo at Ani Rosa. Nakangiti ang iba sa kanila.
MR. PIGAPIGA: Pauutangin ko pa kayo para makapagtanim uli kayo ng Hagkis 10 ngayong tagbagyo. Ako na rin ang bibili ng lahat ng aanihin n’yo.
ISANG MAGSASAKA: Maganda ‘yan! Payag ako!

FRAME 14: Biglang may ipapakitang papeles si Mr. Pigapiga.
MR. PIGAPIGA: Sampung piso kada kilo ng unmilled na palay, okey ba? Magkakapera na kayo, may sure buyer pa kayo. Pirmahan n’yo lang ang kontratang ‘to.

FRAME 15: Nagulat ang mga magsasaka sa presyo ni Mr. Pigapiga.
MAGSASAKA: Sampu?
ALDO: Ang baba naman! Teka ho, pag-uusapan muna namin iyang alok n’yo.

FRAME 16: Umaga, sa labas ng bahay nina Aldo (na natatabingan lang ng trapal ang natuklap na bubong), nagtipon-tipon ang mga magsasaka. May upuan na nakaharap kay Aldo. Pinag-uusapan nila ang alok ni Mr. Pigapiga at ang mga binhi na nakuha nila sa seed fair. Makikita sina Ani Rosa, Basil, Danao at Aldo rito.
Nakatayo si Aldo sa harap, may binabasang dokumento. May lapis na nakaipit sa kanyang tainga. May panulat at papel din ang mga kausap niyang magsasaka.
ALDO: Sabi rito, si Mr. Pigapiga lang ang puwedeng bumili ng palay natin.
MGA MAGSASAKA: Ano? Lugi!
MGA MAGSASAKA: ‘Wag tayong pumayag.

FRAME 17: Same scene.
CAPTION: Maya-maya ay ang mga binhi mula sa seed fair naman ang kanilang pinag-usapan.
ALDO: Ayon dito sa Standard Material Transfer Agreement, ang binhing ito ay galing sa kabilang lalawigan at maganda raw ang tubo kahit napakatindi ng init ng panahon.
DANAO: Tamang-tama. Di pa napapaayos ang sistema ng irigasyon natin mula nang daanan ng bagyo. Puwede ‘yan sa lupa natin ngayon.

FRAME 18: Same scene.
BASIL: Mag-follow up kaya tayo sa Municipal Agriculture Office tungkol sa pagpapaayos ng mga kalsada, tulay at patubig natin?
ANI ROSA: Oo nga po. Di na sila bumalik mula nang mag-assess sila ng mga nasira dito.
MGA MAGSASAKA: Tama!

FRAME 19: Kinabukasan, may sulat na pinapipirmahan si Aldo sa mga kapwa magsasaka.
CAPTION: Nagpasya ang lahat na sumulat sa Municipal Agriculture Office (MAO) ng kanilang bayan.
MAGSASAKA (habang inilalagay ang salamin sa mata, masaya siya nang magsalita siya): Aba, babasahin ko muna bago ako pumirma!

FRAME 20: I-magnify ang isang bahagi ng sulat. “Ang pagpapaayos ng mga kalsada, tulay at post-harvest facilities sa aming baryo para sa produktong pang-agrikultura ay para sa tuloy-tuloy na kita ng magsasaka, iwas-gutom sa panahon ng sakuna.”

FRAME 21: Sa loob ng opisina ng MAO, maabutan nila ang isang babae. Si Mrs. Lasap. Paalis na ito pero naghahabilin pa sa municipal agricultural officer.
CAPTION: Isang araw, natuloy na nga ang meeting sa MAO.
MRS. LASAP: Baka may alam kayo, ha? Kontakin n’yo agad ako. Salamat!

FRAME 22: Sina Aldo na ang kausap ng Municipal Agricultural Officer. Naka-“uniporme” ang mga magsasaka.
ALDO: Nakapag-ani pa rin kami dahil nga resilient na sa bagyo ang aming binhi.
ANI ROSA: Pero, Mam, paano po maibebenta ang palay namin kung hindi naman ito maibiyahe?

FRAME 23: Pagkaraan ng ilang oras sa harap ng agriculture office sa kanilang bayan, ipakita ang mga magsasaka mula sa grupo nina Aldo, masaya sila, papalabas na sila sa MAO.

FRAME 24: Focus kina Aldo at Danao.
ALDO: Sama-sama tayo uli sa susunod na meeting, ha? Para mapabilis ang pagpapaayos ni Mayor! Danao, ikaw na ang kumontak sa Mrs. Lasap na binanggit ni Mam. Balitaan mo kami agad.


FRAME 25: Umaga, sa hapag-kainan sa loob ng bahay ni Danao. Kinabukasan, tinawagan ni Danao si Mrs. Lasap.
Magkatabi sina Danao at Krissy sa hapag-kainan. Sa isang papel, isinusulat ni Krissy ang mga sinasabi ni Danao sa cellphone. Mahahalata ang laki ng tiyan ni Krissy.
CAPTION: Kinaumagahan, tinawagan ni Danao si Mrs. Lasap.
MRS. LASAP (out of frame kasi over the cellphone ito): Oo, iyong dating supplier sa pagawaan namin ng puto, tinamaan ng bagyong Pedring. Di pa makabangon sa ngayon.


FRAME 26: Sa harap ng munisipyo, ipakita ang mga magsasaka mula sa grupo nina Aldo. Masaya sila, papalabas na sila ng munisipyo. Naka-“uniporme” sila.
Landscape ang frame na ito.
CAPTION: Nagpabalik-balik sila sa munisipyo para maaksiyunan ang kanilang liham.

FRAME 27: Mas focus sa magsasaka ang frame na ito, hindi na sa landscape.
CAPTION: Tuloy-tuloy din silang nakipag-ugnayan kay Mrs. Lasap.
ALDO: Para matesting ang ating produkto, padalhan natin ng sample si Mrs. Lasap. Okey ba sa inyo ‘yon?
MGA MAGSASAKA: Aprub!

Frame 28: Sa bahay nina Aldo, umaga, meeting nina Mrs. Lasap at ng mga magsasaka. May mga puto sa plato, hawak ni Mrs. Lasap ang plato. May mga dokumento sa mesa.
MRS. LASAP: Naku, Aldo, walang kasingsarap ang putong nagawa namin dahil sa ipinadala n’yong sample. Tikman n’yo, o! Todo kami sa sangkap kaya sigurado ako, magugustuhan n’yo ang presyong iaalok ko sa inyong palay.
ALDO: Salamat, Mrs. Lasap. Pag-uusapan po naming lahat itong inyong alok.

FRAME 29: Isang araw, ginagawa na ang kalsada sa baryo nina Aldo. Naroon ang mga equipment at mga construction worker. Sa karamihan ng tao, focus kina Aldo at Ani Rosa.
CAPTION: Di nagtagal…
ALDO: O, ba’t ang luwang ng ngiti mo?
ANI ROSA: Matagal at mahabang proseso ang solusyon pero kung sama-sama tayong kikilos, bumibilis pala talaga ang mga bagay-bagay, Ninong!

COLLAGE NG MGA FRAME. ANG COLLAGE NA ITO AY IN LIGHT AND HAPPY COLORS. MASAYA ANG MGA MUKHA NG BAWAT TAUHAN DITO.
Kinakamayan ni Mrs. Lasap si Aldo. Si Mang Aldo ay nasa harapan ng limang magsasaka mula sa kanilang baryo. Bawat magsasaka, may hawak na papeles at puting sobre (including Mang Aldo).
Si Danao at si Krissy sa loob ng hospital room. May hawak na baby si Danao. Masayang-masaya sila.
Inilalapat na ang bubong ng bahay nina Aldo at Amihan.
Inaayos na rin ang mga nasira sa baryo.

Wakas.




No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...