Friday, November 18, 2011

Liham

Sobra talaga akong natuwa sa sulat na ito. Galing kay Faye.

Nakilala ko siya noong book signing ng mga Anvil author sa Manila International Book Fair. Pagkaraan ng ilang araw, natanggap ko ang message na ito through FB. Nakakatunaw ng taba este ng puso. Bakit? Kasi galing sa kapwa nanay.






Hi, Bebang.

Katatapos ko lang basahin ang 'yong librong "It's a Mens World" at masasabi kong nagustuhan ko ito nang todo. naaliw ako sa 'yong pamamaraan ng pagkuwento ng 'yong pakikibaka sa buhay. Natawa ako sa ilang bahagi, bagama't may sundot sa bandang huli ng mga entries na 'to. Di miminsang nakaramdam ako ng mas malalim na kurot sa puso, lalo na para sa batang Bebang.

Nabili ko ang libro no'ng hapon ng Sabado sa International Book Fair. Kasama ko ang aking 8-yr-old daughter na si Luce, at nagpa-autograph pa kami sa 'yo. Nasabi mo pa ngang hindi akma ang libro sa kanya, at sumang-ayon naman ako. Kako pa, babasahin niya ito paglaki niya. (Malamang, pag nagka-mens na siya.)

Pero sa isang banda, parang akma na rin 'to sa anak ko, indirectly nga lang. Kasi, sa mga entries na nagkuwento ka tungkol sa 'yo at sa 'yong Mami, para bang nai-imagine ko kami ng anak ko. Nakakuha ako mula sa 'yo ng dagdag insights mula sa perspective ng batang babae. Naisip ko, ano naman kaya ang naiisip o nararamdaman ni Luce pag pinagagalitan/pinagsasabihan/atbp ko siya? Ano kaya ang mananahan sa kanyang puso't isipan hanggang sa kanyang paglaki? Baka 20 yrs from now, siya naman ang susulat ng librong kagaya ng sa 'yo, ano naman kaya ang ikukuwento niya tungkol sa 'kin, sa 'ming dalawa?

Nakuwento ko na nga sa mister ko ang ilang entries mo. At malamang, sa mga susunod na araw, ikukuwento ko rin kay Luce, simplified version nga lang, pambata kumbaga.

Congratulations sa 'yong libro. Tiyak, bukod sa akin ay marami pang susulat sa 'yo para batiin ka. (Alam mo, "Bebang Siy" ang una kong sinearch dito sa FB. Para kako hindi ako matulad kay Penpen na naghanap sa 'yo sa Friendster. Ngek, buong pangalan mo pala ang nandito.)

Sana'y magkaroon kayo ng happy ending ni Ronald. "Produkto ng pagmamahal" ang kanyang sinulat nang pumirma siya sa tabi ng kanyang pangalan. Sweet naman. Sana, sa book two mo, maikukuwento mo na ang kakaibang proposal niya sa 'yo.

Para sa patuloy na pagsulong ng panitikan, go, go, go, Bebang!

Regards,
Faye

PS
Napansin kong common friends natin sina Ariel Tabag at Naomi Tupas. Small world nga talaga, ano? Tulad ni Ariel, ako rin ay Ilokano, at matagal na akong may utang sa kanila sa Bannawag Magasin para mag-submit ng short story sa Ilocano. Tulad ni Naomi, ako rin ay isang manunulat, bagamat wala pa akong sapat na kalipunan ng mga akda dahil mas nangingibabaw ang procrastination kaysa sa excitement sa pagsusulat.

Pagkatapos kong basahin ang 'yong libro, Bebang, nai-inspire akong muling magsulat.

Maraming salamat sa paggising sa aking diwa, sa aking pagmamahal sa panitikan, sa aking pangarap na maging isang ganap na manunulat.

1 comment:

Faye F. Melegrito said...

Hi, Bebang!

Maraming salamat sa pag-post ng aking FB message sa 'yong blog. Wow naman.

Nakakakaba. Nakakakaba, kasi, naipaalala sa 'kin ang aking nasulat sa 'yo na muli na naman akong magsusulat. Naungkat ang aking resolution na mag-goodbye sa procrastination at mag-hello sa muling pagsusulat. Iba pag naisulat ko ang "promise" na 'to sa pormang liham. Iba pag nare-post sa ibang site. Parang reminder na na-broadcast sa world wide web. At ngayon, kailangan kong aksiyonan. Kailangan kong tuparin.

Salamat ha. Kung minsan, kailangan talagang maitulak para kumilos.

Ngayong nadalaw ko na ang 'yong blog, isa na 'ko sa 'yong followers, hehe.

Maraming salamat, Bebang, sa 'yong nakakatuwang pamamaraan ng pagsulat, sa 'yong pagiging isang ehemplo ng babaeng manunulat sa kasalukuyang panahon. Entertaining, enlightening, inspiring. :-D

Regards,
Faye

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...