Tuesday, November 22, 2011
Exhibit Notes para sa Tanglaw
ni Beverly W. Siy
Dalawang magkaibang mundo ang itinatanghal sa Tanglaw. Ngunit sa unang sipat lamang magkaiba ang mga mundong iyan. Kapag sinuri nang maigi, magigisnang magkatulad pala ang kanilang mga ipinapakita.
Ada ang paksa ng apat na likhang-eskultura. Ayon sa artist na si Doris G. Rodriguez, naging inspirasyon niya para sa koleksiyong ito ang mga fairy tale na binasa noong bata pa siya. Magaan daw ang kanyang damdamin sa mga nilalang na ito. Light kumbaga. Kaya raw tamang-tama ang terminong Tanglaw.
Nasa iba't ibang estado ang kanyang mga ada. Sa "Muli," wari ay galing sa pagsisid sa pusod ng dagat ang ada. Saktong pag-ahon niya ang siyang ikinulong ni Rodriguez sa kanyang akdang-sining. Ang resulta ay pagbibigay-liwanag sa sino mang makakita nito. Pagbibigay-pag-asa na anumang lalim at dilim ng iyong pinanggalingan, basta't langit ang titingalain, makakaahon ka rin.
Sa "Panaginip" naman, madaratnang natutulog katulad ng fetus ang isang ada. Walang takot at walang katensiyon-tensiyon sa kanyang kabuuan, isang estadong pinapangarap nating lahat, lalo na kung ang kinalalagyan natin ay isang batong kapiranggot na nga ay pauga-uga pa. May kinalaman marahil ang ginto niyang mga pakpak, handang ilipad siya sa ere anumang saglit na pasukin ng pagkabagabag ang kanyang isip.
Gayundin ang makikita sa "Ngayon" kung saan isang ada na may buntot ng isda ang nagpapahinga sa ibabaw ng isang chopping board. Matataos dito ang konsepto ng impermanence. Bagama't kampanteng nakapahinga ang siko ng ada ay nakataas naman ang kanyang buntot at para bagang sinasabing hala, tingin dito bago ako muling sumibad sa langit. Maging ang pagkakapuwesto ng chopping board sa dingding ay isa ring statement sa impermanence. Patagilid. Kaya puwede itong mahulog, puwedeng mag-slide ang ada. Bigla-bigla. Posibleng mawala at masira ang lahat anumang oras. Isang napakamalikhaing paraan ito ng pagdiriwang sa kasalukuyan. Sa "Ngayon."
At ang pinakamagaan sa lahat, ang "Pasasalamat." Tampok dito ang liyad ng adang mukhang tuwang-tuwa sa dinaranas niyang kalayaan. Kalayaan sa paglipad, sa simpleng pamamasyal sa ere. Mga bagay na dapat nga namang ipinagpapasalamat. Ng kahit na sino. Ang gintong pakpak ay malikot at paikot-ikot na ruta ng isang kumakawala sa landas. Ang arko ng hubad na katawan ng ada ay katumbas ng ngiti ng isang paslit. Ang paang nakataas, magaan na magaan dahil sa ligaya, ang damdaming sumisibol mula sa kalayaan, mga dahilan ng pasasalamat, ito ang mga nagsisilbing Tanglaw.
Samantala, sa kabilang dako ng exhibit, makikita ang exact opposite ng mga akdang-sining ni Rodriguez. Madilim, magaspang, malungkot. Ganyan sa unang tingin ang mga akdang-sining ni Vivian Limpin para sa koleksiyong ito.
Muli’t muli ka tuloy na mapapatingin. Ay, bakit Tanglaw? Kadiliman, kagaspangan at kalungkutan nga lang ba?
Nagtataglay ng kulay ng ligalig, hagod ng panganib, mga peleges o kulubot, patak-patak ng dalita ang buong koleksiyon. Maaaring sa akdang sining na Night Falling, hindi lamang kadiliman ng gabi ang nagbabadya kundi isang bagyo. Nag-uumalpas ang galit. Lagpas sa canvas. Gaano kaya kataas ang bahang idudulot nito?
Mayroon ding estruktura ng bahay. Bagama’t itim, maliit, nasa isang sulok lamang, madarama naman ang katatagan nito dahil nagpaulit-ulit ang imahen sa buong koleksiyon. Dagdag pa, may alay ang munting bahay na ito higit sa kanyang kaitiman, kaliitan at pagiging nasa sulok. Sa akdang Harbor, hindi na makikilala ang estruktura kung hindi dahil sa tanglaw na nagmumula sa bintana ng bahay. Ito ang pinanggagalingan ng liwanag sa buong akda. Ang tanglaw na ito ang silakbo sa bawat bahagi ng koleksiyon. Ang pag-asa.
Dahil sa katangiang ito, maituturing na tahanan ang estruktura. Pakatitigan mo ang tahanan at hindi ka maliligaw sa bawat akdang sining. Pakatitigan ang tahanan at di ka matitinag kahit ano pang ligalig ang dumating, panganib, dalita, ang pinakamalupit mang bagyo.
Malinaw mong makikita, pag-asa ang paksa ng buong koleksiyon ni Vivian Limpin. Na biktima ng Ondoy. Lumubog ang bahay nila, sa Cainta, noong 2009. Lubog ang kanyang mga aklat, retrato, camera, canvas, mga gamit sa pagpipinta. Ang mga akdang sining niya. Lahat.
Lalong-lalo na ang sarili niyang kaluluwa.
Saka ka mapapatango. Sa puntong ito, inaasahang madarama mo ang dahilan, mauunawaan kung bakit nga ba kalahati ng Tanglaw ay kanyang mga akda.
Dalawang magkaibang mundo nga ba ang itinatanghal sa buong exhibit nina Rodriguez at Limpin? Hindi. Iisa lamang. At ito ay walang iba kundi ang mundo ng pag-asa. Mundong hindi kailanman mapaparam. Dahil ang tao ay lagi't laging mangangailangan ng Tanglaw.
Ang Tanglaw art exhibit ay makikita po sa Conspiracy Garden Cafe, katapat ng Shell Gas Station, Visayas Avenue, Quezon City sa buong buwan ng Nobyembre 2011. Libre po ang entrance sa art exhibit.
Ang mga imahen sa blog entry na ito ay ipinost dito nang may pahintulot. Hindi ito maaaring i-repost nang walang pahintulot ni Vivian Limpin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment