Friday, November 18, 2011

five tips

Ito ang binasa ko kaninang umaga sa session na Writing for the Woman Reader. Kasama ko si Tweet Sering. At si Mam Anna Sobrepena, ang aming moderator.

Five Tips sa Pagsusulat para sa Babaeng Mambabasa

ni Beverly W. Siy

Malaking pagkakataon ito sa mga popular writer na tulad ko. Bibihira kaming magkaroon ng chance na makapagsalita sa ganitong audience: ‘yong mga nagpupunta sa literary festival. Wow talaga. Kasi ang laging naipapadala sa mga ganitong event ay ‘yong mga manunulat na inaaral sa eskuwela.

Kaya naman, maraming salamat sa NBDB sa pamumuno ni Mam Andrea Pasion-Flores. Salamat din po sa lahat ng entity na sumuporta sa proyektong ito. Dahil sa inyo,
andito kaming mga poplit writer!

Anyway, eto po ang five tips sa pagsusulat para sa babaeng mambabasa:

1. Don’t forget the details – Mahilig tayo sa detalye. ‘Yan ang dahilan kung bakit sa mga manufacturing plants ng maliliit na bagay halimbawa ay microchips, babae ang mga empleyado. Kasi ultimo ‘yong maliliit na bagay, napapansin TALAGA natin. Noong bata ang anak ko at inihahatid ko pa siya sa eskuwela, lumuluhod ako sa bangketa para ayusin ang maling pagkakatupi ng medyas sa kaliwang paa. O di kaya ay papantayin ko ang mga medyas niya. Kapag bumibili ako ng bigas, chine-check ko ang butil. Dadakot ako at pagkatapos ay ibubuhaghag ang mga butil sa aking palad. Ang lalaki, kapag bumibili ng bigas, sasabihin lang ang presyo ng bigas na gusto niyang bilhin. ‘Yong tigti-thirty three pesos nga, sabay abot ng bayad sabay talikod sa bigas. Ni ayaw hipuin. Ni ayaw ituro ang bigas.

Eto pa ang ebidensiya: ang ibang babae (madalas kong makasabay ito sa MRT), maingat pa ngang naglalagay ng mascara sa pilikmata. Sa bawat isang pilikmata. Sa bawat isang pilikmata sa ibaba ng mata. Pati ang mga ito, napapansin. Napapagdiskitahan. Minsan, nagkakadikit-dikit ang mga hibla, pagtitiyagaan talagang paghiwa-hiwalayin ang mga ito.

Napapansin ba ng mga lalaki ang bawat hibla ng pilikmata? O kahit ang lahat ng pilikmata? Hindi. Ang nakikita nila, e ang buong mata.

Kapag nagbabasa tayo ng mga detalye sa isang akda, para nating naa-affirm na normal lang itong trait nating ito. Na normal tayo. At mas natutuwa tayo kapag may gamit ang mga detalyeng ito sa buong kuwento. Kasi subconsciously, ina-absorb ng utak natin ang lahat ng detalyeng ‘yan. At kapag nagagamit ang mga ito sa akda, naa-affirm natin na matalino tayo. Kasi at the back of our mind, habang umuusad ang kuwento, sinusubukan din nating alamin kung ano-ano ang magiging gamit ng mga detalye. Isang bahagi ng utak natin ang gumagawa na ng mga haka-haka o hula kung para saan nga ba ang mga detalye sa isang akda.

2. Be realistic, really! – Kaya nakakabagot manood ng mga commercial. Kasi
talagang binebentahan lang tayo, e, hindi naman talaga tayo maka-relate. Ang mga feminine wash, amoy-bulaklak daw pagkatapos mong gamitin. E , hindi naman. Amoy-bagong hugas pero hindi amoy-bulaklak. Bagong hugas na plato, puwede pa. Pero bulaklak? ‘Yon, mag-aamoy-bulaklak?

Eto pa, kailangang uminom ng calcium capsule kasi andaming bubuhatin na shopping bag at para makapagpatuloy pa sa pagsa-shopping ang isang babae, sabi sa isang commercial. E, samantalang andaming ginagawa ng babae kung saan kailangan niya ng tibay ng buto: pagkarga sa bata nang ilang oras, pagbuhat sa mga napamalengkeng dalawang kilo ng bigas, isang kilo ng manok, isang kilo ng baboy, kalahating kilo ng baka, isang kilo ng tilapya, isang pakwan, isang kilo ng dalandan, kalahating kilo ng repolyo. 8 kilos. Mula sa palengke hanggang sa sakayan ng dyip. Mula sa babaan ng dyip hanggang sa bahay. Mula sa pinto hanggang sa kusina. 8 kilos. Calcium talaga ang kailangan diyan. At sa marami pang ibang gawain. Pero hindi sa pagsa-shopping sa mall!

Eto pa, nakangiti ang mga naglalaba kahit ga-bundok ang labahin. And many more examples. Mas makaka-relate at hindi mabo-bore ang babaeng mambabasa kung magiging realistiko kang lagi sa mga isinusulat mo.

3. Share! - Share information or experiences that will help other women. Sa Mingaw, may eksena doon na makikipagtalik ang bidang babae sa isang lalaki. Ang nag-initiate ng paggamit ng condom ay ang bidang babae. At inilarawan ko kung paano ito inilagay sa titi. Ang bidang babae ay hindi naghintay na kumuha ng condom ang lalaki. At hindi talaga ako papayag na magtatalik lang sila nang basta. Nang walang condom.

It’s like saying, hoy, babaeng reader, ikaw, kung gusto mong mas maproteksiyunan ka sa ganitong pagkakataon, puwede namang ikaw na ang mag-initiate ng paggamit ng condom. Heto ang paraan kung paano gawin. Kapag ikaw ang umaksiyon, sigurado ka pang nakasuot 'yan nang maayos.

Sa It’s A Mens World, isang essay doon ang galing talaga sa advice column ko na Nuno sa Puso sa lingguhang pahayagan na Responde Cavite. Tungkol siya sa mga dapat gawin ng isang babae (at ng lalaki na rin) sa first date.

Sabi ko doon, bago pa magkita ang magde-date, naka-set na ang oras ng meet up at oras ng uwian. Naka-set na rin ang lugar. At dapat alam ng babae ang lugar kung saan idadaos ang first date. Hindi puwedeng "bahala na." Lalo na kung galing ang phrase na ito sa lalaki. First date, bahala na? E, kung ikabig ang manibela sa motel? Iba na ang may kasunduan. Alam ng isa't isa ang mga dapat asahan. At dapat alam ng babae ang lugar na pupuntahan (at kung paano makakauwi mula doon) para sakaling something goes wrong, madali siyang makakaalis sa lugar.

So, ganon. Kung sa tingin mo, wais ka sa isang bagay, i-share ito sa iba gamit ang mga tauhan mo (kung kuwento ang isinusulat) para maging wais din ang iba pa nating kabaro. Empowering ang tawag dito sa Ingles.

4. End with happiness. End with hope. – Hindi kailangang happy ang ending. Hindi kailangang magkatuluyan lagi ang boy at girl o ang magkarelasyon. Hindi kailangang ipakita na nabuong muli ang nawasak na pamilya. Ang kailangan lang, kahit ano pa ang nangyari, nakipaghiwalay, bumagsak ang negosyo, inabandona, nawasak ang tahanan, nanakawan, naaksidente, nasunugan, nagunaw ang mundo, sa ending ay mayroon pa ring kislap ng pag-asa. Kasi iyan ang magpapasaya sa babae. Sa reader na babae. Ang idea na mayroon pa ring pag-asang maging okey ang lahat. Kumbaga, gigisingin natin ang resident sunshine sa puso ng ating mambabasa. Innate sa ating mga babae ang maging optimistic, di ba? Kaya, mali talaga ‘yong kasabihang hangga’t may buhay, may pag-asa. Dapat ‘yan, hangga’t may babae, may pag-asa.

5. Inspire!- Actually, sa umpisa pa lang, ito na dapat ang nasa isip mo. Kasi ang aim dapat ng isang akda is to inspire. Kaya ididisenyo mo ang buong akda ayon sa aim na ito. Ano ang dapat kong gawin, ano ang dapat kong sabihin, ano ang dapat kong ilagay para makapag-inspire ako ng kapwa ko babae?

Ang pinakagusto kong feedback mula sa mga nakabasa ng It’s A Mens World ay ang mga sumusunod:

1. Parang gusto ko tuloy bumalik na sa creative writing. Puro kasi academic papers ako ngayon, e.
2. Gusto ko ring sumulat ng libro. Tungkol naman sa amin ng nanay ko. (Sabay kuwento ng adventures nilang mag-ina.)
3. Paano ka ba na-publish? Ako rin, gusto ko. Patulong naman.

Sana, hindi lang maganda ang akda mo kundi sana rin, na-inspire mo rin ang readers to take action about something. Hindi lang sila naiyak. Hindi lang sila natawa. Hindi lang sila na-entertain. Your work can move them to take a step. To act. ‘Yan ang ultimate test. Nagawa mo bang mang-inspire?

Ang panitikan, parang teacher ‘yan. Aanhin mo ang teacher na matalino, hindi mo naman maintindihan? Nagpapa-tutor ka pa sa iba para lang maintindihan mo siya. E, di ‘wag ka nang pumasok sa klase niya, magpatutor ka na lang. Ganon din. Sayang lang oras mo kakatanghod sa matalinong teacher.

Aanhin mo ang teacher na maganda nga, wala ka namang natututuhan? Absorbed na absorbed siya sa kagandahan niya at napaniwala ka pa na maganda nga siya. Titingalain mo siya sa ganda niya pero hanggang doon lang. Kahanga-hanga lang ang kanyang ganda. Ang tendency mo bilang estudyante, gayahin ang mga ginagawa niya para magaya mo ang kanyang ganda.

Aanhin mo ang teacher na patawa lang nang patawa? Pagkatapos ng klase, napapalitan ng sad face ang laughing face kasi kapag wala na ‘yong nagpapatawa, mare-realize mo, wala ka palang natutuhan! Niloko ka lang ng teacher mo, inubos niya ang oras ng klase ninyo sa pagpapatawa lang pero hindi naman siya nagturo kasi wala naman sa inyo ang natuto.

So sino or ano ang pinakamahusay na guro?

The greatest teacher is the one who inspires. Ganon din sa panitikan. Dakila ang akda mo kapag nagawa nitong makapagbigay-inspirasyon sa isang reader na gumawa ng hakbang o ng isang concrete action. Lalo na ang lumikha ng sarili niyang obra.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ordinaryong mga eksena sa buhay-buhay ang featured sa It's A Mens World. At kung bakit mga kapamilya, kaibigan, katrabaho at kakilala ang mga bida sa bawat akda. At kung bakit sa napakagaan na wika ko isinulat ang lahat.

Kasi ang gusto ko maisip ng reader na, ‘ikaw kaya mo ring sumulat ng ganito. May mahirap ba sa wika ko? Wala, di ba? Kailangan mo ba ng outstanding na vocabulary? Hindi, di ba? May kagila-gilalas ba sa mga isinulat ko? Wala, di ba? May tauhan bang mga unreachable at diva sa mga akda ko? Wala, diva? Kaya kayang-kaya mo rin ‘to. Magkuwento ka lang. Kuwento, arya, kuwento. Walang pahirapan. Walang magic tricks. Purely pagiging babae lang. O pagiging tao.

Pag nagawa mo, ‘yan, nakagawa ka na rin ng panitikan.

At nakagawa ka rin ng para sa bayan.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...