Friday, February 12, 2010
there is beauty in darkness
hep...
hindi akin iyan.
linya iyan sa isang tula ni ned, ka-batch ko sa ust writers workshop.
isinalin ko ito sa Filipino. eto ang version ko:
may dilag sa dilim.
pero mas malupit ang salin ni sir mike:
may kariktan sa karimlan.
at kagabi ko lang ito napatunayan.
nagpunta kami sa dangwa kagabi. mag-aalas-onse. ang liwa-liwanag sa dapitan at lacson pero pagtawid sa laong-laan at dimasalang, bumabaha na ng kadiliman.
brownout pala.
pero nagpatuloy pa rin kami sa paglalakad. gusto raw niya akong bilhan ng bulaklak. ayoko naman. sayang ang pera. pero ayoko rin naman siyang mapahiya. sabi ko, tingin na lang tayo. binuksan ko ang flashlight ng aking cellphone at iyon ang ginamit namin sa pagsipat-sipat ng libo-libong kariktan sa karimlan.
na-realize kong noon lang akong nakapasok nang husto sa mga kalye roon: dos castillas, kalye ng dangwa transport, isang bahagi ng laong-laan at marami pa. pag bumibili kasi ako ng bulaklak para sa tatay ko ay sa quiapo lang tinatangay ang aking mga paa. pero minsan na akong bumili sa area na ito para kay joi barrios nang magsalita siya sa event ng umpil sa ust. iyong pinakamalapit na tindahan ang agad kong nilapitan.
wala nang bangketa sa dakong iyon. iyong loob-loob na mga kalye. ang meron ay pagkahaba-habang carpet ng mga rosas: pula, orange, dilaw, puti, peach, asul, pink( na may iba't ibang bersiyon: dark pink, baby pink, fuschia). naaawa ako sa mga bulaklak na nasa ilalim. anong silbi ng ganda kapag lamog-lamog na?
halos hindi mo na rin maaninag ang kalsada. nararamdaman na lang ito ng iyong paa. mapapatabi-tabi po nuno ka sa dami ng mga halamang nagkalat. may nakapaso, may nakasuksok sa bansot na timba, may nakasandal sa mga dingding, may nakahiga at patong-patong ding mga dahon-dahon at may nakasabit sa nangangalay nang mga tolda.
inuusisa ko ang nagtitinda kapag may natipuhan akong bulaklak o halaman. ano po iyan? e eto po? ano pong pangalan nito uli? e ayun pong nakatiwarik?
buti at walang nakulitan sa akin kahit di naman kami bumibili.
magigiliw ang mga tindero't tindera kahit hirap sila sa pagbebenta. imadyinin ninyo na lang kung gaano karaming bungkos ng pangungumbinsi na maganda at sariwa ang kanilang bulaklak ang kailangan nilang gawin sa gitna ng dilim.
kung maliwanag lang ay hindi na kailangang magsalita ni kuya o ni nanay. mga talulot na ang mangungusap sa mga mata ng mamimili. andali-dali palang ibenta ang sarili kung isa kang bulaklak.
good mood pa ang lahat ng nagtitinda. Siguro dahil malamig ang panahon at di sila nauubusan, nalalagasan ng kustomer. isa pa'y hindi pa lanta ang kanilang katawan. ngayon pa lang nagdadatingan ang trak-trak na bulaklak, karamihan ay galing pa sa benguet. meron nga raw na galing sa cotabato. noon pa lang bumubukadkad ang kanilang araw.
halos dalawang oras din kami sa maliliit na kalsada.
sako-sakong pangalan na ng mga bulaklak at halaman ang nakalap ko.
rose (siyempre)
tulip (na naka-ref pa talaga. ang sosi.)
carnation
paper roses (hindi lang pala ito pamagat ng kanta)
malaysian mums (may version nito na ang pangalan ay spider at scary siya)
berry (isang lunti, makinis at mahabang sanga na may butlig-butlig)
kulot( isang halaman na maroon ang dahon at hugis matatabang luha ang talulot. madahon at mahaba, ewan kung bakit kulot.)
statice
angels breath
daisy (na lagi kong pang-opening line. 'te, 'yan po ba ang daisy? ay, miss, hindi.
donald yan. ducks ba?)
gerbera daisy
fern (malaki, maliit, medium, pampalaspaspas ang dating)
chrysanthemum
orchids (na puti nakasabit ito nang pabaliktad sa isang sampayan)
sweet william
sunflower (na maliliit. wala akong nakitang kasinlaki ng mga itinatanim sa up kapag malapit na ang graduation)
mickey mouse (isang mahabang tangkay na may bungang kulay dilaw at hugis mahaba-
habang mickey mouse.)
cactus
anthurium (iyong pula na may titing dilaw. nakakabad trip tingnan ang bulaklak na
to. lalo na kung kumpol-kumpol. kung galit ka sa isang tao, ito ang dapat
iregalo.)
pink na pinya (dalawang pulgada lang ang laki nito pwera pa yung pinakakorona niya.)
cabbage rose (anlaki nito. para talaga kay karen. malaki pa siya sa karaniwang
repolyo at nakabuka ang mga talulot nitong mangasul-ngasul na
malaberde-berde.)
ang mga bouquet ay nagkakahalaga ng P250-350. walang ek-ek ito. i mean, walang palamuti. bulaklak lang at iyong wrapper ng bulaklak. yung ibang bouquet kasi may stuff toy na kasinlaki ng kamao mo. yung iba, may nakatindig na pulang plastic na hugis puso. sabi, i love you. me bouquet na nga, may ganon pa. redundancy department of redundancy.
dala niya ang camera ng ate niya pero wala raw flash kaya hindi namin nagamit. malas. brownout nga kasi. pero nang magkailaw na, nakalimutan na namin itong gamitin.
enjoy na enjoy kasi kami sa mga bulaklak. puwede palang gawing pampalipas-oras ang simpleng pagtingin sa mga ito. nakakatanggal ng stress at pagod.
kung magnenegosyo ako, gusto ko bulaklak din. o di kaya prutas. kahit hindi ako kumita nang malaki, buo pa rin ang araw ko. maganda ang bulaklak. pampalusog naman ang prutas.
NAKATULONG SA PAG-ALALA KO SA MGA PANGALAN NG BULAKLAK ANG WEBSITE NA ITO:
http://www.buzzle.com/articles/list-of-flower-names-with-meanings-and-pictures.html
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment