Saturday, February 27, 2010
Huling huling papel na talaga para sa Panitikang Oral
Yey! 3 units din ito! hahahaha sana mabilis niya akong mabigyan ng grade!
Kakaiba ang experience na ito para sa akin. Ang pagbabasa ng readings ukol sa pasyon na pawang mabibigat na babasahin, ibig sabihin, nose bleed, mahahaba at talaga namang kritikal ay maihahambing ko sa mismong bahagi ng pasyon kung saan pinahirapan si Hesus. Mega-tiis siya sa lahat para lang mailigtas ang sangkatauhan. Parang ako si Hesus hahaha in terms of hirap na dinanas. Feeling! Nag-labor kasi talaga ako sa readings na ito. Pero, naman, pagkatapos ay anong ginhawa! Hindi, wala naman akong messianic complex pero feeling ko namatay ako sa pagbabasa ngunit nabuhay muli at napasalangit sa dami ng aking natamong karunungan. At ang karunungang iyon, sa pamamagitan ng blog entry na ito ay makakapagdulot ng mga butil ng liwanag sa iba. Bongga. Kaya from now on, pasyon is my passion.
Ilang tala mula sa Gaspar Aquino de Belen and the Pasion ni Bienvenido Lumbera
Ang Mahal na Passion na isinulat ni Gaspar Aquino de Belen (GADB) ay ang pinagbatayan ng Pasion Pilapil na siyang sumikat na bersiyon ng pasyon sa Pilipinas noong ika-19 na siglo.
Konting-konti lang ang pagkakahawig nito sa mga relihiyosong epiko mula sa kulturang Kastila.
Tampok sa mga pag-aaral at binabasa pa rin sa kasalukuyan ang pasyon ni GADB dahil sa malupit na imahinasyon ng awtor nito. Dagdag din ang husay niyang pasukin, galugarin at ihayag ang isip ng mga tauhan. Psychological ang approach, ganon.
Tagalog ang ginamit sa Ang Mahal na Passion. Nang panahon na iyon, hindi pa malayo ang gap ng Tagalog ng tula sa pang-araw-araw na Tagalog. May mga saknong nga sa Ang Mahal na Passion na maituturing nang kolokyal (nang panahong nabanggit.) Taong 1704 ang petsa ng publikasyon.
Mas epektibo ang mga saknong dahil may konsepto sa kulturang Filipino. Halimbawa ay ang pakikisama:
Di cayo,y nagsasangbahay,
iysa ang inyong dulang?
cun icao ay longmiligao,
may laan sa iyong bahao,
canin at anoanoman. (VII)
(Didn’t the three of you
share the same board?
while you were out, roaming around,
didn’t she set aside some food for you,
rice and whatever else there was to eat?)
Halimbawa pa ay ang tampo:
Caya ca gongmagayan
opan icao ay may avay,
sa Yna mong lapastangan
iyo nang panghihimagal,
caayavan mong daingan. (XXV)
(You say all this
because you want to put me off,
your uncouth mother;
this explains your coldness,
your refusal to be comforted.)
Makikita dito na imbes na gumamit ng GADB ng abstraktong konseptong panteolohiya, ipinaalala na lamang niya kay Judas sa pamamagitan ni Marya, ang uri ng pakikisamang ipinakita ni Marya sa kanya.
Ilang tala mula sa Pasyon and Revolution ni Resil Mojares
Nang patuloy nang bumaba nang bumaba ang popularidad ng epiko, napanatili pa rin ng mga Pilipino ang kanilang world view at ang papel nila sa kasalukuyang mundo sa pamamagitan ng pasyon. Ang pasyon ay mukhang alien sa Pilipinas pagdating sa nilalaman ngunit kapag sinuring mabuti, makikita rito kung paanong mag-isip ang mga Pilipino.
Ang Pasyon Pilapil ay ang ikalawa sa tatlong bersiyon ng pasyon na inaprubahan ng Simbahan (una ay ang kay GADB. Ikatlo ang El Libro de la Vida, ang pinaka halos perpekto sa lahat ngunit hindi pa rin nito natalbugan sa kasikatan ang Pasyon Pilapil). Ang Pasyon Pilapil ay isinulat daw ng isang katutubong pari na si Mariano Pilapil. Ngunit batay sa ilang tuklas, hindi siya ang sumulat nito kundi kaunting editing lamang ang kanyang ginawa/ambag dito.
Ayon sa iba, ito raw ay walang literary merit o theological standpoint. Ngunit itinuturing pa ring mahalaga sapagkat ito ang sumasalamin sa kolektibong kamalayan ng mga Pilipino.
Maituturing na social epic ng mga Tagalog (at ng iba pang mga tagapatag) noong ika-19 na siglo ang Pasyon Pilapil. May mga episode ito ukol sa pagkakalikha sa mundo, ang pagbagsak ng sangkatauhan at Huling Paghahatol o Last Judgment. Para itong kasaysayan ng isang mundo at hindi lamang basta kuwentong hango sa Bibliya.
May mga saknong sa pasyon na nag-eencourage ng paglaban sa namamayaning paniniwala at kaugalian. Halimbawa raw ay ang pagpapaalam ni Hesus sa ina niyang si Marya na ang dahilan ay upang sagipin ang sangkatauhan. Sa lipunang Filipino, dini-discourage ang paglayo ng mga anak sa magulang. Lalo na kung ang anak ay nag-iisang anak. Ngunit sa partikular na saknong na ito, makikitang bumabalikwas si Hesus sa nakasanayan at inaasahan sa kanya sapagkat mayroon siyang dakilang misyon. Ibig sabihin, maaaring ine-encourage ng saknong na ito ang pagbalikwas sa kung ano ang namamayani kung para naman ito sa kabutihan ng nakararami.
Maaari ding kaya sumikat nang husto ang pasyon ay dahil ang bida rito ay isang simpleng taong bayan, mahirap, hindi nakapag-aral at maging ang pinagmulan ay payak na magulang lamang. Nakaka-relate ang taong bayan kay Hesus. Maaaring nakita nila ang kanilang posibilidad na mamuno rin sa panahon ng pangangailangan. Kahit payak na tao si Hesus ay nagawa niyang makaengganyo ng mga apostol na bagama’t kapwa niya payak ang pamumuhay ay handa namang maglingkod para sa kanyang mga proyekto at layunin.
Maaaring basahin ito bilang empowerment sa karaniwang tao. Na taliwas sa nais mangyari ng Simbahang Katoliko nang panahong iyon. Siyempre, ang gusto nila ay maging tagasunod lang ang karaniwang tao. At hindi ang mga ito ang mga tagapagpasunod at tagapag-organisa ng kanilang mga kapwa.
Kung empowerment nga ito, nakakatuwa dahil nagawang mailusot ng mga karaniwang tao sa mapagmasid na mata ng mga prayle ang mensahe nila sa isa’t isa, ang empowerment. Noon ay inaawit pa ng mga tao ang pasyon kahit hindi naman panahon ng Kuwaresma! Sari-saring paraan ang naisip at ginawa ng mga tao para mapalaganap ang Pasyon Pilapil, halimbawa ay ginagamit itong himig at tekstong pangharana sa babae ng ilang kalalakihan kapag Mahal na Araw. Isa pang paraan ay may basbas ng simbahan: ang senakulo, isang stage play version ng pasyon na kadalasa’y idinaraos sa tabi ng simbahan.
Ilang tala mula sa The Christ Story as the Subversive Memory of Tradition: Tagalog Texts and Politics Around the Turn of the Century ni Jose Mario C. Francisco, SJ
• Ang sanaysay na ito ay paglalahad ng kasaysayan ng kuwento ng buhay ni Kristo. Sinuri din ng may akda ang pagkakaiba ng bawat bersiyon at inisa-isa niya ang posibleng mga dahilan kung bakit magkakaiba-iba ang mga ito.
• Ang kuwento ni Kristo ay isinulat sa paraan kung saan madaling makaka-relate ang mga tao saan mang panig ng mundo siya nagmula. Kaya kapag binasa mo ito, kahit sino ka pa, may makikita at makikita kang similarity doon at sa iyong buhay.
• Ang Pasyon Pilapil ay may 2660 saknong at 5 taludtod kada saknong.
• Unang Tagalog form ng buhay ni Kristo ay ang salin ng Apostle’s Creed na matatagpuan sa Doctrina Cristiana (1593). Muli itong isinulat at ikinuwento ng mga Espanyol na misyonero at ng katu-katulong nilang mga katutubo bilang mga bahagi ng devocionario at vocabulario.
• Sa pamamagitan talaga ng anyong pasyon ay naipakalat ang buhay ni Kristo. Wagi ang anyong pasyon. Ang unang pasyon sa wikang Tagalog ay ang isinulat ni GADB noong 1703. Mayroon pang isang bersiyon na kung tawagin ay Pasyon Guian (1740) ngunit nawawala at hindi makita-kita ang hard copy nito (wala rin namang soft copy siyempre). Sunod ay ang Pasyong Pilapil na kilala rin sa tawag na Pasyong Henesis kasi nagsimula ito sa kung paanong nilikha ang mundo (1814). Noong 1852 naman ay nalathala ang isang bersiyon na isinulat ni Aniceto de la Merced. Ang bongga dito kay Aniceto de la Merced, chinaka-chaka niya ang Pasyong Pilapil. “It no longer conformed to the lofty canons of current literary style,” anya at ito raw ay may faulty scholarship at senseless moral lessons. Aray.
• Ang mga printing press noon ay pag-aari ng mga prayle kaya kontrolado talaga nila ang anumang printed material na lalabas sa publiko.
• Dahil dito, dagdag pa ang mga tulad ni de la Merced na malupit manlait, lumabas ang political unconscious ng mga katutubo. Natanto nilang ang isang teksto, kapag ni-recite o itinanghal, ay imposibleng hindi magbago kung ikukumpara sa orihinal. At kapag inulit-ulit ang pagrerecite o pagtatanghal, nababago ito nang nababago. Ang mga pagbabagong ito ay dumadaan na sa isip ng mismong nagre-recite o nagtatanghal. At sila iyon, ang katutubo, wala nang iba. So ibig sabihin, nababago nila ang teksto ng pasyon. So ibig sabihin uli, ang pasyon ay unti-unting nagiging bersiyon na ng mga katutubo.
• Kaya naman ang kasunod na eksena, nagkaroon ng time, noong ika-19 na siglo, na sinikap ng mga prayle na magkaroon ng isang definitve na teksto para mabalewala ang iba pang teksto ng pasyon. Sinubukan din nilang pigilin ang mga pabasa (ng pasyon) dahil ito raw ay nag-eencourage ng heresy. Hindi lang iyon, dahil din daw dito ay nagkakaroon ng pagkakataong magkita/mag-date ang mga lalaki at babae. Yes, dahil ang pabasa ay pagtitipon-tipon ng mga tao sa isang lugar na kadalasan ay isang bahay na may malawak na bakuran. Siyempre, sinasamantala na ito ng mga mag-irog para makapag-meet.
• In short, nagkakaroon ng public disorder dahil sa pabasa. Kaya noong 1827, kinulit nang kinulit ng mga prayle ang pamahalaang Espanyol na i-ban ang pabasa.
• Ano ang implikasyon nito? Nagkaroon ng tunggalian sa pagkontrol sa kuwento ng buhay ni Kristo. Kaninong bersiyon nga ba ang dapat na manaig? Iyong sa simbahan o iyong sa karaniwang tao?
• Aral ang tawag dito sa mga saknong na mababasa pagkatapos ng mga episode o section ng pasyon. Magkakaiba ang sinasabi rito ng mga bersiyon ng pasyon. Halimbawa na lang ay iyong aral ni de la Merced pagkatapos magbigay ng regalo ng Magi kay Hesus. Sinabi niya rito na ang kayamanan at kahirapan ay idinudulot sa atin ng Diyos. Bahagi iyon ng plano sa atin ng Panginoon. Para bagang, “tanggapin mo ang kahirapan kung mahirap ka dahil plano iyan ng Diyos para sa iyo.” Kaya pala, itong si Villar, tanggap na tanggap niya nang siya ay iadya ng Diyos na maligo sa dagat ng basura. Magagamit daw pala kasi niya sa eleksiyon balang araw tulad ngayong 2010.
• So anong moral lesson? Iyan ang tanong na pinaikot nang pinaikot sa pasyon pagpasok ng 1800s dahil ito ang panahon na developed na developed na ang ekonomiya at pampolitikang estado sa Pilipinas gayon din sa Espanya. Anong konek? Gumanda-ganda ang buhay sa Pilipinas kaya kailangan na raw magkaroon ng urbanidad ng taong bayan. At dahil ang pasyon naman ay popular, ito ang ginamit upang ituro ang urbanidad sa kanila. Pero hindi sapat ang pasyon, dito na rin pumasok ang komedya, awit at korido, kuwento ng buhay ng mga santo at iba pa. Hindi na si Hesus ang tampok sa mga ito kundi mga karaniwang tao na nagsikap na maging mabuti o di kaya ay tampok naman ang pananaig ng Kristiyano sa iba pang relihiyon.
• Hidden agenda pala ng Espanyol na ituro ang urbanidad sa pamamagitan ng panitikang ito. Oo nga naman, hindi namamalayan ng taong bayan na bine-brainwash na pala sila. Akala nila ay pang-aliw lamang ang lahat.
• Pero kung inaakala mong walang ginawa ang mga katutubo sa hidden agenda ng mga Espanyol, nagkakamali ka. Kahit na bino-bombard ang mga katutubo ng ganitong panitikan ay nagawa pa rin nilang lumikha ng mga panitikang may appropriation ng kuwento ng buhay ni Hesus. Noong katapusan ng 1800 hanggang sa gitna ng 1900, maraming akda ang lumabas kabilang dito ang dalawang pamphlet sa anyo ng awit. Isinulat ito nina Mariano Sequera at Joaquin Manibo. Ang una ay Justicia ng Dios na nagtampok ng isang tauhan na pari bilang counterexample naman ni Kristo. Ang ikalawa naman ay Lilim ng Dalawang Batas, patulang paglalahad ng batas ng Diyos, bansa at ang tunggalian ng mabuti at masama. Ginigising nito ang mga paring Filipino upang sumali sa nagaganap na pagkalas sa namamayaning mga prayle upang tuluyang buuin ang Iglesia Filipina Independiente (IFI). Ang Patnubay ng Binyagan ay ang epiko ng IFI at isinulat ni Pascual Poblete. Kamukha nito ang bersiyon ni de la Merced ngunit may idinagdag si Poblete na tumutuligsa sa Katolikong Simbahan.
• Pagpasok naman ng panahon ng Amerikano ay dalawang malikhaing akda rin ang makikitaan ng appropriation ng buhay ni Hesus: ang Bagong Cristo ni Aurelio Tolentino at ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar. Kapwa maihahalintulad kay Hesus ang mga pangunahing tauhan ng dalawang akda. Maging sa pangalan pa lang (at gender, lalaki tulad ni Hesus!!!) ay kita na ang ebidensiya: Jesus Gatbiaya at Luis Gatbuhay. Take note natin ang paggamit ng dalawang manunulat sa Gat bilang bahagi ng pangalan. Clue ito na ang may ari ng pangalan, bagama’t karaniwang tao kung titingnan ay mayroon namang dakila at noble na origin. In short, parang royal blood. Ang ibig sabihin ng gat ay dakila. (Kaya lagi nating dinadagdagan ng Gat ang pangalan ni Jose Rizal. )
• Sa dalawang akda na ito, ang bida ay karaniwang tao, manggagawa at mahirap. Kalaban nila ang mga makapangyarihan, may awtoridad at ang may kapital. Idiniin sa dalawang akda ang halaga ng katwiran bilang rasyunal na pundasyon ng kaayusang moral. Kung nais natin ng mahusay na personal at panlipunang pag-iral sa mundong ito, ang kailangan lamang ay katwiran. Mula sa salitang ugat na tuwid!
• Maraming pagkakatulad sa buhay ng mga bida sa dalawang akda at kay Hesus. Marami ring pagkakaiba. Ngunit hindi ito ang mahalaga. Ang mas mahalaga ay ang pagtatangkang maikuwentong muli ng lipunang Tagalog ang kuwento ng buhay ni Hesus. Sa ganitong paraan kasi nakikita ang silbi at halaga ng buhay ni Hesus sa ating lipunan. In short, sa ganitong paraan, sa appropriation ng kuwento ng buhay ni Hesus, mas nakakarelate tayo kay Papa Jesus.
• Masasabi kong ang kuwento ng buhay ni Kristo ay hindi na nga simpleng pagkukuwento ng buhay ng isang anak ng Diyos. Ito ay kasangkapan na ginagamit ng mga taong gustong magpamayani ng isang uri ng kamalayan, ito ay behikulo ng itinataguyod na ideyolohiya o advocacy. Sa kasalukuyan, maraming muling pagkukuwento ng buhay ni Kristo. Nariyan ang bersiyon ni Villar, na galing din sa mahirap at payak na pamilya (claim niya) at ngayon, sa husay magsalita at mag-preach ay nakakaakit ng libo-libong believers. Ang tanong, kung siya nga alter Christus ng ating panahon, magpapaligtas ka nga ba?
Ilang tala mula sa paliwanag ni Rene B. Javellana, SJ sa Mahal na Passion ni Jesu Christong Panginoon Natin na Tola
• Tine-trace ng may akdang si Javellana kung ano-ano kayang mga aklat ang nasa harap ni GADB habang isinusulat niya ang Mahal na Passion. Ilan sa mga posibleng pinaghanguan nito ay Vulgata (sipi ng Banal na Kasulatan na kumalat noong panahong Kastila), katipunan ng mga kuwentong Biblikal o Vita Christi, pasyong mga Kastila, Luma at Bagong Tipan ng Bibliya, mga likhang Apocrypha (mga lumang akda sa anyo ng ebanghelyo, liham at mga gawa ng nagsasalaysay ng mga lihim-_at may lihim na mga tagpo pala sa buhay ni Jesus-na tagpo sa buhay ni Jesus at ng mga alagad niya) at mga leyendang Kristiyanong sinagap sa mga awit, at ang mga awit mismo at siyempre ang sutil at malikhaing isip ng manunulat, ayon daw kay Nicanor Tiongson.
• Pero anya, pinakahawig sa nilalaman at balangkas ang pasyon ni GADB sa Retablo de la Vida de Cristo ni Juan de Padilla na inilimbag noong 1585. Kaya malamang ay ito raw ang nagsilbing gabay ni GADB sa pagsulat. Marami raw pagkakataong mukhang malayang salin ang gawa ni GADB kung ikukumpara sa sa gawa ni JDP.
Mula sa panalangin ni Jesus para sa Inang Birhen at mga alagad,
GADB
Inoolit inaambil,
Yaong onang panalangin,
Na dating idinadaying,
At toloy ipinagbilin
Ang caniyang Inang Virgen.
JDP
Pero con gran aficion
!O piadoso Senor Padre!
Porque se que mi passion
Herrir ha su Corazon
Te enconmiendio aquella
• Pero ang ending, ayon sa may akda, hindi nakabuklat sa harap ni GADB ang sipi ng Bibliya habang kinakatha ang pasyon. Maraming marami siyang pinagsanggunian ng mga salaysay na hango sa Bibliya.
• Ang isa sa ikinaaangat ng pasyon ni GADB ay ang pagkakaroon nito ng talinghaga. Gumamit ng talinghaga si GADB marahil ay upang maging mas interaktibo sa nakikinig/mambabasa ang akda at upang makahikayat ng mas maraming tagapakinig/mambabasa dahil pamilyar ang talinghaga sa kanila.
• Bakit nga ba may pasyon? Noong unang panahon, laging may shortage ng mga pari. (Well, hanggang ngayon naman.) Hirap kasi sa klima ng Pilipinas ang mga pari/prayleng puti kaya madalas silang nagkakasakit at eventually nga ay nangamamatay. Tapos usad-pagong naman ang pag-oordena ng mga katutubong nais maging pari kaya walang agarang replenishment sa kaparian. Kaya natanto ng mga prayle/pari na kailangan nilang bumuo ng lupon ng mga sinaunang Kristiyano na tutulong sa mga pari sa pagbabasbas sa mga Kristiyanong maysakit, naghihingalo na at nasa bingit ng kamatayan. Ang tawag sa lupon na ito ay magpapahesus. Sila ang mga bumabasa ng panalangin para sa maysakit habang ito ay naghihingalo. Kapag pumanaw na ang naghihingalo, ang pasyon naman ay babasahin para sa mga naglalamay. Yes, sa okasyon ng kamatayan ng karaniwang tao originally ginagamit ang pasyon.
• Kaya binabasa sa namatayan ang pasyon ay upang makatulong na maibsan ang takot ng mga namatayan sa susuunging journey ng mahal nilang namatay. Napakamisteryoso kasi ng kamatayan. Wala namang nakakaalam kung anong klaseng paglalakbay ang gagawin ng bawat isa sa atin pag tayo ay namatay na. Sa pasyon, namatay din si Hesus. At doon ay ipinapaliwanag kung ano ang kanyang mga naisip at naramdaman, at ano ang mga nangyari sa kanya. Kaya masasabing nakakatulong sa mga namatayan ang pasyon para mas magkaroon sila ng malinaw na larawan ng sinusuong na sitwasyon ng kanilang mahal sa buhay. Isa pang nagagawa ng pasyon ay nakakatulong na maging mas kampante ang mga namatayan kasi maiisip nilang kasabay ni Hesus sa paglalakbay (dahil ito ay namatay nga sa pasyon) ang kanilang mahal sa buhay. Tingnan mo nga naman, akala natin ay pang-Holy Week lang ang pasyon!
• At lalo pang kinumbinse ni GADB ang mga tagapakinig na kasa-kasama at maituturing na kaibigan sa paglalakbay si Hesus dahil sa malimit niyang paggamit ng mga salitang: sasama, casamang irog, manga ibig co’t, catoto, casama’t abay, catoto’t irog at pagaagbay. Ang image na naproject ay ang Diyos hindi bilang Diyos kundi Diyos bilang taong malalapitan, kaibigan, nakikibagay sa kapwa.
• Inisa-isa ng may akda ang mga tauhan sa pasyon. Si Judas daw, ang weakness ay mas mahal niya ang salapi kaysa kay Hesus. Sayang sapagkat bagaman isang traydor ay hindi siya pagsasawaan ni Hesus na ibigin. Kung siya lamang ay bumalik at hindi nagpakamatay! Si Pedro naman ay iba ang weakness. Mas internal. Libo-libo ang ipinangako niyang gagawin para kay Hesus pero pagdating ng kagipitan ay hindi niya ito napanindigan. Pero ipinarating ni Hesus kay Pedro na matatamo pa rin nito ang kapatawaran at kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos Ama sa pamamagitan ng pagtitig nito bago tuluyang dakpin ng mga kawal. Ang ganda naman ng kay Marya. Sabi raw dito ay nauunawaan ni Marya ang misyon ni Hesus sa lupa, ang iligtas ang sangkatauhan. Pero sana ay maunawaan pa rin daw ang kanyang damdamin dahil hindi lang siya kabilang sa sangkatauhan kundi isa rin siyang ina. At ang makita ang sariling anak na lubos na nahihirapan? Anong pasakit nga naman! Ang galing nito, naging very human si Mama Mary.
• Isa pang mensahe ng pasyon ay ang simbolo ng krus na binuhat ni Hesus. Ito ay ang paghihirap. Sa buhay daw, hindi maiwasan ang paghihirap. Ano ang tanging makakapagbigay ng ginhawa? Ang mga tulad ni Simon, na pansamantalang bumuhat ng krus ni Hesus. Bagama’t saglit lang niyang binuhat ang krus ay nakadama ng ginhawa si Hesus.
• Naniniwala ang mga sinaunang Tagalog na hindi naman talaga namamatay ang mga taong namamatay. Pumupunta lang daw sila sa banal na bundok tulad ng Banahaw at patuloy na mamumuhay doon batay sa kung ano ang panlipunang estado nila bago sila namatay. Halimbawa, alipin pa rin ang mga alipin. Dahil dito, nawawala ang misteryo ng kamatayan. Hindi sila naguguluhan. Nauunawaan nila ang cycle ng buhay. Pero pagdating ng kristiyanismo, binago nito ang konsepto ng kamatayan. Ang death ay naging tuldok. As in the end. So paano nga ba ito matatanggap ng isang lipunang may sarili nang paniniwala ukol sa pag-iral at pagtatapos ng buhay tulad ng lipunan ng sinaunang Tagalog? Noon ipinakilala ang konsepto ng langit kung saan maluwalhati ang pamumuhay kasama si Hesus. Sabi ng sinaunang Tagalog, “e, hindi naman pala nakakatakot mamatay basta’t susunod lamang sa mga turo ni Hesus.” Aha, kaya pala madali na nitong nakalimutan ang pag-akyat sa Banahaw ng mga mahal na pumanaw! Ang lahat nang ito ay mahusay na nailahad at naipaabot ni Gaspar Aquino de Belen sa kanyang bersiyon ng pasyon.
Ilang puna sa aktuwal na teksto ng pasyon ni GADB
Pormalistiko naman ang komento ko sa ilang saknong sa pasyon ni GADB. Bagaman ayon kay Lumbera,
sensitibo si GADB sa paggamit ng Tagalog bilang wika sa isang tula. Kung ibang misyonerong makata ang sumulat ng Ang Mahal na Passion, malamang ay tadtad ito ng ko, mo, na, ba, baga, pala para lamang may maipantugma. Sa mga saknong ni GADB, dahil sa lawak ng bokabularyo ng may-akda, ay hindi makikitaan ng ganong tendensiya. Ang mga salitang pantugma niya ay kadalasang iyon ding pinakamahalaga sa taludtod na iyon. Hango ito sa unang saknong sa pinakaunang pahina ng papel na ito ang mga salita niyang pantugma: nagsasangbahay, dulang, longmiligao, bahao, anoanoman. Pawang mahahalaga ang salitang naroon.
….ay marami pa rin akong nakitang saknong na halatang kinapos sa pantugma.
Saknong 345
Tayo ay nagcalotas na,t,
ang sulat ay nayari na,
iyo ang pilac, at amin siya
capoua natin minaganda,
ay ngay-on ca pa ngangapa?
Saknong 691
Magsaoli ca na Ina,t,
ang loob,y, gao-in mo na,
mahirap ma,y, anhin baga?
aquin uang iorong pa,y,
maronong acong magbata.
Saknong 754
Sabing ito,y, paganhin na
ang bahalang maghalaga,y,
ang bait mo, at sucat na,
caloloua mo,y, iisa
cun masira, y, omano ca?
2 out of 5 na pantugmang salita ay na o pa at iba pa. Mahinang pantugma ang mga salitang iisa ang pantig. Hindi rin ganon kahalaga ang salitang baga.
Nakakatuwa naman ang saknong na ito. Hindi ko alam kung paano babasahin ang dulong salita ng taludtod para magkaroon ng isahang tugmaan.
Saknong 820
Pagcasulat ay ga yari
isang I icalaua,y, N.
at ang icatlo ay R.
ang icapat nama,y, I.
cahoogan ay ga yari.
At may pandaya rin pala pagdating sa sukat o bilang ng tugma itong si GADB. Tunghayan:
Saknong 875
…
Poon at Panginoon co
(a niya) yaring salaring tauo
mari alalahanin mo,
cun moi ca sa Bayan mo,
cahariang dating iyo.
Bukod sa tatlong taludtod ang nagtapos sa iisang pantig na mga salita, na itinuturing ngang mahinang pantugma, ay may paltos din sa sukat. Sa ikalawang taludtod, gumamit siya ng panaklong para hindi na maibilang ang (a niya) bilang mga pantig ng taludtod na iyon.
Mula rito ang larawan sa blog entry na ito: http://images.google.com.ph/imgres?imgurl=http://www.asianews.it/files/img/FILIPPINE_(F)_0408_-_Pabasa_Settimana_Santa.jpg&imgrefurl=http://www.asianews.it/news-en/Easter-in-Manila,-kissing-the-cross-of-Jesus-14942.html&usg=__uVOkllzyxRDKOgiwHWzNvYnvIno=&h=300&w=400&sz=34&hl=tl&start=3&um=1&itbs=1&tbnid=igv2iPiFlnETdM:&tbnh=93&tbnw=124&prev=/images%3Fq%3Dpabasa%26um%3D1%26hl%3Dtl%26sa%3DN%26tbs%3Disch:1
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment