Thursday, February 11, 2010

isang posibilidad

nagbabago na ng anyo ang libro.

sabi yan ni sir jun balde. Magkausap kami kaninang umaga sa cafe ng aklatan.

usong uso na ang e-books ngayon.

Meron nang mga gadget tulad ng kindle na ibinebenta sa halagang $200. kaya nitong maglaman ng hanggang 250 na aklat. nililinang pa ito ngayon para makapaglaman ng hanggang 2000 aklat. Ito ay malaki lang nang konti sa palad ng isang tao.

Imagine, 2000 aklat sa iyong palad!

Kahit nakapila ka sa 711, makakapagbasa ka.

Kahit naghihintay ka ng forever mong late na date, makakapagbasa ka.

Kahit naghihintay ka ng late mong propesor, sige na nga mahusay naman, makakapagbasa ka.

Kahit naghihintay ka ng late mong mga estudyante, makakapagbasa ka. hmm..period.

Kahit umaano ka sa CR o di kaya ay umiihi lang, makakapagbasa ka.

Kahit ano pang kahit, makakapagbasa ka.

at kapag nabagot ka sa isang teksto, pwede kang magpatalon-talon sa ibang teksto. 1999 na teksto pa ang pagpipilian mo.

wow.

meron ding ibinebenta si Steve Jobs, ang CEO ng Apple, ang E-pad. ito naman ay parang computer na kasinlaki ng dalawang palad. $400 daw ito at kung gusto mong mag-type, lalabas ang keyboard sa mismong screen. ginagamit din ito upang makapagbasa ng mga e-book.

noong nasa up pa ako, nakapagbasa ako ng mga lumang diyaryo, as in noong panahon pa ng espanyol, sa microfilm. matagal ang panahon na iginugol ko rito. kasi hahanapin mo pa sa OPAC. tapos ililista mo. tapos ibibigay mo sa staff na madalas ay wala sa kanyang puwesto. tapos ibibigay niya sa iyo ang rolyo. tapos iche-check mo kung tama ang nakuha mong rolyo. kung mali, babalik ka sa staff at papapalitan mo ito. kung wala siya roon uli, hihintayin mo siya. e dahil naabutan ka na ng lunch break, lalabas ka muna ng microfilm room. magka-casaa ka muna. pagsapit ng ala-una, babalik ka sa library, sa microfilm room at maghihintay sa staff para palitan ang maling rolyo. pagkaabot sa iyo ng tamang rolyo, bubuksan mo na ang microfilm tapos ilalapat mo ang rolyo doon. kung hindi ka marunong gumamit, pag-aaralan mo pa ito. tapos gagalaw-galawin mo ang gadget para mapapunta ang lente sa side ng diyaryong kailangan mo. tapos gagalaw-galawin mo uli ang gadget para mapalinaw ang bahagi ng diyaryong gusto mong basahin. at sa wakas, malalaman mong hindi mo pala kailangan ang nakasulat doon. tama ang rolyo, tama ang diyaryo pero hindi tama sa pangangailangan mo ang nandoon.

sa future, kung papatok nang bonggang-bongga ang e-books (at nawa'y e-newspapers lalo na iyong mga lumang-luma), madaling-madali na ang lahat. madidissolve naman ang microfilm rooms. pati ang minamahal nitong staff.

pero senti pa rin ako pagdating dito.

ikalulungkot ko nang lubusan ang pagdating ng araw na bibisitahin ko na lamang sa inaalikabok nang mga museo ang paborito kong mga libro.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...