Saturday, February 27, 2010
tibao
Related pala ang space sa death.
Paano?
Laganap sa lahat ng kultura ang pag-alis o paglalakbay bilang tayutay ng kamatayan. Kaya sa Ingles, gamit nila ang passed away, dumaan, ibig sabihin, may pagkilala sa espasyo. Hindi ka makakapaglakbay kung walang espasyong paglalakbayan at all. At hindi ka makakarating, ni hindi makakaalis saanman kung walang espasyo. Kasi raw space is anything that is being occupied by matter. 'Yan ang sabi ng teacher ko sa Science noong Grade 4.
Sa kultura natin, gamit natin ang yumao, pumanaw at sumakabilang-buhay. Ang yumao at pumanaw ay hindi naman talaga ukol sa pagkamatay noon. Ang orihinal nitong kahulugan ay pag-alis sa kinaroroonan. Kaya ang mga lolo natin pag nagsalita ng yayao na ako, huwag tayong magsisisigaw, magngangangawa, huwag mabahala. Ang ibig lang sabihin niyon ay aalis na siya, maglalakwatsa, pupunta somewhere else. Hindi siya nagpapaalam sa atin na mamamatay na siya. Baka makikipag-eyeball lang, ganon.
Sa sumakabilang-buhay, kitang-kita na ang pinakaimportanteng salita rito ay kabila at hindi buhay. Kasi ang buhay ay given naman doon sa sitwasyon ukol sa kamatayan. Pero pansinin na may kaugnayan uli ang salitang ito sa espasyo. Ang kahulugan ng suma ay pumunta o nagpunta. Sumalangit nawa=pumunta sa langit nawa.
So ibig sabihin, sumakabilang-buhay means pumunta sa other side ng buhay. May other side ang buhay. Kumbaga sa kalsada, may dalawang lane. Ang isa ay buhay ang tawag. Ang isa, iyon na nga. Iyong pagsasakabilang-buhayan ninyo. Death nga. Kamatayan.
Kumbaga naman sa magkapit-bahay, ito ang side ko. paglampas ko ng bakod, other side na iyon. Hmm...
So ang buhay bilang isang konsepto ng espasyo.
Ayan.
At ang tunay at tanging dahilan kung bakit ko naisulat ang blog entry na ito ay hindi naman espasyo at kamatayan. Balikan ang title ng entry. Tibao, di ba?
So eto na. Kinopya ko ito mula sa paliwanag ni Rene Javellana ukol sa pasyon ni Gaspar Aquino de Belen:
"Naniniwala rin ang mga sinaunang Tagalog na may pinupuntahan nga ang mga yumao. Bagaman hindi malinaw kung saan ito, naniniwala sila na bumabalik ang mga yumao sa ikatlo at ikasiyam na araw pagkatapos mamatay. Dahil dito, naghahanda sila ng piging na binansagang tibao sa bahay ng namatayan. Naglalatag sila ng banig na may abo habang nagdiriwang upang kung sakaling dumalaw ang patay, maiiwan ang kanyang bakas."
Ngi. Scary.
Ngayon, alam ko na kung bakit may pasiyam. Alam ko na rin kung bakit mukhang party sa dami ng pagkain ang pasiyam. Para pala itong homecoming ng taong namatay.
Pero ang tanong, sino naman ang gustong sumalubong sa nagho-homecoming na patay? Ngi. Lord.
At ang hindi kayang ma-take ng duwag kong mga tuhod ay ang pag-iiwan ng bakas ng namatay. Utang na loob. Kung sakaling ako ang mamatayan at may makita nga akong bakas sa ibinudbod kong abo, mapupunit ang bibig ko sa kakasigaw.
:-o
Pero in fairness, magandang gawan ito ng kuwento, ha?
Ang larawan ay mula rito>> jures1979.wordpress.com/.../sa-aking-pagtanda/.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment