Nakaka-LSS talaga ang kanta sa TV commercial ni Manny Villar.
Kanina lang sa dyip, mag-isang nag-apuhap ng ilang notang maihihimig ang aking isip. Ito ba naman ang sumulpot:
Si Villar ang tunay na mahirap.
Si Villar ang tunay na may malasakit.
Si Manny Villar ang magtatapos ng ating kahirapan.
At balita ko, tumaas ang ratings ni Villar versus Noynoy.
Milyon-milyon siguro ang bonus na tinanggap ng nagsulat at nag-compose ng kanta
sa TV commercial na iyon. Dahil diyan tawagin natin siyang Bigtaymer.
Tapos pagdaan ng panahon, naging pangulo na nga ang ponkan-maniac presidentiable na ito at mari-realize ng mga tao including si Bigtaymer na palpak naman talaga si Villar, na wala naman talaga itong sinseridad na tumulong sa mahirap, na wala naman talaga itong gagawin kundi ang mangurakot lamang, na wala naman talaga itong malasakit kundi nanggagamit lang.
At muli, katulad ng ginawa na natin sa mga ganitong eksena, magbubungkos ang mga Pinoy bilang sambayan para patalsikin ang palpak na pangulo. Mahihinto ang trabaho, ang eskuwela, ang produksiyon, ang mundo para labanan ang isang napakayamang evil na kulay orange.
At pusta ko, sasama itong si Bigtaymer sa rali, sa welga, sa group discussions, room to room at iba pa. Magpapa-interbyu din siya sa media. At sasabihin niyang nagsisisi na siya kung bakit ginawa pa niya ang kantang naging isa sa dahilan kung bakit sumikat si Villar. Kung bakit nagoyong muli ang mahihirap. Kung bakit nabolang muli ang karaniwang Pilipino.
Ang mga milyones na ibinigay sa kanya bilang bonus, wala na iyon. Matagal na niyang nagastos ang mga iyon. Iba na kasi ang panahon.
Nakarinig na ako ng ganito. Isang designer ni Imelda Marcos ang ininterview sa TV. Palabas yata sa TV ang pagdiriwang ng pagtatapos ng batas-militar. Tampok doon ang mga tao, bagay, lugar na may kinalaman sa dekada 60, 70 at 80.
Malaki na ako nito, nagtatrabaho na ako. Sabi ni designer, siya raw ang nagdidisenyo ng mga pang-Filipiniana gown ni Imelda at ang paborito nitong ipagawa ay iyong ternong komplikado at elaborate talaga ang disenyo. Tadtad daw lagi ang mga ito ng beads, gems, burda at iba pang maikakapit na kinang at rangya sa damit. May isang grupo raw ng mga tagapagburda ang designer. At hindi iisa ang nabulag na tagapagburda dahil sa mga ipinagagawang terno ni Imelda. Malupit daw ito at talagang marangya.
Noong pinanonood ko si designer, natatawa ako. Bakit ngayong nagninisnis na ang kapangyarihan ng mga Marcos ay saka siya nagsasalita? Saka siya nagrereklamo at nagbubunyag ng mga ganitong detalye? Bakit tinanggap niya ang trabahong magdisenyo para kay Imelda kung gaganito rin naman pala siya sa huli? Saan kaya napunta ang ibinayad sa kanyang maaaring umabot din sa milyon-milyon?
Kung sasabihin naman niyang natatakot siya para sa kanyang kaligtasan (kasi nga naman ay kilala ang mga Marcos sa pagpapautos ng mga salvage-salvage) kaya't walang patumangga siyang sumunod na lamang noon, katanggap-tanggap nga naman. Pero mas katanggap-tanggap kung isosoli niya ang pera (at katanyagan) na inani niya nang mga panahong iyon.
Malamang, hindi niya gagawin iyon. Hello? Sino ang tatalikod sa pera? Hello, para sa bayan, sino ang iiwas sa bango ng salapi?
Ikaw, Bigtaymer, tinitiyak kong palpak ang pinaglilingkuran mong tao, kaya sakali mang mangyari sa iyo ito, huwag kang babaliktad. Mas nakakahiya iyon. Iyong tipong uugod-ugod na si Villar ay saka mo sasabihing nagsisisi ka na ikaw ang isa sa mga dahilan ng kanyang pagkapangulo. Panindigan mo 'tong paglalaan mo ng husay at talino sa paggawa ng kanta para sa isang evil na kandidato.
Kapag ini-impeach na namin ang Villar na iyan sa dami ng kalokohan, gumawa ka ng kantang magpapabago ng aming mood, ha? Gumawa ka ng kantang magpapabago ng katotohanan. Husayan mo. Tingnan natin kung hanggang saan ang iyong galing.
Tuesday, February 9, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
4 comments:
bitter ata si ma'am kay villar. hehe
nge.kung hindi po si villar?e sino po?
jhulez, manhid lang ang hindi makakaramdam na walang sinseridad ang taong iyan sa paglilingkod. tingnan mo, halos lahat ng kasama niya sa senado, biglang nagbubunyag ng mga kalokohan niya. ibig sabihin, maski sila, e, walang katiwa-tiwala. at yes, bitter akong talaga. napakarami ng dahilan. sa amin pa lang, e, sa las pinas.
at kay anonymous, bakit ako ang tinatanong mo kung sino? hindi ako eksperto sa lahat ng kandidato. pinakamainam mong gawin (at lahat ng botante), manaliksik!
alamin ang pagkatao ng mga kandidato. hindi tayo dapat nagre-rely lang sa mga inihahain nila sa atin. lalo na sa anyo ng mga nakaka-LSS na kanta.
Post a Comment