Saturday, January 30, 2010

sorry but no sorry

nagpagawa kami ng cake na punompuno ng icing na bulaklak ang ibabaw.

sa katawan ng cake ang nakalagay: we're sorry, mam cora.

tapos pinuno namin ng post it notes ang takip ng kahon ng cake.

humingi kaming lahat ng sorry at pasensiya from mam cora. sa pamamagitan ng mga post it.

tapos iniwan namin ang cake sa mesa para madali niyang makita pagbalik niya mula sa klase.

wala na kaming lahat sa faculty room nang tumawag siya sa akin.

noong umpisa, akala ko, natatawa siya sa ginawa namin. akala ko nakukyutan siya sa gesture namin. akala ko, pinapatawad na niya kami.

pero nagtagal nang ilang minuto pa ang tawag at doon ko natuklasan ang tunay na himig ng kanyang mga sinasabi: naiinis.

naiinis siya dahil ginawa pa raw namin iyon. sana hinayaan na lang namin kung ano na ang nangyari sa nakaraan. sana hindi na lang kami bumili ng cake.

sino raw ba kasi ang may pakana niyon?

thank you pero sorry daw dahil hindi daw niya maiuuwi ang cake. marami pa raw siyang pupuntahan.

nalungkot ako. ganito pala kapag nagsosorry ka at ayaw tanggapin ng tao ang sorry mo.

nakakainis na nakakalungkot. kasi malinis ang intensiyon ng grupo. pero mali ang perception ng taong pinag-alayan ng gesture na iyon.

sana maging atom ako ng dugo ni mam cora. tapos papasok ako sa utak niya. tatanggalin ko ang pagkakabuhol-buhol ng mga ugat doon. palagay ko dulot lang naman ito ng isang napakalupit na tampo.

Thursday, January 21, 2010

papel # ___th %^#^!#^@@

yes, lord, hindi pa ako tapos dito. pero hindi ako iiyak. dahil......isa na lang...bwahahahaha pasyon na lang. tapos me grade na ako. lord, tulong!


Ilang tala ukol sa Balagtasan Kasaysayan at Antolohiya ni Dr. Galileo S. Zafra

• Isinunod ang balagtasan o patulang pagdedebate sa pangalan ng may-akda ng Florante at Laura na si Francisco “Balagtas” Baltazar. Hindi sumulat si Balagtas ng anumang balagtasan. Ni hindi rin siya bumigkas ng isa sa mga ito. Ang mga makata ng siglo 20 ang nagbansag sa gawaing iyon bilang balagtasan bilang parangal sa dakilang makata na nabuhay noong siglo 19.

• Ang pinaghanguang anyo ng balagtasan ay ang duplo, isang larong idinaraos sa lamayan. Tagalog ang wika nito pero marami sa mga terminong teknikal ay Kastila. Hinala ni Julian Cruz Balmaseda, isa sa mga iskolar na naghalungkat ng nakaraan ng duplo, mga ladino ang lumikha ng anyong ito.

• Taliwas sa inaakala ng iba na impromptu ang balagtasan, ito pala ay scripted! Ang kauna-unahang balagtasan na itinanghal ay ang kina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes. Isinulat ng dalawang nabanggit na makata ang iskrip bago pa man dumating ang araw ng pagtatanghal, 6 Abril 1924.

• Pero kahit may iskrip, nasa tradisyong pabigkas pa rin ito dahil ang iskrip hangga’t hindi itinatanghal ay itinuturing na di-tapos na bersiyon ng balagtasan.

• Sa sobrang kasikatan ng tambalang de Jesus at Florentino, lagi silang naiimbitahang magbalagtasan sa iba’t ibang bayan, kamukha ito ng campus o mall tour ng mga artistang sikat. Ito nga lang ay parang lalawigan tour.

• Maging babae ay sumabak noon sa balagtasan. Dinadayo rin ang kanilang sagupaan. Isa sa ipinagkaiba ng balagtasang pinangungunahan ng kababaihan ay: wala raw nabibigkas na malalaswang pangungusap, mga pahayag na hindi type ng mga maselang tagapanood at tagapakinig.

• Gintong Panahon ng Balagtasan ang 1920’s hanggang unang bahagi ng 1930’s.

• Dahil sa kasikatan ng balagtasan, nagkaroon ng sari-sariling bersiyon ang mga rehiyon sa Pilipinas. Sa Pampanga, crissotan at bukanegan naman para sa mga Ilokano.

• Ngunit ang mabilis na paglaganap ng balagtasan sa iba pang lalawigan ay hindi naman maike-credit sa popularidad lamang ng balagtasan. May mayamang tradisyon ng tulang sagutan sa iba’t ibang panitikang rehiyonal. Ang Cebuano at Aklanon, may balitao, isang biglaang debate ng lalaki at babae. Ang siday sa pamalaye ng mga Ilonggo at pamalaye ng mga Cebuano ay sagutan ng mga sugo ng dalawang pamilyang nakikipagnegosasyon sa pag-iisang dibdib ng dalaga’t binata.

• Ayon sa aklat na The Filipino Mind Philippine Philosophical Studies II ni Leonardo Mercado (The Council for Research in Values and Philosophy and Divine Words Publication, Manila, 1994), sa mga Subanen naman ay ginagawa ang sagutan sa konteksto ng inuman. Ang unang bahagi ng ganitong gawain ay pagtikim (ng alak) kung saan nalalaman ang mga papel na ginagampanan ng bawat isa, ilang mga tuntunin sa nabanggit na sitwasyon at iba pa. Ang ikalawang bahagi ay inuman at pag-uusap. Ang huling bahagi ay isang patimpalak sa pag-inom at pagtula. Kadalasan, ipinagagawa ito sa dalawang indibiduwal na kinakitaan ng distansiya at pag-iiwasan noong idinaraos ang ikalawang bahagi pa lamang ng buong event. Ito ay idinisenyo upang magpabalik ng mabuting damdamin at pakikitungo sa isa’t isa.

• Nagkaroon ng balagtasan sa Ingles at Espanyol.

• Nakarating sa mga pahayagan at magasin ang balagtasan dahil karamihan sa mga bumibigkas nito ay manunulat din. Nagmukhang Pinoy Big Brother ang labanan noon sa print. Kung sa PBB ay text ang paraan para makaboto, sa balagtasan sa magasing Sampagita, kupon. Isusulat sa kupon at ipadadala ng mambabasa ang pangalan ng nais nilang ibotong makata sa tanggapan ng Sampagita.

• Noong 1937, pinasok ng balagtasan ang radyo. Parang American Idol naman ang dating dahil tumatawag pa ang mga tagapakinig sa tanggapan ng radyo upang magsabi ng kanilang opinyon sa balagtasang sumasahimpapawid.

• Ipinaliwanag ni Zafra ang konteksto ng mga paghulagpos na nagawa ng balagtasan sa anyong duplo. Panahon iyon ng Amerikano. Itinatag ng mga Amerikano ang mga pang-edukasyong institusyon kung saan ipinagamit ang Ingles sa pagtuturo. Lansakan ding itinuro ang panitikang Amerikano. Mula noon ay naging aktibo ang mga estudyante/paaralan sa pagpo-produce ng sarili nilang panitikan sa wikang Ingles. Unti-unti, lumayo sa komunidad/ publiko ang sentro ng produksiyon ng panitikan. Ito na rin ang simula ng mataas/mababa, pormal/impormal at seryo/popular na panitikan. Kaya naman pala itong mga gawa ni Bob Ong, dahil hindi pasado sa akademya kahit daang libo pa ang mga mambabasa, ay hindi pa rin itinuturing na bahagi ng “panitikan.”

• Napakahalaga ng mga samahang pampanitikan noon. Kabahagi ito ng komunidad sa paggawa ng panitikan. Ngunit pagpasok ng Amerikano, isinilang ang mga samahang pampanitikang nakabase sa paaralan. Kung hindi ka nag-aaral ay malayong makapasok ka sa mga samahang pampanitikan. Ngayon ko naaappreciate ang mga samahang pampanitikan sa labas ng akademya, halimbawa ang Cavite Young Writers Association. Ang panitikan ng kasapian nitong bagama’t mga estudyante at kabataan, ay binibigkis at ipinag-iisa hindi lamang ng edukasyon kundi, higit sa lahat, ng kanilang karanasan sa komunidad, kapaligiran, bayan: ang Cavite.

• Habang lumalalim ang Amerikanisasyon ng Pilipinas, ginamit ng mga makata ang balagtasan upang ilunsad ang mga ideya nila ukol sa lipunan, bagong paraan ng pananakop, politika at iba pang mas seryosong usapin. Unti-unti na nang lumihis ang balagtasan sa dating mga paksa tulad ng pag-ibig, moralidad at/o kagandahang-asal.

• Lantaran din ang panghihikayat ng mga makata na kumilos ang kanilang tagapakinig. Gamit nila ang mga saknong sa balagtasan noong panahon ng Amerikano.

Di ko naman winiwikang tayo’y lagi nang humikbi
At daanin sa panaghoy ang ating pagsasarili,
Yamang sila’y may pangakong buong mundo pa ang saksi,
Hintin nati’t kung yuraka’y saka tayo maghiganti!

mula sa Patuloy na Usapin ni Amado V. Hernandez

• Maging ang mga balagtasan ukol sa mga pangkaraniwang bagay tula ng ginto o bakal at baso at tabo ay naging lunsaran ng mga makabayang kaisipan. Ayon sa Ginto at Bakal ni Pedro Gatmaitan, dakila ang bakal dahil lahat ng gamit na para sa pagtatanggol sa bayan ay may halong bakal halimbawa ang tabak.

• Sa una ay iisiping pangkaraniwang pagtatalo lamang ang nagaganap kung ang paksa ng balagtasan ay pangkaraniwang bagay din. Ngunit ayon kay Zafra, namumutiktik ito sa panunuligsa, pagpapasaring at pagpuna sa pananakop ng Amerikano. Halimbawa ay ang mga balagtasang Baso at Tabo, Kalesa at Auto, Sabong at Kabaret, Kawali at Palayok, Gamot-Botika o Gamot-Damo at Bestido at Baro’t Saya. Kung mapapansin, ang isa ay mula sa modernong panahon at ang isa ay hindi. Ito raw ay kumakatawan sa dayuhan (kasama ang teknolohiya at kulturang dala nito) at sa katutubo.

• Maraming pinaghanguang balon ng kaalaman ang mga makata ng balagtasan para maiparating nila sa madla ang kanilang punto. Apat ang balon na ito ngunit ang unang tatlo lamang ang pinaghanguan, sa pangkalahatan:
1. sinauna at katutubong tradisyon
2. Kristiyanong kamulatan na lumaganap noong panahon ng Kastila
3. kamulatang Europeo at liberal
4. Amerikanisasyon

Humango ang mga makata sa mito, alamat, salawikain, kuwentong bayan at iba pa ng ating bansa.

”Ang tao raw nagigipit, sa patalim ma’y kakapit,”
kaya ikaw, sa sagutang maginoo at malinis,
nang malupig sa katwira’y nasaktan ka at nagalit
at ang ating pagtatalo’y kinaladkad mo sa putik!

Mula sa Balagtasan sa Lumang Usapin nina Hernandez at de Jesus

Mayroon ding hango sa Kastila, marami ang mula sa Bibliya.

Kawangis ng tanging talang lumitaw sa lupang Belen,
sinundan ng Tatlong Hari sa magdamag na madilim;
ang atin mang kalayaan ay tala rin ang kahambing,
na susundan nitong bayan, kahit saan makarating.

Mula sa Balagtasan sa Lumang Usapin nina Hernandez at de Jesus

Batay kay Rizal ang ilang pangangatwiran:

Sasabihin mong si Rizal ay ayaw nang himagsikan,
magsabi ang Noli’t Fili, lalo ang pamahalaan;
sa sinulat lang ni Rozal kahit ngayon mo ilagay,
sa Isla de Corregidor doon siya mabibitay.

Mula sa Balagtasan sa Lumang Usapin nina Hernandez at de Jesus

• Sa balagtasan, mas importante ang siste o wit kaysa sa lohika. Minsan, akala ng lahat ay tapos na ang balagtasan dahil nagipit na ang isang makata, bigla ay bubulalas ito ng isang katwiran na hindi kailangang lohikal ngunit makakalusot pa rin sa argumento. Ito ang nagbibigay-saya sa mga tagapakinig dahil kamangha-mangha ang paraan ng paglusot.

• Bukas na teksto ang balagtasan. Maging ang mga tagapakinig ay malayang makapag-iisip ng sariling katwiran, argumento, pahayag o di kaya ay ”palusot” ukol sa kanyang naririnig sa mga makata. Kung gayon, hinahasa ng balagtasan ang kakayahan ng madla na mangatwiran, mag-isip ng solusyon sa problema at paglusot sa mga kagipitan.

• Nakakatuwa ang pagkakasulat ni Zafra sa kasaysayang ito. Ang sagupaan sa balagtasan ay naging kasing-exciting ng boksing nina Pacquiao at Cotto. Damang dama ko ang init ng pagtanggap ng taumbayan sa mga makata at sa kani-kanilang katwiran. Naging mahalaga pa ito sa pagpapamulat sa mga Filipino ukol sa kanilang pampolitika at panlipunang lagay noon. Ganito pala ang mundo ng balagtasan, malayong-malayo sa larawang ipino-portray ng mga guro sa Filipino ngayon. Ito ay naging routine na lamang at special number sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Sana maraming guro sa Filipino (at Kasaysayan) ang makabasa ng aklat na ito.

Ilang tala ukol sa Balagtasan ng Kalayaan ni Benigno R. Ramos

• Mababakas pa sa balagtasang ito ang duplo sapagkat maladula pa sa dami ng tauhan: Mantenedor, Juan de la Cruz, Tiyo Sam, Rizal at Hukuman.
• Maaaring wala pang nae-establish na tuntunin sa anyo ng balagtasan nang ito ay maisulat. Mayroong iregularidad sa bilang ng taludtod at/o pantig sa ilang saknong. Ang unang mga saknong ni Juan de la Cruz ay may sesura, anim na taludtod at 12 pantig bawat taludtod. Sa ikalawang bugso ng kanyang mga saknong ay aapat na lamang ang taludtod sa bawat saknong, may sesura pa rin at 12 pantid bawat taludtod. Ang mantenedor naman ay minsa’y siyam ang taludtod sa isang saknong, minsan apat, minsan tatlo lang. Ang mga saknong ni Rizal ay may 16 pantig bawat taludtod, apat na taludtod sa bawat saknong at may sesura.

• Gumamit ng kuwento ng love triangle ang balagtasang ito bagama’t halatang pagmamahal naman sa bayan ang pinag-uusapan. Sa line up pa lamang ng tauhan ay agad nang mapapatunayan. Isang babaeng minamahal na ang ngalan ay Kasarinlan ang binabawi ni Juan de la Cruz. Ito raw ay inagaw sa kanya ni Tiyo Sam. Ayaw isauli ni Tiyo Sam ang babae kay Juan de la Cruz dahil lubha pa itong mahina, hindi pa nito kayang ipagtanggol ang babae. Nagtalo ang dalawa. Bumaba pa si Rizal mula sa langit upang tulungan si Juan de la Cruz na maipagtanggol ang sarili. Ang resulta, talo si Tiyo Sam.

• Maaaring ang paggamit ng love/romance angle dito ni Ramos ay bunga lamang ng pagiging unibersal na paksa ng pag-ibig. Ngunit maaari din namang dahil ito sa mayamang tradisyon ng sinauna at katutubo sa pagsasaayos ng hidwaan at pakikipagnegosasyon para sa pag-iisang dibdib. Sa aklat (muli) na The Filipino Mind, binanggit na ang mga Ilongot ay gumagamit ng sagutang patula (na kamukha nga raw ng Balagtasan ng mga Tagalog) sa pakikipag-usap ng isang pangkat sa isa pang pangkat kapag may hidwaan ang mga ito o di kaya ay sa pakikipagnegosasyon para sa pag-iisang dibdib. Ang wikang ginagamit dito ay patula, matalinghaga kumbaga at may indayog upang hindi makasakit nang tuwiran ang alinman sa pangkat. Kadalasan ay pinahahaba ang sagutan upang makapagkilanlan at makapagpalagayang-loob ang dalawang pangkat. Kasaliw ng mga sagutang ito ang inumin at pagkain. Samakatuwid, ang sagutang ito ay isang kasangkapan ng diplomasya. Sa balagtasan ni Benigno Ramos ay mababasa ang hidwaan nina Juan de la Cruz at Tiyo Sam dahil inagaw ni Tiyo Sam ang babaeng nais sanang makaisang dibdib ni Juan de la Cruz. Batay sa sagutan ng dalawa, para na rin silang nakikipagnegosasyon para sa pag-iisang dibdib. Maaaring basahin ito bilang ekstensiyon ng gawain ng ating ninuno (mula sa mga Ilongot) na inia-apply sa makabagong sitwasyon at iyon ay pananakop at pagdadamot ng Amerika sa kasarinlan ng Pilipinas. Kamangha-mangha na maging sa ganitong sitwasyon ay ipinaiiral pa rin natin ang ating pagiging diplomatiko. Mandirigma ang ating lahi ngunit may panahon, lugar at kaangkupang isinasaalang-alang.

Pakiusap

Ihatid mo
ang lungkot
sa aking bakuran.

Huwag kang mag-alala,
tiniyak kong nakatali ang asong
kabibigay lang ng kapitbahay.

Winalis ko rin ang tuyot na dahon
at kanina, nagsabog ako
ng sampaga sa daraanan.
Bakasakali
ay madama ng lungkot
na siya'y kinasasabikan.

Niliha ko
ang bawat baitang ng hagdan
para naman hindi masalubsob
ang kanyang talampakan.

Pagkatanggap mo nito'y
bukas na ang pinto
ng tahanan.

Handa na sa iyong ihahatid
at handa ka na ring matanaw
kahit man lang isang saglit.

KAKO FILIPINO

KAKO FILIPINO

Isang proyekto sa Filipino 102

Layunin ng proyektong ito:
a. ang makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino
b. ang makatulong sa pananaliksik ukol sa wikang pambansa
c. ang maipakita at maitampok ang iba’t ibang gamit ng wikang pambansa
d. ang makatulong sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa pamamagitan ng internet

Ilang tala para sa pagsasagawa ng proyekto:

1. Maghanap ng anumang bagay o lugar na kakikitaan ng wikang Filipino.
2. Kunan ito ng retrato.
3. Gumawa ng blog site o website at pagsama-samahin ang lahat ng larawan ng mga kasapi ng inyong pangkat. Bawat isang kasapi ay isang larawan lamang ang maaaring isama sa blog.
4. Lagyan ng caption ang bawat larawan. Ang caption ay isang pangungusap lamang na may detalye ng bagay o lugar. Tiyaking walang maling baybay at perpekto ang grammar ng bawat caption.
5. Ang laman ng blog site o website ay: pangalan ng mga kasapi, seksiyon, college at unibersidad, mga larawan at mga caption. Huwag ilalagay ang pangalan ng guro.
6. Maaari ding hindi na kumuha ng retrato. Kung ida-download lamang ang larawan mula sa ibang blog site o website, tiyaking nakapagpaalam sa may ari o sa kumuha nito. Tiyakin ding nakalagay ang URL ng pinagmulan ng larawan at isama ito sa caption ng larawan.
7. Kung may problemang may kinalaman sa proyekto, ipagbigay-alam agad sa guro. Maaaring mag-text. Ilagay ang ngalan at seksiyon SA TUWING MAGTE-TEXT: 0919-3175708.
8. Ipasa sa ¼ scratch paper ang pangalan ng mga kasapi, seksiyon at ang blog site o website sa Disyembre 4 (para sa klaseng MWF) o Disyembre 5 (para sa klaseng TThS)
9. Tiyaking akademiko ang pangalan ng inyong blog site o website.
10. May plus 10% ng kabuuang bilang ng item sa preliminaryong pagsusulit ang buong grupo na may larawan ng pinakakakaibang bagay o lugar.

a. Ang paraan ng pagbibigay-grado:

Pagiging kakaiba ng mga bagay o lugar 50 %
Pagkamalikhain/hitsura ng blog site o website 25 %
Kalidad ng larawan 15 %
Kaayusan at kaangkupan ng caption 10 %
KABUUAN 100 %

kala

hati

I'm half-Chinese, half-Filipino,
half-teacher, half-student,

and most of all,
half-happy, half-sad.

Puwede pala ito. Actually, ganito ang pakiramdam ko for the past seven and a half years. Yes, that long. At akala ko, kapag natapos na ito, matatapos din ang pagiging half-happy, half-sad ko. Hindi pala. Pero ang maganda this time, I know, the feeling is temporary.

Coz I’m on my way to a new highway.

Soon, I’ll be half-scared, half-excited.

Monday, January 18, 2010

bad

kasosoli ko lang ng mga aklat na hiniram ko nang halos isang buwan.

dito sa library, hindi mo na kailangang pumila para magsoli ng aklat. Puwera na lang kung overdue na ang isosoli mo, pila ka.

pero kung hindi nga ay pupunta ka lang sa isang pader na merong nakahilerang parihabang mga butas. kapantay ito ng mga bilbil sa bewang. at kamukha ito ng mga butas ng mailbox na nakakabit sa tarangkahan ng mga bahay.

tapos ihuhulog mo lang ang mga aklat doon.

merong butas para sa filipiniana/religion, humanities, social science at iba pa.

inisa-isa ko ang mga librong isosoli ko. labing-isang aklat ang maingat at dahan-dahan kong ipinasok sa butas ng filipiniana. kung basta ko na lang kasi ihuhulog ang mga ito, baka kako masira ang pagkaka-hard bound ng mga ito o di kaya ay mabikangkang pagbagsak sa kahon pagkatapos ay baka madaganan pa ng mga susunod na librong isasauli. kawawa ang mga pahina, maaaring magkandalukot-lukot, mayupi, mawarat.

hindi maaari!

kaya dahan-dahan.
unti-unti.

at nang masilip ko na nga ang nakasahod sa butas na iyon, isang kahon na may maroon na foam, saka lamang pinakawalan ng aking mapagkalingang kamay ang mga libro.

tapos 'yung isang libro, ishinoot ko agad sa butas ng humanities.

pug! ang sabi.

ang bad ko, ano?

english kasi 'yung libro.

anyway, isa lang naman iyon.

Sunday, January 10, 2010

liham para sa mga aklatan (Lakwatsaklat)

Isang mapagpalayang araw sa inyo.

Malugod ko pong ipinaaalam sa inyo ang ilang detalye ukol sa
Lakwatsaklat, isang proyekto ng aming klase sa Filipino sa Kolehiyo ng
Komersiyo, Unibersidad ng Santo Tomas.

Ang Lakwatsaklat ay isang proyekto para sa semestreng ito kung saan
ang mga mag-aaral ay mananaliksik ukol sa isang aklatan at isang
tindahan ng aklat. Layunin ng Lakwatsaklat ay ang maging tulay sa mga
mag-aaral ng aming pamantasan at sa mga nabanggit na lunan ng mga
aklat at makatulong sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa mga
koleksiyon ng aklat sa mga pribado at pampublikong aklatan sa
Kalakhang Maynila.

Kaugnay nito, hinihiling ko po ang inyong suporta sa pamamagitan ng
paglalahad ng ilang batayang impormasyon ukol sa inyong tanggapan at
aklatan. Hangad lamang po namin ay maisagawa ng mga mag-aaral ang
kanilang pananaliksik ukol dito. Nawa'y pahintulutan din po ninyo
silang makapanayam ang mga taong maaaring maging batis ng kaalaman
hinggil sa kanilang paksa.

Kung pahihintulutan ninyo, makakaasa po kayo na ang anumang
impormasyong inyong ibabahagi ay mananatiling para sa pananaliksik
lamang.

Kung may katanungan o suliraning may kaugnayan sa aming inihahaing
proyekto, makipag-ugnayan po lamang sa akin sa 0919-3175708 o di kaya
ay sa beverlysiy@gmail.com.

Marami pong salamat at umaasa po kami sa inyong positibong tugon.


Lubos na gumagalang,


BEVERLY W. SIY
Guro
Kolehiyo ng Komersiyo, UST

Saturday, January 2, 2010

pear...

I LIKE.

first date yiha

Nanood kami ng sine, kuwento ni G.

Gulat na gulat ako. First date, sine?

Gusto kong kotongan si G kaya lang parang clueless naman siya sa ginawa niya este nila. Nila ng textmate niya.

Ba’t sine? Tanong ko.

E…wala. E, naisip ko kung sakaling mahirap pala siyang kausapin sa personal at least sa sine hindi ko siya kailangang kausapin. Kasi nga nanonood kami.

Ha? Ay, teka, ako lang ba ‘tong madumi ang isip? Kasi ang unang pumasok sa utak ko, paano kung manyak ‘yong lalaki?

Para sa akin, sine is a no-no para sa first date. Bakit?

1. Iyon nga. Paano kung manyak ang lalaki? Aba, sobrang lapit ninyo sa isa’t isa kapag nanonood, di ba? Ang weird naman kung one seat apart ang inyong puwesto. Anyway, what if, he’s just pretending to be the most perfect gentleman sa labas tapos pagpasok sa sine at pag-upo ninyo e, bigla na lang dakmain ang dede mo? Opkors, wala na siyang magagawa after that dahil babayuhin mo na ang kanyang dibdib, sasabunutan (ang buhok sa taas) at tatalsikan ng laway habang minumura’t niyuyurakan ang kanyang dangal. Pero hello, nagawa na. Nadakma na dede mo. Iiyakan mo na lang dahil nga past is past. So in short, maganda pa rin ang ibayong pag-iingat. Sa dede and all.


2. Dapat sa first date, nag-uusap. E, paano kayo mag-uusap kung may pinanonood kayo? Kung gagawin ninyo naman iyon, baka ulanin kayo ng popcorn ng inyong fellow moviegoers. So pagkatapos pa ng sine kayo makakapag-usap. Dalawang oras agad ang naubos.


3. Pag nakita ka ng crush mo na may iba kang kasama papasok ng sinehan, ang iisipin niya, jowa mo na iyong kasama mo kahit pa mukha itong ugat ng balite. Kasi nga, sine iyon. Pang-magjowaers lang. So baka hindi ka na kausapin ni crush dahil lang sa nakita niyang iyon.

Iyong number 1 lang ang nabanggit ko kay G.

Kaya, kako, Girl, tapos na iyan pero sa susunod na magkaka-first date ka, huwag naman sana sa sine.

Napaisip tuloy ako ng magandang tip para sa mga magfi-first date. Sa totoo lang, walang general na tip. Depende talaga iyan sa magde-date. Ano ba trip ninyo? Ano ba ang gusto ninyong experience? Ano ba ang fun para sa inyo? At siyempre, dapat ding i-consider ang budget ninyong dalawa. Sino ba ang gagastos? Para sa akin, dapat hati. Para walang utang na loob ang isa sa isa. Kung guy kasi ang magbabayad, magiging mas maingat ang girl sa pagpili ng oorderin o bibilhin. Baka hindi pa niya maorder o mabili ang gusto niya dahil maiilang siya sa katabing presyo ng item.

Kung girl naman ang magbabayad, baka biglang maglaslas ng pulso ang guy dahil nasaan naman ang dignidad doon, di ba? First date, babae ang nagbayad? Naman. ‘Wag. PLEASE.

Kaya, dapat hati. Tutal, para naman kayong magkaibigan pa sa stage na ito. E, di ba ang magkakaibigan, kanya-kanyang bayad naman talaga? Naglilibre-librehan lang kapag may birthday o nakapasa sa board exam o nakakupit sa pitaka ng nanay?

Dapat ding i-consider ang oras ninyong dalawa. Baka papasok pa sa trabaho ang isa sa inyo. O di kaya may gagawin pa sa bahay. O di kaya may imi-meet pang tao. (huwag namang another first date, ano?). Kaya mas maganda kung malinaw ang oras ng pagmi-meet at oras ng pag-uwi bago pa mangyari ang first date. Puwedeng tumagal nang dalawang oras ang first date. Puwede rin namang whole day lalo na kung out of town. Biyahe pa lang, ubos nang oras ninyo.

Nakalimutan ko na ang mga first date ko. Hetong sa palpak pang lalaki ang pinakanaaalala ko:

• Pumunta siya sa opening ng exhibit namin tungkol sa kulturang Chinese sa Faculty Center sa UP. Ako ang nagsilbing usherette para sa kanya at sa bitbit niyang office mate. E, di, ayon, explain-explain ako ng mga natutuhan ko sa Chinese class namin. Halimbawa, kapag nagsusulat ng character, may sinusunod na hakbang. Hindi ka basta bumubuo ng character. Madalas, una ang pahalang na linya bago ang mga patayo, etc. etc. Pagkatapos noon ay kumain kami sa KFC. Kasama ang kanyang office mate. Eventually, naging BF ko siya at awa ng Panginoong Maykapal, niloko ako. Me ka-live in pala ang unanong tabatsoy na ‘to. 'Nyemas. Okey na nga’t pumayag kang maging boypren siya kahit mukha siyang Gasul na nag-polo shirt, niloko ka pa. Ewan.

Ayos lang naman kung palpak ang first date. Wala naman talagang perpektong first date. Ang mas importante, hindi palpak iyong taong ka-date. Ibig kong sabihin, walang sabit (tulad ni Ginoong Gasul) at higit sa lahat, masayang kasama.

Oh well, ang gusto kong first date, ganito:

Setting: Modern Manila, December
Budget: P400/head
Oras: 2 p.m. onwards

Bakit December? Hindi hassle ang ulan. Hindi rin gaanong mainit kaya hindi hassle ang kilikiling basa sa mga tulad kong mabilis magpawis. Bakit P400/head? Huwag masyadong magastos dahil kung magastos na ang first date, mag-eexpect ang taong ka-date nang mas magastos na mga susunod na date. Kumbaga, kung bongga ang first date, dapat lang na bonggang bongga ang susunod. At bonggang bonggang bongga ang mga susunod pa. Kaya maganda na iyong nagsisimula sa simpleng date muna. Bakit hapon? kasi kung umaga, malamang ang tapos niyan ay tanghali o hapon, pareho nang pabantot nang pabantot ang hitsura ninyo. At least kung nagdaan na ang tanghali, hindi na problema ang init. Bakit sa Maynila? Kasi kabisado ko ang lugar na ito. Siyempre, mas maganda talaga kung kabisado ng babae ang pupuntahan niya. Sakaling weirdo pala ang ka-date niya, alam na niya ang daan pauwi o palayo sa kasumpa-sumpang ka-date.

Ano ang mga gagawin?

Heto:

Magkikita kami sa Quiapo Church. Puwedeng sa loob, puwedeng sa labas. Kung may ongoing mass, magsisimba muna ako. Aba, kelangan din ang powers of the divine sa mga ganitong araw. Pag nagkita na kami, magdadasal saglit bilang pasasalamat sa Kanya dahil inihatid nang maayos sa isa’t isa ang isa’t isa.

Maglalakad kami papunta sa Bahay Nakpil-Bautista na 5 minutong lakaran lang mula sa Simbahan. Ito iyong bahay ng lakambini ng Katipunan na si Oryang. Museo na ito ngayon. Mahilig kasi ako sa mga museo kaya diyan ko siya kakaladkarin. Kapag na-bore siya sa katitingin sa magapok na kamang gawa sa kahoy, maalikabok na mga upuan, mesa at picture frame nina Gregoria de Jesus, hindi kami compatible. Wala nang second-second date.

Makikipagkuwentuhan kami kay Mam Tess Obusan, ang curator ng museo. Kung may pera ako, bibili ako ng libro ni Mam Tess. Kung wala, magbibigay na lang ako ng donation. P40 per head. KKB. Tatawanan ko na lang na ang donation na tinatawag ay may fixed price. Para na ring entrance fee, di ba? Nahiya pa.

Sunod, maglalakad kami papunta sa simbahan ng San Sebastian. mga 10 minutes ito. Kaya hindi ako magsusuot ng mataas na sapatos. Iyong tama lang na panglakad-lakad para komportable sa buong araw. Kung may camera, magpapa-retrato ako sa labas nito. Kailangan ma-capture sa retrato ang patusok-tusok na mga column ng simbahan na para bang handang butasin ang mga ulap. Kung walang camera, tatambay kami sa labas ng simbahan hanggang sa manawa ang aming mga mata sa kagothic-an nito. Tapos yayakagin ko siyang pumasok sa loob kahit pa may kasalang ginaganap. Ituturo ko sa kanya ang mapapansin kong mga lapida sa sahig, ang madumi’t kulay-singit na kisame, ang mga lalaking kasama sa entourage na puro nakaitim, mukha tuloy lamay at hindi kasal ang ginaganap.

Tapos sasakay kami ng dyip pa-Quiapo at pa-Malate. KKB uli. Yayakagin ko siyang magmeryenda sa Aristocrat. Sa Malate. Iyong nakaharap sa Manila Bay. Oorder ako ng chicken BBQ. Nasa P150 yata. Bahala siya kung anong gusto niyang order-in. Basta ito ang akin. Ako naman ang magbabayad, e. Nitong order ko. Saka paborito ko ito. Kasi naaalala ko ang tatay ko kapag nakakakita ako ng java rice. Noong Grade 3 ako, kapag may pera ang Daddy ko, pinapakain niya kami ni Colay sa Aristocrat sa Malate. E, lagi’t lagi, ang nauubos ko ay iyong java rice lang. Iyong ulam, kalahati pa lang, busog na ako. Nasasayang ang kalahati. Sasabihin ng Daddy ko, iyong ulam ang uubusin mo, hindi iyong kanin. Lugi tayo niyan, e. Titingnan ko lang ang Daddy ko kasi hindi ko naman naiintindihan ang sinasabi niya. Anong nalulugi? Saka ba’t iyon ang ipauubos sa akin e sa java rice ako nasasarapan?

Habang kumakain ng chicken BBQ kasama si ka-date, mapapangiti ako. Bukod sa masarap ang meryenda ko, naaalala ko pa ang Daddy ko. At gusto ko iyon. Masarap sa damdamin. Nakakabusog ng puso. At this time, sisimutin ko ang ulam. Wala nang tira. Pati atchara, titirahin ko pa.

Tapos magkukuwentuhan kami tungkol sa mga natuklasan namin sa museo. Nagtanan pala itong sina Oryang at Andres Bonifacio. Kasi ito palang si Oryang, parang kinidnap ng sariling magulang. Ayaw siyang palabasin ng bahay dahil alam na makikipag-rendezvous lang siya kay jowang Andres. Ang ginawa ni Oryang, sumulat sa mataas na opisyal ng Maynila at humingi ng tulong. Siya daw ay pinahihimpil sa kanilang bahay against her will. Walang katulad pala itong si Oryang. Bata pa, palaban nang talaga. Katipunera!

Magkukuwentuhan din kami tungkol sa isang pelikula. Siyempre kailangan pareho naming napanood. At dahil ito ay date, alangan namang magkuwentuhan kami tungkol sa 2012 na tungkol sa pagkagunaw ng mundo, o di kaya ay Ang Darling kong Aswang, na sobra namang pambatang komedi na pampamilyang pang-ewan. Dapat iyong tama lang. iyong hindi masyadong magaan, hindi rin masyadong mabigat na pelikula. Parang Twilight lang or New Moon.



Babanggitin ko sa kanya na tulad din ako ng milyon-milyong mortal na kababaihang may crush kay Edward. Kung may hawig ang mata ng ka-date ko kay Edward, sasabihin ko iyon. Ganito: alam mo, mukha ka palang bampira. Tapos magtatawanan kami. Sana lang may sense of humor siya. Patay ang leeg ko pag wala. Baka bigla niyang sagpangin.

Sasabihin ko rin na nakukulangan ako sa acting ni Bella. At hindi ko maintindihan kung bakit siya pinag-aagawan ng isang bampira’t isang werewolf na kapwa hottie kapag nasa anyong tao samantalang wala naman siyang endearing qualities, at hindi rin naman siya kagandahan at kaseksihan. Di tulad ko na maganda na, seksi pa. Medyo magka-size lang kami ni Bella sa dede pero mas maganda pa rin ako doon kasi hindi tingting ang korte ng katawan ko. korteng karayom lang. aray.

Pagkatapos naming magkuwentuhan, pagmamasdan namin ang paligid. Titingin kami sa labas. Trapik pa ba sa Roxas Boulevard? Hihintayin ko siyang sumagot. Kung wala siyang sagot, ako na ang magsasabi. Kung mabagsik pa ang sikat ng araw, magkukuwentuhan pa kami. Ikukuwento ko sa kanya kung gaano kagaling magmura ang pamangkin kong si Dilat na 2 taong gulang. Malutong kong bibigkasin ang PUNTANGKINAMO para i-demo ito sa kanya. Ikukuwento ko sa kanyang hindi ako nakakagawa ng paper dahil ayoko talagang gumawa ng paper. Mali talaga ang kurso ko sa masteral at malapit na akong mag-quit. Ga-sinulid na lang ng gagamba ang pasensiya ko sa kurso kong iyan.

Kapag huminhin ang sinag ng araw, yayakagin ko na siyang tumawid papunta sa Manila Bay. Maglalakad kami roon. Sa Baywalk, papunta sa CCP. Iiwasan namin ang mga guwapong joggers doon. At baka mawalan pa siya ng ka-date. Ayon na akong bigla, nakiki-jogging na rin. Ituturo ko din sa kanya ang mga lalaking nakaantabay sa paglubog ng araw, hawak ang camera sa isang kamay, yosi sa kabila.

Hihinto kaming saglit sa isang rebultong nagbibigay-halaga sa mga marinong Pilipino. Iyon din ang lapida ng mga marinong pumanaw sa ilalim ng dagat. Tamo nga naman, may nagawa palang mabuti itong si Lito Atienza bukod sa pagtatadtad ng ilaw sa overlit na pag gabing Roxas Boulevard.

Pagdating sa CCP, hahanap kami ng magandang spot para makita ang saktong paglapat ng pulang araw sa dagat. Papanoorin namin iyon at magtatanong sa isa’t isa, nasaan na kaya ngayon ang araw?

Saan naman ito kasalukuyang sumisikat? At mamasdan namin ang langit at ang dagat. Hindi kailangang mag-usap sa puntong ito. I-eenjoy lang ang pang-araw-araw ngunit di kailanman magiging karaniwang kariktan.

Kung may libreng konsiyerto sa CCP, yayakagin ko siyang manood at makinig. Kung rehearsals lang, sige na’t patulan na rin. Wala namang bayad, e. Kung walang ganyan, manatili na lang sa damuhan o sa kongkreto, maupo at magkuwento: mga kaibigan sa trabaho, mga estudyanteng pasaway, nanay na ubod ng kulit. Kung meron, maghanap ng kainan na malapit sa may pa-konsiyerto at doon na mag-dessert. Para naman may maupuan nang disente habang nakikinig. Kung may halohalo, iyon ang oorderin ko. Mga isandaang piso ang presyo niyan. Kapag sumobra doon, ubod na iyon ng mahal. Ba’t halohalo? Para kakaiba. Para hindi ako malimutan ng date ko. Halohalo sa Pasko! At hindi basta-bastang halohalo. Halohalo special siyempre. Iyong may ice cream. Dalawang scoop ng ube. Kasehodang nanginginig ang lahat ng balahibo, ngipin at mga bagang ko, go.

Tapos habang kumakain, makikinig kami sa mga pamaskong awit. Itatanong ko sa kanya, anong balak niya sa Pasko. Sasabihin ko naman ang mga balak ko kahit hindi niya ako tanungin. Para naman may mapag-usapan pa kami. Magco-comment din ako sa crowd na nanonood sa libreng konsiyerto. Kung madami, sasabihin ko, andami at ipapakita kong masaya ako. Kasi maganda rin naman talagang makapakinig ang marami sa mga ganitong konsiyerto. Lalo’t libre. Kung konti, sasabihin ko, ang konti, ’no? At hihikayatin ko siyang mag-isip ng mga paraan para mapadami ang tao sa ganoong event. Kung wala siyang maisip, okey lang. By this time, pagod na ako. Kung tahimik siya, tatahimik na rin ako.

Hindi ko na siguro tatapusin ang konsiyerto. Maggagabi na or gabi na sa puntong iyan.



At dahil ayoko nang gumastos pa sa hapunan, pagkatapos ng mga anim o pitong kanta, yayakagin ko na siyang umuwi at maglakad papunta sa sakayan. Habang naglalakad, titingin ako sa langit.

Sasabihin ko, ang ganda ng gabi, ano? Tapos magpapasalamat ako sa kanya. Thank you, ha? Salamat talaga. Nag-enjoy ako. Kung hindi ako nag-enjoy, hindi ko na sasabihing nag-enjoy ako.

Kung nag-enjoy ako, ako na ang magtatanong. Magkikita ba tayo uli? At ngingiti ako nang pagka-sweet-sweet, taob si KC Concepcion.

Bago matapos ang pag-uusap namin ni G tungkol sa first date niya, pinayuhan ko uli siya: maglista ka ng mga dream dates mo. At kapag nagkaroon ka uli ng pagkakataong magka-first date, isagawa mo ang mga nasa listahan mo.

Tumango naman si G.

O, kamusta? Okey naman siya? Tanong ko pa.

Okey naman. Magkaka-second date na nga kami, e, sagot naman ni G.

Talaga?

Kumutitap ang mata ni G.

Saan? Sundot ko.

Magba-bar kami.

Bar?

Nge. Bigla akong nalasing. Hik!




Copyright ng mga larawan: Ronald Verzo.

sizzling sisid

Dati, pag nagkukuwento sa akin si jowa ng proposal na ginagawa niya sa mga goverment agencies, naiinis ako. kasi mapapagastos na naman ang gobyerno at pera kong nasa anyo ng buwis ang nasusunog dito. excuse me, hindi mura ang mga scuba diving lessons, 'no? ang open water (kasi ang contained water ay ang pool. open water ang tawag sa mga dagat etc) diving lessons, na kumbaga sa hagdan ay ang unang hakbang sa ganitong larangan ay nagkakahalaga na ng P17500 isang tao.

ang proposals na ginagawa ni jowa ay malayong-malayong-malayo na sa open water diving lessons. isa kasi siyang technical diving instructor. ibig sabihin ng technical sa scuba ay deep diving at iba pang diving na komplikado na ang pamamaraan at equipments. hindi pang-novice. ang tawag kasi sa diving na pang-novice ay fun diving. iyong namamasyal ka lang sa ilalim ng dagat, pahabol-habol kay nemo at pag-ispat sa mga nagkukubling sting ray sa buhanginan.

bagama't ganito ang pakiramdam ko ay hindi ko ito sinasabi kay jowa. kaya sa isip ko lang naitatanong ang sumusunod:

aanhin ng mga taga-DOTC, DPWH, Navy, Marines at philippine coast guard ang mga lesson na iyan?

tama na iyong marunong silang mag-dive, sa isip-isip ko. actually, ni hindi nga nila kailangang matutong sumisid e. ano naman ang gagawin nila sa ilalim ng dagat? mamamasyal? maghahabol-habol kay nemo? maghahanap ng mga nagkukubling sting ray sa buhanginan?

petiks lang di ba?

pero nang mabalitaan ko sa TV ang tungkol sa isang ferry na lumubog noong bisperas ng Pasko, nagbago ang tingin ko sa mga proposal na ito.

Ayon sa balita, 210 feet daw ang lalim ng pinaglubugan ng MV Catalyn B, isang ferry na bumangga sa isang fisihing boat.46 ang nailigtas, tatlo ang namatay ngunit may 24 tao pa ang nawawala. tiyak na marami pa raw ang na-trap sa loob ng ferry dahil mabilis ang naging paglubog nito kaya't hindi na nakalabas ang ibang mga pasahero. kailangang mainspeksiyon ang ferry sa gayon kalalim na tubig. baka naroon, trapped ang katawan ng mga nawawalang pasahero.

ngunit hindi ito maisagawa. bakit? 120 feet lang daw ang kayang sisirin ng mga diver ng gobyerno. ng philippine coast guard to be exact.

punyeta. napakapunyetang dahilan.

kinailangan pang maghanap at magtawag ng dayuhan para maisagawa ito.

>>>>>>>Matthew Caldwell, an American technical diver and an auxiliary diver of the ill-equipped Philippine coast guard, said he saw the bodies throughout the wreckage of MV Catalyn B, which sank at a depth of more than 67 meters (221 feet) after the Christmas Eve collision.

"From different windows, you see different bodies," he told The Associated Press. "There could very well be more, because I understand there are small cabins inside and most likely there were people sleeping in the cabin and never had the chance to get out."

The coast guard lacks trained people and equipment to dive to such depths and has tapped Caldwell, a longtime Philippine resident, to conduct the deep-sea search, Admiral Wilfredo Tamayo, the coast guard chief, said earlier.<<<<<<<<<<

o di ba?

para bagang ganito ang eksena. nagkasunog. ngunit dahil sa sobrang laki ng sunog at hindi na ito kayang apulahin ng mga bumbero nating hindi pala sapat ang expertise at equipment sa pagpatay ng gayon kalaking sunog ay saka tayo nag-dial ng 911 para humingi ng tulong sa iba.

nakakainis.

hindi ko alam kung sino ba ang dapat sisihin sa mga ganitong pagkakataon. napakaeng-eng natin lalo na sa mga disaster sa dagat e samantalang noong unang panahon pa naman napapalibutan ng tubig ang bansang ito. dati pa namang may lumulubog na mga barko, ferry at bangka. wala man lang bang mga ginawang hakbang para dito? wala man lang bang mga training at pag-aaral na ibinigay para sa mga tao sa government agencies na may kinalaman dito?

kaya ngayon, higit kong naa-appreciate ang mga proposal ni jowa sa mga ahensiya natin ng gobyerno. kahit pa mahal ang mga ganitong training, classes etc. kasehodang daang libo pa ang gastusin ng gobyerno para sa mga technical diving lessons nila, okey na okey sa akin. at least, may mapupuntahan ang pera at hindi iyong pinalalangoy lang ang mga perang papel sa mga bulsa ng kung sino-sinong siyokoy.

at higit sa lahat, sa mga ganitong sitwasyon, hindi na kailangan pang magtawag ng dayuhang dalubhasa. tayo na mismo ang sisisid sa sarili nating tubig. tayo na mismo ang lulutas sa mga sarili nating problema. tayo na mismo.

dahil sa totoo lang, kahit noon pa man, ang Pilipinas ay hindi lamang bayan ng de-kalibreng mga alagad ng sining, magigiting na mandirigma't patas na mga mangangalakal, higit sa lahat ito ay bayan ng pinakaalistong mga maninisid.

simple lang ang dahilan: 7107 pulo itong ating tahanan.

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...