Thursday, October 8, 2009

papel 9

Konseptong Papel

Ebolusyon ng Pagong at Matsing:
Mulang Kuwentong Bayan Hanggang Aklat-Pambata

Bata pa ako ay narinig ko na ang kuwento ni Pagong at Matsing. Naawa ako kay Pagong dahil niloko ni Matsing. Galit akong lagi kay Matsing. Kampi akong lagi kay Pagong. Nang tumanda ako nang kaunti, nakita ko ang dalawa, sumasayaw at kumakanta na! Sa Batibot, isang pantelebisyong programa para sa batang Filipino noong dekada 80. Minahal ko na rin noon si Kiko Matsing pero katulad ng karaniwang bata, mas mahal ko pa rin si Pong Pagong.

Nang magkaanak ako at maging fan ng Adarna (Publishing), laking tuwa ko nang makakita ng kopya ng kuwentong Si Pagong at Si Matsing. Maganda at higit sa lahat ay may kulay ang drowing. Hanggang ngayon nga, parang bago pa rin ang binili naming aklat.

Noong isang buwan lang ay naatasan akong magkuwento sa mga batang bisita ng outreach program ng aming paaralan. Naghanap ako ng dadalhing tatlong aklat na pambata sa aming bahay. Isa sa mga ito ang Si Pagong at Si Matsing.
Matagal nang natapos ang pagkukuwento ko sa mga bata sa aming paaralan ay pakalat-kalat pa rin ang aklat sa aming bahay. Kaya nang nag-iisip ako ng paksa para sa aking papel na pananaliksik, isa ito sa mga isinaalang-alang ko. Tutal naman ay panitikang oral pa rin ito.

Bagama’t popular bilang kuwento (at kuwentong pambata) ay bibihirang gawing paksa ng pag-aaral ang kuwento ni Pagong at Matsing. Ang nakakalungkot pa, hindi lamang ito nangyayari sa Pagong at Matsing kundi sa napakaraming obra mula sa panitikang oral ng Pilipinas. Kaya naisip kong hindi na masama kung sa paggawa ng aking papel na pananaliksik ay makapag-ambag ako nang kahit kaunti sa larangang ito.
Ang Ebolusyon ng Pagong at Matsing ay isang pagsusuri sa iba’t ibang bersiyon ng kuwento ng Pagong at Matsing mula sa iba’t ibang pangkat-etniko sa Pilipinas hanggang sa popular na anyo nito ngayon, ang aklat-pambata.

Narito ang ilan sa mga layunin ng pag-aaral na ito:

1. Maitampok ang isang akda mula sa panitikang oral ng Pilipinas
2. Makatulong sa pagpe-preserba at pagpapanatili ng popularidad ng kuwentong bayan anuman ang anyo nito
3. Makatulong sa pagsusulong ng pag-aaral ukol sa mga kuwentong bayan
4. Maipakita at masuri ang mga pagbabagong naganap sa isang kuwentong bayan habang nagpapalit ito ng anyo
5. Maipakita ang mga kaibhan, pagbabago, dagdag at bawas sa mga bersiyon ayon sa konteksto ng pinaghanguan o pagkaka-produce nito
6. Matukoy ang mga puwersang nakakaapekto sa mga kaibhan, pagbabago, dagdag at bawas ng mga bersiyon
7. Makatulong sa pag-unawa at makapag-ambag sa pag-aaral ukol sa sikolohiyang Filipino

Ilan sa mga bersiyong pagbabatayan ng pag-aaral ay ang sumusunod:

1. bersiyon ni Jose Rizal na inilathala sa Philippine Folklore (Damiana Eugenio)
2. bersiyon ni Jose Rizal na inilathala sa Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 Revised Edition (Asuncion Maramba)
3. bersiyong Bilaan na inilathala sa Philippine Literature: A History and Anthology (Bienvenido Lumbera at Cynthia N. Lumbera)
4. bersiyon ni Padre Alcina na inilathala sa Barangay (William Henry Scott)
5. bersiyong Maranao na isinalaysay muli ni Maximo Ramos at inilathala sa Literature for Filipino Children (Lydia Profeta at Remedios Coquia)
6. bersiyong Kalinga na isinalaysay ni Pedro Bayangan at inilathala sa Stories and Legends from Filipino Folklore (Ma. Delia Coronel)
7. bersiyon ni Danilo Consumido na inilathala ng Adarna House, Inc.

Madaragdagan pa ang bilang ng bersiyon na ito. Ayon kay Coronel, ika-26 ang bersiyon na nalathala sa kanyang aklat dahil si Prop. Fansler daw ay nakakita na ng 25 bersiyon nito.

Sisipatin din sa pag-aaral na ito ang pagpasok ng mga dagdag na tauhan, pangyayari, lunan, paraan ng pag-iisip ng mga tauhan at ang kanilang mga hakbang, gawain at tugon. Sasaliksikin din ang pinagmulang kultura ng bawat bersiyon.
Inaasahang pagkatapos ng pag-aaral ay magkakaroon ng mas malalim na pagtingin at pagbibigay-importansiya sa mga puwersang matutukoy na nakakaapekto sa produksiyong pampanitikan. Inaasahan ding madaragdagan ang pag-unawa at ugnayan ng mambabasa o tagapakinig sa mga tauhan ng kuwentong bayan o aklat-pambata. Inaasahan ding magdudulot ang pag-aaral na ito ng dagdag na interes na pag-aralan pa ang mga aklat-pambata, kuwentong bayan, panitikang oral at panitikang Filipino sa pangkalahatan.

Panimulang Sanggunian

Alcina, Francisco Ignacio. Historias de las Islas e Indios de Bisayas 1668. Translated, annotated and edited by Cantius J. Kobak and Lucio Gutierrez, O.P. Manila: UST Press, 2002.

Balayon, Theresa D. “An Analysis of Three Bilayan Folktales.” Mindanao Journal 1, 2 pp. 47-50. Oct.-Dec. 1974.

Beyer, H. Otley. Philippine Folktales, Beliefs, Popular Customs and Traditions. A collection of original source material for the study of popular literature and native social culture of the Philippines. Selected in May 1914, from the General Henry Otley Beyer in Philippine Ethnography. Vol. 1: Data from Christian Provinces. Manila: 1941-1943.

Consumido, Danilo. Si Pagong at Si Matsing. Quezon City: Adarna Book Services, 1987 at 2006.

Coquia, Remedios at Profeta, Lydia (eds.). Literature for Filipino Children. Quezon City: Ken Inc., 1968.

Coronel, Ma. Delia. Stories and Legends from Filipino Folklore. Manila: UST, 1967.

De Castro, Leonardo. Folklore: Pilosopiya ng Masa. PSSC Social Sciences Information v. 28 no. 1, pp. 1-3. Jan.-June 2000.

Eugenio, Damiana (ed.). Philippine Folk Literature: The Folktales. Quezon City: UP Press, 2001.

Fansler, Dean. Filipino Popular Tales. Hatboro, Pennsylvania: Folklore Associates, Inc., 1965.

____________. Story Patterns, Story Groups, Incidents, and Motifs in Philippine Folktales. Typescript. UP Main Library, Filipiniana.

Lumbera, Bienvenido and Lumbera, Cynthia (ed.). Philippine Literature A History and Anthology. Pasig City: Anvil Publishing, 1997.

Manning-Sanders, Ruth. Tortoise Tales. London: Methuen Children’s Books, 1976.

Maramba, Asuncion David. Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 revised edition. Pasig City: Anvil Publishing, 2006.

Ramos, Maximo (ed.). Tales of Long Ago in the Philippines. Manila: Alip and Sons, Inc. 1953.

__________________Philippine Myths and Tales. Manila: Bookman, Inc., 1957.

__________________Philippine Myths, legends and Folktales. Quezon City: Phoenix Publishing House, 1990.

Rizal, Jose P. “Two Eastern Fables,” Trubner’s Oriental Record, 3rd Ser. No. 247 (July 1889). Reproduced in University of Manila Journal EAS, VIII, 1-2 (Jan.-Apr.1959), 187-188.

Sax, Boria. The Mythical Zoo: An Encyclopedia of Animals in World Myth, Legend and Literature. Santa Barbara, CA: ABC-Clio, 2001.

Scott, William Henry. Barangay Seventeenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: ADMU Press, 1994.

The Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend. Ed. By Maria Leach. New York: Funk and Wagnalls Company, 1949.

Thompson, Stith. The Types of Folktale: A Classification and Bibliography. FFC 184. Helsinki, 1961. Trans and enlargement of Antti Aarne’s Verzeichnis der Marchentypen, FFC 3.

Werness, Hope. The Continuum Encyclopedia of Animal Symbolism in Art. New York: Continuum, 2003.

AT SA KASAWIAMPALAD ANG TANONG NG GURO KO AY: PAANO MO PALALALIMIN PA ANG IYONG PANANALIKSIK?

LORD, PA'NO BA?

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...