Thursday, October 15, 2009

Huling Pagsusulit

5:30-9:30 ng gabi- nag-exam sa library
9:30-10:30 ng gabi- kumain at nagpahinga
10:30-4:00 ng umaga- nag-exam sa bahay
4:30-6:00 ng umaga-kunwaring tulog
6:00-7:00 ng umaga-ligo, bihis, larga
7:00-8:00 ng umaga-biyahe pa-iskul
8:00-9:00 ng umaga-klase
9:00-10:00 ng umaga-gumawa ng exam ng estudyanteng mag-e-e-special exam
10:00-12:00 klase
12:00-2:30-nagpaquiz at nagpaulat
2:30-3:15 kumain ng tanghalian
3:15-7:00 nag-exam sa library ng ust

late ako nang halos dalawang oras sa nakatakdang deadline. naku lord sana ay tanggapin ito ni mam.

I. MGA PANGKALAHATANG PAHAYAG
UKOL SA MAIKLING PANULAANG KATUTUBO

Ang maikling panulaang katutubo ng Pilipinas ay katulad ng dagat. Kung aaninaw ka rito ay makikita mo ang iyong sarili. Pakatitigan mo't huhugis ang iyong mukha, mata, ilong, bibig. Ngunit hindi lang iyan ang mayroon ito at kaya nitong gawin. Kung sisisirin mo'y baka malula ka sa lalim at lawak ng ilalim. Kung nais mo'y puwede ka pang magpatambling-tambling. Pero baka ikapugto pa ng iyong hininga kapag wala kang dalang tamang aparato. Kaya bago sumisid, siguraduhing kompleto ang iyong gamit. Kailangan mo ring magsuot ng natatanging salamin, iyong dive mask na tinatawag, para makita ang lahat nang malinaw.
Kung susubuking lakarin ang pampang nito, kung anu-ano ang iyong mapupulot: sigay, iyong dambuhala't munti, tsinelas na pigtas, gamit na diaper. Pinaghalo-halong noon, ngayon at bukas. Hala, dampot. Ganyan sa dalampasigan. Ganyan sa dagat. Karamihan, libre.
Ang maikling panulaang katutubo ng Pilipinas ay sari-sari ang ipinapaksa at katangian. Narito ang ga-tabong nasalok ko:

1. May pagpapahalaga sa kababaang-loob.

Kakambal ng pagpapahalaga sa kababaang-loob ang wika ng matatanda na “mapagbirong tadhana.” Kinikilala ng katutubo ang di-nakikitang kamay na maaaring maglaro sa buhay ng isang tao. Kaya napakaliwanag ng mensahe sa maraming mga katutubong tula: iwasang magpakayabang-yabang kahit pa ikaw ay malaki at mahalaga dahil hindi mo alam ang mangyayari mamya, bukas o sa makalawa. Kamukat-mukat mo ay taong sinliit ng buhangin pa ang makabulag sa iyo. Narito ang isang halimbawa ng tanaga ukol sa kababaang-loob:

Magdalita ang niyog,
huwag magpapakalayog,
kung ang uwang ang umuk-ok
mauubos pati ubod.

Isang hamak na uwang lang pala ang maaaring magpabagsak sa isang matayog na niyog!

Isa pang ipinapahiwatig dito ay ang maging mabait sa maliliit. Kasi naman, kung salbahe ka at dumating ang panahong nasa tuktok ka na at hindi mo na makita ang ibaba, may maliliit (din) na bagay silang kayang gawin na maaaring makapagpabagsak nga sa iyo.

Namumutiktik sa mga tulang may ganitong mensahe ang Vocabulario de la Lengua Tagala. Maaaring sinadya ng mga prayle na ang mga ganitong tula ang isali sa diksiyonaryo upang ipakadiin ang halaga ng kababaang-loob. Na-predict nila (marahil pagkatapos nilang sunugin at sirain ang mga bagay na isinulat ng katutubo), wala nang ibang pagbabatayan ang susunod na mga henerasyon ukol sa kanilang alaala o sa orihinal na mga bagay na pinahahalagahan kundi ang diksiyonaryong gawa nila, ng mga Kastila. At sa ganitong paraan mabe-brainwash nila ang mga henerasyon na mapagkumbaba pala talaga ang mga ninunong katutubo. Bakit nga ba nila ginagawa ito? Kasi naman, mahirap sermunan ang taong malakas ang dating at mayabang. Baka nga naman talikuran lang sila't iwan.

2. Nagbibigay-babala.

Ang nabanggit na tanaga sa itaas ay maaari ding ituring na babala sa hambog na niyog. Ginagamit ng katutubo ang panitikang oral upang magbigay-babala. Maaaring pinapatungkulan nila ay iyong katulad nila ngunit maaari ding iyong hindi nila kapantay. Iyong mas mataas sa kanila't may hawak ng kapangyarihan. Basahin ang isa sa pinakapaborito kong tanaga:

Katitibay ka, tulos,
sakaling datnang agos
akong mumunting lumot
sa iyo'y pupulupot.

Malinaw na ito ay babala sa tulos. Gawin natin siyang tao. Si Tulos ay mahalaga at malaki. Siya ang nagbibigay-suporta sa malalapad at nakahigang kahoy na estruktura sa pier o daungan. Nakatulos si Tulos sa dagat at lupa ng dagat. Pero nakaangat ang itaas na bahagi nito. Nakaturo sa langit at kadalasan ay tuyo. Si Lumot naman na siyang nagsasalita sa tanaga ay walang halaga, marumi, nakakadiri at kung magkakakumpol-kumpol ay mabilis dumami. Sabi ni Lumot, oy, Tulos, huwag kang magpakasaya diyan dahil kahit anong tibay mo, kapag umalon lang nang malaki (ibig sabihin ay mayanig ang status quo), pupulupot agad ako sa'yo at alam mo kung anong mangyayari? Madudumihan ka at pagkatagalan,lalambot ka, dudulas at rurupok.

Hayan, malinaw na babala ng maliit sa malaki, ng walang kapangyarihan sa may hawak ng kapangyarihan.

3. May pagpapahalaga sa kabataan.

Madalas itong makikita sa iba’t ibang anyo ng panitikang oral. Laging inaalagaan, pinoprotektahan at binubuhusan ng pagmamahal ang anak, sanggol at/o bata. Si Mepiya Bawa ng mga Manobo, lumikha pa ng awit para lang patulugin ang inaalagaang anak ng buwaya. Sa awit na iyon, inihalintulad niya sa mabangong pulbos, dahon at halaman ang amoy ng sanggol. Tumatagos ang pagmamahal sa anak, sanggol at/o bata kahit hindi kauri o kadugo. Ito ngang si Mepiya (na isang tao) ay napakamaarugain sa anak ng buwaya. Sa susunod na laji, makikita ang gayon ding pagmamalasakit.

EACH TIME I LOOK DOWN

Each time I look down from Mount Chavalitan,
I can see the young of the munamon swimming.
So I catch it with the finest net,
then I place it in a deep coconut shell,
then I bring it home to take care of it:
and I do not say a harsh word to it
lest I hurt the offspring of the munamon.

ANU KADAUDAUNG KO

Anu kadaudaung ko du tukun di Chavalitan,
Duri a m’dungasungay u anak nu munamon:
Sidwan ko na siya nu masen a sahakeb,
Dahuran ko na siya du mahungtub a duyuy;
Udiyan ko na niya a pidakudakuhen,
A di chu a pabelsayi su madahmet a chirin
Du kahawahawa ko nu kaichay nu anak nu munamon.

Ang persona ay maaaring naninirahan sa bundok. Lagi niyang nakikita ang lumalangoy na mga supling ng munamon. Sa kagustuhan niyang maalagaan at mapahaba pa ang buhay ng mga ito, maingat niyang hinuli sa pamamagitan ng pinakamahusay na lambat ang mga ito. May paniniwalang ang anumang nasa captivity ay mas mahaba ang buhay kaysa iyong mga nakakawala lang. Hindi pa natatapos doon ang pagmamalasakit niya. Kinakausap pa niya ang mga supling ng munamon. At iniisip niya ang bawat salitang bibitawan dahil naniniwala siyang nakakarinig at may damdamin ang mga ito. Makokonsensiya siya nang husto kapag may isa sa man sa kanila ang masaktan sa kanyang mga sinasabi.

Sa supling pa lang ng munamon ay ganyan na siya, paano pa kaya sa kabataang mula sa sariling uri o sariling dugo?

4. Daluyan ng hinaing.

Hindi lang naman puro pagpapakumbaba ang isinasatinig ng mga katutubo kundi maging ang mga hinaing at reklamo nila. Nakakalungkot na marinig ang mga ito ngunit nakakatuwa rin na naipreserba ang mga tulang naglalaman nito dahil patunay ito na hindi basta tanggap na lamang nang tanggap ang katutubo sa kanyang mga karanasan. Ang mga tulang ito ay patunay na tinitimbang ng katutubo ang lahat ng nangyayari, kung ano ang tama at mali at bukod doon, ipinakikita ng mga tulang ganito na may konsepto ng karapatan ng isang tao ang katutubo. Mayroon din siyang konsepto ng kulang, sapat at labis. Kapag nadarama niyang labis na ang pagtrato, hindi na makatao, ipinahahayag niya agad ito para maisilid sa gunita ng lahat.

Heto ang isang garay:

Saan ako pupunta
saan ako paroroon
may tinandaan akong damuhan,
ibang tao ang kumakaingin.

Asa na ako paingon,
Asa na ako pasidiin;
May tinim-an akong libon,
Laing tawo nay nagkaingin.

5. May pagpapahalaga sa kalinisang pangkatawan.

Sa panitikang oral, matatagpuan ng mga mahilig maligo at mag-spa at magpa-foot spa at magpa-hair spa ang kanilang ninuno. Hindi nakapagtatakang mahalaga ang kalinisang pangkatawan sa katutubo. Ito ang idinidikta ng ating heyograpiya. Nuknukan ng init lalo na’t tag-init. Ngunit kahit pawisan ka at maging mabantot, napakadali namang maligo dahil sagana sa tubig ang paligid, kaliwa’t kanan, tubig. Bumabahang katibayan ang mga alamat ng karagatan, dagat, lawa, look, ilog, batis, sapa kulang na lang ay kanal. Kahit ang mga kuwentong bayan, may pagsambit at pahiwatig ng tubig: Pagong at Matsing, Juan Tamad at ang Alimango, Pilandok at ang Buwaya at marami pang iba. Ang dalawang pares ng magkapatid na sina Molingling at Kobodboranon saka Kalapungat at Patulangan nang gumawa ng bagay na ipinagbabawal ay hinabol ng baha at naging mga igat at/ ilog. Ang tanaga sa #2, ang laji sa #3 at mga ambahan sa #7 at #8 ay pawang nagbabanggit ng katubigan.

Ngunit ano ang katunayan na mahalaga nga ang kalinisang pangkatawan para sa mga katutubo? Porke ba may pagbanggit sa mga anyo ng tubig na iyan ay naliligo na ang mga tao? Ang sagot, hindi naman.

Pero narito sa isa pang garay ang patunay.

May isang babae
Naligo sa ilog
Tatlong malalaking bato
Ang kanyang panghilod
Nagkawasak-wasak
Nagkadurog-durog
Hanggang mangaglaglagan
Ang dumi sa leeg.

May usa ka babaye
Naligo sa salog
Tulo ka dakong bato
Ang iyang gipanlugod
Nagkabuakbuak
Nagkadurugdurog
Wala gayud mataktak
Ang buling sa liug.

Dahil sa konsepto ng panghilod o batong ginagamit pananggal ng libag, mahihinuhang napakahalaga ng kalinisang pangkatawan sa mga katutubo. Hindi sila sanay na basta na lamang nadadaluyan ng tubig ang kanilang katawan kundi ginagamitan pa nila ng bato at ikakaskas ito para tiyak na walang libag na maiiwan. Ibig sabihin, napapansin nila ang libag o mga dead skin cell at nakikita nila ang pangangailangan na palisin ito sa kanilang balat.

Sa garay na nasa itaas, hindi karaniwang panghilod ang gamit niya. Malalaking bato ang gamit niya. At hindi isa o dalawa kundi tatlo. Maaaring vain ang babae dahil kahit na mahirap para sa kanya ang pagdala ng gayong mga bato sa ilog ay ginawa pa rin niya masiguro lamang niyang mangaglaglagan ang dumi sa kanyang leeg.

6. Nagtatangan ng mga hangarin ng katutubo na makapag-kontrol ng mga bagay sa kalikasan.

Kung hindi sinakop ng Kastila ang Pilipinas noon, malamang ay progresibo na rin tayong bansa at napakahusay sa agham at teknolohiya. At hindi tulad ngayon na kukule-kulelat sa Math at Science ang mga bata.

Mahuhusay ang sasakyang pandagat natin noon, halimbawa niyan ang balangay. May efficient na sistema ng patubig kahit nasa bundok ang palayan. Masdan na lang ang mga payaw ng Banawe. May tiyak na paraan ng pagbilang mula sa isa hanggang angaw o milyon.

Ang pagkakaimbento sa koryente ay pagkakatuklas ng tao sa kakayahan niyang manduhan ang liwanag at init. At mula sa koryente ay nagtuloy-tuloy na ang imbensiyon ng mga tao. Kung ang isang lugar ay may koryente, progresibo ang tingin dito.

Maski sa panitikang oral, nababanaag ang pagnanasa ng katutubo na magkaroon ng kontrol sa kanyang paligid. Nariyan si Juan Tamad na nag-uutos sa mga alimangong umuwi. At ang pinakamainam na halimbawa nito ay ang susunod na ambahan:

Look! The moon so full and bright,
Shining in front of the house!
How can you explain to me,
That the rays are soft and cool?
If a man like us he were,
I would hold him by the hand!
Seize the hair to keep him back!
Grasp the clothes to make him stay!
But how could I manage that!
It is the moon in the sky!
The full moon shining so bright,
Going down beyond the hills,
Disappearing fro the plain,
Out of sight behind the rocks.

Anong si kanaw bulan
Sinmalhag sa rantawan
Kabiton lugod ginan
Salhag mabalaw diman
No ga tawo di ngaran
Kang way inunyawidan
Buhok ngatay tawidan
Palaylay ngatay huytan
Unhunon sab araw man
Tida ti kanaw bulan
Tida kuramo diman
May bantod pagpaday-an
May ratag pagrun-ugan
May ili pag-alikdan

Lubos na hinahangaan ng persona ang buwan. At sa ikalawang taludtod, kinikilala nito ang liwanag na idinudulot ng buwan sa harap ng bahay. Nagagandahan siya rito at malamang ay hangad niyang manatili ang gayong liwanag sa bahay. Sa ikatlo at ikaapat na taludtod, inilalarawan niya sa positibong paraan ang sinag ng buwan. Para na ring sinasabi na hindi ito dapat katakutan bagkus ito ay magdudulot ng ginhawa (soft and cool). At sa ilalim ng mensaheng iyan, “parang masarap hawakan o di kaya, manipulahin ang liwanag ng buwan.”

Sa ikalima hanggang ikawalong taludtod, doon lumabas ang plano ng katutubo sakaling maging makapantay o makaharap (na parang tao) niya ang buwan. Ikukulong niya ito sa kanyang kamay. Hindi niya ito pakakawalan. Ito ay pagpapahayag ng kagustuhang mapanatili ang buwan. Sa ikasiyam na taludtod, bumalik sa realidad ang huwisyo ng katutubo. Paano nga ba niya ito gagawin? Ito ay maihahalintulad sa pag-iisip pa ng metodolohiya. Mayroon siyang ideya, nakapag-isip na siya ng plano, tapos inisip din niya kung paano niya ito gagawin (metodolohiya). Ang taludtod na How could I manage that! ay pagkilala sa suliranin na kanyang hinaharap para sa kanyang plano. Iniisip niya ang kanyang limitasyon, ang gap sa pagitan ng kalikasan at tao. Tao lamang siya samantalang buwan, ang nag-iisang buwan, ang kanyang pinagpaplanuhan. Ang huling apat na taludtod naman ay pag-e-enumerate sa mga balakid sa kanyang plano: hills, plain, rocks, na lahat ay mula rin sa kalikasan. Maaaring ang nais niyang sabihin dito, kailangan muna niyang unahin na aralin ang hills, plain, rocks at kung paano makontrol ang mga ito. Sapagkat ang mga ito ang daan patungo sa pagkontrol sa buwan at napakarikit nitong sinag.

Maliwanag pa sa buwan ang sinasabi ng ambahang ito: pinag-iisipan ng katutubo ang benefits ng pagkakaroon ng buwan sa anumang panahon at pagkakataon na naisin niya. Ito ay pagpapahayag ng mga gusto niyang gawin para magkaroon ng buwan lagi. Napakaorganisado ng pag-iisip, may sistema at lohikal ang plano. Sa madaling salita, mala-siyentista ang katutubong lumikha ng ambahan na ito. Kung hindi napadpad ang mga Kastila sa Pilipinas at sakali ngang magtagumpay ang persona, hindi malayong siya ang nakatuklas ng koryente o di kaya ng unang ilaw sa mundo.

7. Mataas ang pagpapahalaga sa kaibigan.

Karamihan sa magkakaibigan sa kuwentong bayan ay naglolokohan, nag-aabusuhan at nagtataksilan. Nariyan si Pagong at Matsing na nagpakita ng tunay na kulay nang makatagpo ng puno ng saging. Nariyan ang Unggoy at ang Uod ng Maguindanao at maraming marami pang iba. Kaya mahalagang bigyang-diin ang susunod na ambahan sapagkat pambalanse ito sa mga negatibong imahen ng isang kaibigan. Sapagkat sa ambahan na ito, matatagpuan ang kaibigang one-of-a-kind.

Si kaibigan,
Kahit may tinatawirang tubig
Kahit may nakaharang na kahoy
Kung iniisip ko
Parang nand’yan lamang sa malapit
Parang tinatandayan ko lang.

Si aypod bay opadan
May ulang madi kagnan
Maytakip made kaywan
No kang tinaginduman
Ga siyon de sa adngan
Gapagtangdayondiman.

Una, matatalos na affectionate sa kaibigan ang mga katutubo. Ang salitang tinatandayan ay nagpapahiwatig ng pagiging pisikal na malapit sa isa’t isa. Ang ibig kong sabihin, para sa katutubo, normal ang pisikal na contact sa isang kaibigan. Maaaring akbay, yakap o simpleng tanday. Ikalawa, para sa magkaibigan, walang kuwenta ang layo, panganib at iba pa. Ang pinakamakapangyarihan ay ang isip. Ang magkaibigan sa ambahan ay magkalayong pisikal ngunit malapit pa rin dahil pinananatili ang alaala ng isa’t isa. Ibig sabihin, kahit malayo, walang iwanan lalo na sa isip. Mukhang nag-migrate o naglakbay ang isa sa kanila at namimingaw ang naiwan. Ang ginawa na lamang niya’y lumikha ng ambahan ukol sa kaibigan para maibsan ang mingaw. Wala pa naman kasing text noon o email.

At isa namang parikalang maituturing ang nangyayari ngayon na ang magkaibigan lalo na kung malayo sila sa isa’t isa ay bibihira nang magkausap. Parikala sapagkat nakahatag ang teknolohiya para makapag-usap ang mga tao. Personal kong nararanasan ito. May email naman, yahoo messenger at cellphone, pero bihira pa rin kaming magkausap ng aking best friend na nasa Australia. Pasulong ang daluyan ng komunikasyon ngunit paurong ang mga kalidad ng relasyon?

8. Dinadaluyan ng kasanayang pangkabuhayan.

Ang maikling katutubong tula ay parang librong For Dummies. Halimbawa, Accounting for Dummies, ganyan. Natanto ko ito nang talakayin sa klase ang Siblaw Taraw. Kasama sa kuwentong ito ang ilang detalye ukol sa pangangaso at iyon daw, ayon sa aking guro, ay isang paraan para ituro ang ABC o batayang kaalaman sa pangangaso. Ang galing! Naipapasa nga naman sa susunod na henerasyon ang kaalaman.

Kaya naisip kong puwede rin ito sa katutubong tula. Heto ang isang ambahan:

The Pait fish in the creek
Is impossible to catch.
Under stones its hiding place.

Si isda pait-pait
Kabitay kang bumanwit
Sa bato magpasipit.

Sa umpisa, mukhang simpleng reklamo lang ang tula. Pero hindi lang ito reklamo. Nagbibigay din ito ng clue kung saan mahahanap ang Pait. Sa ikalawang taludtod, binibigyan din ng tip “na maghanda nang husto o kaya mag-praktis” ang sinumang gustong manghuli ng Pait dahil nga hindi ito basta-bastang nahuhuli. Ang napakaikling ambahan na ito ay masasabi kong unang pahina ng librong (kung magkakaroon man) Pait Fishing for Dummies.

II. MGA ELEMENTO NG KABABALAGHAN SA ILANG KUWENTONG BAYAN

Nang mabigyan ako noon ng assignment na magsulat ng nakakatakot na kuwento (tampok ang multo-multo), ang una kong inisip, ano ba ang katatakutan? Pero hindi dapat doon nagtatapos ang tanong. Ano ba ang katatakutan para sa aking mambabasa? Pero natanto ko na hindi rin naman malaki ang ipinagkaiba ko sa mambabasa ko. Kaya ang sunod kong tanong, ano ba ang katatakutan para sa akin?

Iyan ang naging gabay kong mga tanong para masagot ang ikalawang tanong sa pagsusulit na ito. Una kong dapat tanungin ay ang sarili ko. Ano ba ang kababalaghan?

Ito ay isang pangyayaring mahirap paniwalaan. Pinipilipit nito ang lohika, pinatatalon ang mga tao at tauhan mula sa realidad papunta sa ibang dimensiyon at pabalik. Pabalik-balik. Pagkaminsan, hindi mo maintindihan ang kababalaghan ngunit nangyayari. Ganon lang. Iyon ang kababalaghan doon minsan. Nangyayari na lang basta. Nang walang dahilan.

Ang napili kong kuwento upang talakayin ang mga elemento ng kababalaghan ay ang:
A. Molingling
B. Monkey and the Worm
C. Paladayan
Ang mga elemento ng kababalaghan na matatagpuan sa panitikang oral ng Pilipinas ay ang sumusunod:
1. Karakterisasyon o pagbibigay-buhay sa mga tauhan
Ito ay ang maaaring ang pagkakaroon ng mga natatanging kapangyarihan ng tauhan.
Sa kuwentong Molingling, itong si Molingling ay may special powers na sumangga ng ga-trak na mga bato dahil may hawak siyang special na bato (na maliit lang).
Makikita rin ito sa Monkey and the Worm kung saan may magic si Worm dahil nagawa niyang palasyo ang ilang piraso ng buhok sa kilikili ng tatay ng kanyang asawa.
Ang karakterisasyon ay maaari ding umaarteng parang tao ang mga hayop o bagay. Sa The Monkey and the Worm, sa umpisa pa lang, iyon na, nagpasya silang maghanap ng mapapangasawa. Parang bachelor na bachelor ang dating. Hayop nga lang. Kakatwa namang binabati din sila ng mga taong nakakasalubong nila na para bang magkakauri lamang sila. Sa palasyo naman ni Sultan Dipatuan, hinarap at tinanggap niya ang dalawa na parang taong bisita. At nang makapag-asawa, naglinang pa ng bukid itong si Worm. Una muna ang kaingin at nakapagtumba siya ng napakatabang puno sa pamamagitan ng isang maliit na kutsilyo.
Sa kuwentong Paladayan, ang aso ni Paladayan ay parang taong nabuwisit at nangatwiran sa kapatid ng kanyang amo. Kinulit kasi siya nang kinulit ng kapatid ni Paladayan. At nang hindi makatiis ay bigla niyang sinagot ito ng, “ang kulit mo. Aso ako, di ba? At ang aso, hindi sumasagot sa mga tanong ng tao. Ba’t mo ako tinatanong kung nasaan ang amo ko? Dahil diyan ay may mangyayaring masama.” May nangyari nga.
2. Banghay
Nagbabago o nag-iiba-iba at madalas ay may nakakagulat na twist.
Sa Molingling, nakakagulat ang bigla na lamang na pagbabagong-isip ni Molingling na huwag pakasalan ang babaeng kanyang unang napili. Dahil sa totoo lang, di biro-birong pagod ang ipinuhunan niya para makahanap ng asawa. Umikot pa nga siya sa buong mundo. Pero iyon nga, umuwing sawi itong si Molingling. Ang nangyari tuloy, inasawa niya ang kanyang kapatid. Nang sila ay tumatakbo na palayo sa humahabol na kulog (para makalayo sa parusa dahil sa nagawa nilang incest), nakarating sila sa dalawang bangin na magkaharap sa isa’t isa. Alam ni Molingling na ito ay magsasara kaya ipinalabas niya kay Kobodboranon ang mga gamit nila sa pagtugtog, isang plawta at isang zither. Iyon ang ipangtutukod nila para hindi mag-cave in ang dalawang bangin. Nakakagulat ito dahil bakit naman sila may dalang instrumentong pangmusika samantalang sila ay nakatakdang maglaba at maligo sa ilog? Siguro mas kapani-paniwala kung palupalo na lang ang kanilang inilabas.
Sa The Monkey and the Worm naman, twist din ang biglang pagbabanyuhay ni Worm. Wala namang palatandaan ng ganito sa umpisa. Pareho lang silang hayop ni Monkey, isang masipag, isang tamad. Bago matapos ang kuwento, si Worm ay naging isang napakamakisig na Haring Sulaiman nang mapatunayan niyang mahal talaga siya ng kanyang asawa kahit noong anyong uod pa siya. Bigla rin silang yumaman dahil sa mga buhok sa kilikili ni Sultan Dipatuan.
Sayang, kung naging mabait lang si Monkey, ano kayang hitsura niya?
Sa Paladayan naman, nakakagulat din ang pangyayaring pagbaha nang umuwi si Paladayan. Makaraang sabihin ng aso na may mangyayaring masama, bigla na lang bumaha at tinangay na ang buong bahay at natapos ang kuwento. Sino ang mag-iisip na iyong pagsagot ng aso sa kapatid ni Paladayan ay magdudulot agad ng baha at kayang baguhin ang anyo ni Paladayan? Mulang tao ay naging ilog. Naging mga pagong din ang mga anak ni Paladayan.
3. Lunan at panahon
Kakatwa ang lunan. Maaaring ito ay imagined lamang. Maaari ding isang lugar sa isa pang mundo o uniberso.
Sa isang bundok nanirahan ang mag-asawang Worm at Princess. Doon ay mayroon silang palasyo at masaganang bukid. Ang palasyo ay pitong palapag ang taas (langit kaya ito? 7th heaven?), kompleto ang gamit at palamuti at naglalaman ng 40 lalaking alalay at 40 babaeng alalay.
4. Tema
Isang halimbawa nito ay ang kabutihan laban sa kasamaan. Tulad na lamang ng sa The Monkey and the Worm. Ang kabutihan at kasipagan ni Worm laban sa kasamaan at katamaran ni Monkey.
Iyong sa Molingling, ang tema ay incest na isa sa pinakabawal na gawin ng mga tao. Ang sa Paladayan ay ang pagdating ng dambuhalang kamalasan sa sinumang makikipag-usap sa hayop. Itinuturing itong bawal ng mga Tagabawa.

III. ANG DANAS AT IMPLUWENSIYA NG KOLONYALISMO
SA BUHAY AT PANITIKANG KATUTUBO

Maihahalintulad sa tsunami ang danas at impluwensiya ng pananakop sa buhay at panitikang katutubo. Tsunami dahil malaki, mapanira, malawak ang sakop at kumikitil.


1. Dahil sa p/mananakop, marami ang nagbago sa kultura ng katutubo.

a. Pangalan at wika ng katutubo=Napakaraming salitang Kastila ang pumasok sa bokabularyo ng katutubo. At karamihan sa mga ito ay iyong tungkol sa pamahalaan at simbahan. Maging ang mga kuwentong bayan ay pinamumugaran ng mga salitang dayuhan. Sa Mariang Makiling, sa Tagalog nagsulat si Rizal ngunit ilan sa mga salita sa akda ay Kastila. Ibig lang sabihin nito ay tuluyan nang naipasok ng Kastila ang kanilang kultura (sa pamamagitan ng wika) sa atin. Ginamit ni Rizal ang mga salitang prayle, diyus-diyusan, palasyo, relikaryo, nimpa, relihiyon, kintos, kawal, kuwartel,guwardiya sibil at iba pa. Sa dalawang akdang ukol kay Montor naman ay ginamit ang sumusunod: Asuncion, Julian, Ramon at Andres na pawang mga ngalang dayuhan. Ginamit din ang mga salitang: Martes na pantukoy ng araw, ang Antike bilang lugar, rosaryo, kampana, sementeryo, ideya, pasahero, kamarote,kombento, opisyal, ang katawagang Moro, tropa, kampo, kuwarto, mesa, kanyon, bapor, rebolusyon at iba pa. Dahil din sa p/mananakop, isinilang ang Chavacano, isang wikang nabuo sa pagniniig ng isang wikang katutubo at Kastila. Bagama’t marami-rami ang salitang Kastila ay nakabatay sa wikang katutubo ang syntax nito. Isinilang din ang salitang kumposo na mula raw sa Mexico.

Sa Balagtasan ng Kalayaan, binanggit din ang latore, birhen, regla, mantenador at iba pa. Iba naman ang atake ng Amerikano sa pananakop. Pagkat mas nakasentro sa kultura, inuna siyempre nito ang wika. Ipinaaral ito sa mga Filipino, di tulad ng Kastila na ipinagkait ang wika sa katutubo dahil hindi raw ito “ karapat-dapat” aralin ng mga Indio. Kaya magmula noon, ang mga katutubo ay lalo pang nahati-hati. Sa bansa natin, sobra-sobra na nga ang pagkakahating batay sa wikang mula sa mga rehiyon at pangkat-etniko, dinagdagan pa ng pakikisangkot ng wikang dayo. Ang pagpasok ng Ingles ay sinadya ng mga Amerikano upang lalong guluhin at hatiin ang taumbayan. Kaya nga hanggang ngayon ay nasasalamin ang epektong dulot nito. Ang Ingles ay pinamahayan ng aura ng edukado at mayaman. Sosyal. Kaya’t ito ang ginagamit ng edukado at mayaman. Iyong hindi makapag-Ingles, Tagalog/Filipino ang ginagamit. Sila iyong karaniwang tao at di-nakapag-aral. Bakya.

Ano ang implikasyon nito sa panitikan? Naging easy way out ng marami sa mga nag-aaral ng panitikan ang wikang dayuhan partikular na ang Ingles kapag sila ay nagsasalin ng tekstong may ibang wikang mulang rehiyon. Isang napakagandang halimbawa nito ay ang Maragtas ni Monteclaro na nakasulat sa Ingles. Isa pang halimbawa nito ay ang ilang ambahan na walang salin sa Filipino. Sa Ingles lang.
Alam nating lahat na bawat wika ay may bitbit na ideolohiya. At sa tuwing gagamit tayo ng dayuhang wika upang magpahayag o magkuwento tungkol sa ating karanasan, halos kalahati ng mensahe at iba pang pahiwatig ang hindi naipaparating. Iba pa rin ang salin sa sariling wika (wikang mulang rehiyon man iyan o ano) at sa Filipino kaysa sa wikang dayuhan.


b. Sa larangan naman ng panitikan, bagama’t napakalakas ng p/mananakop, hindi tuluyang nagpalamon ang katutubo. Ang bawat akda ay maaaring ituring na pakikipagtunggali ng katutubo sa impluwensiya ng kultura ng dayuhan. Nariyan ang mga loa na kahit ang ugat ay sa dayuhan, ginamit ng mga katutubo sa panggagagad upang mailantad ang pilit na ipinatatago ng mga prayle: seksuwalidad. Ang balagtasan, kahit na maiuugat ang anyo sa awit at korido ng mga Kastila ay ginamit namang tatangnan ng argumento at opinyon hinggil sa pagmamahal sa bayan at kasarinlan sa kamay ng Amerikano. Ang pasyon na pamana ng Kastila ay nagkaroon ng maraming bersiyon. Iyong pinakasikat ay Pasyon Pilapil. Pangalan pa lang ay Pinoy na Pinoy na. Bagama’t Pilapil ang apelyido ng katutubong pari na kilala bilang editor (pero ayon sa pinakahuling pag-aaral ay wala namang malaking binago sa orihinal na teksto kaya’t hindi pa kilala ang tunay na awtor nito) ng pasyong ito, maaari ring tingnan bilang pag-angkin ng katutubo sa teksto sa pamamagitan ng pagre-retain ng salitang pilapil sa Pasyong Pilapil. Ang pilapil ay tulay na gawa sa lupa. Matatagpuan ito sa gitna ng bukirin. Iyon lamang mga sanay ang paa sa lupa’t sakahan ang walang problemang makatatawid dito. Silang mga anak ng bukid at laging inaagawan ng lupa.

Ito ay isang subersibong ideya: ang pagkakabit ng salitang pasyon na lumalagom sa lahat ng kabanalan at pagsasakripisyo ng pinakanatatanging tao sa mundo sa salitang kasing karaniwan ng pilapil. Ang hakbang na ito ay isang paraan ng pagtanggi sa kung ano lamang ang inaalok ng dayuhan. Napakadali nga namang ulit-uliting basahin ang ibang pasyon ngunit itong Pasyong Pilapil pa rin ang nanaig. Ito ay isang paraan ng pagsasabi sa dayuhang “oo, alam naming may Hesus kayo. Ngunit may sarili din kaming Hesus. Na higit na malapit sa amin, sa kabuhayan at sa aming karanasan. Kung nais mong basahin ang buhay ng aming Hesus, magpaa ka at tawirin ang Pasyong Pilapil.

Bagama’t ukol kay Hesus ang pasyon, kabanalan and all, ayon kay Prop. R.C. Lucero ay katatagpuan pa rin ito ng pinakamasasamang salita. Para itong isang librong Swearing/ Insulting For Dummies. Ang nakikita kong dahilan kung bakit inilagay ang mga salitang ol-ol (ulol), tampalasan, honghang, aliping bohong, ay upang lalong mailapit ang pasyon sa karaniwang tao. Makikita ng karaniwang tao na karaniwang tao din ang mga nasa pasyon. Nagmumura, naiinis, nabubuwisit, napipigtalan ng pasensiya. At ito ay maaari nilang gamiting excuse kapag sila naman ang nakakaramdam nito. Kapag sobra-sobra nang nakakainis, nakakaumay at pasakit ang prayleng pilit na iginigiit ang pananaw sa katutubo, maaari din namang sumigaw ng hunghang.

Malaki ang impluwensiya ng p/mananakop sa kuwentong bayan tulad ng Mariang Makiling ni Rizal. Ang kuwentong bayan na noo’y ginagamit na pang-aliw ay hindi na inosenteng pang-aliw kundi naging instrumento sa pagmumulat ng iba pang kababayan sa nakakaiyak na sitwasyon ng sariling tao at bayan. Maaaring malikhain na talaga si Rizal noon pa man ngunit maaari ding nadagdagan pa ang pagiging malikhain niya nang itago niya ang palihim na pagtuligsa sa p/mananakop sa kuwentong bayan. Ibig sabihin, isa ito sa mga impluwensiya ng p/mananakop, mas nagiging malikhain ang katutubo para magawa niya ang gusto niyang gawin ngunit bawal. Halimbawa nito, maitanim ang mensahe ng protesta sa kahit na pinakasimpleng mga kuwento o tula. Ibinulgar niya sa kuwento ang pangangamkam ng ari-arian ng mga prayle at kahit ang mala-diyosang si Mariang Makiling ay hindi pinatawad ng matatabang pari. Ibinulgar din niya ang impiyernong kung tawagin ay mga kuwartel. Na siya namang inaalagaan ng pamahalaan.

Isa pang halimbawa ay ang kumposo na isang anyo na nagmula raw sa Mexico at hinatid ng Kastila sa Pilipinas. Ngunit sa Kumposo ni Montor, ang paksa ay buhay ng isang Moro.
Sa Si Montor ni Magahum, itinampok din ang mga Kastila, heneral pa ang iba, ngunit ang nakakatuwa rito, ginamit lamang ang mga pangalan at ranggo ng opisyal upang higit na tumingkad ang paglalarawan kay Montor. Ibig sabihin, hamak na mga ekstra lamang sila rito kahit malaki ang kanilang mga ginawa. Si Montor kasi ang bida, na isang Moro, perpetuwal na yatang mga kaaway ng Kastila.

c. Sa larangan naman ng relihiyon, marami ang nagpabinyag at napilitang magpabinyag sa Katolisismo. Masaya nga ba bilang mga bagong alaga ng simbahan ang katutubong Katoliko? Ayon sa Kumposo ni Montor, oo. Ito pa ang huli niyang inihabilin sa asawang si Asuncion, ang siya’y ipagdasal sa kanyang pagpanaw at pagrepekehin ang mga kampana ng simbahan. Ngunit taliwas naman ito sa Mariang Makiling ni Rizal. Maihahalintulad sa bathala si Mariang Makiling. Lahat ng nais ng taumbayan basta’t dumulog sila at humiling ay ibibigay ni Maria. Siya ay mahiwaga at may kung anong kapangyarihan. Mapagbigay siya sa kanyang nasasakupan ngunit nagpaparusa kung kinakailangan. Ang binata naman ay ang kumakatawan sa taumbayan. Matamis ang kanilang ugnayan, masipag ang binata at siya’y pinoprotektahan ni Maria. Madalas silang nag-uusap (kapag nakikitang mag-isa ang binata sa isang sulok at kumikibot-kibot ang labi). Ngunit lahat ng ito ay naputol nang dumating ang mga Kastila kipkip ang kanilang mga kalokohang pagre-require ng pagiging kintos at kawal sa katutubo. Nagtampo ang Bathala dahil natuklasan niyang marupok pa ang tao at sariling kapakanan lang pala ang uunahin sa ganitong sitwasyon.

2. Dahil sa p/mananakop, nagbago ang tingin ng katutubo sa kanilang sarili.

Sikolohikal na epekto ito ng paulit-ulit na pagdiin sa ilang katangian na gustong ipaangkin ng mga mananakop sa kanilang nasasakupan tulad na lang ng:

a. takot ang katutubo sa dayuhan= halimbawa ay ang eksena sa Maragtas na kung saan pagdating ng mga Datu ay nagsipagtago ang katutubo. Si Marikudo lang ang humarap. Mukhang in-edit na ng mga mananakop o kung sino man ang may hawak ng kapangyarihan upang baguhin ang kuwentong ito. Kakaiba ang ganitong eksena. Madalas kung ikaw ay nasa teritoryo mo, hindi ka natatakot. Kasi nga kabisado mo ang lugar at kilala mo ang lahat ng naroon. Ang mga dayo pa nga ang may baong takot at alinlangan sa dibdib kada tapak nila sa banyagang lupain. Kaya’t kakatwa na ang mga katutubo raw ay nagsipagtago pagdating ng mga Datu.
b. matakaw sa materyal na kayamanan ang katutubo= Sa Maragtas, nainis daw ang ilang babaeng katutubo sa mga asawa ng datu dahil ayaw umupo ng mga ito sa lupa. Natatakot na marumhan ang kanilang mga damit. Medyo nainsulto pa ang mga babaeng katutubo ngunit madali namang napawi ang inis at pagkainsulto nang bigyan sila ng mga babaeng mula sa Borneo ng panyo, kuwintas at suklay na yari sa kahoy. Sa kabilang babasahin naman, hiram nang hiram ng kagamitan at hingi nang hingi ng kung ano-ano ang katutubo sa Mariang Makiling.
c. hindi masipag at walang tiyaga ang katutubo-Sa Maragtas, mas pinili raw ng mga katutubo na ibenta na lamang ang kanilang lupa kaysa tiyagaing linangin ito. Mas pipiliin pa raw ng mga ito na lumipat sa ibang lugar dala ang limpak-limpak na pera kaysa magtrabahong muli sa lupang nahusto na nila sa kaingin.
d. Abusado ang katutubo- Si Montor ni Magahum ay dating kinupkop ng kombento at bininyagan bilang Katoliko. Ngunit sa pagdaloy ng kuwento, mismong mga Kastilang/Katolikong ninong at heneral na kumupkop sa kanya ang kanyang kinalaban at pinatay. Abusado siya sapagkat wala na nga siyang utang na loob, kinuha niya pa ang buhay ng tumulong sa kanya. Sa isang banda, hiram nang hiram ng kagamitan at hingi nang hingi ng kung ano-ano ang katutubo kay Mariang Makiling. Isang teorya kung bakit nawala si Mariang Makiling ay dahil hindi naman daw ibinabalik ng taumbayan ang hinihiram nila sa dalaga.
e. Kulang sa matinong pag-iisip ang katutubo-Ayaw na ayaw ko ang unang saknong ng Kumposo ni Montor dahil ipinapahiwatig nitong basta na lamang napagkatuwaan ni Montor na lapastanganin ang bayan. Tipong kapag tinanong si Montor bakit mo ginawa iyon, ang isasagot niya, ‘wala lang!’ Masyadong masamang impresyon ang nais na ibigay dito kay Montor.
Ang mga nasa itaas ay ang isinasaksak na mga katangian ng dayuhan sa kanilang sinasakop. Dahil sa paulit-ulit na pagpapamulat sa mga kasunod pang henerasyon, dumating nga ang panahon na ito na ang pinaniwalaan ng mga Pilipino.

3. Dahil sa p/mananakop, pisikal na nagbago ang kapaligiran ng katutubo.= Noong unang panahon, walang kasingganda at kasinglusog ang bayang ito. Pearl of the Orient nga. Sa Maragtas, umaagos ang pagkaing inihanda para sa mga bisita nang nagbebentahan na ang dalawang pangkat. Ibig sabihin, sagana ang pamumuhay ng katutubong naghanda. Sa Balagtasan, binanggit ang isang paraiso kung saan may batisan, ibong pipit, tahimik na bundok at kakahuyang lipos ng alindog. Sa Mariang Makiling, paraiso rin ang paligid dahil kay Maria. Maraming magagandang halaman, puno, hayop at iba pa. Ngunit pagdating Sa Montor ni Magahum, nariyan na ang kombento, Parian at lugar na kung tawagin ay Villa de Arevalo na malamang ay isang saradong lupain at pag-aari ng isang indibidwal o pamilya lamang.

Ibig sabihin, nagkaroon ng mga estrukturang naghahati sa mga tao sa lipunan. Ang kombento, para sa mga Katoliko. Ang Parian, para sa mga Tsino (sapagkat inihihiwalay pa sila noon sa Indio at lalong lalo na sa Kastila) at ang mga Villa, para sa mga mayayaman at ang kanilang bukid para sa kanilang tauhang magbubukid. Hindi na lamang nasa isip ang paghahati sa lipunan kundi nakikita na rin sa pisikal na mga estruktura. Higit itong nagbigay ng pagkakahati-hati sa taumbayan. Sa Kumposo ni Montor, may binanggit na kuta at bilangguan. Ibig sabihin, mayroon nang mga kriminal at kailangan silang ikulong. Binanggit din dito ang sementeryo. Bagama’t noon pa ma’y may tiyak nang lunan ang mga katutubo para lagakan ng mga labi ng mga yumao, ang sementeryo ay isang ipinakilalang konsepto ng Kastila. Ang paglilibing at mga ritwal o seremonya para sa mga yumao ay nahalinhan ng mga ritwal o seremonyang mula sa simbahan. Ilan sa pagkakaiba ay mga rebulto ng santo, anghel, krus sa mga sementeryo. Sa Mariang Makiling, buong bundok ay kay Maria ngunit nang umeksena ang mga prayle, may ilang balitang nagsasabing kaya nawala si Maria ay dahil pinag-aaangkin ng mga prayle ang kanyang ari-arian at kalahati ng bundok na tahanan ni Maria.

Marahil ay nagtataka kayo kung saan napunta ang mga paraiso, malalawak na lupain, mayamang puno at halaman. Ayon sa personang si Rizal sa Balagtasan ng Kalayaan:

Ano pang katwiran ang dapat hintayin sa isang nanlupig.
Ano pang dahilan ang paglulubirin ng isang limatik
Ang utos ng Diyos ay di mababakli, sapagkat matuwid
Sa hindi mo ari’y huwag makialam, huwag kang manghamig.

Ito ay patunay na ganid sa pag-aari ang mananakop. Kailangan pa silang sabihan na huwag nang makialam at manghamig. (ibig lang sabihin nito ay likas at talagang ginagawa nila ito: ang pangingialam at panghahamig kaya kailangan pang pagbawalan sila sa pagkakataong ito.)

4. Dahil sa p/mananakop, lalong nabawasan ang pag-asang mapag-isa ang mga Filipino. –Makikita sa Montor ni Magahum na may panghuhusga na sa dila ng personang nagkukuwento. Kapwa sila Filipino (si Montor at ang persona) ngunit madaramang hindi sila magkakampi. Ang paggamit ng salitang kaliwete para ilarawan ang mga Moro ay isang halimbawa nito. Ang kaliwete ay naiuugnay sa pagtataksil o di kaya sa mali o sa rebelde. Inihalintulad din si Montor sa mga hayop sa gubat pagdating sa tapang at bangis. Sa paggamit ng mga salitang ito, magkakaroon ka ng negatibong impresyon kay Montor na isang Moro at iigting pa ang impresyong iyon kung ikaw ay Katoliko sapagkat dating kinupkop ng kombento at nabinyagan na Katoliko si Montor. Ngunit inilahad sa kuwento na ang mismong mga Kastilang/Katolikong ninong at heneral na kumupkop sa kanya ang kanyang kinalaban at pinatay. Nagkahati-hati rin ang kalalakihan sa Mariang Makiling, iyong mga kintos/kawal at iyong mananatiling karaniwang mamamayan. Pagkatapos ng pananatili sa kuwartel ay gumagaspang na ang ugali’t nagiging malahayop pa raw. Sino pa ba naman ang tagakomunidad na nanaising makisama sa gayong klase ng tao?
5. Dahil sa p/mananakop, nawawasak ang mabubuting relasyong personal at pampamilya- Maraming pamilya ang nawalan ng kuya, ama, bunso, asawa dahil sa pangangailangang maglingkod bilang kintos/kawal. Maging si Mariang Makiling ay hindi nakaligtas dito. Nawalan siya ng minamahal dahil sa sistemang ito ng Kastila.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...