Sunday, October 11, 2009

papel 12

11 Oktubre 2009

Paksa: Ikalimang kabanata ng Beyond the “Primitive” the Religions of Nonliterate People ni Sam D. Gill

Ilang tala:

Ang kabanata ay isang pagsusuri sa mga anyo ng oral na tradisyon ng mga taong hindi nakaranas ng kulturang pasulat. Maaari daw itong pagkunan ng impormasyon ukol sa relihiyon at paniniwalang pang-espirituwal ng mga nasabing tao.

 Dapat ay hindi hinihiwalay ang isang anyo ng tradisyong oral sa pagkakatanghal nito sa isang okasyon dahil susi ang okasyon, ang komunidad, ang panahon, ang mga taong kasangkot para maunawaan at mabigyang-halaga ang isang anyo ng tradisyong oral.

 Huwag umasa sa mga pagsusuring isinagawa nang walang pagsasaalang-alang sa pinagmulang kultura at lipunan ng mga akda.

 Iyong paggu-grupo-grupo ng kuwentong bayan ay hindi laging tama kasi madalas ang pinagbabasehan nito ay iyong universality o unibersal na mga elemento ng akda samantalang unique ang mga dahilan ng pagpapahayag sa mga ito. Laging may kakaibang pagkakataon para ito maitanghal. Kailangan lamang saliksikin at tuklasin kung ano ang mga ito.

 Laging once upon a time ang umpisa ng mga akda mula sa panitikang oral samantalang hindi naman ito ang umpisa kapag tiningnan ang orihinal. Hindi tinitingnan ito ng lipunang oral na nangyari noong unang panahon. Malapit kasi ito sa kanila.

 Kaya nabuo ang isang akda ay dahil may pangangailangan itong pinupunan noong panahon na nabuo ito. At dapat alam mo ito para makita mo ang kabuluhan ng bawat bahagi ng akda.

 Sa West Ceram, New Guinea at Melanesia, bago ang 1900, halos pantay-pantay ang yaman ng pamilya sa isang komunidad. Ang yaman at prestige ay sinusukat hindi sa pamamagitan ng kung gaano karami ang mayroon ka kundi sa kakayahan mong magbigay ng halagang katapat ng natatanggap mo. Kapag hindi mo ito magawa, hindi ka prestigious, wala kang “K” at say. Sa ganitong paniniwala at sistema, napapanatili nila ang pagkakapantay-pantay.

 Ang kuwento ni Hainuwele, bagama’t hindi naman naging solusyon sa problema noon ng taga-West Ceram, ay isang paraan ng pagpapahayag ng mithi ng mga taga-West Ceram na malutas ang problema. Ang paggawa at pagbigkas ng kuwento ay siyang nakita nilang pinakamakapangyarihan na paraan na magagawa nila sa gayong sitwasyon. Isa ito sa mga binigyang-diin na tungkulin at papel ng tradisyong oral.

 Ayon kay Eliade na sumulat ng Cosmos and History: The Myth of the Eternal Return, sa ibang kultura na pinagmulan ng maraming mito, hindi linear ang konsepto ng panahon. Hindi ito linyang iisa ang direksiyon. Ito ay bilog, paulit-ulit at maaaring bumalik sa nakalipas na. Sa ganitong paraan, nagiging past ang future at future ang past.

 Ang mga naaalala na historical event ay binabago para iyong mga naka-pattern lang sa banal na modelo ang mananatili at maipapasa-pasa.

 Maganda ring banggitin na kagila-gilalas ang pagkaka-retain ng isang period sa pamamagitan ng epiko o kuwento na katumbas ng isa o dalawang siglo. Ito ay patunay na mataas ang interes at pagpapahalaga ng mga tao mula sa nonliterate na kultura sa kanilang kasaysayan.

 Mula rito, ibig sabihin, ang mga detalye na nabuhay hanggang ngayon ay siyang pinaniniwalaang mahalaga at may kabuluhan sa pagdaan ng panahon. Mabubura na iyan at mawawala kung hindi ‘yan mahalaga. Kaya’t may papel ang bawat detalyeng iyan. Kailangan lang nating alamin kung ano ang kabuluhan niyan sa ating kultura at lipunan. Interesante, hindi ba?

 Sa pamamagitan ng kuwento, ang nakalipas at ang hinaharap ay nabubuhay sa kasalukuyan.

 Ang mga taong ito ay may pagtinging mistikal at panghabambuhay sa kanilang mga kuwento at salaysay. Hindi sila katulad natin na hindi ma-imagine ang sariling maaaring bahagi ng nakalipas dahil malinaw sa ating isip ang pagkakahati sa nakalipas, kasalukuyan at hinaharap.

 Ang mito ay salaysay ukol sa mga diyos sa isang panahon na ibang-iba sa karaniwang karanasan ng sangkatauhan.

 Ang katotohanan ng mga salaysay na ito ay makikita sa konteksto ng sangkatauhan dahil ang mundo ay naging ganito dahil sa mga ginawa ng mga diyos.

 Karamihan sa iskolar na nag-aral ng mga mito ay nakalimot na isali sa pagbibigay-kahulugan at pagsusuri ng mito ang mga kuwentong bayan, alamat, epiko, kantang bayan at iba pa. Ito rin ang nangyari sa pag-aaral sa relihiyon. Nakalimutang isaalang-alang ng mga iskolar ang mga anyo ng oral expression. Puro na lang banal na kasulatan at intelektuwal na interpretive writings ang pinag-aaralan.

 Ang mga kuwentong pusong o trickster ay kilala sa pagiging batis ng aliw at tuwa pero hindi ibig sabihin noon, hindi na ito dapat seryosohin. Ang bida sa mga kuwentong ito ay napaka-unpredictable. Ibig sabihin, karamihan sa mga hakbang niya’t ideya ay iyong taliwas sa nakagawian. Rebelde, ika nga. Tugmang-tugma sa tinalakay na katangian ni Nick Tiongson ng mga pusong sa dulang Tagalog.

 Kilala rin sa paghahatid ng halakhak ang pusong. Ngunit ito ay dahil nakikita ng tagapakinig ang kanilang sariling limitasyon at katangahan sa mga gawain at desisyon ng pusong. Sa ganoong paraan, nagiging mas magaan para sa tagapakinig ang realisasyon na hindi siya perpekto.

 Daluyan ng kultura ng mga taong nonliterate ang oral na tradisyon. Ito ang nagtuturo sa kanila, nagbabawal at nagbibigay-kahulugan sa kanilang mga gawain at layunin. Ito rin ang daluyan kung may nais silang baguhin sa kanilang kultura. Sa pamamagitan ng tradisyong oral, nakakatugon sila at nakakaangkop nagbabagong kapaligiran at ugnayan sa isa’t isa.

 Kaya mahalaga ang tradisyong ito para maunawaan natin ang mga taong mula sa kulturang oral.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...