Sunday, October 11, 2009

papel 11

10 Oktubre 2009


Paksa: Pilantik ng Pusong Kiliti ng Rebelyon: Ang Tradisyon ng Pamumusong sa Dulang Tagalog ni Nicanor G. Tiongson

Kapag Sineryoso ang Pusong…

Ang akdang Pilantik ng Pusong Kiliti ng Rebelyon: Ang Tradisyon ng Pamumusong sa Dulang Tagalog ay isang panunuring pampanitikan. Sinuri ni Nicanor Tiongson ang isang uri ng tauhan sa 14 na dula na itinanghal/isinulat mula 1860 hanggang 1977. Ang tauhang ito ay tinawag niyang pusong, sa pangkalahatan.

Ayon kay Tiongson, ang pusong ay maaaring ituring na kinatawan ng karaniwang Pilipino. Hindi ito itinatampok sa mga pag-aaral sapagkat hindi naman bida. Ang mga “pusong” sa lahat ng dula ay iyong mahirap, walang pinag-aralan, tagagawa ng maruming trabaho, walang kapangyarihan, walang lakas o koneksiyon o kapit o sa pangkalahatan ay iyong laging extra. Sa tunay na buhay, iyong mga taong marginalized sa lipunan.

Sa tuwing magsasalita ang pusong sa mga dula, bumabalong sa bibig nito ang damdamin at isip ng sektor sa lipunan na kanyang kinakatawan. Ayon kay Tiongson, ang mga ginagawa ng pusong sa entablado na siyang madalas na pinagtatawanan ng manonood ay isang uri ng rebelyon. Halimbawa nito ay ang pagiging bastos o kaya’y tatanga-tanga kahit ang kaharap ay may awtoridad o kapangyarihan.


Sinipi sa sanaysay ni Tiongson at ito raw ay mula sa Paglipas ng Dilim, sarsuwela ni Precioso Palma:

(Isang eksena)

Donya Carmen: Felipe, que pasa?
Felipe: Nabasag ang tasa…
Don Torcuato: Valor, valor, chico…
Felipe: Hindi po sa chico kundi sa mangga.

(Isa pang eksena)

Pakita: Excuse me, Ricardo, shall we have o dance?
Felipe: Yes, yes, we two are going to dance, hasta que Dios diga basta.
Pakita: Ah, you keep quiet.
Luis: Adios, pinauwi ka tuloy sa Kawit.
Pakita: Ah… you foolish…
Luis: At tatawag pa raw ng pulis.

Ito ay pangungulit ng mga tauhang sina Felipe at Luis (ang mga pusong sa dulang ito) sa mayamang pamilya ng don at donya na bagama’t Pilipino ang kausap ay pa-Espanyol-Espanyol pa rin. Sa kasalukuyan, ginagawa pa rin ito. Ginagaya ng ilang komedyante ang pag-i-Ingles ng mayayaman, kasama pati ang arte at intonasyon. Kung minsan pa, nilalabisan o ine-exaggerate. Ang paggaya sa nag-i-Ingles at pagsagot nang pamali-mali ay isang pagkutya sa kaartehan at ka-estupiduhan ng mga Inglisero sa pakikipagtalastasan. Kung marunong ka namang mag-Filipino at ang kausap mo ay Filipino na marunong din mag-Filipino, gagamit ka pa ba ng wikang dayuhan?

Kapag nakapanood ka ng ganito, matatawa kang talaga at iyong tawa mo ay isang indikasyon ng pagkakatanto mo na tama nga naman ang “pusong.” May mali sa ginagawa ng nasa taas at napupuna ito ng nasa baba.

Napakahusay ng sanaysay ni Tiongson. Empowering. Ngunit ang nakakalungkot dito, para namang hindi tayo natuto. Taong 1860 ay may pusong na pala at nagmula pa ito kay Pilandok na mula sa isang kuwentong bayan. Ibig sabihin, wala pa ang mga dayuhan ay may konsepto na ng pusong. Pero bakit parang hindi pa rin lumilitaw ang kamulatan sa mga hakbang ng karaniwang Pilipino? Bakit parang nasasailalim pa rin tayo ng baluktot na tagapamahala at saliwang pamumuno? May nabago ba sa kalagayan ng karaniwang Pilipino noon at ngayon?

Ang pusong ay madalas na nagpapatawa ngunit ang basa ko rito ay naging kontento na ang mga Pilipino sa pagtawa lang sa mga pusong na ito. Kontento na tayo sa pakonti-konting sundot, pakonti-konting rebelyon. Maaaring nakakapagbukas ng isip, nakakapagmulat ang mga pusong ng modernong panahon ngunit hanggang tawa lamang ang tugon ng Pilipino.

Tinatawanan na lamang natin ang mga problema. Ayon nga kay Prop. Vim Nadera na nagtapos ng sikolohiya sa undergraduate at masteral na antas, itong pagtawa at paggawa ng katatawanan mula sa mga problema ay isang hakbang ng pag-iwas. Mukhang ito ang problema natin. Hindi natin hinaharap ang problema.

Pinalilipas na lang natin ang lahat at kapag nadagdagan pa ang problema na dulot ng unang problema, itatampok na naman ito ng isa pang pusong at magiging balon muli ng halakhak. Ngunit tulad ng dati, hanggang doon na lamang. Hindi natin nadadala sa mas mataas ng antas, sa mas kongkretong hakbang ang pamumusong.

Hindi ko alam ang solusyon dito. Makatulong kaya kung seryosohin ng lahat ang pusong? Tipong sabayan natin ng tinimbang na aksiyon ang bawat hirit niya.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...