Sunday, October 11, 2009

papel 10

11 Okt. 2009

Paksa: Ilang Tala ukol sa Siblaw Taraw

Pamagat:

Siblaw Taraw:
Ilang Palatandaan ng Incest at ang Kuwento bilang Isang Babala


Buod:

Sa paligid ng mahiwagang lawa ng Siblaw ay maraming hayop. Isang mangangaso ang doo’y nanghuli ng usa. Inabot siya ng gabi sa pagkatay nito. Pagkatapos, nakarinig siya ng matamis na tawanan sa may lawa. Pumunta siya roon at nakakita ng naliligong mga babae. Kinabukasan, pagsapit ng gabi, bumalik ulit siya sa lawa. Nasaksihan niya ang pagbaba ng mga nilalang na may pakpak. Pinagmasdan niya ang pinakamagandang nilalang sa lahat habang hinuhubad nito ang sariling pakpak.

Ninakaw ng lalaki at itinago ang kabiyak na pakpak ng pinakamagandang nilalang na iyon. Pagbalik niya, nag-iisa ito, naiwanan na ng mga kasama. Inalok niya ng tulong sa paghahanap ng pakpak ang nilalang.

Sabi ng nilalang, isa siyang taraw. Mungkahi ng lalaki, sumama na lang ito sa kanya bilang asawa. Malungkot na pumayag ang taraw. Hindi na kasi siya makalipad pabalik sa ama at mga kapatid na nasa langit.

Bilang mag-asawa, nagpatuloy sa pangangaso ang lalaki at si Taraw naman, tagaluto at tagalinis ng bahay. Nagkaanak sila, isang napakaganda ring sanggol.

Isang araw, habang naglilinis, natuklasan ni Taraw kung saan nakatago ang kanyang pakpak. Ginamit niya ito at nakalipad pero agad din siyang bumalik nang maalalang napakaliit pa ng kanilang anak. Hindi naman nagkahinala ang lalaki na alam na pala ni Taraw ang ginawa nitong panloloko noon.

Hinintay ni Taraw na magkagulang ang anak. Isang araw, kinausap na niya ang dalagitang anak. Ipinagtapat ni Taraw ang lahat. Bago siya tuluyang umalis ay nagbigay-babala pa siya. “Huwag sasayaw sa oras kung nais magtagal ang buhay.” Ang oras ay isang uri ng pagdiriwang sa kultura ng Ifugao. Buwan ang tagal nito at walang habas na kainan at kasiyahan ang nagaganap.

Natuklasan ng lalaki ang nangyari pag-uwi niya. Nalungkot siya ngunit agad ding sinabi, ang anak na ang papalit sa ina. Ito na ang magluluto at magtatrabaho sa bahay. Isang araw, dinala ng ama ang anak sa oras. Doon ay pinilit ng iba pang babae ang dalaga na magsayaw. Tumanggi ang dalaga pero pinilit ito ng ama. Pagkatapos ng ilang araw, nagkasakit ang dalaga. Ipinagtapat nito sa ama ang babala ngunit huli na ang lahat dahil hindi gumaling ang sakit ng dalaga. Tuluyan itong pumanaw. Mag-isang hinarap ng lalaki ang kanyang katandaan.


Muni-muni

Nabasa ko ang kuwentong ito pagkatapos kong basahin ang Tagabawa Texts at Molingling. Marami sa mga akda ang tungkol sa pagpaparusa sa sinumang makikisama (bilang kabiyak) sa kapamilya.

1. nabanggit sa Mga Tala ng kuwentong Paladayan na ang mismong pagnanasang pakasalan ang isang malapit na kamag-anak ay isa nang taboo.


2. Sa kuwentong Karapungat at Patulangan, ang magkapatid na Karapungat at Patulangan ay naging ilog. Ganito ang nangyari: isang araw, habang tumutugtog ang dalawa, isang linta ang dumapo sa suso ni Patulangan. Pinalis ni Karapungat ang linta gamit ang sarili niyang plawta. Tapos bigla na lang binaha sa kinatatayuan nilang dalawa.


3. Sa isang kuwentong mula sa A Voice from Mt. Apo, may magkapatid: sina Molingling at Kobodboranon. Nalunod si Kabodboranon at si Molingling ay naging igat nang sila ay nagpasyang magsama bilang mag-asawa.


Kaya naman, ang una kong naisip ay tungkol uli sa incest ang kuwentong Siblaw Taraw.

Ang “aral” na naisip ko ay huwag manloko dahil kapag ginawa mo ito ay ito rin ang magiging balon ng iyong dalamhati AT may masamang mangyayari kapag ikaw ay nakisama bilang asawa sa sarili mong kadugo.

Pinakadiin-diin sa kuwento ang kagandahan ni Taraw. Ito pa nga ang dahilan kung bakit siya ang napili ng lalaki na pagnakawan ng pakpak. Kaya noong sabihing babae rin ang naging anak nilang dalawa, may umuulpot-ulpot nang ending sa isip ko, “parang may incest na mangyayari dito,” kako. (Marahil ay malaki talaga ang impluwensiya sa akin ng mga balita sa tabloid sa kasalukuyan.)

Hinala ko’y aasawahin ng lalaki ang anak nang umalis na si Taraw. Nakadagdag pa sa aking hinala nang sabihin ng lalaki na ang anak na ang papalit sa ina. Sa ilang kaso kasi ng incest, ganon sa umpisa, iyong mga responsabilidad muna na dati ay sa nanay tulad ng pagpapanatili ng kaayusan ang unang ipinapaako sa anak: pagluluto at paglilinis. Pagkatapos, hindi maglalaon ay pati na 'yong papel na ginagampanan ng asawa pagdating sa sex.

Posible talagang mangyari ito dahil mukhang napakakimi ng anak. Nang iiwanan na siya ng ina, ni hindi ito nagprotesta. Hinabol lang niya ng tingin ang nanay nang ito ay paakyat na sa langit. Ni hindi niya kinumpronta ang tatay niya kahit alam na niyang niloko ng tatay niya ang nanay niya. Nang utusan siya ng tatay niyang pumalit sa ina sa pagtatrabaho sa bahay, hindi rin siya nagreklamo. Pagkatapos, isang hiling lang ng ama na magsayaw siya sa orasan ay ginawa na niya agad.

Kaya ang naisip ko, kapag nagpakita na ng seksuwal na pagnanasa ang tatay sa anak, hindi ito manlalaban.

Mabuti na lang at namatay siya. Kumbaga, gumawa ng paraan ang nanay na hindi maabuso ang sariling anak. Iyon nga lang, malupit ang kabayaran: sariling buhay.

Ang isa pang interpretasyon ko sa kuwentong Siblaw Taraw: ang kuwentong ito ay isang babala sa dayo.

Ayon kay Prop. Virgilio Almario, bagama’t bantog ang Pinoy sa pagiging hospitable, ang salitang hospitable ay walang katumbas sa ating wika. Malaki ang posibilidad na ito ay bansag lamang ng dayuhan sa mga dinatnang katutubo. Kumbaga, brainwash. Kung tinatawag ka nga namang maganda araw-araw, hindi ba’t tatangos ang ilong mo at tatanim sa isip mong maganda ka nga? At aasta kang beauty queen? Gayundin ang ginawa ng mga mananakop. Ipinamulat nila sa mga katutubo na hospitable ang mga ito para ibigay sa kanila ang pinakamahusay na papag kahit sa lapag matulog ang may-ari ng bahay at pakainin sila ng pinakamalinamnam kahit pa sa mga susunod na araw ay ipangungutang ng nagpapakain ang ilalaman sa sariling tiyan. At marami pang iba.

Sa kuwentong Siblaw Taraw, katutubo ang lalaki at dayo si Taraw. Palihim ang ginawang pagdayo ng mga taraw at aksidente ang pagkakatuklas sa kanila ng katutubo. Ngunit umpisa pa lang ay hindi na pinalampas ng katutubo ang pagkakataon. Pinili niya ang pinakamagandang taraw at sinimulang isagawa ang isang maitim na balak.

Wala sa bokabularyo ng katutubo ang hospi-hospitality. Hindi laging magiliw ang katutubo sa bagong salta. Kaya masasabi kong ang Siblaw Taraw ay isang babala. Kung dadayo, mag-ingat.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...