Friday, January 24, 2020

Toyo (tula ni Bebang Siy) revised

Toyo
ni Bebang Siy


Todo iyak ang bata
habang pilit nitong hinahabol ang babaeng
nagmamadali
sa pagsuot ng stiletto
sa paglabas ng pinto
sa pagbukas ng kotse
sa paglabas ng garahe.
Halos maglupasay na ang bata
habang umaabante ang kotse
para makalabas sa kalsada.
Lalo pang lumakas ang iyak nito
nang umarangkada na ang sasakyan
at ang babae
papalayo sa kanila.

Pumihit-pihit, pumalag-palag ang bata
nagwawala
kumakawala
sa kanyang pagkakayakap.

Tila tilapyang natutuyuan ng tubig.

Ngumuyngoy ito nang ngumuyngoy,
animo’y namatayan ng nanay. Samantalang siya
ang umaalo
ang may karga
sa bata,
siya
na kanina pa sumasayaw at kumakanta
ay gusto na ring umiyak
maglupasay
pumihit-pihit
pumalag-palag.

Gusto na sana niyang
magwala
kumawala
dahil kahit ano pa ang kanyang gawin
alam niyang hindi na niya mapapatahan
mapapatigil
itong anak niyang palayo nang palayo
ang pagtingin.

No comments:

Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...