kagabi nagpunta kami ni papa p at ng mga bata sa maragondon. hinamon ko kasi si papa p na lumabas naman kami at dalhin sa mga gubat o nature-inspired places ang mga bata. aba, magfo-four pm na nang finally umalis kami at lumarga pa-maragondon. ako naman si patol, sumama naman, bitbit sina dagat at ayin.
after 2 hours, dumating kami sa naic public transport terminal. andaming dyip at baby bus doon. nag-aalangan na ako dahil alam kong madilim sa sinasabing ilog ni papa p. e anong gagawin namin sa madilim na ilog? makakapagtampisaw ba kami doon? baka sarado na kung anuman iyon na puwedeng mapuntahan doon. sabi ni papa p, open to public iyon, so puwede tayong magpunta anytime. so feeling ko, akala ni papa p, concerned ako na magsasara ang sinasabi niyang destinasyon namin. parang di niya talaga nare-realize na ang pupuntahan namin ay ilog at wala pa akong nakikitang ilog na well-lit. tulay puwede pa. jones bridge at tulay pa-quiapo, well-lit ang mga iyan di ba? pero ang mismong pasig river, di ba, hindi?
so nagtrike kami from naic public transport terminal hanggang simbahan ng maragondon. 70 pesos ang singil sa amin, pero dahil sobrang layo pala nito, nagbigay na kami ng 100. sa mismong simbahan kami ibinaba at doon ay nakakita kami ng plaza/park at isang covered gym na buhay na buhay dahil sa isang basketball game. sabi ni papa p, sakay pa raw kami ng isa pang trike at magpahatid sa kaingin or sa hanging bridge. 35 pesos hanggang doon. only to find out, malapit lang pala iyon, nalalakad lang, pinaikot-ikot kami ni kuyang trike driver dahil puro sarado daw ang daan pa-hanging bridge. pero totoo naman, di naman siya mapagsamantala, natatabingan ng mga kahoy ang isang daanan, ang isa naman ay sobrang dilim, parang black hole, kaya di na kami tumuloy.
so finally, nakarating ang tricycle namin sa akyatan papunta sa hanging bridge. akyatan dahil may hagdan papunta sa hanging bridge at doon kami ibinaba, malapit sa unang baitang ng hagdan. the fuck ang dilim, haha! alam n'yo 'yong setting ng mga pelikulang horror starring buwaya galore? ganon. mani ang amazon jungle. sobrang mapuno ang lugar na pinagbabaan sa amin, may ilog sa gitna. akyat-baba ang daan kaya akyat-baba din kami para makarating sa hagdan ng hanging bridge. pagdating sa bukana ng hanging bridge, kinarga ko si ayin, at nanguna na ako sa paglalakad sa tulay. nakakatakot ang ambience pero ewan ba't ang tapang ko. walang makikita sa kabilang dulo ng hanging bridge kundi kakarampot na ilaw mula sa isang bumbilya. sa ilalim ay ilog na pagkaitim-itim sa dilim, buwan lang ang tanglaw na in fairness ay napakaganda, parang ahas na mahaba, puti, ang sinag nito pagtama sa tubig. ang nasa isip ko'y hindi ako mamamatay dito, gamit na gamit ang tulay na ito, sa amin pa ba ito mapipigtas? aba'y natural, hindi. kaya naglakad na ako nang naglakad. nang nasa gitna na ako, saka ako inalihan ng takot. may iba pa bang daan pagdating natin sa kabila, tanong ko kay poy. wala, sagot niya. ibig sabihin, babalik tayo rito pagkarating natin sa dulo? oo, sagot niya.
doon na ako kinabahan. ang tagal namin doon, mabigat kami, tapos babalik pa kami? baka maubusan kami ng suwerte. kinabahan na ako. kahit gawa naman sa malalaking kahoy at mga metal pipe ang hanging bridge, abot-abot ang kaba ko. pero di ako nagpahalata kay papa p. baka mag-panic din iyon. the last time na nanganib ang buhay naming dalawa ay sa isang falls sa marawi dahil lang tinanong niya ako kung ok ako habang akay-akay ko siya patawid mula sa bangka papunta sa batuhan, lampas-tao ang tubig at di marunong lumangoy si poy. ok naman ako that time pero ewan ko kung ano ang isinagot ko dahil pagsagot ko, nag-panic si poy. nagsisisigaw siya sa mga tao sa bangka na nalulunod kami, kumampay siya nang bongga at doon ako kinabahan, nawala ang confidence ko sa swimming skills ko, muntik kaming malunod na dalawa. anyway, so back to hanging bridge ng maragondon, pinakalma ko ang sarili ko. tinanggal ko ang mga buwaya sa imahinasyon ko. makakarating kami sa kabila, malalampasan namin ito.
iyon nga ang nangyari. pagdating namin sa kabila, medyo nakampante ako dahil sa bumbilya na tumatanglaw sa mga tao na pababa, sa ibaba ng hanging bridge ay may isang komunidad daw ng mga mangingisda (ayon kay papa p). sabi ko, bababa ba tayo? gusto kong bumaba doon kasi baka may iba pang daan pabalik sa sibilisasyon. ayoko nang maglakad uli sa tulay! isa pa ay naiinip na sina ayin sa karga namin, gusto nang maglakad-lakad. so ibinaba ko si ayin at naglakad kami pababa. sa mga nakausling ugat ng puno kami tumatapak. after a minute, may nakasalubong kaming mga residente doon, matandang babae at lalaki, may dala silang ilaw, parang gasera. sa laki ng liwanag nila, nakita namin ang nasa may bababaan pa namin: isang aso. sabi ni papa p, wag na, may aso. kinulit ko pa rin si papa p, sabi ko tara, baba tayo. so humakbang pa kami nang kaunti hanggang sa mapalapit sa aso, wala naman itong ginawa, thank dog, este thank god. may dumating uli na mga residente doon, pasalubong sa amin. sumabay sa kanila ang aso sa pag-akyat. paglampas nila sa amin, naiwan na naman kami sa dilim. wala kaming ideya kung ano ba ang madaratnan namin sa ibaba. kaya pumihit na rin kami ni papa p para umakyat at bumalik sa hanging bridge.
pagdating sa tulay, kinarga uli namin ang dalawa. maya-maya, may dumating na apat na adult, halos kababaihan. nagkakantiyawan sila kung may pagkain pa sa pupuntahan nila. ang ingay nilang mag-usap at ang bilis maglakad sa tulay. sumasayaw ang tulay, kaloka. nasa likod namin sila at alam naming inip na inip sila sa amin ni poy. pero anong gagawin namin, nangingimi pa ang mga tuhod sa taas ng aming kinatatapakan at sa kembot ng tulay! inilawan kami ng leader ng group nila, iyong nasa unahan. babaeng maikli ang buhok parang lalaki. itinutok niya ang flashlight sa mga kahoy na tinatapakan namin. nanginginig din ang buong tulay, siguro sa dami namin. 6 adults, 2 kids. puta, kapag napigtal ito, di ko alam kung kaya kong maka-survive. una na akong mamamatay. sa takot, hindi sa lunod. naiimadyin ko talaga lahat ng buwaya, nagko-converge sa ilalim ng tulay pag ganong oras: 6:45 pm.
finally, nakatawid kaming lahat! pati ang mga kasabay naming residente. naglakad kami ni poy paahon, palayo sa lugar na iyon. napansin kong makikitid ang mga kalsada ng lugar na iyon, actually, para siyang mga eskinita. pero ang mga narito ay maaliwalas. akyat-baba ang mga daan. aaa... parang daanan ng tubig, na pabago-bago ang isip!
sina dagat at ayin ay paminsan-minsang tumatakbo, paminsan ay kinakarga namin. sa dulo, bago kami lumiko papuntang main road, sa poste ng ilaw, may apat o limang babaeng nakaupo at sa tapat nila ay balde at palanggana. nagbebenta pala sila ng seafood! may isda, may hipon! parang gusto ni papa p na bumili kaya lang, mahihirapan kaming i-transport iyon. wala kaming maayos na lalagyan. sayang! may isang babaeng nakasakay sa motorsiklo, mukhang isa siya sa buyers ng mga tindera doon.
naglakad kami uli hanggang marating namin ang plaza, kung saan kami sumakay ng tricycle papunta sa paanan ng hanging bridge kanina. doon kami nagtagal nang husto. maliit lang ito at simple pero maganda ang placing ng mga halaman, parang alaga rin ang mga ito. may tagdan at watawat sa gitna ang park, sa kaliwa, estatwa ng dalawang lalaki. ayon sa metal engraving sa baba nito, ang apelyido ng dalawa ay de dios. baka local heroes. sana talaga local heroes at hindi politiko! sa kanan naman ng plaza ay isang historical marker tungkol sa liberation guerillas, mga gerilya na lumaban noong panahon ng hapon at nag-evolve years after.
sa tumbok ng lupang daanan papasok ng parke ay ang malaking bunganga ng isang gym. may naglalaro ng basketball. girls! at mukhang opisyal na competition ito dahil maraming tao sa gym na iyon, may banda pa para mag-cheer sa bawat team at may mga streamer at banner pa ang mga nanonood. ang star player ng isang team ay isang teenager na maganda at rebond ang buhok, na hndi niya tinali or tinirintas gaya ng ibang player na mahaba ang buhok. as in nakalugay ito. noong una, tawang-tawa ako, what an inconvenient way to play basketball. pero later on, nalaman ko, siya pala ay shooter! asset siya ng group. sa saglit na naroon kami, nakadalawang shoot siya, imagine. so, keber sa hair style, di ba? ang basketball skills ay nasa kamay, wala sa buhok.
umupo kami saglit sa bleachers at nakinood sa laban ni miss rebond. enjoy sana kaya lang, si dagat ay kumakawala sa yakap namin at mukhang may balak na manggulo sa pinakagitna ng court. nakakahiya, e dayo lang kami doon. kaya umalis din kami pagkaraan ng halos sampung minuto. namalagi kami sa plaza/park, patakbo-takbo ang mga bata doon, akyat-baba sa mga letters ng letter standee na maragondon. naobserbahan ko ang mga nakatambay sa plaza: mga estudyante na nakasalampak sa lupa (wala nang damuhan), isang pamilya na may mga bata rin sa mesa at mga upuan na gawa sa semento, isang grupo ng mga bading na nagpapraktis ng sayaw sa ilalim ng flag pole, ang isa sa kanila nakapekpek shorts at sa malayo, akala ni papa p ay babaeng long legged, tingin daw siya nang tingin at ang ganda raw kasi ng legs, hahaha! sa labas ng plaza ay nakahilera ang mga trike drivers, nag-aabang sila ng mga magpapahatid sa mga "eskinita" o di kaya ng mga tulad naming luluwas pa nang ganong oras: almost 8pm. may angel's burger, minute burger, frank burger, chooks to go, 711 at alfamart. sabi ni papa p, anong gusto mo, angel's burger o minute burger, ililibre kita.
di ako maka-decide. feeling ko kasi, dapat sa maayos na kainan kami kumain para puwedeng mag-cr o maghugas ng kamay. so naghanap kami ng makakainan after 30 minutes. wala, naglakad kami nang naglakad palayo sa sentro (sa plaza), hanggang sa nakakita kami ng ihawan na akala namin ay may mga mesa para sa dining customer, wala pala, hahaha, so nagtanong na lang kami doon ng masasakyan pabalik ng bacoor. maglakad daw kami pakanan at may gas station, doon kami makakasakay paluwas ng bacoor. may bus pa raw nang ganoong oras.
yes, wala na kaming balak kumain. dahil sa area na iyon, nakakatakot na ang mga sasakyan: mabibilis na!
on the way sa gas station,nakakita kami ng groserya, ang pangalan ay pure mart. baka anak ito ng puregold jr. na anak naman ng puregold, ahahaha! nagkaapo na si puregold? sa tapat nito ay olarte pizza. nag-order kami doon. tapos nakakita din ako ng lugawan: mhie at dhie ang pangalan. pumasok agad ako rito, isang lalaking maraming tattoo ang nag-serve sa amin nang umorder ako ng isang lugaw na plain, kinse pesos, at tokwa, ten pesos. akala ko ay kakainin ni dagat dahil paborito niya ang lugaw, hindi pala. nako nakakainis. pero nakaupo kami doon kaya napahinga nang kaunti. si papa p ay binalikan ang pizza sa olarte at doon na rin namin kinain ito, sa may lugawan. minadali ko na rin ang pagkain ko sa tokwa. ang lugaw ay ipinabalot ko rin eventually dahil hindi nga ito kinain ni dagat. in between ay nagsasalitan kami ni papa p sa pagsaway kay dagat kasi buryong na ito, labas na nang labas ng lugawan samantalang napakaraming sasakyan na dumadaan, nakakatakot. si ayin ay enjoy lang sa pagkain ng pizza habang karga ni papa p. siguro na-curious sa amin si kuyang may tattoo, tinanong niya kung tagasaan kami, at nang malaman niyang sa bacoor, sabi niya, tumutugtog daw siya doon, sa may bayanan. percussionist pala si kuya, drummer, sa live band at sa mosiko. wow, natuwa ako. artist pala si kuya. na nagtitinda ng lugaw. mukahng business nila ang lugawan na iyon. sayang at wala ako sa huwisyong makipagkuwentuhan dahil nanghihila na si dagat palabas, papunta sa bangketa. sabi pa ni kuya, sa isang araw daw ay tutugtog sila sa silang. sabi ko, friend niya ang vice mayor doon, sabay turo kay papa p. napatingin lang sa akin si papa p. e wala na kasi akong masabi. lately, medyo disappointed siya kay aidel, kung kailan daw naging politiko ng silang, saka nawala ang advocacy para sa panitikan at local culture. sabi ni kuyang may tattoo, dapat may sasakyan na kayo. sabi ko, ewan ko nga diyan, ayaw mag-aral mag-drive. kung alam lang ni kuya kung gaano ako ka-frustrated sa area na iyan, baka maawa siya sa akin. sabi ni kuya, ano raw ang ginawa namin sa maragondon, sagot namin, wala, namasyal lang. natatawa siya sa amin.
i know weird at baka nga maisip din niya na masasamang loob kami. may bagong motorsiklo kasi na nakaparada sa tapat ng lugawan niya. mukhang kanya iyon. doon siya tumapat habang nakikipag-usap siya sa amin. nang mag-order ako ng softdrinks, sabi niya, ay wala, walang delivery. pero later on, naisip ko, baka ayaw lang niyang kumuha ng softdrinks sa loob ng eatery niya dahil maiiwan mag-isa ang tindahan niya at motorsiklo.
well, what do you know, sino nga ba ang di magdududa sa mga turistang lunes ng gabi kung mamasyal sa maragondon? may bitbit pang tsikiting. baka akala ni kuya ay props lang namin ang mga ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment