Saturday, January 26, 2019
Ang Volunteer (Sanaysay)
ni Beverly Siy
Volunteer din ako noong Grade 6 ako sa library ng PCU Union Elementary School. Nagwawalis ako sa library, nag-aayos ng mga upuan at nagsosoli ng mga libro sa shelves pagkatapos ng klase. Hindi ako nagmamadaling makauwi dahil wala namang nagpapauwi sa akin, wala ring naghihintay na magulang. Walang magagalit. Wala ang nanay ko sa bahay ng tatay ko kasi hiwalay na sila noon, away sila nang away. Wala rin lagi ang tatay ko, nagbabarkada at nililigawan na ang babaeng magiging stepmother ko eventually.
Matandang babae ang librarian, sayang at di ko maalala ang pangalan niya ngayon. Siya ay payat at maliit, kaunti lang ang tangkad sa 11-year-old kong height. Dahil siguro sa sipag ko sa library ay inalok niya akong maging miyembro ng book club. Meron pala no'n. Siyempre, oo agad ako. Ang ibang members ay malulusog na bata, bilugan ang mga braso, at laging may sapin na lampin sa likuran, may dalang Coleman at baunan na inihanda ng kanilang yaya o magulang.
Isang beses ay pinag-storytell kami ng librarian sa mga kaeskuwela naming mas bata sa amin. Naroon din ang ilang mga guro. Nauna ako. Ang ikinuwento ko ay alamat ng bayabas. Walang libro, ang visual aids ko ay sarili kong mga drowing sa bond paper. Na puro stick figures. Pahiyang-pahiya ang adviser ko noon, si Mam Valenzona. Ampapangit daw ng drowing ko, sabi niya sa harapan, hindi raw dapat ganoon. Halatang hindi raw ako naghanda. Aba, best effort ko na kaya iyon. Nang mag-storytell si Ruth, isa ring book club member, pinuri niya ito. Sa harapan din. Ang ganda naman kasi ng mga drowing ni Ruth, may kulay pa, at ang tataba ng tauhan, katulad niyang malusog ding bata.
Nalungkot ako nang hapon na iyon, at nandoon uli ako sa library, nagwawalis, nag-aayos ng upuan, nagsosoli ng mga libro sa shelves. Maya-maya, lumapit sa akin ang aming librarian. May ikinabit siya na pin sa kuwelyo ng uniporme ko. Nalimutan ko na kung ano ang itsura ng pin, pero di ko malilimutan ang kulay nito: ginto. Sabi niya, Beverly, alam mo ba, ikaw ang pinakamahusay na miyembro ng book club natin.
Mula noon, tuwing umaga, pagkahipo ko ng pin sa aking kuwelyo, ganado akong lalabas ng pinto. Kasehodang walang almusal o walang magulang na nag-aasikaso, papasok at papasok ako. Kasi alam kong may naghihintay sa akin sa library: ang walis, ang upuan, ang libro, at ang mabait na nanay ng mga ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment