Saturday, June 10, 2017

Good points at Bad points- Wonder Woman

Gandang-ganda ako sa pelikulang Wonder Woman (WW). Napanood namin ito kagabi ni EJ.

Good points:

1. Ang perfect ng role para kay Gal GAdot, ang babaeng gumanap bilang Wonder Woman. Ang pretty niya, hindi nakakasawang panoorin sa big screen. Ang tangkad niya, ang sexy niya at sapat lang ang arte. Hindi mahusay na mahusay, ala-Nora Aunor ang acting at ang mga mata, pero ok lang kasi ‘yong genre ng pelikula, action-fantasy, hindi naman nangangailangan ng La Aunor kind of acting. So, para sa akin, sakto lang ang acting ni Gal. I also think na sakto lang din ang tunay na edad ni Gal sa kanyang role. Maiinggit siguro ako kung ang ikinast bilang WW ay mas bata. Itong si Gal ay 32 years old! Malapit sa edad ko, 33! Joke, 37 na ako, pero ayun nga, malapit pa rin, hindi ba?

2. Ang aastig ng action scenes, lalo na iyong mga bahagi na may mga slow motion. Hyper ang puso ko sa tuwing may sasagupain na kalaban si WW. Ang ganda rin ng mga anggulo, they really helped make her stronger, faster, more strategic sa kanyang pakikipaglaban. In short, mahusay ang direction. Congratulations sa director na si Patty Jenkins!

3. Nagustuhan ko na may love interest si WW. Ito ang aktor na si Chris Pine na gumanap bilang Capt. Steve Trevor. Ang real ni WW, naiinlab! Tulad ko, tulad mo, tulad nating lahat. At siyempre, nakikipaglandian. E, bakit ba, nataypan naman niya si Capt. Steve, e di go. Single naman silang pareho. Sa pelikulang ito, kahit gaano ka-super galing ang isang babae, ina-acknowledge na kailangan din ng lalaki bilang ka-equal. E, ang mga lalaki, kapag gumagawa ng pelikulang tungkol sa mga bayani, akala mo, e walang strong women sa buhay nila. At kung meron man, laging ka-sex lang ang role nito. O inspirasyon (kung ina ang supporting woman sa pelikula). Tse! Sa totoong buhay, hindi lang kami ka-sex, ‘no? At hindi lang kami inspirasyon. Sa totoong buhay, nagsu-supply at nag-e-enhance ng ideya ang mga babae sa bidang lalaki. Aminin.

4. Natuwa rin ako sa pagkaka-develop ng love story nina WW at Capt. Steve sa gitna ng digma. Logical na ma-in love sila sa isa’t isa, bukod sa ke ganda’t pogi nila, haha. Marami silang bonding moment (sa bath area ng mga Amazon, sa boat mula Themyscira patungong war zone, sa UK, sa mismong war zone, sa village, na kalaunan ay sinalanta ng German gas). Kung wasak ang kapaligiran, pag-ibig ang isa sa magbibigay ng kaayusan dito. Doon ko naisip na hindi rin talaga malayo na magkaasawahan ang mga tibak na namumundok. Yes, para sa akin, sila ay mga example ng WW at Capt. Steve sa Pilipinas.

5. I love the tiara. May meaning pala iyon. Ang tiara ni WW ay originally pag-aari ng kanyang auntie na si General Antiope. Si Antiope ang pinakamahusay na mandirigma sa Themyscira, ang paraiso ng mga Amazon na siyang lahi nina Antiope at WW. Ito rin ang nag-train kay WW simula pagkabata nito. Namatay na bayani si Antiope nang saluhin niya ang bala na dapat ay para kay WW. Ang tiara ay ipinamana ng nanay ni WW kay WW bago siya pumalaot sa mundo ng karaniwang tao. It’s like saying, may the spirit of the best Amazon be with you always. O, di ba, familiar eksena sa bahay bago tayo umalis? Me pabaon lagi si Nanay na makakatulong sa atin sa matitinding bakbakan sa labas: medalyon na galing kay Lola Lusing o rosaryo ni Auntie Ningning o baunan na binili ni Tatay Marcial o payong galing kay Papa Ronye. Lahat iyan, hindi lang basta medalyon, rosaryo, baunan o payong. Special sila kasi galing iyan kay Nanay, pamana ng kamag-anak, at may pintig ng ating kadugo, may kahulugan sa ating puso.

6. tawa ako nang tawa sa linya ni WW na, we realized that men are necessary for pro-creation but they are not really needed for women to experience pleasure. yeba! you go, baby! haha, anlakas talaga ng tawa ko sa sinehan!

Bad points:

1. Siyempre, sa mga eksena sa war zone, pumapasok sa isip ko ang Marawi. Marami akong kaibigan sa Marawi (na ngayon ay nasa Iligan na) at nakakapag-post sila ng picture ng mga kaibigan nilang di pa nakakalikas sa nasabing siyudad. Tadtad ng bala ang mga pader. May umuusok na kabahayan (dahil binomba ang mga ito). Nagkalat ang armadong kalalakihan. Sa WW, isang babae ang nakayakap sa isang bata, nagsusumbong sila kay WW tungkol sa sarili nilang village. Ang naiisip ko ay ang mga babae ng Marawi at ang kanilang mga anak. Walang masulingan sa gitna ng digma.

2. Ang chemist na nakaimbento ng poisonous gas ay isa ring babae. Si Doctor Maru. Though, nakakatuwa na chemist siya, matalino at determinado, ay evil naman. Ano ba? Sana ginawa na lang siyang lalaki. Wala namang kaso kung lalaki ang chemist na ito. Parang tanga ‘yong gumawa ng kuwento. Hindi pa itinodo ang women empowerment chorva.

3. Ano talaga ang super powers ng kontrabidang si Ares? Mala-Magneto ba na nakakapagmanipula ng metal/bakal? Mala-Night Crawler ba na nakakatagos kung saan-saan? E, parang walang sariling identity ang tao na ito. Ni walang special weapon. Inggitero lang sa human kind.

4. Hindi ko nagustuhan na gumagamit din ng dahas si WW. Para makapunta siya at masagip ang women and children sa village, nakipaglaban siya sa mga sundalong German. Ano kaya iyon, pumatay din siya? What if taga-kabilang panig ng digma si Capt. Steve? E, di mga British na sundalo ang dinahas at pinatay niya? May mali sa aspekto ng pagkatao na ito ni WW. Sana maayos ito ng creators para sa susunod na WW films.

Overall, maganda talaga ang pelikula. 500 stars ang rating ko rito. Panonoorin ko uli siya kasama si Papa P at si Bianca. (Libre naman, thank you sa aming magic sine card, kaya okey lang na magpaulit-ulit.)

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...