ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita
Ang Abril ay idineklara na ng Pamahalaang Aquino bilang Buwan ng Panitikan. Isa sa mga naglunsad ng proyekto para dito ay ang Publicis Jimenez Basic (PJB), isang advertising agency na nakabase sa Makati. Kakaiba ang proyekto at first time kong makaranas ng mga bagay na naranasan ko sa paglahok ko rito.
Poem Calls
Poem Calls ang pangalan ng proyekto. Pag may tumawag sa landline (856-0729) ng PJB, imbes na stored message (“Please hold while I transfer your call.”) o musika ay isang makata at ang kanyang tula ang maririnig. Ang tema ng mga tula ay paghihintay. Iyon kasi ang mangyayari hangga’t walang sumasagot sa taong tumatawag sa PJB.
Para sa Poem Calls, inimbitahan ang higit sa sampung kasapi ng LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino. Ilan sa mga ito ay sina Dr. Michael Coroza, Phillip Kimpo, Jr., Ina Abuan, Noel Fortun, Wei Angeles, RR Cagalingan, Mia Lauengco, James Tana, Ralph Fonte, Dax Cutab at Lee Sepe (na isa ring empleyado ng PJB). Kasama rito siyempre ang tagapagtatag ng LIRA, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio Almario.
Ang Proseso
Sinuyod ng mga taga-PJB, partikular na sina Lee Sepe at Jofer Mijares, ang ilang libro ng tula para maghanap ng mga tulang akma sa tema ng proyekto. Nang matukoy ang mga ito ay kinontak nila isa-isa ang mga makata ng tula para imbitahang magbasa at magrekord ng tula.
Ang kasabay ko sa pagbabasa at recording ay sina Noel Fortun at Dr. Michael Coroza. Sa recording studio ng PJB naganap ito, isang araw ng Abril. Binigyan kami ng kopya ng sarili naming tula at pagkatapos ipaliwanag sa aming muli ang proyekto (ang background, ang layunin, atbp.), hinayaan kami ni Noel na mag-practice sa pagbabasa. (Si Dr. Coroza, dahil malaon nang nagtatanghal ng tula sa publiko, ay di na kinailangang mag-practice! Nakadalawang take lang ito, grabe! Samantalang kami ni Noel ay magdadalawampung take na ay hindi pa rin nakakaperpekto.)
Ang Aking Tula
Ang tula kong Pakiusap na nalathala sa Lamang, isang chapbook ng LIRA (LIRA at Vibal Publishing, 2010) ang napili nina Lee para sa Poem Calls. Napakalungkot ng tulang ito, hango kasi sa isang napakalungkot din namang karanasan sa pag-ibig. Ang persona ng tula ay nakikiusap sa isa pang tao na dalhin ang kalungkutan sa kanyang tahanan. Ipinaliwanag niya sa kausap na pinaghahandaan niya ang pagdating nito at ng kalungkutan. At sa pagtatapos ng tula, hindi na mapipigil ng persona ang sarili. Isisiwalat niya na excuse lang ang kalungkutan, ang totoo, nais niyang makita ang kausap sa tula. Pero hindi maaaring bumisita ang kausap nang hindi makadarama ng kalungkutan ang persona.
Ang Recording
Nahirapan sa akin si Jofer. Ang taas kasi ng energy ko at napakamasiyahin ng aking boses. Hindi bagay sa himig ng aking tula. Kaya nakailang ulit ako sa pagbabasa at pagrerekord sa recording studio nila sa PJB. Pilit kong pinapalungkot ang boses ko. Pinabababa ko rin ang tono pero talagang kaunti lang ang diperensiyang nagawa ko sa napakasigla at natural kong boses. Hindi ko rin mapigil ang magpatawa sa tuwing matatapos ang palpak kong pagbabasa at pagrerekord kaya pag babasa na ako uli at babalik sa pinakaumpisa, masigla na naman at nakangiti ang aking boses.
Isa pang dahilan ng pahirapan na recording ay matured ang persona sa aking tula at ang boses ko raw, ayon kina Jofer at Luke (isang art director ng PJB na nagdodokumento ng proyekto) ay parang boses ng college student.
Mabuti na lamang at mahaba ang pasensiya ng mga taga-PJB sa akin. Nakatatlumpung take yata ako at ako yata ang top 1 sa lahat ng LIRA members.
Top 1 sa pag-uulit-ulit!
May Video Recording pa?
Pagkatapos ng recording ng tula, sumalang naman kami sa video recording. Doon ay pinakilala namin ang mga sarili at hindi ko na rin pinalampas ang pagkakataon, siyempre, nag-promote ako ng ilan sa aking mga aklat.
Naghanda rin ng mga tanong tungkol sa pagsusulat at panitikang Filipino sina Jofer. At isa-isa ulit kaming isinalang sa video recording para sagutin ang mga ito. Ang mga video raw na ito ay ipo-post sa Facebook (https://www.facebook.com/pjbpoemcalls?fref=ts) at Youtube para makatulong sa pagpo-promote ng proyekto at sa panitikang Filipino, in general.
May Take Two Talaga!
Pagkaraan ng ilang araw, nalaman ko na may problema sa nai-record kong tula. Hindi raw talaga ubra ang natural kong pagbabasa kaya sinubukan nilang babaan ang boses ko sa recording gamit ang mga sound machine. Kaya lamang, noong ibinaba nila ang timbre ng aking boses, sabog daw ito kapag pinakikinggan na sa telepono.
Ibig sabihin, kailangan kong ulitin ang pagbabasa ko ng tula sa recording studio!
Nagulat ako nang sabihin sa akin ni Lee kung saan ito gaganapin. Sa isang recording studio na nasa loob ng van! Hindi pa ako nakakapasok sa ganoon. At ang van ay dadalhin ng PJB sa parking lot ng Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City. Hinahabol kasi nila na makapag-record si Sir Almario also known as Rio Alma, at iyon lamang ang kumbinyenteng lugar para dito nang mga panahong iyon. Aba, mainam ngang sumabay na ako para hindi na rin ako magpunta sa malayong kaharian ng Makati.
Kaya noong 21 Abril 2015, muli akong nagbasa at nagrekord ng aking tula. Pagod na pagod na ako nang araw na iyon dahil kay aga ng meeting ko sa Maynila at dumalo ako sa paglulunsad ng aklat ni Sir Rio Alma (sa Maynila rin) at may binayaran akong bill sa Quezon City. Kaya inaasahan kong mababa na ang timbre ng boses ko pagsapit ng gabi sa oras ng recording.
Pero nagkamali ako. Nang makita ko ang van, tuwang-tuwa ako. Ang ganda, ang linis at ang high-tech. Na-excite agad ako. At nang makita ko uli sina Jofer, Lee at ang buong team ng PJB, na-energize ako at nagpatawa na nga nang nagpatawa. Ilang take tuloy ang naganap. Mabuti na lang at medyo natakot ang lalamunan ko nang malaman kong may isa pang makatang magrerekord pagkatapos ko, si Ina Abuan, at magrerekord din ng pagpapakilala ng sarili si Sir Rio Alma. Umayos na ako at nagbasa nang mas seryoso. Sa wakas ay may bersiyon ng aking tula ang nagustuhan si Jofer.
Paglulunsad at Pasasalamat
Ang proyekto ay pormal na inilunsad noong 8 Mayo 2015 sa Revolver Office, 3F The Fort Pointe Building, The Fort Square, 7th Avenue, BGC, Taguig. Pinamagatan itong Poem Calls Gabi ng mga Tala at Tula Kulminasyon ng PJB Poem Calls para sa Buwan ng Panitikang Filipino. Nagkaroon ng poetry reading (na para bang hindi pa sawa ang mga taga-PJB sa karirinig sa aming mga tula) at art exhibit. Ang mga idinispley ay likhang-biswal ng mga creative director at art director ng PJB na nagtatampok pa rin sa mga tula. Para sa Pakiusap, ang artist ay si Jeffrey Thomas, isa sa art directors ng PJB. Sayang at hindi ko siya nakilala nang personal dahil wala siya sa Revolver. Tulad ng tula, malungkot ang himig ng artwork. Buti na lang, may slice ng dilaw na matatagpuan dito. Sunshine!
Ang saya ng gabi at naparakaming pagkain. Pinakapaborito ko ang ginataan, nakadalawang mangkok ako. Naghandog ng tula ang mga taga-LIRA. Nagbalagtasan ang Balagstars na sina Dax Cutab, Ralph Fonte at RR Cagalingan. Nang open mic session na, bumigkas din ng tula ang mga taga-PJB. Kasama ko ang asawa kong si Ronald Verzo II at bumigkas din siya ng tula mula sa aklat na Pesoa.
Pero ang pinakapaborito ko nang gabing iyon ay si Gng. Jeanette Coroza, isang principal sa public high school sa Pateros at maybahay ni Dr. Coroza. Lagi kong nakakasama si Mam sa mga pampanitikang okasyon pero first time ko siyang marinig na tumula. Malinaw at mariin niyang binigkas (saulado niya!) ang napakasikat na tulang Putol ni Dr. Coroza.
Nang gabi ring iyon ay iniuwi ng mga makata ang artwork na kinatatampukan ng kanilang tula. Ito ang pasasalamat na iginawad ng PJB sa mga makata ng LIRA.
Isang karangalan ang mapasama sa proyektong ito, isang malikhaing paraan para makatulong sa pagpapalaganap ng panitikang Filipino partikular na ng mga tula. Matagal na akong naniniwala na ang tula ay hindi dapat ikinukulong sa aklat. Dito pala dapat: sa telepono!
Maraming salamat, PJB, lalo na kina Lee, Jofer, Luke, Jeffrey at sa lahat ng sumuporta sa Poem Calls. Sana ay maraming makata ang ma-inspire sa ating ginawa. Sana ay ma-inspire din ang mga kababayan natin na mag-isip pa nang mag-isip ng mga paraan para makapag-promote ng sarili nating panitikan.
Tawag na!
Kung interesado kayong makarinig ng mga tula tungkol sa paghihintay, tawag na sa 856-0729. Yes, libre ito!
Para sa tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment