Saturday, May 2, 2015

Ilang Tala sa Isang Munting Patimpalak sa Pagsulat ng Nobela


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan sa Cavite, ang Perlas ng Silangan Balita

Napili akong maging hurado sa Royal Rumble Finale, isang patimpalak sa pagsulat ng nobela sa Wattpad. Sa totoo lang, curious talaga akong makabasa ng mga akda sa Wattpad. Ang problema’y di ako marunong masyado sa computer at internet kaya di pa ako nakakapasok sa Wattpad. Isa pa lang ang nababasa ko mula sa website na iyan at ito ay nasa anyo na ng libro, ang libro ay ang She’s Dating a Gangster ni Bianca Bernardino.
Kaya’t napakasaya ko nang dumating sa akin ang imbitasyon para sa Royal Rumble Finale mula kay Bb. Sharmaine Lasar. Heto na, makakabasa na rin ako ng mas marami pa. Kaya lang, tatatlo ang entries na nakapasok sa patimpalak. Palagay ko, ito ay dahil sa tatlong factors: medyo mataas din ang hinihinging number of words ng patimpalak (15,000 hanggang 20,000), ispesipiko ang tema (pagkakaibigan), at ang genre ay ispesipiko rin (misteryo).

Narito ang obserbasyon ko sa tatlong nobelang kalahok:

Magagandang puntos muna:

1. Buo ang kuwento.

Tuwang-tuwa ako dahil malinaw ang simula, gitna at wakas ng kuwento sa nobela. Naroon ang pagresolba sa mga inihaing problema at misteryo. Kumbaga, may focus ang mga manunulat sa kani-kanilang kuwento. Hindi nila ito pinabayaan.

Minsan kasi, may tendency ang kabataan o baguhang manunulat na magpa-impress sa mambabasa. Minsan, nasosobrahan sila sa eksperimentasyon sa wika, sa storytelling, sa balangkas ng nobela, at iba pa. Minsan ay nagdudulot tuloy ito ng pagkabansot ng mismong kuwento. Importante pa naman ang maayos na kuwento.

2. Maayos ang grammar.

Hindi ko inaasahan ito, to be honest. Dahil iyan sa karanasan ko with She's Dating a Gangster. Terible ang basics ng nobelang iyon. Ang spelling, ang grammar, ang mga bantas, ang paggamit ng malaki at maliit na titik? Ang sama. Gustong-gusto ko nga i-edit at i-proofread habang binabasa ko ang bawat pahina ng librong iyon.

Akala ko tuloy, lahat ng nasa Wattpad, ganon din. Walang paki sa basics ng pagsusulat.

Nagkamali ako.

Dalawa sa tatlong entries ang nakasulat sa Ingles. Hindi man perpektong-perpekto, masasabi kong disente naman ang level ng grammar ng mga ito. Hindi ito kasingterible ng mga sulatin ng karaniwang college students sa subject nila sa English.

Ang tanging lahok na nasa wikang Filipino ay maayos din ang grammar.

Kaya naging masaya ang karanasan ko sa pagbabasa ng tatlong nobela, hindi bumpy road tulad ng nadaanan ko sa She's Dating a Gangster.

3. Nagpapakita ng ibang setting (lugar at lipunan)

Dalawa ang mukha ng katangiang ito. Ang isa ay okey, ang isa ay hindi. Doon muna tayo sa okey.

Dalawa sa tatlong nobelang kalahok sa patimpalak ay sa ibang bansa ang setting. Kung hindi pa nakakarating ang mga manunulat ng dalawang nobelang ito sa bansa kung saan naganap ang kanilang mga kuwento, aba’y napakatapang nila. Para sa akin, mahirap at risky ang magsulat tungkol sa mga bagay na hindi mo pa nararanasan. Mahirap dahil kailangan ng extensive na research para maidetalye ang setting (at siyempre, ang mga tauhan) na iyon sa nobela. Risky dahil posibleng bitawan ng mambabasa ang nobela kapag naramdaman nilang kulang sa authenticity ang kanilang binabasa. Sumusugal ang manunulat kapag nagsusulat siya tungkol sa mga hindi pa niya naranasan, narating, nakita, naamoy, nakilala, nakasalamuha.

Sa tapang ng mga manunulat ng dalawang nobelang ito, saludo ako.

Magawi naman tayo doon sa hindi magagandang puntos:

1. Sobra ang tauhan.

Dalawa sa tatlong nobela ang nagtataglay ng sobrang tauhan. Siguro ay dahil sa tema: friendship. Ang isang nobela ay tungkol sa magbabarkada. Ang isa pang nobela ay tungkol sa mga teenager na may iisang common friend na nagpakamatay. Palagay ko ay maaari pang bawasan ang mga tauhan sa dalawang nobelang ito at mapapalitaw pa rin ang temang pagkakaibigan.

Minsan kasi, nakakalito rin kung marami ang tauhan sa isang kuwento. Lalo na kung pare-pareho ang wika at paraan ng pag-iisip ng mga ito. Ang tendency ay nawawalan ng identity ang bawat tauhan, at hindi sila dumidikit sa memory ng mambabasa. At kapag ang isang tauhan ay hindi maalala ng mambabasa, posibleng hindi makaka-relate ang mambabasa o di kaya’y mawawalan na ng pakialam ang mambabasa sa tauhan na iyon. Kung ganon ang mangyayari, bakit isasama pa ang tauhang ito sa nobela?

2. Nagpapakita ng ibang setting (lugar at lipunan)

Tulad ng sinabi ko kanina, may good point at may bad point ang katangian na ito. Punta na tayo sa bad point.

Palagay ko ay nagkulang sa pananaliksik ang mga manunulat ng dalawang nobelang ang setting ay ibang bansa.

Hindi ko masyadong maramdaman ang lugar sa dalawang nobelang ang setting ay ibang bansa. Kinailangan pang banggitin ng mga nobelista ang aktuwal na lugar para mapapaniwala akong sa ibang bansa nga naganap ang mga kuwento. Clue din ang mga pangalan ng mga tauhan, dahil puro mga banyaga ito. Hindi rin sapat sa akin ang mga pagbanggit-banggit ng oak tree dahil wala naman masyadong significance ang pagiging oak ng puno na binanggit sa isang kalahok na nobela.

Pero kulang pa rin ang mga ito. Hindi makatagos sa pahina ang mga pangalan na ito. Gusto ko ng mas sensory na bagay para maramdaman ko ang setting.

Pagdating naman sa mga tauhan o mga tao sa banyagang lipunan na nabanggit sa dalawang nobelang kalahok, nakukulangan din ako. Halimbawa nito ay ang sa paraan ng pag-iimbestiga ng mga pulis at detective sa naganap na trahedya. Batay sa mga nababasa kong libro at napapanood kong pelikula sa ilalim ng mystery/suspense genre, malupit mag-imbestiga at mag-isip ang mga imbestigador lalo na sa Western na bansa. Ultimo buhok sa scene of the crime ay natatagpuan at pinupulot nila gamit ang tiyani at isinisilid nila ang mga ito sa zip lock na bag. Ganon sila kametikuloso. Dito sa dalawang nobelang kalahok, hindi ko nakita ang ganitong katangian ng kapulisan at mga detektib. Pati ang inilarawang uri ng paglilitis, di ako masyadong nakumbinsi na ganoon nga ang paglilitis sa ibang bansa.

Kaya umangat nang bongga ang nobelang nakasulat sa wikang Filipino at ang setting ay Pilipinas. Very realistic ang mga sitwasyon, ang wika, ang mga lugar at mga tauhan. Palagay ko ay dahil hindi nangangapa sa dilim ang manunulat nang isulat niya ang nobelang ito. (Ito nga pala ang pinili ko para sa First Place!)

3. Ang iniisip na market ay foreign readers.

Dahil dalawa sa tatlong lahok ay nakasulat sa Ingles at sa ibang bansa ang setting, napaisip tuloy ako kung sino ba ang naiisip ng mga nobelistang ito na mambabasa ng kanilang akda.

Sino pa e, di mga mambabasa mula sa ibang bansa!

Wala namang problema sa akin kung ang mga ito ang target market ng isang Filipinong writer. Ang problemang nakikita ko ay baka mahirapan itong makasingit sa hanay ng mga writer na mula sa ibang bansa at nagsusulat ng katulad na genre. Siyempre, pagdating sa authenticity at detalye ng mga setting, tauhan, lipunan, talong-talo ang mga Filipino writer. E, bakit hindi na lang magsulat ang mga Filipino ng ganitong genre sa wikang Ingles na nakabatay sa sariling lugar at lipunan?

Dahil palagay ko, ang mambabasa mula sa ibang bansa ay naku-curious din sa mga akda sa gusto nilang genre (halimbawa nga ay mystery) pero mula sa ibang kultura at tungkol sa ibang lipunan. Palagay ko, ito ay lehitimong pinto para makapasok ang nobelang gawa ng Filipino sa target market niyang mula sa ibang bansa.

4. Maraming bahagi ang masasabing nasa redundancy department of redundancy.

Hindi ko alam kung dahil ba ito sa minimum number of words na kailangang maabot ng isang kalahok na manunulat, pero napansin ko talaga na maraming salita at pangungusap ang hindi na kailangan pang sabihin dahil nasabi na ang mga ito sa mas maagang bahagi ng mga nobela.

Napansin ko rin na madalas na inilalarawan ng manunulat ang paraan ng pagsasalita at ang itsura ng mga tauhan sa tuwing ito ay magsasalita. Palagay ko ay puwede pang ma-minimize ito lalo na kung nagsasagutan na ang mga tauhan. Hahaba nang hahaba ang bawat talata pag may kasunod na paglalarawan sa tuwing bubuka ang bibig ng mga tauhan!

Ang mahusay na manunulat ay matipid sa salita. Dahil ang bawat salita ay angkop na angkop sa isang sitwasyon. Kumbaga, hindi na kailangan pa ng palabok at pag-uulit-ulit. Pampahaba lang ang mga iyon!

Dito ko na muna tatapusin ang ilang tala tungkol sa patimpalak na aking nilahukan bilang hurado. Ikinararangal ko ang maging bahagi ng proyektong ito dahil ito ay nag-eengganyo sa kabataang manunulat na paghusayan pa ang kanilang pagsusulat. Ineengganyo rin ng proyektong ito ang produksiyon ng mga bagong akda sa ating bansa.

Salamat kay Sharmaine Lasar at sa mga kasama niyang organizers. Nawa ay dumami pa ang tulad nila. Mabuhay at padayon!

Para sa panitikan, para sa bayan.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

No comments:

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...