Saturday, May 23, 2015
Kuwentong Pambata, Gawa ng Bata, Para sa Isang Bata
ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa pahayagang Perlas ng Silangan Balita
Idinaos noong 19 Mayo 2015 ang Story Writing at Book Making Workshop na pinamagatang Kuwentong Pambata, Gawa ng Bata, Para sa Isang Bata sa Uno Morato Book Shop, E. Rodriguez Ave. cor. Tomas Morato St., Quezon City. Ito ay dinaluhan ng siyam na participant at lahat ay nakatapos ng isang librong may sarili nilang kuwentong pambata.
Halos tatlong oras akong nag-facilitate ng workshop. Sa umpisa ng programa ay nagpasalamat ako (sa ngalan ng mga nag-organisa) sa mga lumahok at sa kanilang pamilya dahil ang pagbabayad nila ng P250 bawat isa ay makakatulong sa medikal na pangangailangan ng isang batang apat na taong gulang, si Carlisle Berma. Si Carlisle ay kasalukuyang nagpapagamot dahil sa brain tumor.
Ang sumunod na naganap ay pagbabahagi ng aking proseso sa pagsusulat ng akdang pambata. Pinakamadali sa akin ang pag-iisip ng tauhan kaya ang aking mga akdang pambata ay kadalasang character-centered. Ikinuwento at ipinakita ko ang ilan kong gawa na nalathala sa Gospel Komiks:
1. si Dada Isda, ang isdang sobrang daldal, miyembro din siya ng choir ng simbahan
2. sina Ate Lab, Ate Lob at Mid, ang magkakapatid na uod
3. si Timon, ang puzzle piece na gustong-gustong maglakwatsa
4. sina JC at Daisy, kambal sila, tsinelas sila ni Jesus
5. sina Tabachinggay, Pompom at Takuchacha, mga panda na nababahala sa food shortage
6. ang mga ice cube at ang sako na si Salvador, nahulog sila sa ice truck
7. ang magbabarkadang saging na laging sunod sa uso ang lifestyle
8. si Poy, ang batang lobo na naghanda sa pagdating ng biyaya pagkatapos niyang magdasal
at marami pang iba.
Pagkatapos nito ay ibinigay ko na ang mga papel na pagsusulatan at pagguguhitan ng mga participant. Ito ang ipinagawa ko:
Page 1: Mag-isip ng tauhan, bigyan ito ng pangalan, iguhit ito, kulayan at isulat sa baba ang pangalan ng tauhan.
Page 2: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa tauhan.
Page 3: Mag-isip ng malupit na problema na kinakaharap ng tauhan. Iguhit ito at kulayan.
Page 4: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa problema.
Page 5: Mag-isip ng hakbang na isinagawa ng tauhan sa problema nito. Iguhit ito at kulayan.
Page 6: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa hakbang.
Page 7: Mag-isip ng ending. Iguhit ito at kulayan.
Page 8: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa ending.
Ang walong pahina na ito ay puwede pang palawakin ng participant kung nanaisin niya. Ito ay backbone na ng isang kuwento: may tauhan, may conflict, may action at may resolution. Konting pino pa ay full blown nang kuwentong pambata!
Pagkatapos ng pagtatrabaho sa walong pahina ay ini-stapler namin ang gilid ng mga ito. Binigyan ko sila ng pre-cut na mga papel na siyang ipinantakip nila sa gilid ng mga pahina. Ito ang nagsilbing spine ng aklat.
Nagbigay uli ako ng isang papel, iyon ang magiging cover ng kanilang aklat. Ipinagawa ko ang mga sumusunod:
Cover page: Isulat nang malaki ang pangalan ng tauhan. Kulayan ito at lagyan ng dekorasyon. Puwede ring iguhit ang setting o lunan kung saan naganap ang kuwentong nilikha. Sa pinakababa ng papel ay isulat ang sariling pangalan.
Inside cover page: Ilagay ang apelyido at ang salitang publishing. Sa baba nito ay isulat ang simbolo ng copyright (©) at ang buong pangalan. (Ipinaliwanag ko nang bahagya ang importansiya ng copyright.) Sa baba nito, isulat ang pangalan ng bansa natin (Filipinas), dahil dito ginawa ang aklat na ito, at ang kasalukuyang taon (2015) para malaman ng mambabasa kung kailan nilathala ang aklat.
Halimbawa: Novicio Publishing
© Malaya Novicio
Filipinas, 2015
Back cover: Gumuhit ng parisukat sa itaas na bahagi ng papel. Sa baba ng parisukat ay ilang pangungusap na naglalarawan sa may akda. Sa parisukat ilalagay ang maliit na picture ng may akda. Dahil wala namang dalang picture ang mga participant, sa bahay na nila ito gagawin. Ang page na ito ay tinatawag na About the Author page.
Halimbawa: Si Althea Jade de Castro ay 8 taong gulang at nakatira sa Tayuman, Maynila. Mahilig siyang magdrowing. Ito ang kanyang unang aklat na pambata.
Inside back cover: Magsulat ng isang pangungusap na pautos. Dapat ay may kinalaman ang utos sa kuwentong isinulat. Itong page na ito ay tatawagin nating activity page.
Halimbawa: Ilista ang mga dapat gawin kapag ikaw ay naligaw.
Nagkaroon kami ng munting graduation. Lahat ng participant ay obligadong magbasa sa harap ng sariling aklat para makuha nila ang kanilang certificate.
Narito ang pangalan at edad ng mga workshop participant, pati ang kanilang mga tauhan at kuwento:
1. Aziel Marie de Guzman, 22 y.o.- Kara Patan, isang aklat na tungkol sa karapatan ng mga bata, hindi siya pinipiling damputin ng mga bata dahil ang gusto ng mga bata ay bola, manika at iba pang laruan.
2. Malaya Novicio, 8 y.o.- Bronie the Book, tungkol din sa isang aklat
3. Kaya Novicio, 9 y.o.- Leni Lapis, isang lapis na nahulog at nadampot ng ibang tao
4. Anib Miguel Tabag, 11 y.o.- Fluffy Fox, isang fox na mabait at napakahilig sa cookies
5. Saniata Tabag, 10 y.o.- Mitten the Plupper, isang pusa na maraming kaibigan
6. Ryle Silagan, 13 y.o.- Paul Lapis, isang lapis na nabali ang lead at to the rescue ang... pantasa siyempre!
7. Kyle Silagan, 12 y.o.- Papa the Paper, isang pad ng papel na naiinis sa mga taong nag-aaksaya ng papel
8. Althea Jade de Castro, 8 y.o.- Lam at Lim, magkaibigan na naligaw sa mga burol at gubat
9. Happy Pamintuan-Jara, 13 y.o.- Ernie The Blue Ball of Yarn, tungkol sa transformation ng yarn patungo sa isa pang anyo
Bago magtapos ang programa, nagbigay ng maikling mensahe si Adam David ng Uno Morato, ang sponsor ng venue. Sabi niya ay nag-umpisa rin siya sa ganitong paraan: paggawa ng mga simpleng aklat at kuwento. Ngayon ay isa na siyang manunulat, book designer at advocate ng independent publishing. Inengganyo niya ang mga participant na lumikha pa nang lumikha ng maraming aklat at kuwento.
Ang workshop ay nakalikom ng P2,250 para sa batang si Carlisle. Inorganisa ito ng Balangay Books at Dagdag Dunong Project sa pakikipagtulungan ng Uno Morato Book Shop para kay Carlisle at sa Berma family.
Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
rights selling webinar of book institute nbdb and bdap
nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...
-
Tinipon nina Ma. Elena Consolacion Tacata at Ma. Lourdes Quinabo Kurso: Bachelor of Secondary Education –Teaching Chinese as a Second La...
-
by Martina Magpusao Herras The Philippine High School for the Arts Creative Nonfiction 3 Half and half (1979-1994) Beverly “Bebang”...
-
yumao na noong nakaraang buwan si genoveva edroza-matute. noong elementary at high school ako, namumutiktik sa mga akda niya ang mga aklat...
No comments:
Post a Comment