Monday, May 4, 2015

Mga Nagwagi sa Book Spine Poetry Contest 2015

Muli akong naimbitahan bilang hurado sa Book Spine Poetry Contest ngayong taon ng The Beacon Academy sa Taguig City. Ang unang beses ay noong 2013 at katambal kong hurado si Ronald V. Verzo II. Lubos akong nagpapasalamat kay Bb. Zarah Gagatiga, ang chief librarian ng TBA, Taguig para sa pagkakataong maging hurado muli.

Ang proseso sa pagbuo ng tula para sa patimpalak na ito ay naiiba dahil ang bawat taludtod ng tula ay pamagat ng isang libro. Ibig sabihin, kailangan munang maghanap ng estudyante ng mga librong may interesanteng pamagat pagkatapos ay isasalansan niya ang mga ito o pagsusunud-sunurin para makalikha ng tula mula sa mga pamagat ng libro. Ang tulang nalilikha sa ganitong paraan ay itinuturing na found poetry.
Ang found poetry ay isang uri ng appropriation sa larangan ng sining. Ina-appropriate mo ang nalikha na para sa sarili mong likha. Para bagang pagbuo ito ng bagong damit gamit ang iba’t ibang damit na yari na.

Sa unang tingin, posibleng hindi seryosohin ang mga makatang gumagawa ng found poetry dahil hindi sila lumilikha ng taludtod mula sa kawalan. Pero minsan, mas mahirap pa nga ito!

Bagama’t nariyan na ang mga taludtod (dahil nga pamagat ito ng mga libro), nakakapiga pa rin ng utak ang pagsasalansan sa mga taludtod para makalikha ng imahen o kaya mabigyang-estruktura ang nais ipahayag. Kailangan din ay lohikal ang malilikhang tula para mas madali itong maunawaan ng mambabasa. Mas mainam din kung nagbabago ang kahulugan ng pamagat ng libro sanhi ng puwesto nito bilang isang taludtod sa tula at sa ipinapahayag ng buong tula.

Dahil dito, saludo ako sa mga lumahok sa Book Spine Poetry Contest 2015. Alam kong mahaba ang panahong iginugol ninyo para makagawa ng tula sa ganitong paraan. At alam ko rin ang libo-libong kombinasyon na inyong sinubukan para lamang makapagluwal ng tula. Huwag sana kayong magsawa. Likha lang nang likha!

Congratulations din sa lahat ng mga nagwagi. Magsilbi sanang inspirasyon ang mga parangal na inyong natanggap para pagbutihin pa ang paglikha ng found poetry at poetry in general.

Narito ang mga napili kong mga tula para sa Top 1, Top 2 at Top 3 at ang citations ko sa mga ito:

Para sa Top 1

Heaven’s war
Of aged angels
By the river
Hallowed
Beautiful chaos
And then everything unraveled.

Unang basa ko pa lang dito ay namangha na ako. Ang ganda ng pagkakasalansan ng mga salita. Para siyang buong tula at hindi nagmula sa mga pamagat ng iba’t ibang libro. Madulas ang transisyon ng taludtod papunta sa susunod na taludtod.

Umangat ang din ang tula na ito sa imahen. Hitik ang tula sa nagsasalungatang ideya at pagbasag sa mga nakasanayang bagay tulad ng: heaven at war (gera sa langit?), aged at angels (matatandang anghel? Hindi ba’t bata ang kadalasang nakikita nating anghel sa mga likhang-sining?) at beautiful at chaos (may kariktan sa kaguluhan?). Sa tatlong taludtod pa lamang na ito ay naipakita ng makata na hindi kailangang tumutugma sa isa’t isa ang kahulugan ng mga salita at kahit ang salimuot ng mga salitang pinagtatambal ay posibleng magluwal ng isang imaheng buong-buo at madaling maunawaan.

Ang naipinta ng mga pamagat na pinili ng makata ay waring panimulang eksena sa isang kapana-panabik na yugto ng kasaysayan ng langit. Ang kati sa isip, hindi ba? Excited ako’t nag-aabang sa mga susunod pang taludtod, sa mga susunod pang mangyayari!

Para sa Top 2

A long way down
Unwind
Unnatural creatures
Outside beauty
The power
The secret
At first sight.

Nagustuhan ko ang tulang ito dahil isa ito sa dadalawang lahok na tungkol sa paglalakbay. At ang pokus ng tulang ito ay ang danas ng pagkamangha sa mga di-pangkaraniwang bagay (o nilalang) sa unang beses na ito ay masilayan. Nasalamin ng tulang ito ang gayong tagpo (The power/ The secret/At first sight).

Nagustuhan ko rin ang highlight ng paglalakbay: ang mga nilalang na di mo mawari. Napakamistikal ng pagkakalarawan sa kanila (Unnatural creatures/ Outside beauty). At para sa akin, matalinong pagpili ito ng itatampok na nilalang, lalo na ngayong naglipana ang mga akda tungkol sa mga mitolohikal na nilalang sa Pilipinas tulad ng aswang, tiyanak, manananggal at iba pa. Ang mga ito ba ang tinutukoy ng makata sa kanyang tula? Mapapaisip tuloy ang mambabasa.

Sang-ayon din ako sa pangkalahatang mensahe ng tula: lumabas ka sa lungga mo, sa teritoryo mo. ‘Wag matakot na maglakbay kahit sa pinakamalalayong lugar. Dahil doon ay napakarami mong matutuklasan, hindi lamang sa lugar, kundi sa paraan kung paano mo tinitingnan ang iyong natatanaw.

Para sa Top 2

Farewell
Unravelling
One day
Piercing the darkness
In the country of men
A lesson before dying
Everything’s eventual.

Ang pinakamagandang katangian ng tulang ito, sa aking palagay, ay ang consistency ng tone. Pansinin ang mga susing salita: farewell, piercing, darkness, dying. Hindi ba’t lahat ito ay negatibo? Pero dahil sa consistency ng tone, ang danas sa pagbabasa ng tula ay nagiging positibo. Lumilinaw kasi ang paksa ng tula: ang pamamaalam at lubos na pagtanggap sa pagiging finite ng buhay.

Oo, walang forever. Pero sabi nga ng tula, huwag tayong matakot. Kalma lang, dahil “everthing’s eventual.”

Para sa Top 3

Killer of men
Big mouth and ugly
Freaky green eyes
Unclean
Unholy
Wicked
Waiting for you.

Napakahusay bilang description ang tulang ito. Matatakot ka sa nilalang na ipinakikilala bilang mamamatay-tao hindi lang dahil sa itsura nito (Big mouth and ugly/Freaky green eyes) kundi maging sa ugali at espiritwal nitong katangian (Unclean/Unholy/Wicked).

Ang big mouth ay maaaring mangahulugan ng pagiging madaldal, maingay, buka nang buka ang bibig dahil sa pagsasalita. Maaari din itong ipakahulugan bilang matakaw, lamon nang lamon, kinakain ang lahat ng makita. Gahaman, sa maikling salita. Ang green eyes naman ay puwedeng ituring na reference sa dayuhan, partikular na sa mga taga-Kanluran. Kaya masasabing ang tulang ito ay isang epektibong babala: may naghihintay sa dilim, mga nilalang na walang sinasanto na maaaring magmalupit sa iyo at magdulot ng kamatayan. Sa anong dahilan? Sa kawalan nito ng kakontentuhan at matinding kagutuman.

Sana ay marami ang ma-inspire na gawin ang patimpalak na ito sa kani-kanilang paaralan, aklatan at komunidad. Para sa panitikan, para sa bayan!

1 comment:

BabyPink said...

Magandang ideya nga ito, Ms. Bebang! Congrats sa mga nagwagi! :-)

rights selling webinar of book institute nbdb and bdap

 nanonood ako ngayon ng recorded webinar tungkol sa rights selling si mam andrea pasion flores ang speaker si ms ani almario ang moderator n...